KABANATA VI: UNANG ANTAS(TAGUAN)

3086 Words
"Huling limang minuto." Pagkasabi ng babae sa mikropono ay napatingin sa kalangitan si Patricia. Sa sobrang kalituhan sa nangyayari ay hindi niya namamalayan na takip silim na pala. Magiging mahirap na rin ito para sa kanya lalo na dagdag pa sa isipin niya ngayon ang kanyang ina na naghihintay sa pag-uwi niya. Biglang umalingawngaw ang kampana nang malakas, kaya dumagdag ang kaba sa dibdib ni Pat. Nakisabay na lang siya sa mga nagtatakbuhan at muli ay may narinig na namang bagong boses na nagsasalita sa likod ng mikropono. "Ang taguan ay isang laro kung saan nilalaro ito ng dalawa o higit pa. Nagsisimula ang laro kapag may naitakda nang taya. Ang taya ay pipikit at bibilang hanggang tatlo o kahit anumang bilang, habang nagtatago naman ang mga hindi taya.." Hindi pa tapos magsalita ang lalaki sa likod ng mikropono ay patuloy pa rin sa pagtakbo at pagsigaw ng mga tao. Iyong iba naman ay pinipilit pumasok sa loob ng mga bahay. May mga guwardiya na ring may dala ng mga armas ang siyang naglalakad-lakad sa gitna ng mga nagkakagulong tao. Lalong naguluhan si Patricia sa pinapaliwanag ng lalaki. Nagiging marahas na rin ang iba kaya't naitutulak na nila ang mga bata at matanda na nasa kanilang likuran upang makapagtago lamang. "Pagkatapos bumilang ang taya, sasabihin niya na handa na siyang maghanap at susubukang hanapin ang mga nakatayong manlalaro.." Napatigil sa pagtakbo si Patricia at inalisa ang sinasabi ng lalaki. Napaisip siya. Anong klaseng pakulo iyon? Kung kailan gabi ay magpapalaro pa ang mga namumuno dito ng taguan. At hindi lang iyon, base sa mga itsura nila kabadong-kabado sila at iyong iba ay nag-iiyak pa. Mukhang hindi lang ito laro katulad ng nasa isip niya. "Upang maging masaya ang ating palaro, magsisimula nang magbilang ang ating mga guwardiya. Kada mahuhuli ng guwardiya ay ilalaban naman ito sa ating mga Quadro. Kung matalo ninyo sila mas mabuti, ngunit kung matalo nila kayo ay ang ulo niyo ang magiging premyo sa kanila. Paano..galingan ninyo!" Lalong bumilis ang t***k ng puso ni Patricia. Hindi niya alam ang kanyang gagawin at patuloy lamang siyang sumasabay sa agos ng mga nagtatakbuhan. Hindi niya maiwasang itanong sa sarili kung seryoso ba ang kanilang ginagawa at kung ito na rin ba ang dulo ng kanyang buhay? Biglang nagising sa ulirat si Patricia nang biglang may humila sa laylayan ng kanyang damit. Wala na siyang magawa kundi mapasunod dito hanggang sa tumakbo ang lalaking may dala ng espada sa isang masikip na eskinita. Napansin niya na hindi naman pala siya hinila. Napasabay lang ang damit niya sa hawakan ng espada ng lalaki. Walang lumalabas sa bibig niyang salita. Kahit takot na takot siya ay patuloy pa rin siyang nagmamasid sa gilid dahil hindi niya alam ay baka may sumalakay sa likuran niya at bigla na lamang siyang pugutan ng ulo. Unti-unti na ring sumasagi sa isipan ni Patricia iyong balita na narinig niya noon. Posibleng ito nga ang dahilan ng pagkapugot ng ulo ng mga tao at dinadala sa sapa ng San Rafael. "Cedrick!" Rinig kong tawag ng isang babae habang tumatangis itong patakbo. Bigla naman siyang hinila nang lalaking kaharapan ni Patricia kaya nabigla ang babae. "Asan sina Jay at Cris? Si Melody?" sunod-sunod na tanong nang lalaki. Napasandal na lang din ang babaeng katabi nito sa pader at gulat na hinarap si Patricia. "Sino siya?" tanong ng babae. "Hindi ko alam. Hindi ko nga rin alam bakit napasama siya sa atin," bulong naman ng lalaki na nagngangalang Cedrick. Pero ang bulong na ito, sapat na para klarong marinig ni Patricia. "P..pasensya na po kayo. Hindi ko ninais mapasama. S..sumabit lang ang damit ko...diyan." Pautal-utal na tugon ni Patricia. Tinuro rin niya ang hawakan ng maliit na espada. Patulis iyon kaya nabutas din ang kanyang t-shirt. "Ah gano'n ba? Wala ka bang kasama? Sundan mo na sila." Sa tono ng pananalita ni Cedrick ay parang pinapaalis na nito kaagad ang dalaga. Sa isip-isip kasi nito ay baka maging pabigat lamang siya sa kanila, ngunit hinadlangan naman siya ng babae. "Hindi." Umiling-iling ito. Huwag kang maniwala diyan. Sumama ka na sa amin," wika ng babae. Sa loob-loob ni Patricia ay tuwang-tuwa siya dahil may kasama na siya at sasagot sa lahat ng katanungan niya, pero nang magtatanong na sana kung anong nangyayari sa kanila ay may biglang dumating. "Halina kayo! May nahanap na kaming bahay!" sigaw ng lalaki na may kasama sa kanyang likuran. Bale dalawang lalaki at isang babae. Nakasuot sila ng itim na damit pati pambaba ay itim rin. May kani-kaniya silang dalang mga armas. "Tara na!" mabilis na sabi ni Cedrick saka lumabas na sila sa makitid na eskinita at isinama si Patricia. "Sino ba 'yan?" bulong ng lalaki sa kay Cedrick. "Ewan ko. Basta mamaya na natin pag-usapan. Nasaan ba ang nahanap ninyo?" tanong nito. Parang si Cedrick pala ang pinaka boss nila rito. Swerte na rin si Patricia kahit papaano dahil hindi na siya mag-iisa. Malalaman na rin niya kung ano ang nangyayari sa kanila. "Buti na lang mabilis kayong nakahanap. Hindi kami ligtas sa lugar na 'yon," ani Cedrick habang mabilis pa rin kaming tumatakbo. "Syempre! Si Melody ba naman ang tagahanap namin. Anim ba naman ang mata niyan!" wika ng isang babae. Siguro ito 'yung tinatawag nila kanina na Melody. "Halina kayo! Huwag na tayong maglayo-layo. Lalo ka na Jay, dalawang daan na lang ang puntos mo," sigaw ni Cedrick kaya napalingon sila sa likuran. 'Yung lalaking kasabayan kong tumakbo. Wala lang itong reaksyon pagkasabi sa kanya niyon. Biglang lumiko ang grupo ni Cedrick kaya sinundan namin ito. Sa isang makipot na daan sila dumaan. Wala nang katao-tao roon, dahil siguro nakatago na rin sila sa mga bahay-bahay. Mabilis na sinipa ng lalaki ang pinto ng bahay at bumukas ito. "Halikayo! Bago pa tayo maabutan!" sigaw niya at mabilis kaming pumasok sa loob. Pagpasok nina Patricia sa bahay ay nagpalinga-linga siya ng tingin. Pansin kasi niya rito ay tanging maliit na espasyo lamang na sapat para sa kanilang anim. Ni walang kagamit-gamit ang bahay. Wala ring lababo o palikuran rito. Paano ito matatawag na bahay. "May tao! Huwag kayo maingay," bulong ng lalaki na nakasilip pala sa butas ng pinto. Biglang tumahimik ang paligid nang marinig nila ang yabag ng malalaking tao. Walang ideya si Patricia kung ano 'yon, pero muli ay hindi niya binalak magsalita. Nang makalampas na ang malalaking yabag, napaupo ang lalako at hinarap si Patricia. Takot at pangamba naman ang isinukli ng dalaga rito. "Anong pangalan mo?" sigang tanong ng lalaki na nakataas ang kanyang puting buhok habang may hawak na kadena sa kanyang kabilang kamay. "A..ako si Patricia," nahihiyang sagot ni Pat. "Bakit ka napunta rito? Alam mo naman delikado rito diba?" medyo napataas ang boses Cedrick habang nagtatanong, pero kaagad siyang binawalan ng babae na nakasama nila kanina. "Ah..Huwag kang makinig sa mga 'yan. Ako nga pala si Lyka." Inilahad nito ang kanyang kamay, kaya umayos ng upo si Pat at tinanggap ito. "Ako si Patricia." Binaling naman ang tingin ni Lyka sa mga kasamahan. " Siya pala si Cedrick. Ang masungit naming Leader. Siya naman si Cris.." Turo niya sa lalaking may mahabang bangs at tahimik lang sa isang tabi. "Ang snobber ng grupo." "Siya si Jay." Turo niya sa lalaking puti ang buhok. Napatango na lang si Pat nang malaman ang pangalan ng lalaking magsisimula na niyang kainisan. "Ang pinakamayabang sa grupo," dagdag pa ni Lyka. "Ako naman si Melody," sabat ng isang babae na kasing kapal ng buhok niya ang lente ng kanyang salamin. Lumapit ito kay Patricia at kinamayan ito. Napakagaan ng awra ni Melody kaya napangiti ng bahagya si Pat. Nagtataka lang siya sa kabilang banda kung ano 'yung klase ng cellphone na hawak niya. Parang hindi iyon pangkaraniwan. "Siya ang pinaka genius sa grupo," ani Lyka. Itatanong pa sana ni Pat kay Melody kung ano iyong hawak niya pero bigla na namang nagsalita si Lyka. "At syempre! Lyka ang pinaka maganda sa grupo," sabay hawi ng dalaga sa kanyang maliit at kulang gintong buhok. "Ngayon, napakilala ko na sa'yo lahat ng pmmga pangalan namin. Ikaw naman ang magpaliwanag kung bakit ka narito," seryosong tanong ni Lyka. Humugot muna ng lakas ng loob si Patricia saka umupo ng maayos at tumingin sakanila. "Mayroon kasing bumili sa amin na isang matanda. Sampung libo lahat ng pinamili niya kaya napilitan akong ihatid 'yon dito. Tsaka.. kapos kami ngayon," mahinang paliwanag ni Pat. "Pagkarating ko rito, hinanap ko na kaagad siya kaya nung nakita ko siya, ihahatid na rin sana namin 'yung pinamili niya sa bahay nila. Kaso.." Biglang napatigil sa pagkwento si Pat at naalala na naman ang nangyari sa kanya kanina. "Kaso?" tanong ni Lyka. "Kaso iniligaw nila ako. Bumalik ako sa pinakasimula, kaso anong oras na no'n tapos nagsimula na rin magsalita ang babae sa mikropono kaya kinabahan ako." "Alam mo ba ang mangyayari sa'yo sa lugar na ito?" Sa unang pagkakataon, narinig niya ang mala Adonis na boses ni Cris. Tumayo na rin ito ng tuwid habang nakapakrus ang kamay. Gumarap siya kay Pat at seryosong tumingin. "Bakit pagdating sa pera, andali ninyong masilaw?" tanong nito kaya napatingin ang lahat sa kanya. Bigla namang sinuntok ni Lyka ang paanan ni Cris pero hindi ito nagpatinag. "Para sa pera, ibubuwis mo ang buhay mo? Napakawalang kwenta.." "Hindi totoo 'yan!" Hindi na makapagtimpi si Pat kaya bigla itong tumayo habang tiim bagang na tinitingnan si Cris. "Hindi mo alam ang pinagdadaan namin ng inay ko! Kaya wala kang karapatan husgahan ako!" May diin sa bawat sinasabi nito, ngunit ang lalaki ay wala man lang ginawang aksyon. Bagkus tumawa pa siya ng impit. "Sus. Ganyan na ganyan ang sinasabi ng mga taong nagpupunta dito. Sabi pa nga nung una gusto lang niyang i-cover sa balita ang nangyayari sa Sta. Ignacia,pero ngayon tingnan mo ulo na niya ang na-cover sa balita." "Cris tama na nga 'yan!" pagbabawal ni Melody sa kanya. Tinapunan lang niya ito ng tingin at muling tinitigan si Pat na ngayon ay bakas na sa mukha nito at pagkatakot. Dagdag pa nang marinig ang nangyari sa reporter. Ibig sabihin, iyong ulo na nakuha sa San Rafael, ulo iyon ng binabanggit niya. "Huwag na nga kayong mag-away! Basta ang mahalaga, walang maghihiwa-hiwalay. Kailangan panatilihin ang dalawang daang puntos hanggang mag-umaga!" paliwanag ni Cedrick na nakapamulsa at nakasandal sa pader. Litong-litong tiningnan ni Pat si Lyka at nanghihingi ng sagot sa mga narinig niya. "Sa mundong ito, ang puntos sa ating mga kamay ang atin nang buhay." Pinakita ni Lyka ang tatlong bar na nasa kanyang braso. Kulay itim ang pagkakaguhit nito. "Kapag napuruhan ka ng mga kalaban mo o sa kasamaang palad ay mapatay ka nila, mapupunta na sa kalaban ang puntos mo. Ikaw naman ay maglalaho na lamang na parang itim na alikabok," malungkot niyang saad. "A..ano? Anong ibig mong sabihin? Ano ang pinagsasabi mo? Wala akong maintindihan!" tanong ni Patricia. "Tumahimik!" Sigaw naman ni Jay kaya napatingin silang dalawa ni Lyka sa pwesto niya. "Hindi nakakatulong ang pag-iingay ninyong dalawa diyan! Tsaka ikaw baguhan, sana inalam mo muna ang pinasok mo, bago ka sugod ng sugod sa lugar na ito. Kung kami gusto na naming umalis, ikaw para sa pera isusugal mo pa ang buhay mo." Seryoso ang pagkasabi sa kanya no'n ni Jay kaya natahimik si Pat. Ngayon lang pumapasok sa isip niya ang kanyang mga ginawa. Totoo kayang hanggang dito na lang ang hangganan niya? Hindi!Malakas ang paninindigan ni Patricia na makakaalis siya rito ng buhay at babalikan ang iniwang inay sa kanila. Nag-aalala pa siya ngayon dahil anong oras na. Hindi sanay ang kanyang inay na kumain mag-isa. Sa tuwing iniisip niya 'yon ay lalo siyang nilalamon ng kanyang konsensya. "Mukhang wala na ang mga guwardiya sa gilid," biglang sabi ni Melody kaya napatingin ang lahat sa kanya habang tumitipa sa kanyang maliit na screen. "Ayon dito sa Tracking device ko, malayo na ang mga guwardiya kung nasaan tayo. Kung aalis tayo ngayon, makakabalik tayo sa lungga natin sa loob ng tatlumpung minuto," paliwanag niya. "Teka. Hindi ba delikado 'yan?" tanong naman ni Lyka. Umiling si Melody. "Hindi pa pumalya ang tracker ko. Pero kung ayaw ninyong maniwala, sige ako muna ang aalis at sasabihan ko na lang kayo," aniya. Bigla namang sumabat si Cedrick. "Hindi! Aalis tayong lahat dito. At kung may maiiwan man, ang baguhan 'yon," sabay tingin kay Pat ng masama. "Tama! Iwan na natin ang babaeng 'yan. Para malaman niya kung ano ang pinasok niya rito," dugtong pa ni Jay. "Hindi," wika ni Melody. "Ako na lang muna ang lalabas. Sasabihan ko kayo kapag wala nang mga guwardiya saka tayo sabay-sabay na umalis," ani nito. Wala nang magawa ang kaniyang grupo kundi pumayag. Si Patricia ay tumingin kay Melody at pinaparating niya rito na nag-aalala siya para sa gagawin ng bagong kaibigan, ngunit ngumiti lamang ng pagkatamis-tamis si Melody bago isuot ang itim na bag sa kanyang balikat. " Huwag ninyo akong masyadong ma-miss. Dito lang ako sa labas," pagbibiro pa niya. Pagkabukas ng pinto ay nakaantabay sina Cedrick at jay sa magkabila. "Mag-ingat ka Melody!"saad ni Jay tsaka tuluyan na siyang lumabas. Hindi pa rin nila sinasara ang pinto habang hindi pa nakakalayo si Melody. Mga limang metro na ang layo nito sa pinagtataguan nila Patricia nang biglang sumigaw ang dalawnag lalaki!" "Melody!" "P**tng**!!" galit na sabi ni Cedrick kaya napalingon si Lyka, Cris at Pat sa kanya. Sabay sabay din silang tumayo upang tingnan kung ano ang nangyari sa kaibigan. "Biglang nanlambot ang tuhod ng lahat nang makita ang pugot na ulo ni Melody. Walang humpay na ring dumadanak ang kanyang dugo sa daan kaya napapikit na lang ang iba. Si Lyka ay humagulgol pa habang gustong lapitan ang kaibigan. Pinipigilan lamang siya ng mga lalaki, pero nagpupumiglas siya. "Melody! Mga P*t*ng**n* ninyo! Demonyo!" Hindi akalain ni Patricia na magiging ganito ang kahihinatnan niya rito. Habang sinusuri nila ang pagkamatay ni Melody, nakita nila ang isang tali na nakaharang sa dinadaan. Napakanipis ngunit napakatalim ng taling ito dahilan para maputol na lang ng gano'n ang ulo ng kaibigan. "Sinasabi ko na nga ba e, hindi dapat tayo nagpapadala sa tracker ni Melody," paninisi ni Cris na nasa likuran ko. Tiningnan naman siya ng masama ni Jay habang nagtatangis pa rin ang luha sa kanyang mata. Walang pagkuwan ay biglang umalis sa pwesto si Jay at sinunggaban ng suntok si Cris. "Walang hiya ka! Parang hindi mo napakinabangan ng matagal si Melody!Kaibigan natin siya pero hindi mo siya magawang respetuhin!" Sa sobrang galit nito ay paulit-ulit na sinuntok sa mukha ni Jay si Cris. Sa inis naman ni Cedrick ay sinarado niya nang malakas ang pinto tsaka inawat ang dalawa. "Wala ba kayong gagawin na matino ha?! Kung magpapatayan kayo, doon na lang kayo sa labas para mamatay na lang kayo ng maaga!" Biglang tumahimik ang dalawa at si Jay ay umalis sa pagkakapatong kay Cris. Umiiyak pa rin ito. Katulad ni Lyka ay nagpunta siya sa sulok saka yumuko. "Tanginang buhay 'to. Hindi naman ganito ang ninais kong buhay e," saad ni Jay. Si Pat ay patuloy lamang sa pagpapakalma kay Lyka habang hinahagod nito ang likuran ng dalaga. "M..Melody.. bakit kasi..ang kulit mo e!" paninisi ni Lyka habang hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak. "Ikaw.." Tumingin si Cedrick kay Pat. "Wala ka bang sasabihin?" Pagkasabi no'n ni Cedrick ay natigil si Pat sa kanyang ginagawa. Sa totoo lang ay natatakot siya sa tuwing tinitingnan siya ng masama ni Cedrick ngunit kinalma muna niya ang sarili at akmang iiling nang biglang.. "Kasalanan mo lahat 'to e! Kung hindi ka pa sumama sa amin siguro buhay pa ang kaibigan ko!" paninisi ni Jay. "H..hindi ko alam. Patawarin niyo ako. Hindi ko alam kung bakit nang-" "Tumigil na nga kayo!" Biglang umangat ang ulo ni Lyka at pinunasan ang kanyang umaapaw na luha. Tumayo siya saka inayos ang kanyang suot. "Walang mangyayari kung magsisishan lang tayo dito!" Inayos niya ang balisong sa kanyang kamay saka naglakad papunta sa tapat ng pinto. "Anong gagawin mo?!" takang tanong ni Cedrick. "Ano pa ba? Edi paghihiganti ko ang kaibigan ko!" ani nito saka mabilis na binuksan ang pinto. Wala nang magawa si Cedrick kung hindi hayaan na lamang ang kaibigan. "Ako rin. Magiging wala akong kwentang kaibigan, kung maghihintay lang ako dito hanggang matapos ang laro!" Tumayo na rin si Jay at sinundan si Lyka. Pagkaalis ni Jay ay nagtinginan naman sina Cedrick at Cris. Sa titig ng dalawa ay parang magpapatayan pa ang mga ito. "Ano pang hinihintay mo? Umalis ka na rin!" sigaw ni Cedrick kaya tumawa nang bahagya si Cris saka tumayo na rin at naglakad palabas ng bahay. Pagaksara ng pinto ay nagtinginan ang dalawa. Ilang minuto ring napuno ng katahimikan ang loob ng bahay nang biglang magsalita si Cedrick. "Kakainis! Bakit pa kasi kailangan kong magsaalang-alang!" Sinabunutan nito ang kanyang buhok saka pumadyak. "Bakit kailangan pang dumating sa puntong ganito!" Tahimik lamang na pinagmamasdan ni Pat si Cedrick. Wala siyang ibang maisip sabihin dahil hanggang ngayon ay naalala pa rin niya ang nangyari kay Melody. Sa buong buhay niya, ngayon lamang siya nakakita ng gano'n. Brutal ang pagkamatay ng kaibigan nila. Nanginginig na rin sa takot si Pat ngunit hindi niya ito pinahalata dahil baka mairita na naman si Cedrick sa kanya. "Ikaw.." wika ni Cedrick kaya bumaling ang atensyon niya rito. "Bakit mas pinili mong magpunta dito kaysa mamuha ng normal? Alam mo bang hirap na hirap na kami rito?" Hindi makapagsalita si Pat. Sa totoo lang ay unang-una na nasa isip niya ang kanyang inay. Malaking ginhawa ang perang binayad ng customer nila upang hindi na intindihin ng kanyang inay ang gagastusin sa bahay. Hindi na niya inisip kung ikakapahamak ba niya ang pagpunta sa lugar na ito. Basta ang gusto lamang niya ay tumulong sa kanyang ina. "Hindi ko alam.." Yumuko na lang si Patricia. Wala siyang alam na magandang isasagot kay Cedrick dahil iniisip niya na baka pag dahil sa pera ang isasagot niya ay papatayin pa siya sa inis. Tumawa ng pabalang si Cedrick. "Huwag ka nang mahiya. Siguro dahil din sa pera ano? Pareho lang tayo," ani nito. Nanlaki naman ang mata ni Pat at sa wakas ay gumalaw na ito. "P-paano? Paano ka nakarating dito? Bakit ka napasama sa grupong 'yon? Tsaka ano 'yung sinasabi ni Lyka na puntos?" naguguluhang tanong ni Pat, ngunit tinawanan lang siya ni Cedrick. "Akala ko kasi may malaking oportunidad sa akin dito. Pinapunta nila ako rito para magtrabaho. Hindi ko alam na mga demonyo pala ang itatrabaho ko dito." "Mga demonyo?" pag-uulit ni Pat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD