KABANATA XXXVIII: ANG PANGALAWANG PAGHAHARAP

3011 Words
Nagsimula nang dumilim ang paligid. Ang mga hayop ay nagsisimula na ring mag-ingay. Kaysarap niyon sa tainga kaya tinamasa nina Makmak at Ara ang pagkakataong iyon. Umupo sila sa batuhan upang panuorin ang paglubog ng araw. "Ayos ka na ba?" tanong ni Makmak. Humiga lamang si Ara sa binti ni Makmak, habang nakatingin siya sa papalubog na araw. "Oo. Nandito ka na kasi e," masayang sabi niya. Ngumiti lamang si Makmak at tumingin sa napakagandang takipsilim sa kanilang harapan. Hinayaan lamang ni Makmak na gano'n ang posisyon nila kahit na nangangalay na siya sa pagkakadagan ng ulo ni Ara sa binti niya. "A..h Ara?" nahihiyang tanong ni Makmak. "Uhm?" gumalaw lang ng kaunti ang ulo ni Ara. "Pwede bang magtanong?" aniya. "Ano 'yon?" sawakas ay humarap din si Ara habang nangingislap ang mata. "Anong naramdaman mo noong nakita at nalaman mong wala na si Mang Eddie?" seryosong tanong ni Makmak. Kumunot naman ang noo ni Ara at tinukod ang kamay sa bato upang umupo. Tumingin muna siya sa sa langit at huminga nang malalim. "Nalungkot. Nagsisi. Iniisip ko...kung sakali bang nagpatalo ako sa larong iyon, buhay pa rin ba hanggang ngayon si tatay?" ngumiti siya ng mapait. "Iniisip ko...kung ano kaya ang pakiramdam niya noong tinalo ko siya? Masakit ba sa loob niya? Kaya ba siya nagbabalak tumakas para makapaghiganti sa akin?" dagdag pa nito. "Alam mo Ara..." umusog ng kaunti sa kinauupuan niya si Makmak. "Nasa huli talaga ang pagsisisi. Pero kung ang ginawa mong iyon ay nararapat. Wala ka dapat pagsisihan. Sa huli ay binalak naman natin siyang iligtas hindi ba?" tanong niya Tumango lamang si Ara. "Pero paano ang naiwan niya? Paano si Deth? Napalapit na rin siya sa akin. Wala na siyang pamilya ngayon at ang nag-iisa niyang pamilya, nawala dahil sa akin," malungkot nitong payahag. "Sigurado naman akong naiintindihan iyon ni Deth. Tsaka bilib kamo ako sa'yo," pag-iiba ng uspaan ni Makmak. "Ha? Bakit naman?" tanong nito. "Kasi kahit punong-puno ng galit 'yang puso mo, nagagawa mo pa ring mag-alala kay Deth. Kahit alam nating..." "Alam nating ang pamilya niya ang sumira sa pamilya ko?" dugtong ni Ara. "Alam mo, Makmak. Naiintindihan ko si Deth, kasi noong mangyari iyon na mas pinili sila ni Tatay, kaysa sa amin, bata pa lang tayo no'n. Wala pang kamuwang-muwang si Deth kung ano ang pinaggawa ng mga magulang niya,"sagot nito. Tumango na lamang si Makmak at tahimik silang nakikinig sa huni ng mga ibon. May naririnig din silang malakas na tunog ng palaka. Nagtawanan pa sila nang maalala nila ang palakang iyon noong bata pa sila. "Nakakainis kasi kayo no'n e!" nakasimangot na sabi ni Makmak. Nakahawak pa rin si Ara sa kanyang tiyan, habang pinipilit na magsalita. "Eh kasi..kasi ikaw e.." nahihirapang sabi ni Ara. "Paano ba naman kasi!" Lumunok muna panandalian ng laway si Ara. "Kalalaki mong tao, matatakutin ka sa palaka. Mabuti nalang at nakiayon sa akin si Deth noon. Kitang-kita 'yung pamumula mo e," tukso pa nito. "Oo!" tinuktukan ng bahagya ni Makmak sa ulo si Ara. "Sinumbong pa kita kay inay no'n e," aniya. "We?" napatigi sa pagtawa si Ara. "Bakit hindi ko alam 'yan? Bakit hindi ako pinagalitan?" usyoso nito. "Eh kasi.." Napakamot sa ulo si Makmak. "Ako yung pinagalitan e," nahihiya niyang sabi. "Paano kasi, pawis na pawis akong umuwi sa bahay no'n. Hindi ko na kayo hinintay. Pagkatapos, sakto nasa bahay si inay. Sinumbong ko kayo, pero ang sabi lang niya sa akin, bakla raw ako," aniya. Humagalpak sa tawa si Ara. "Totoo naman e!" anito at patuloy pa ring tumatawa. "Ah gano'n?" sinamaan ng tingin ni Makmak si Ara at hinawakan ang tagiliran nito. "A..ano ba!" napahiga si Ara nang kilitiin siya ni Makmak at hindi na muling makapagsalita. Sa ilang minuto nilang pagtatawanan, biglang nakaramdam ng kaluskos si Ara sa di kalayuan. Iyong kaluskos na iyon, parang may malaking tao na tumatapak sa tuyong dahon, kaya naman naririnig nito. Tumahimik sila panandalian at tumingin sa direksyon ng kumakaluskos. Ilang sandali pa, malapit na sa kanila ang naglalakad, at magkahawak ang kanilang kamay na bumaba. "Humanda ka, Ara!" bulong ni Makmak, kaya naman inilabas nila ang kanilang matalim na kutsilyo na nakasiksik sa kanilang binti. Nang akma na silang susugod, biglang lumabas ang itim na pusa. Nakahinga ng maluwag sina Ara at Makmak, ngunit ang pusa. Parang naghihikahos ito at humihingi ng tulong. Naalala naman ni Makmak ang kanyang itim na alagang pusa, kaya mabilis niya iyong kinuha. "Bakit naglilipana ang mga itim na pusa ano?" Kausap niya sa pusa habang niyayapos ang ulo nito. "Makmak. Bitawan mo 'yan," bulong ni Ara, ngunit sigurado siyang hindi narinig iyon ng kaibigan. "Makmak! Bitawan mo 'yan!" pag-uulit ni Ara. Tumaas ang kaliwanag kilay ni Makmak. "Bakit naman? Iuuwi ko ito. Aalagaan natin siya," aniya. "Bitawan mo 'yan!" Sigaw ni Ara at saktong labas ng isang Quadro. Tingin nila ang Quadrong iyon ay isang Siporika dahil sa palatandaan nitong kwintas na kulay asul at umiilaw sa dilim. "Akin na ang pusa ko..." garalgal na sabi nito habang palapit sa dalawa. Humakbang naman paabante sina Makmak at Ara. Tinago ni Makmak sa kanyang likuran ang pusa. "Hindi! Alaga ko ito!" paglalaban niya. "Akin na ang pusa ko.." tuloy pa ring sabi ng Quadro. "Mak? Ibigay mo na kaya 'yan? Alam mo naman ang mga Siporika hindi ba?" pagpupumilit ni Ara. "Hindi. Kahit ibigay ko naman ito, tayo pa rin sa huli ang huhulihin niya e. Kaya mas maige nang pakawalan ko ang pusa," ani Makmak sabay pinakawalan ang pusa. Nakita iyon ng Siporika at ngayon ay masama nang nakatingin ky Makmak. Nagngingitngit ang ngipin nito, habang nagbabadya ang kanyang kamao na suntukin si Makmak. "Takbo!" sigaw ni Ara, kaya wala silang magawa kung hindi tumakbo, habang habol-habol sila ng Siporika. "Ibalik niyo...ang pusa ko!" galit nitong sabi, kaya mas lalong kinabahan ang dalawa. "Sabi ko naman sa'yo hindi ba!" paninisi ni Ara habang mabilis silang tumatakbo paalis ng burol. "Ayos lang 'yan! Para naman pumayat-payat ka!" Pagbibiro ni Makmak. Sinamaan siya ng tingin ni Ara, ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, biglang napahiga si Makmak. "Sapul," sigaw ng Quadro, kaya naman mabilis na napatingin si Ara kay Makmak. Ngunit mas mabilis na nakarating ang Quadro sa tabi ng kaibigan. "Makmak!" Sigaw ni Ara ngunit mukhang hindi narinig iyon ni Makmak at nakayuko lamang ito. Dali-daling hinabot sa dalawang malalaking daliri ng Quadro ang damit ni Makmak at saka tinaas. "Sarap nito.." wika ng Quadro, kasabay ng kakainin na niya sana ngunit biglang gumalaw si Makmak at sinipa ang mata ng Quadro. Mabilis na nakababa ang Quadro. Kasabay niyon ay pagtakbo ni Makmak, ngunit tila naestatwa si Ara sa kanyang nakita kaya hindi siya makagalaw. "Ara! Ano bang hinihintay mo riyan?! Tara na!" sigaw ni Makmak ngunit hindi pa rin kumukilos si Ara hanggang sa sipain na siya ng Quadro. Tumilapon sa di kalayuan si Ara. Kitang-kita ang pagbagsak ng kanyang katawan sa lupa. Habang alalang-alala si Makmak na pupuntahan sana ang kaibigan, ngunit hinarangan siya ng Quadro. "Ang pusa ko," anito at nilabas ang kadena sa kamay. Napakalaki ng kadenang iyon at hindi maipagkakaila na sa isang hampas lang nito sa iyo ay titilapon kana. Mabilis na inilagan ni Makmak ang tama ng Quadro. Habang iniilagaan niya iyon ay siya namang pinupuntahan ang pwesto kung saan bumagsak si Ara. Hindi na inalala ni Makmak kung tatamaan siya ng kadena, ang mahalaga lang sa kanya ay itakas ang kaibigan. Biglang tumigil sa paghampas ng kadena ang Quadro kaya natigil din si Makmak. Hindi niya mabasa kung ano ang susunod na gagawin ng Quadro. Tatakbo na sana siya muli nang biglang sumakit ang kanyang tagiliran. Napangiwi sa sakit si Makmak, kaya wala siyang magawa nang hampasin ang kanyang paa ng kadena. Lalong nadagdagan ang kanyang sakit, kaya napaluhod siya habang nammimilipit. Hindi na niya alam ang gagawin. Tiningnan niya muli si Ara na wala pa rin malay hanggang ngayon, sinubukan niyang kumilos, ngunit sa bilis ng Quadro ay nagawa nitong makapunta sa isang iglap sa pwesto kung nasaan si Ara. "Ara!" sigaw ni Makmak nang simulang buhatin sa dalawang daliri si Ara habang wala itong malay. Inamoy-amoy pa ng Quadro si Ara bago nito isubo ang kaibigan. Si Makmak ay pinipilit na maglakad, ngunit habang naglalakad siya ay bigla nitong binitawan si Ara at hinagis kung saan. "Ayaw ko no'n," wika ng Quadro at humarap ito kay Makmak. Nanginginig na ang tuhod ni Makmak habang nakatingin sa kanya ang Quadro. Mahigpit na hinawakan niya ang matalim na kutsilyo. Simula kanina ay hindi niya pa iyon nagagamit at sigurado siyang mababalot ang kutsilyong iyon ng itim na dugo mamaya. "Ikaw!" sigaw ni Makmak at patakbong lumapit sa Quadro. Isang mabilis na pangyayari ang naganap. Lumusot sa pang ilalim ng Quadro si Makmak, kaya natamaan nito ang binti ng Quadro. Nagpulasan ang itim na dugo sa lupa at mabilis na napatingin doon ang Quadro. "Sinaktan mo ang kaibigan ko!" sigaw ni Makmak at akmang susugod na dala ang kutsilyo, ngunit tumawa lang ang Quadro habanng hinihintay na sugurin siya ni Makmak. Ang ngiting iyon, nakaakapangilabot. Sumugod si Makmak habang hindi pa gumagalaw ang Quadro, ngunit iyon ang napakamaling desisyon na nagawa niya sa kanyang tanang buhay. Biglang may iniluwal na matulis na bagay ang Quadro, at habang papalapit siya rito ay nakahanda na iyon. Hindi niya alam ang gagawin habanng dire-diretso siyang tumatakbo. Nakangiti lamanng anng Quadro. Hindi niya maihinto anng kanyang paa kaya naman nakipagsapalaran na lamang siya. Biglang natumba ang Quadro sa hindi malamang dahilan. Ang itim na dugo nito ay nagkalat sa lupa. Napatigil din sa pagtakbo si Makmak at takang-taka na tumigil habang pinagmamasdan ang wala ng buhay na Quadro. "Ayos ka lang ba?" wika ng isang pamilyar na boses sa harapan. Tumingala siya at laking gulat niyang si Alter iyon na may dalang maninipis ngunit malalaking dahon. Hinipan pa nito ang dahon, bago itapon sa lupa. "A..Alter?" gulat niyang sabi. "Anong ginagawa mo rito?"aniya. Hindi naman sumagot si Alter, bagkus lumapit siya sa nakatumbang quadro at kung may anong kinuha ito sa likuran. "Ito," sagot ni Alter at pinakita kay Makmak ang isang maliit na chip na galing sa likod ng Quadro. "Pinahirapan pa akong habulin siya. Ayan tuloy, napatay ko na," wika nito saka tumawa. Hindi na muling nakapagsalita si Makmak nang maglakad na papalayo si Alter. Ni hindi niya maibuka ng maayos ang kanyang bibig at maigalaw ang kanyang paa sa takot. "Siya nga pala," ani Alter at napatigil ito sa paglalakad. "Naroon ang kaibigan mo. Sa likod ng puno. Umuwi na kayo at baka may makasalubong pa kayong Quadro. Kayo rin, baka matuluyan ka na. Mahina ka pa naman," singhal ni Alter. Tumatak sa isipan ni Makmak ang huling sinabi ni Alter. Sa pangalawang pagkakataon ay nainsulto na naman siya nito, ngunit imbis na sumagot ay tumikim na lang ng suntok si Makmak. "Sige, paalam." Sabay naglakad si Alter palayo. Nang makaalis na si Alter, doon lamang nakaramdam ng galit si Makmak at humarap kung saan naglakad papalayo si Alter. Nang maalala niya si Ara, dali-dali siyang tumakbo papunta sa sinasabi ni Alter na likod ng puno. Kahit doble-doble ang sakit na nararamdaman niya dahil sa paghampas ng kadena sa binti niya at ang kumikirot niyang sugat ay hindi niya muna iyon ininda. Naabutan nga niya sa likod ng puno si Ara na wala pa rin malay. Hindi niya alam kung bakit natulala na lamang ng ganon si Ara kanina, kaya ito tumilapon. "Ara?" Alog niya sa katawan ni Ara. "Ara?" pag-uulit niya, ngunit hindi pa rin nagigising ang kaibigan. Nagpasiya na si Makmak na buhatin na lamang si Ara. Kahit hirap siya ay minabuti niyang ilagay ang kamay ni Ara sa balikat niya at saluhin na lamang si Ara sa paglalakad. Ligtas na nakalabas ng burol si Makmak. Pagdating niya sa baryo ay wala ng katao-tao kaya wala siyang mahingian ng tulong. Ang binabalak din nilang uuwi muna sila sa kanilang tahanan ay naudlot, dahil nagpasiya si Makmak na dumiretso muna sa bahay ni Patricia dahil hindi niya ito kayang mag-isa. Pagdating sa tapat ng bahay,bumungad sa kanya si Patricia na alalang-alala. Mabilis na tinulungan ni Patricia si Makmak, kaya mabilis nilang naipasok sa loob ng bahay si Ara. "Anong nangyari?" gulong-gulo na tanong ni Patricia. "Mamaya ko na ipapaliwanag, Patchot. Kumuha ka ng tubig at bimpo," aniya. Mabilis namang nakakuha si Patricia at pinunasan nila ang puro buhangin na nakadikit sa katawan ni Ara. Kahit napakaraming tanong ang gumugulo sa isipan ni Patricia ay nanatili pa rin siyang tahimik. "Mabuti na lang at ligtas na siya," ani Makmak. Hindi pa rin nagsasalita si Patricia, bagkus kinuha niya muli ang palanggana at pagbalik niya ay may dala na siyang isang baso ng tubig. "Ayos ka lang ba?" tanong na ni Patricia, dahil hindi na niya mapigilan ang kanyang bibig. Tumango si Makmak at kinuha ang tubig na inalok ni Patricia. Naubos niya iyon sa isang lagukan lang. Pagkatapos ay napasandal na lamang siya sa pader. "May nakalaban kaming Quadro," ani Makmak. "Ano?!" gulat na sabi ni Patricia. "Paano? Saan? Anong nangyari?" alalang tanong niya. "Sa burol," tipid na sabi ni Makmak. "Doon namamalagi si Ara kapag magkaaway kami. Doon ko siya natunton. Habang nagtatawanan kami, bigla na lamang.." napatigil siya nang maalala ang sinabi ni Alter sa kanya. 'Mahina ka pa naman' paulit-ulit iyong naririnig ni Makmak sa kanyang tainga. "May nakaharap kaming Siporika, at kinalaban namin," dagdag niya. Hindi na niya sinabi ang tungkol kay Alter. Naisip niya kasi na kung sabihin niya pa iyon ay parang paulit-ulit na tinapakan ang kanyang pagkatao. Nang makapagpahinga na si Makmak. Tumayo naman siya,habang si Patricia ay inaalalayan si Ara habang tulog ito. "Ikaw muna ang bahala kay Ara, ayos lang ba? Magpapahangin lang ako saglit," ani Makmak. Tumango naman si Patricia. Paglabas ni Makmak,mabilis niyang sinuntok ang pader sa galit. Umakyat din siya sa bubong upang doon maglabas ng sama ng loob. Kaharap ang itim na kalangitan at kumikinang na bituin, napakagat sa ibabang labi si Makmak. Hindi niya maisip na sa buong buhay niya ay magkakaroon pa siya ng utang na loob. At hindi lamang iyon simpleng utang na loob. Galing iyon kay Alter, ang mortal niyang kaaway. "Hindi ako makakapayag na habang buhay, ibaba mo ang katayuan ko," bulong niya sa sarili. Isa pang naalala niya ay iyong mukha ni Ara. Napakarami nitong pasa sa mukha pati sa katawan, dahil sa malakas na pagkakahagis sa kanya. "Kainis! Kung hindi inaya ko na sanang umuwi si Ara, hindi na mabgyayari ito e. Sana, hindi pa ako nagkaroon ng utang na loob sa mayabang na 'yon!" inis na sabi ni Makmak,ngunit napangiwi na naman siya sa sakit nang maramdaman ang hapdi sa kanyang tagiliran. Hinawakan niya iyon at dunudugo na naman, kahit nakatali na iyon. Sa totoo lang, napakarami na niyang utang na loob sa mga taong hindi niya inaasahan. Noong una, si Vincent. Iniligtas siya, ngayon naman si Alter. Pakiramdam niya tuloy ay hindi siya lalaki sa sobrang kalampahan niya. Biglang umihip ang malumanay at malamig na hangin. Medyo gumaan ang pakiramdam ni Makmak dahil doon. Isa pa, hindi na siya gano'n nag-aalala kay Ara dahil alam niyang maaasahan si Patricia pagdating doon. Nagpasiya si Makmak na doon muna matulog sa bubong, upang makaiwas na rin kay Patricia. Hanggang ngayon kasi ay nakakaramdam pa rin siya ng hiya sa kanyang ginawa. Isa pa, baka lalong magtampo si Ara paggising nito, kapag nakita na magkakatabi na naman silang matulog. Habang nakahiga, naalala ni Makmak ang kinuha ni Alter sa likuran ng Quadro. Naalala niya ang chip na isang dangkal ang laki. Iniisip niya bakit napunta iyon sa likuran ng Quadro at bakit kinuha iyon ni Alter? Isa pang bumabagabag sa isipan niya ang dahon na nagmistulang kutsilyo sa talim niyon na nakuha pang patayin ang Quadro sa limang sunod-sunod na pag-atake. Lalo tuloy siyang nahihiwagaan sa lalaking iyon. Hindi man niya aminin, ngunit ayaw na niya muling makaharap si Alter sa kahit anong laban. Hindi namalayan ni Makmak na nakaiglip na siya sa pag-iisip-isip. Sa kabilang banda, hindi makatulog si Patricia sa pagbabantay kay Ara. Naaawa siya habang pinagmamasdan ang kanyang kaibigan na puno ng pasa at sugat ang mukha. Hindi niya alam kung anong nangyari sa dalawa at ayaw din niya iyong itanong kay Makmak, dahil sa nakikita niya, wala rin sa sarili si Makmak na sagutin ang tanong niya. Nakaupo siya ngayon habang hinihintay si Ara na magising. Niyayapos niya ang buhok ng kaibigan at pinagmamasdan ang mukha nito. Hindi maiwasang isipin ni Patricia na kung bakit hindi magawang mahalin ni Makmak ang katulad nito. Sa totoo lang, napakaganda ni Ara. Bilugan at kulay tsokolate ang mata. Matangos ang ilong at mapula ang labi. Sakto lang ang kanyang tangkad pati ang pangagatawanan. Siguro ay hindi talaga gusto ni Makmak na magkasira lang silang dalawa, lalo na mula pagkabata ay silang dalawa na ang magkasama. Gumalaw ng bahagya ang kamay ni Ara, kaya mabilis na napaayos ng upo si Patricia. Handa na niyang salubungin ng nakangiting mukha si Ara at handa na rin siyanng humingi ng tawad. Medyo kinakabahan pa siiya dahil baka hindi tanggapin ni Ara ang sorry niya, pero nilakasan na lamang niya ang kanyang loob, dahil kahit papaano, magkaibigan pa rin naman sila. "Hindi," bulalas ni Ara habang nakapikit pa rin siya. Umiiling-iling siya na tila napakasamaa ng panaginip. "Hindi. Huwag!" anito, kaya mabilis na niyugyog ni Patricia ang braso ni Ara. "Hindi!" Napasigaw na si Ara. Hindi na alam ni Patricia ang kanyang gagawin, kaya napatayo siya at lumabas ng bahay upang hanapi si Makmak. "Makmak!" tawag niya rito ngunit walang sumasagot. Napunta ang tingin ni Patricia sa isang tela na nakalylay sa bubong. Alam niyang kay Makmak iyon, kaya muli ay tinawag niya ito. "Makmak, si Ara!" sigaw niya. Mabilis namang napatingin sa ibaba si Makmak at kinakabahang tumingin kay Patricia. "Anong nangyari?" singhal nito at mabilis na bumaba. Pagpasok nila sa loob ng bahay, naabutan nila doon si Ara na humahagulgol, habang nakapikit pa rin. "Huwag!" anito nang magsimula nang tumulo ang luha niya sa pisnge. Hindi alam nina Patricia at Makmak ang gagawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD