MATAPOS mamili ng pagkain si Ara ay kaagad naman siyang naglakad pauwi. Sa totoo lang ay naninibago siya ngayon sa kanyang dinaraanan. Wala na kaisng mga bata ang naglalaro doon, wala na ring mga nagtatakbuhan. Pati ang mga ginang na nasa gilid at nag-uusap ay wala na rin. Naging parang patay na baryo na ang Sta. Ignacia dahil sa pabawas na sila nang pabawas.
Hindi napansin ni Ara na nabunggo ang kanyang paa sa isang nakausling bato. Napangiwi siya sa sakit, kaya naman kaagad siyang humanap ng kanyang mauupuan.
"Kakainis!" Hawak niya sa hinliliit niya sa paa.
Nagpalinga-linga ng tingin si Ara. Habang hinihintay na mawala ang sakit sa kanyang paa, napatingin siya sa mga tindahan. Ang ibang tindahan ay nakasarado na, dahil siguradong kasama sa namatay ang ibang tindero. Nakaramdam ng lungkot si Ara. Parang kailan lang ay nakikita niya ang nakaraan. Noong bata pa sila, normal lang naman ang kanilang pamumuhay, hanggang sa sinakop ang kanilang baryo ng hindi kilalang tao.
Nang maging ayos na ang pakiramdam ni Ara, ngumiti naman siya saka tumayo na. Naglakad na siya patungo sa bahay ni Patricia. Limang minuto lang naman ang paglalakad pauwi doon, kaya upang malibang, tumitingin na lamang sa paligid si Ara, kahit wala namang bago doon.
Nang malapit na siya sa bahay, hindi niya mawari, bakit bigla siyang nakaramdam ng kaba. Parang may kung anong nagtutulak sa kanya upang bilisan sa paglalakad at kaagad na buksan ang pinto. Ngunit dahil may tiwala naman si Ara ay hindi siya nagpadala sa kaba na iyon at pakanta-kanta pang binuksan ang pinto.
Pagbukas niya ng pinto, halos manlambot ang buong katawan niya sa kanyang nakita. Muntik na rin niyang mabitawan ang hawak niyang mga supot na naglalaman ng pagkain nang makita sina Patricia at Makmak na magkalapit ang mukha. Nakahawak si Patricia sa beywang ni Makmak, habang si Makmak ay nakalapit ang nguso kay Patricia.
Mabilis na napatingin ang dalawa kay Ara. Kahit nabigla si Ara ay pilit pa rin niyang ngumiti ng peke at maglakad papunta sa tapat ng mesa kahit nanginginig na ang tuhod niya.
"Hindi niyo naman sinabi," patawa-tawang sabi ni Ara,ngunit nanginginig na ang boses niya at nangingilid na ang kanyang luha.
Pagkatapos nilang magsagutan, tumingin pa si Ara kay Makmak sa huling pagkakataon at pinipilit na humingi ng sagot sa kanyang nakita, ngunit si Makmak ay tila tulala lamang at nakatingin sa isang sulok. Ngayon alam na niya. Basang-basa na niya ang ugali ni Makmak. Hindi lang niya matanggap ang kanyang nakita, dahil alam ni Patricia na may gusto siya kay Makmak, ngayon ay balak pa nitong ahasin ang matagal na niyang mahal.
Kahit nanginginig ang tuhod ni Ara at patuloy na tumutulo ang mainit na likido sa kanyang mata ay pinagpatuloy pa rin niyang tumakbo. Gusto niyang makalayo muna panandalian sa lahat-lahat. Lalo na sa nangyari kanina. Hindi mabura sa isipan niya ang paglalapit ng mukha nina Makmak at Patricia na kahit kailan ay hindi ginawa sa kanya iyon ni Makmak.
Nakarating siya sa isang masukal at makipot na eskinita. Walang katao-tao doon, kaya doon noya binagsak ang sarili niya at naglupasay. Iniyak niya ang lahat ng sakit, simula noong bata pa siya, hanggang sa itakwil siya ng kanyang ama. Ngayon lang din siya nakapaglabas ng luha simula nang mamatay ang ama niya. Hindi pa siya nakakalimot doon ay may panibago na naman siyang kakalimutan.
"M..makmak. Bakit mo ginawa sa akin ito?" tanong niya sa sarili at humawak sa kanyang sentido.
"D-dahil ba hindi ako maganda? Maliit ako? Mataba o dahil sa... kaibigan lang talaga...ang turing mo sa akin?" pautal-utal na tanong sa sarili ni Ara. Paulit-ulit niya iyong tinanong sa kanyang sarili, hanggang sa maubusan na siya ng luha, kaya naman ay napayuko na lamang siya.
May dalawang babae pa ang dumaan na narinig niyang nag-uusap, ngunit hindi niya iyon magawang tingnan dahil pakiramdam niya ay ubos na ubos na ang kanyang lakas.
Napapikit na lamang si Ara at muling napaluha.
"Ang daya talaga ng tadhana," aniya at tumawa ng bahagya. "Akala ko, kapag matagal mo nang kasama. Akala ko kapag ikaw ang laging kasama..ikaw na ang pipiliin," aniya.
"Noong una, nakipagsubukan ako kay Deth. Tinanggap ko ang lahat, kahit na alam kong ang pamilya ni Deth ang sumira sa pamilya niya, dahil masaya si Makmak kapag tatlo sila. Nilubok lahat ni Ara ang kanyang galit at poot para kay Makmak. Ngunit sa huli ay siya pa rin ang talo.
Isa pa niyang naalala ang pagkamatay ng kanyang ama. Ang duguang damit nito at ang dugo na naiwan sa matutulis na bakal. Mariin siyang napapikit nang maalala iyon. Iniisip niya na kung nagpatalo ba siya nang mga oras na iyon ay hindi mangyayari ang mga bagay na iyon? Kung nagpaubaya ba siya sa kanyang ama ay buhay pa rin ba ito? Magiging masaya pa rin ba sila?
Lahat ng iyon ay naglaho sa isnag iglap nang mawala na ang kanyang ama at tanging damit na lamang nito ang natira. Katulad ni Deth ay gano'n din ang pakiramdam niya. Nagdadalamhati pa siya sa nangyari at alam niya sa kanyang sarili na buong buhay niyang dadalhin ang konsensyang iyon.
Biglang tumunog ang ispiker at mikropono nang malakas. Umangat ang kanyang ulo habang takang-taka siyang naghihintay ng anunsyo.
"Ano ba ito, Diyos ko!" singhal niya. "Hindi pa ako tapos sa pagdadalamhati ko ay mayroon na naman? Kailan ba ito matatapos? Kapag patay na kaming lahat? Kapag ubos na kami? Doon pa lang nila mapagtanto na hindi kami laruan?" inis na sabi niya.
Seryosong nakikinig si Ara sa anunsyo ng babae sa likod ng mikropono. Lalong napakunot ang noo niya at nakaramdam ng awa nang sinabi na animnapu na lamang silang manlalaro ang natira. Sa animnapu na iyon, wala na ang kanyang ama na sana sa huli ay ililigtas niya, ngunit ma sinuna niya ang galit kaysa sa kahit ano man.
"Dahil sa nangyari kagabi, pinapaarating ng ating mahal na si Don Hernandez na magkakaroon ng limang estado sa ika-apat na antas," anito.
Biglang napaawang ang bibig ni Ara. Hindi maaari iyon. Akala niya ay tapos na ang kanilang paghihirap, ngunit mas lalo pang nadagdagan sa kannilang ginawa kagabi. Malaking pasasalamat na lamang niya at buhay pa siya sa mga oras na ito.
Pagkatapos magpaalam at mamatay ang ispiker, napaisip ng mabuti si Ara kung ano ang sinasabi ng babae na limang estado sa ika-apat na antas? Ibig sabihin no'n ay mababawasan na naman sila ay hindi imposible na 1 hanggang lima na lang ang matira sa kanilang lahat.
Lalong gumulo ang isipan ni Ara at sa sobrang pag-iisip ay pati buhok niya ay nagulo niya.
Tumayo siya at pinagpag ang kanyang puwetan. Naglakad-lakad muna siya sa gilid at sa totoo lang ay ayaw niya munang magpakita kina Patricia at Makmak. Sa pinakita niya kasing emosyon kanina ay alam niyang alam na ni Makmak na may gusto siya sa kababata. Nahihiya pa rin siya kahit papaano. Isa pa, gusto niyang mag-isip-isip muna. Pakiramdam niya, kapag bumalik siya sa bahay ay magmumukmok lamang siya roon. Kapag naman nagpunta siya sa dati nilang tinutuluyan, maaalala lamang niya ang masasayang alaala nila ni Makmak. Saksi kasi ang bahay na iyon kung paano siya alagaan at protektahan ni Makmak, kaya hindi niya rin maiwasang mahulog sa kababata.
"Saan kaya ako magpupunta?" Sipa niya sa isnag maliit na bato habang siya ay naglalakad.
Hindi namamalayan ni Ara na nakarating siya sa parke. Matagal-tagal na rin simula nang pumasyal siya roon. Umupo siya sa isang simentadong upuan sa ilalim ng malaking puno. Sakto naman at nahuhulog ang maliliit nitong dahon.Napapikit na lamang si Ara. Para kasing nasa teleserye siya sa mga oras na iyon.
Mabuti na lang at siya lang mag-isa roon, kung hindi baka pagkamalan pa siyang baliw sa kanyang ginagawa. Napatingin din siya sa ilalim kung saan ang ilog. Halos wala na ring mga nangingisda. Hindi katulad dati na doon pa sila nagtatambay ni Makmak at nakikipag kwentuhan sa mga mangingisda upang bigyan sila kahit papaano ng mga nahuli.
Tumingin din siya sa isang maliit na palaruan. Nalungkot siya nang wala na siyang makitang mga bata na naglalaro doon. Dati ay kahit gabi na, may mga bata pa ring naroon at nagkukwentuhan habang nakaupo sa duyan.
Huminga na lang ng malalim si Ara at tinuon ang atensyon sa mga tuyong dahon na nalalaglag sa kanyang damit. Ilang minuto ang nakalipas, may napansin siya sa gilid ng kanyang mata. Mabilis siyang napatingin doon at nakita ang isang batang babae na nakayukong naglalakad papunta sa palaruan.
Gustuhin man niyang tawagin iyon ay parang wala rin sa sarili ang bata. Pinagmasdan niya ang bata hanggang sa makapunta sa duyan ay tahimik na umupo. Ni hindi man lang siya tinapunan ng tingin ng bata. Pero pansin niya roon ay malungkot ito.
Kahit ang ganda ng damit ng batang babae, maayos ang kanyang buhok ay hindi pa rin maikukubli nito ang lungkot sa kanyang mata. Nakikita tuloy ni Ara ang kanyang sarili sa batang iyon. Napangiti siya ng tipid nang maalala niya ang kanyang pagkabata. Napakasungit niya kasi noon at walang kinikilalang kaibigan. Hindi niya alam bakit napagtiyagaan ni Makmak na kausapin siya nito kahit ilang beses na niyang tinaboy ang binata.
Pinagmasdan lamang niya iyon hanggang sa mapagod sa kakayuko ang bata at sawakas ay napatingin din siya sa kanyang harapan, kung saan naroon naman si Ara.
"Hi!" Kaway ni Ara, ngunit blangko pa rin ang ekspresyon ng bata. Hindi na hinintay ni Ara na kawayan din siya nito, kaya nagpasiya siyang lapitan na lamang ang bata.
Akma na siyang tatayo, ngunit bigla ring tumayo ang bata at mabilis na tumakbo palabas ng palaruan.
"Ang weirdo naman ng batang iyon," aniya sa sarili.
Naglakad na lamang paalis ng parke si Ara. Ayaw muna niyang umuwi ngayon sa bahay. Isa pa, maaga pa naman kaya marami pa siyang mapupuntahang ibang lugar na dati nilang pinupuntan ni Makmak.
Dumiretso siya sa isang burol.
Noon pa man ay doon na sila naglalarong tatlo nina Makmak at Deth. Doon sila nagpapalipad ng saranggola at doon rin niya naranasang magkasugat sa tuhod. Napangiti pa si Patricia habang inaalala iyon, ngunit napawi din ang ngiti nang may maalala pa siyang mas masakit kaysa sa sugat na iyon.
Noong nasugat kasi siya ay hinatid lamang siya sa bahay ni Makmak. Pero noong nasugat si Deth sa kakatakbo, aligagang humanap ng dahon si Makmak pangtapal sa sugat sa tuhod ni Deth. Parang kinurot ang puso niya nang makita iyon at lalo pa siyang nasaktan nang magtawanan sila. Naging alinsunod si Ara sa dalawa hanggang sa magdalaga at magbinata na sila. Naging malapit na lang ulit sila ni Makmak nang mag-away-away sila nina Deth.
Ewan ba niya kay Makmak at bakit ang lakas ng tama nito kay Deth na labis kinainggitan ni Ara.
Pagtapak ni Ara sa burol ay isang sariwang hangin ang umihip at tumama sa mukha niya. Na-miss niya ang preskong hanging iyon, kaya nagpatuloy siya sa paglalakad, kahit tirik na tirik ang araw.
Nakarating siya sa likod ng isang malaking tipak ng bato. Doon kasi sila namamalagi noon ni Makmak, kapag pinagalitan sila ng ama ni Makmak. Humiga si Ara sa batuhan at inunat ang katawan.
"Matagal-tagal na rin simula nang makapunta ako rito. Siguro dito muna ako hanggang mamaya," aniya sa sarili.
Mabuti na lamang at hindi gaanong mainit sa pwestong iyon dahil sa kabilaang mga puno. Sinilip pa ni Ara kung naroon ang ginawa nilang kumot na duyan noon. Wala na rin ito sa tagal ng panahon.
Sa lugar na ito, pakiramdam ni Ara ay nagakaroon siya ng pansamantalang kalayaan. Kalayaan sa lahat ng sakit na nararamdaman niya kapag kaharap sina Patricia.
Bumaba siya mula sa bato at naglakad-lakad. Sa bandang kanan, naroon nakatanim ang isang puno ng alateris. Napangiti si Ara nang maalala niya na muntikan na siyang mahulog doon noon dahil sa katakawan niya. Inabot niya ang pinakamalapit na alateris. Pula na ito, at mabilis niyang sinubo.
"Matamis ka pa rin hanggang ngayon," aniya.
Naglakad pa ng ilang metro si Ara nang matunton na niya ang sikretong kubo na ginawa nila noon pa. Kahit sira-sira na ang bubong na pawid ay presko pa rin. Ang papag na higaan ay matibay pa rin. Limang buwan din ang binuno nilang dalawa ni Makmak upang magawa iyon.
Iyon na mismo ang kanilang tinutulugan, kapag pinapagalitan sila o di kaya naman nanunuod sila ng bituin. Umupo siya doon at tinuod ang kamay. Tinitingnan kung kaya pa siya ng higaan.
Dahil sa katagalan, nalalagas na ang pawid ng kanilang kubo. Marami na ring mga dahon ang nakasiksik sa higaan. Nilinis naman iyon ni Ara at umupo ng maayos.
Iniisip niya tuloy kung pati ba sa pwesto niyang ito ay saklaw siya ng monitor sa baryo.
Sa paghiga ni Ara,nakaramdam siya ng antok, kasabay ng preskong hangin na pumapasok sa loob ng kanilang munting kubo. Hinayaan na lamang niyang mapapikit siya sa pagod at makapagpahinga kahit panandalian.
Sa kabilang banda, mabilis na umuwi ng bahay si Patricia bitbit ang masamang balita. Pagbukas niya ng pinto, natunton niya si Makmak na tulala sa gilid at hindi inubos ang pagkain na hinanda sa kanya.
"Makmak," hingal na sabi ni Patricia at lumapit siya sa binata.
Tumingin lang si Makmak sa kanya. "Nahanap mo na ba siya?" walang gana niyang tanong.
"Hindi..." Napahinto siya. "Pero may mas mahalaga tayong problema," aniya.
Sawakas ay nagkaroon din ng emosyon ang mukha ni Makmak. "B..bakit? Anong nangyari? Anong balita?" aligagang tanong nito.
"Inanunsyo kanina na nasa animnapu na lamang tayo," aniya.
Kumunot ang noo ni Makmak. "Animnapu? Lahat-lahat na iyon?" gulat nitong tanong.
"Oo. At dahil sa nangyari kagabi, nadagdagan ang po-problemahin natin," aniya.
"Ano naman?"
"Nagkaroon ng limang estado sa ika-apat na antas. Mas lalo nila tayong papahirapan doon, Makmak. Paano na?" tanong niya sa binata.
"Teka. Si Ara? Nakita mo na ba? Alam na ba niya ito?" sunod-sunod niyang tanong.
Umiling lamang si Patricia. "Hindi," malungkot na sabi niya.
"Teka." Buong lakas na tumayo si Makmak. "Ako na ang maghahanap," anito kahit ramdam pa rin ang kirot sa kanyang tagiliran.
"Kaya mo na ba?" Inalalayan siya ni Patricia.
Tumango naman si Makmak.
Kapag ganito ang sitwasyon, alam na ni Makmak kung saan namamalagi ang kanyang kaibigan. Hindi kasi lingid sa kaalaman nito na tuwing magkaaway sila ay nakikita na lamang ni Makmak si Ara sa ginawa nilang kubo noon sa may burol. Malakas ang pakiramdam ni Makmak na naroon ngayon si Ara.
Nagpaalam na si Makmak kay Patricia. Si Patricia naman ay naiwan na sa bahay ay nagdarasal na sana makita na ni Makmak si Ara. Dahan-dahan lang ang paglalakad ni Makmak. Sa totoo lang ay hindi pa niya kaya ang kanyang sarili, ngunit para kay Ara ay gagawin niya ang lahat.
Alam niyang maling-mali ang kanyang ginawa kanina kay Patricia. Alam din niya na matagal nang may pagtingin sa kanya si Ara, ngunit anong magagawa niya? Hindi niya maaaring pilitin ang kanyang sarili kay Ara, gayong si Patricia naman ang gusto niya.
Ngunit mukhang malabo na yata iyon. Nakikita ni Makmak sa mata ni Patricia kung gaano siya kasaya, kapag nababanggit ang pangalan ni Vincent. Sabagay, hindi naman maipagkakaila na mas guwapo nga si Vincent kaysa sa kanya. Pero malakas pa rin naman ang appeal ni Makmak. Iyon nga lang, hindi iyon makita ni Patricia.
"Ara,nasaan ka na ba?" tanong niya sa sarili.
Marahan lang siyang naglalakad,papunta sa burol. Napakahapdi na sa balat ng sinag ng araw, kaya hindi maiwasan ni Makmak na mapangiwi. Dagdag pa ang pawis na nagsisimulang mag-unahan sa kanyang mukha.
"Ara?" tawag niya nang makapasok na siya sa burol. "Ara?" Pag-uulit niya. Unang bumungad sa kanya ang malaking tipak ng bato, kung saan madalas nilang pinupuntahan noon ni Ara. Doon sila naglalaro at nagtatambay tuwing pinapagalitan sila ng kanyang ina. Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad, nang may maamoy siyang kakaiba.
Isang pamilyar na amoy na nanggaling sa hilaga.
Dumiretso lang siya sa paglalakad. Hindi niya mawari kung bakit siya nakakaamoy ng gano'n kalakas. Naamoy din niya si Ara sa di kalayuan.
Malakas ang t***k ng puso niya habang papalapit sa kubo na ginawa nila noon. Tama nga ang hinala niya at ang pang-amoy niya. Naroon nga si Ara at mahimbing na natutulog.
Nakaramdam siya ng konsensya nang tingnan niya si Ara.Namumula ang mata ni Ara at parang walang gana.
"Ara?" tawag niya sa kaibigan.
"Ara?" Kinalabit niya ang paanan ni Ara. Nang hindi pa rin magising ang kaibigan ay hinayaan niya muna itong magpahinga. Tinabihan niya si Ara at kapag may nahuhulog na dahon sa tabi nito ay kaagad niyang sinasalo.
Maraming alaala ang bumalik kay Makmak. Simula sa paggawa ng maliit na kubong ito, hanggang sa pagtakas nila sa bahay upang pumunta rito. Pumipitas din sila ng prutas na ligaw, pagkatapos ay dito nila kinakain.
Lumapit si Makmak sa mukha ni Ara. Ramdam ni Makmak ang bigat ng paghinga ng kanyang kaibigan. Ramdam niya ang pagod nito dahil pati sa pagtulog ay hirap itong huminga.
"M..makmak?" Nakapikit na sabi ni Ara.
"Ako nga," ngiting sabi ni Makmak.
Nanlaki ang mata ni Ara at halatang gulat nang makita si Makmak na nasa harapan niya.
"Makmak?!" pupungas-pungas pa niyang sabi. "Bakit ka nandito?" Sa gulat ni Ara ay napaupo siya habang tinitingnan kung may laway bang tumulo sa kanyang pisnge.
Ngumiti lamang si Makmak. "Bakit nga ba?" napaisip ng bahagya si Makmak. "Syempre hinahanap kita!" masayang sabi niya.
Wala namang kibo si Ara. Muli niya kasing naalala ang nakita niya kanina.
"Pasensya ka na, Ara ha?" paumanhin ni Makmak.
"Wala 'yun," tipid na sabi ni Ara at yumuko.
Lumapit naman si Makmak kay Ara at inakbayan niya ito.
"Pasensya ka na ha? Hindi naman kita ipagpapalit e," malambing na sabi ni Makmak sa kaibigan.
"Kasi ikaw e!" ani Ara. Kahit kailan talaga, kapag si Makmak na ang naglambing sa kanya, hindi niya alam bakit ang bilis niyang bumigay. "Kainis ka!" Sabay hampas ni Ara sa tagiliran ni Makmak, kata napangiwi ang binata sa sakit.
"Ang sakit no'n ah!" Reklamo ni Makmak at sabay silang nagtawanan.
Sawakas ay napapayag din ni Makmak si Ara na umuwi na, ngunit ang sabi ni Ara ay magtagal muna sila doon kahit papaano dahil na-miss nito ang kanilang bahay-bahayan. Pumayag naman si Makmak, pambawi na lang iyon sa kanyang kaibigan. Balak din kasi nila na manuod ng bituin mamaya, upang kahit papaano, makalimutan nila ang problemang iniwan nila sa bahay.