KABANATA XXXV: PAG-AKLAS

3050 Words
Nang makauwi na sila sa bahay ni Patricia, pinili ni Deth na umuwi muna sa kanilang bahay. Hindi rin siya makausap nina Makmak at Patricia upang pagaanin ang loob. Si Ara naman ay ilang minuto na ring tulala at walang kibo, kahit gaano pa siya kulitin ni Patricia. "Hayaan muna natin siya," ani Makmak nang makita na pagod na rin si Patricia sa pakikipag-usap kay Ara. Inaya ni Makmak si Patricia sa labas, habang si Ara naman ay patuloy lamang ang pagtulo ng luha, habang nakatingin sa apoy ng gasera. Nang makalabas na sila, umupo sila sa ikalawang baitang ng hagdan sa harapan ng bahay. Napatingin na lamang si Makmak sa kawalan. "Ano bang nangyayari kay Ara? Bakit gano'n na lamang ang pagluluksa niya kay Mang Eddie? Mayroon ba silang ugnayan?" sunod-sunod na tanong ni Patricia kay Makmak, ngunit isang tipid na ngiti at iling lamang ang sinagot ni Makmak. "Wala ako sa lugar para sagutin ko ang lahat ng iyan, Patricia. Balang araw ay malalaman mo rin ang lahat," anito. Tumigil naman sa pagtanong si Patricia at tumingin na lamang sa itim na kalangitan, kung saan nagkalat ang makikinang na bituin. "Grabe ano? Natapos rin ang kalbaryo natin," ani Patricia na mapait ang ngiti. "Kaya nga 'e. Hinihintay ko rin kung kailan matatapos ang pasakit na ito. Parami nang parami ang namamatay, pakonti na lang tayo nang pakonti. Siguro kapag nawala pa kayo ni Ara, hindi ko na alam ang gagawin ko," pagdadrama ni Makmak. Impit na tumawa si Patricia. "Iyon din naman ang iniisip ko, pero palagi kong inaalala ko malalakas kayo at hindi sumusuko. Kaya madalas, nagiging motibasyon ko iyon sa pakikipaglaban," aniya. "Siya nga pala." Humarap si Makmak kay Patricia dala ang malaking tanong sa kanyang mukha. "Paano ka nakatakas? Tsaka bakit sa kalagitnaan kanina nang laban ninyo ni Alter ay natawa siya? Rinig namin, dinaya mo raw siya e," ani Makmak. Umiling si Patricia. "Hindi ko magagawang mandaya." "Eh paano nga? Anong ginawa mo? Bakit nagkagano'n ang reaksyon ni Alter?" sunod-sunod na tanong ni Makmak. "Hindi ko alam." Kibit balikat na sagot ni Patricia. "Basta ang naalala ko, pumikit lang ako noon at nagdasal. Pagkatapos, pagmulat ko ng mata, nababasa ko na kung anong nasa isip ni Alter. Naririnig ang sinasabi ng iba na tanging nasa isip lamang nila. Samut-saring boses ang naririnig ko, kaya hindi ako mapakali. Para akong mababaliw sa mga oras na iyon, kaya hindi ko na mapokus ang sarili ko at natalo," paliwanag niya. "P-paano? Hindi ko talaga maintindihan. Lumabas na ba ang abilidad mo?" tanong ni Makmak. "Hindi ko alam e, basta pagkatapos niyon, nakita ko na lang na sinusundo ako ng dalawang guwardiya," aniya. "Kilala mo ang mga iyon? Paano mo sila nakilala?" "Iyon yung araw na naghiwa-hiwalay muna tayo, at umuwi kayo sa inyo. Naalala mo pa ba?" tanong niya. Tumango lamang si Makmak. "Sa isang eskinita, narinig ko sina Adonis at Liv na nag-uusap, patungkol sa pamilya nila. Nalaman ko na mayroon din pala silang pamilya sa labas at miss na raw nila iyon. Ang kwento pa nga sa akin ay akala nila na may oportunidad ang naghihintay sa kanila rito sa baryo, pero pagdating nila, isang mabigat na training ang pinagawa sa kanila." Patango-tango lamang si Makmak, nang maramdaman na nito ang antok ay siya namang humikab siya ng magkasabay. Natawa lamang si Patricia sa naging itsura ni Makmak, kaya napahinto si Makmak sa kanyang ginagawa. "Bakit, Patricia? May mali ba sa ginagawa ko?" takang tanong niya. "Hindi, wala. Bakit kasi pinipilit mo pa rin dito sa labas, kung inaantok ka na. Samahan mo na si Ara doon sa loob at pagaanin mo na ang kalooban niya. Ngayon ka niya mas kailangan, bilang matalik na kaibigan," aniya. Napangiti si Makmak. "Alam mo, Patricia, hindi ko kamo alam bakit wala pa ring nagkakagusto hanggang ngayon sa'yo," anito. "Ano ka ba?" singhal ni Patricia. "Iisipin ko pa ba 'yan, kung nasa panganib na ang buhay ko sa araw-araw?" tanong niya. "Sabagay. Pero bilib ako sa iyo. Sa lahat ng delubyong napagdaanan natin, nakukuha mo pa ring ngumiti. Kung ako mawalan? O kaya hindi lang tinulungan? Siguro magmumukmok ako ng ilang araw," tatawa-tawang sabi ni Makmak. "Ano ka ba. Hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangan mong magmukmok. Alam natin na hindi tayo mabubuhay sa mundong ito, kung hindi tayo hihingi ng tulong sa kapwa natin. Pero minsan, intindihin din natin sila. May kanya-kanyang dagok ang buhay natin. Kung maisalba nila tayo, mainam, pero kung hindi, magapsalamat pa rin tayo," aniya. "Sabagay. Oh siya, mauuna na ako sa loob ha? Sigurado tulog na si Ara niyan, ayaw ko kasing nakikitang malungkot 'yun e. Baka mag-iyakan lang kami," pagbibiro ni Makmak. Nang makapasok na sa loob si Makmak, huminga ng malalim si Patricia, kasabay niyon ay pagdampi ng malamig na hangin sa kanyang balat. Ngayon pa lamang niya nararamdaman ang pagod sa katawan, isip at kaniyang kaluluwa. Pakiramdam niya ay ubos na ubos na siya, lalo pa nang makita niya kanina ang duguang damit ni Mang Eddie. Alam niya kung gaano kahirap ang mawalan ng ina, ang mawalan ng mahal sa buhay. Kaya naman muling sumagi sa isipan niya ang mukha ng kanyang ama na wala ng buhay. Napangiti nang mapait si Patricia at tumingin sa nag-iisa na lamang na bituin. Napakakinang niyon. Hindi niya mapigilang hindi mamangha. Pakiramdam niya, iyon ang kanyang ama na palaging nagbabantay sa kanya, tuwing may dinadala siyang mabigat na problema. "Kumusta na kaya si inay?" tanong niya sa sarili. "Siguro miss na ako no'n. Kasi ako? Miss na miss na miss ko na siya," aniya. Ilang minuto pa ang tinagal ng pagtambay ni Patricia sa labas, nang mapansin niyang palamig nang palamig ang hangin na dumadampi sa balat niya. Nagpasya na lamang siya na pumasok sa loob at magpahinga na. Isa pa, tumutuklap na rin ang talukap ng kanyang mata. Pagpasok sa loob, naabutan niya si Ara na nakayuko sa mesa. Mukhang mahimbing na ang tulog nito. Si Makmak naman ay naglatag ng banig sa sahig at masarap na rin ang tulog. Napangiti na lamang siya nang pagmasdan ang kanyang mga kaibigan. Naalala niya ang sinabi kanina ni Makmak na hindi na nito alam ang gagawin kung mawawala pa silang dalawa ni Ara sa buhay niya. Kahit naman siya ay gano'n din ang iniisip. Kung kaya't gagawin niya ang lahat upang hindi na mawala ang natitira niyang kayamanan. Ang kanyang kaibigan. Nagpasiya na lamang si Patricia na tabihan si Makmak sa pagtulog nang maramdaman na niya na pumipikit na ang kanyang mata sa pagod. Ilang minuto pa lamang nakakatulog si Patricia, sunod-sunod na kalabog ang narinig niya sa pinto. Pati sina Ara at Makmak ay pupungay-pungay na gumising upang tingnan kung sino iyon. "Ano ba 'yan...Hindi pa ako nakakapagpahinga ng maayos, meron na naman," reklamo ni Makmak at nag-unat pa. "Tao po!" tawag ng lalaki sa labas at malakas na kinakalabog ang pinto. Tamad na tamad tumayo si Makmak upang magbukas ng pinto. Tumayo na rin sina Ara at Patricia, sabay nagtinginan. "Pagbukas ni Makmak ng pinto ay isang lalaki ang bumungad sa kanila. Pawis na pawis ito, habang may bitbit na ilaw na nanggaling sa apoy na nasa kahoy. Nagtaka silang tatlo at labis pa silang nagulat nang pagtingin nila sa labas, naroon ang iba pang tao. "A-anong ginagawa ninyo rito? Sino kayo?" tanong ni Makmak. "Mamaya na namin ipapaliwanag! Halina kayo at tumakas na tayo! Alam na namin ang palabas rito!" wika ng isang lalaki. Ang iba ay nagpatuloy na sa paglalakad. "Halina kayo!" Tinulak ng lalaki si Makmak palabas. Napasabay na rin sina Ara at Patricia. Walang anu-ano'y sinarado ng lalaki ang pinto at sinama silang tatlo papunta sa gubat. "Ano ba 'tong ginagawa nila? Hindi ba tayo mahuhuli?" bulong ni Ara kay Makmak. "Hindi ko rin alam e. Wala akong kaalam-alam," ani Makmak. "Siguro ngayon kailangan nating maging isa. Sumunod na lang tayo sa kanila at baka tama nga ang desisyon nila," ani Patricia. Naaninag ni Ara ang bawat tao na may bitbit ng apoy na nasa kawayan. Napakunot ang noo nito nang makita na ang mga kasamahan nito ay ang mga manlalaro na natalo kanina. Paano sila nakatakas? At bakit nila naisip ang ganitong pag angklas. "Mukhang masa ang kutob ko rito," bulong ni Ara sa kasama. "Ako rin e," saad ni Patricia na mukhang kinakabahan na rin sa kanilang ginagawa. Nakarating sila sa bukirin at doon tumigil muna panandalian ang mga tao. Iyong lalaki na nagsama kina Makmak ay mukhang siya ang naging lider ng hukbo dahil nagpunta ito sa gitna upang magpaliwanag. "Pasensya na kayo, kung napasama ko pa kayo rito. Ayaw ko lang kasi na ako lang mag-isa ang makatakas. Ako nga pala si Leo. Kami ang manlalarong dinala kanina sa bakanteng lote, ngunit dahil nawala ang aming kasamahan, at mabuti na lang ay niligtas kami ng isang lalaki, nakatakas kami mula sa kamatayan. Tinuro din ng lalaking iyon ang lagusan, palabas ng baryong ito, kaya sana ay pagkatiwalaan ninyo ako," anito habang humahangos. "P..pero paano? Anong sinabi niya sa iyo? Hindi ka ba nagtaka? Baka patibong lang ito," wika naman ng isang binata na may panyo sa kanyang ulo. "May tiwala ako sa lalaking iyon. Kanina pa lamang na pinalaya niya kami ay malaking pasasalamat na namin iyon, kaya tatanawin kong utang na loob sa kanya kung sakali mang makatakas tayo rito," anito. Patuloy lamang sa pakikinig ang tatlo at wala pa ring kamalay-malay kung ano ang nangyayari ngyon. Naalala ni Patricia iyong lalaki kanina na nakaitim na siyang sumalubong sa kanila roon. Hindi kaya iyon din ang nagligtas sa mga ito? Tsaka napansin ni Patricia na kakaunti lamang silang narito. Bukod sa kanilang tatlo ay ang mga taong narito ay galing sa bakanteng lote na iyon. Gulong-gulo na rin siya sa nangyayari. "Napag-alaman namin na may isang chip sa ilalim ng puno ng Acacia. Magagamit natin iyon sa lagusan upang magbukas. Kapag nasa atin na ang chip, malaya na tayong makakalaya," pahayag ng lalaki. Biglang natigilan si Patricia at inaalala kung saan nga ba niya narinig ang chip na iyon. Biglang nagliwanag ang muka niya nang maalala na minsan nang ikinwento iyon sa kanya ni Adonis. Hindi lamang natuloy, dahil pinigilan ito ni Liv. Ngayon ay alam na niya ang lahat at alam na niya kung para saan ang chips na iyon. Pinanatili muna niyang sarado ang kanyang bibig hanggang sa matapos na ang nagsasalita. Nang makapagplano na sila kung paano nila kukunin iyon ay nagpatuloy na sila sa paglalakad. Naghati ang mga tao sa dalawang grupo. Kasama sina Patricia at Ara sa grupo ng babae na maghihintay na lamang sa may lagusan, at mga lalaki na pupunta sa Acacia upang kuhanin ang chip. Hindi raw kasi gano'n kadali iyon, lalo na maraming patibong ang naghihintay sa kanila. "Patricia, tama ba itong ginagawa natin? Kinakabahan na ako," wika ni Ara at hinawakan ang kamay ni Patricia. "Maghintay na lamang tayo. Hindi ba gusto mo ring makaalis na dito? Magtiwala tayo sa mga kasamahan natin," ani Patricia saka pinisil ang kamay ni Ara nang maramdaman na ang pangangatog ng kanyang paa. Lumipas ang limang minuto, wala pa ring bumabalik sa lagusan at wala pa ring may alam kung ano na ang nangyari. Sobrang dilim na ng paligid at ang ibat-ibang hayop ay nagsusulputan na rin at nag-iingay. Ang iba nilang kasamahan ay nakatulog na sa gilid ng puno, habang sina Patricia at Ara ay patuloy lamang sa paghihintay ng pagbabalik ni Makmak. Sampung minuto na simula nang naghihintay sila, ngunit wala pa ring dumarating. Pinanghihinaan na ng loob ang iba, habang ang iba ay nilibang na lamang ang sarili sa pakikipag kwentuhan. Iyong mga bata na kasamahan nila ay natutulog pa rin hanggang ngayon habang nakasandal ang kanilang likuran sa puno ng mahogany. "Ara,kinakabahan na ako, hindi pa rin bumabalik sina Makmak," hindi na mapigilang magsalita ni Patricia. Tumayo siya at sinubukang silayin kung malapit na ba sila,ngunit kahit yabag ng paa ng kanilang kasamahan ay hindi niya marinig. "Hindi na ako mapakali. Kailangan ko nang puntahan ang asawa ko!" sigaw ng babae at tumayo ito. Sumusunod na rin ang iba, ngunit nang biglang sumigaw si Patricia ay natigilan sila. "Teka! May naririnig akong mga yabag sa di kalayuan. Papunta na sila rito," masayang sabi ni Patricia, kaya hindi mapigilang sumigaw ang iilan. Ang mga bata ay nagising na rin at tumayo. Nakatayo na ang lahat habang hinihintay ang paparating. Wala silang ka ide-ideya, dahil madilim doon. Pinatay na rin nila ang kanilang apoy, dahil baka mabilis raw silang mahuli doon. Nang palapit nang palapit ang yabag, biglang nakaramdam ng kaba si Patricia. Hindi niya alam kung anong nangyayari, ngunit iba ang kabang iyon. Ngayon lamang niya naramdaman ang ganung klaseng takot. Unti-unting nakita ni Patricia kung sino ang paparating. Mga guwardiya na may dala ng palaso at pana. Walang alinlangan nilang pinagtitira ang mga bata at matanda na kasama sa pagtakas. Mabilis namang hinila ni Patricia si Ara, kaya nakatakas sila. Mabilis tumakbo si Ara at si Patricia naman ay naamoy ang tamang daan, kaya nagsanib pwersa ang dalawa, upang makaiwas sa naglilipanang palaso sa mga kasamahan nila. "Ara! Tara doon tayo!" tawag ni Patricia kay Ara nang makalayo na sila, ngunit si Ara ay hindi makaalis sa kanyang kinatatayuan at parang may hinahanap. "Patricia, si Makmak!" sigaw ni Ara. "Mamaya natin hanapi-" hindi na niya natuloy ang sasabihin nang sumigaw muli si Ara. "Kailangan nating hanapin si Makmak!" galit na sigaw ni Ara at nagsisimula nang mangilid ang kanyang luha. Sinundan ni Patricia si Ara at hahanapin na sana nila si Makmak nang biglang tinulak ni Patricia si Ara, dahilan para magkahiwalay sila at mapadapa sila sa damuhan. "May lumipad na palaso!" bulong ni Patricia. Nang tingnan niya si Ara ay bakas sa mukha nito ang sakit sa kanyang pagkakabagsak. Nang tingnan ni Patricia ang matulis na pallaso ay nakatusok na ito sa lupa. Mabilis naman niyang pinuntahan si Ara at itinayo. "Pasensya ka na." Tinaas muli ni Patricia si Ara. "Ayos lang. Pero kailangan nating hanapin si Makmak. Siya na lang ang pamilya ko, Patricia. Hanapin natin siya!" pagmamakaawa ni Ara. Niyakap siya ni Patricia at pinatahan. Kahit si Patricia ay hindi rin alam ang nangyayari sa mga kasamahan niya. Basta ang huli lang niyang nasaksihan ay ang pagdanak ng dugo ng ibang miyembro. Nang makalabas na sila sa damuhan, nagpalinga-linga ng tingin si Patricia, upang siguraduhin na wala ng guwardiya ang nagbabantay sa kanila, ngunit napahinto muli sila nang tumapat ang ilaw sa direksyon nila. Mabuti na lamang at mabilis silang napadapa, kaya hindi sila nakita. "May mga guwardiya pa sa gilid, Ara. Kailangan nating talasan ang ating pakiramdam," aniya. "P..pero paano si Makmak? Baka napano na ang kaibigan ko," nanginginig na ang kanyang boses sa takot. "Huwag kang mag-alala. Sigurado ako ligtas ang kaibigan natin," aniya. Nang maramdaman na ni Patricia na wala ng tao sa paligid, lumabas na rin sila sa damuhan, ngunit nang makadalawang hakbang pa lamang sila,biglang may humila sa braso ni Makmak. "Tulong!" sigaw niya, ngunit kaagad na tinakpan ang kanyang bibig. "Patricia? Nasaan ka na?" nangangapang tanong ni Ara, ngunit si Patricia ay nilalayo na ng hindi kilalang tao. "Isama mo 'yang isa!" bulong ng isang lalaki sa kanyang kasamahan. Lalong kinabahan si Patricia sa maaaring mangyari sa kanila, ngunit paunti-unti, may naalala siyang isang pamilyar na boses. "Huwag kang maingay." Tinanggal ng lalaki ang kamay sa bibig ni Patricia. "Ako ito, si Vincent," anito. Nakahinga ng maluwag si Patricia habang inaakay siya ni Vincent patungo kung saan. "V..vincent? Paano ka nakapunta rito?" tanong ni Patricia. "Tsaka sino ang may hawak kay Ara?" "Kasama ako sa pag-aaklas. Bagong kasamahan ko 'yan, si Ian. Halikayo at may ipapakita ako sa inyo," anito. Sawakas ay binitawan din ni Ian ang pagkakahawak sa bibig ni Ara. Tumigil na rin sa pagpupumiglas si Ara nang marinig na kakilala ni Patricia ang mga iyon. "Kilala mo sila?" takang tanong ni Ara. Hindi naman iyon nasagot ni Patricia nang may umiilaw na naman sa paligid. Dahan-dahan ailang naglakad at nakayuko sa mga damo. "Mamaya na kayo magkwentuhan. Mas kailangan kayo ng kaibigan ninyo ngayon," wika ni Vincent. "Sino? Si Makmak? Nasaan siya? Paano mo siya nahanap?" hindi mapigilan ni Ara na magtanong ngunit sinamaan siya ng tingin ni Ian. "Kung hindi ka pa titigil sa kakadaldal mo, ako na mismo ang papana sa bunganga mo," matalim na sabi ni Ian. Nakaramdam na rin ng takot si Ara sa pagbabantang iyon ni Ian,kaya naman minabuti na lamang nito ang manahimik. Nagpatuloy lamang sa paglalakad sina Ara, Ian, Patricia at Vincent hanggang sa makarating sila sa isang malaking tipak ng bato. Takang-taka ang dalawa bakit dinala sila roon nina Vincent at Ian, ngunit nabigla ang dalawa nang makita nila ang isang duguan at walang malay na lalaking nakasandal sa malaking bato. "Makmak!" Tumakbo si Ara papunta sa walang malay nilang kaibigan. Maraming tama ito sa kanyang braso at may tama rin ito sa kanyang tagiliran. Nanlalambot namang tinanggal ni Patricia ang paghahawak ni Vincent sa kanyang braso at napaluhod nang nilapitan si Makmak. "A..anong nangyari?" bulong niya. "Nakita na lang namin siyang tumatakbo e. Malapit na siyang mawalan ng malay no'n,kaya nagpasiya kami na dalhin na lang namin siya rito. Bago siya mawalan ng malay, sinabi niya pa sa amin na iligtas kayo. Lalo ka na Patricia," paliwanag ni Vincent. "Makmak?" Hinawakan ni Patricia ang kamay ng kaibigan. "Sinong may gawa nito sa'yo? Anong nangyari?" nagsimula nang tumulo ang kanyang luha at niyakap si Makmak. "Huwag kang mag-alala, Patricia. Ligtas na ang kaibigan ninyo. Bago ko kayo hinanap, tinanggl muna namin ang lason na dumikit sa katawan ng kaibigan ninyo. Ngayon ay nagpapahinga na lamang siya," anito. "Salamat," tipid na sabi ni Ara. "Matanong ko nga, bakit ba kasi kayo sumama sa pag-aaklas na ito? Alam naman ninyong delikado, hindi ba?" tanong ni Vincent. Hindi na makasagot sina Ara at Patricia nang magsimula nang umubo ng dugo si Makmak. "A..ara? Patchot?" nanlalambot na sabi ni Makmak. "Mabuti naman at ligtas na kayo," anito at pilit na minumulat ang mata. "Bwisit ka talaga, Makmak!" Marahang hinampas ni Ara ang braso ni Makmak. "Akala ko napano ka na," anito at hinawi ang luha. "Iyakin ka talaga, Ara baboy. Alam mo namang may sa demonyo ako, hindi ba?" pagbibiro pa nito kahit hirap pa rin siyang huminga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD