KABANATA XXXIV: LIGTAS

3004 Words
Dinala nina Adonis at Liv si Patricia sa isang makipot na daan kung saan walang nakakakita. Bago pa lang maganap ang laban ay hinanap na ng dalawa si Patricia upang iligtas sa kapahamakan. Mabuti na lamang at narinig nila si Alter na humahagalpak sa tawa, kaya nakita nila ang kinakabahang si Patricia. Sa una pa lang ay alam na nilang matatalo si Patricia kay Alter, dahil bukod sa mautak ang binata ay may ginamit ding mahika ito kay Patricia. "Mamaya ka na namin ihahatid sa inyo, Patricia," ani Adonis habang nakatayo at nagmamasid sa gilid. "Salamat sa inyo. Akala ko ay hindi na ako makakaalis ng buhay sa lugar na ito," aniya na may ngiti sa labi. "Pwede ba 'yon?" Tumayo si Liv at tatawa-tawa. "Humingi kami ng pabor sa iyo, kaya binabalik lang namin ang kabaitan mo," anito. "Hindi ko rin kasi talaga alam kung bakit nawala ako sa sarili kanina. Wala akong ibang marinig, kung hindi iyong napakasakit sa tainga na halakhak ni Alter. Parang pinipiga ang utak ko," aniya habang inaalala ang nangyari sa kanya sa laban. "Alam mo si Alter, iba talagang maglaro iyon. Dati pa man ay sakit na namin siya sa ulo," wika ni Adonis. "Ang sabi nga ay gumagamit siya ng mahika. Kapag tinanggal ang kanyang salamin ay doon ka mahihipnotismo. Pero ang sabi naman ng iba, kapag nagsimula na siyang tumawa, iyong tawa na iyon ang magliligaw sa landas mo," dagdag pa nito. "P..pero maaari ba akong magtanong sa inyo? Nakita niyo ba kung nasaan ang mga kaibigan ko?" tanong niya. "Ay oo nga pala ano?" biglang sabi ni Liv. Siya ang kaninang tumabig sa kamay ni Makmak. "Pagpasensyahan mo na ha? Medyo napalakas yata ang tabig ko sa kamay ng kaibigan mo. Ang kulit kasi niya e. Pero nakita namin kanina na naroon sila sa ilalim ng puno. Mukhang may binabalak yatang gawin ang tatlo," anito. "Tatlo?" nagtatakang tanong ni Patricia. "Oo. Nasilip namin kanina ni Adonis, diba?" tanong nito. Tumango naman si Adonis upang sumang-ayon. "Oo. Isang lalaking matangkad, isang babaeng mataba na maliit at isang dalagang ubod ng ganda," pagpupuri pa ni Adonis. Napaisip muna saglit si Patricia kung sino pa iyong tinutukoy nina Liv at Adonis na isa pa nilang kasamahan. Base sa sinabi ng mga ito, isang matangkad na babae at mahaba ang buhok. Maganda raw ito. Isa lang naman ang pumasok sa isip niya, kaya nagsimula na siyang magtanong. "Hindi kaya si Deth iyon?" tanong niya sa sarili. "Deth?" anas ni Liv. "Iyon ba 'yung anak ni Mang Eddie?" usyoso pa nito. Tumango naman si Patricia. "Ang alam namin, natalo ng isang...Ah ayun! Iyong sinasabi kong nakatalo kay Mang Eddie sa laban ay iyong isa sa kaibigan mo. Pero bakit sila magkakasama?" Biglang napaisip si Liv at napahawak sa kanyang baba. "Hunghang!" singhal ni Adonis. "Malamang ang balak nila ay iligtas ang ama ng babaeng iyon, habang ang dalawa naman ay ililigtas itong si Patricia! Ano ba namang isip 'yan," ani Adonis. May punto naman si Adonis sa kanyang sinabi, ngunit kung sakali, iniisip ni Patricia kung ano ang gagawin nilang hakbang. At kung gano'n pala ang binabalak nina Makmak at Ara ay kailangan na niyang makabalik muli doon, upang hindi na mapahamak ang kanyang mga kaibigan. "Teka." Tumayo si Patricia at pinagpag ang kanyang puwetan. "Hindi pa ba maaaring umalis?Pupuntahan ko na sina Makmak at Ara!" aniya. Sumilip muna sa labas si Adonis. "Pasensya ka na Patricia, pero sa nakikita ko, kahit gabi na ay hindi pa rin tapos ang laban," anito. Huminga nang malalim si Patricia. "Paano ang mga kaibigan ko? Paano kung may maangyaring masama sa kanila? Anong gagawin ko?" sunod-sunod niyang tanong. Hinawakan naman ni Liv ang balikat ni Patricia. "Huminahon ka, Patricia. Kapag nagpadalos-dalos ka sa desisyon mo, baka tayo ang mapahamak. Maghintay muna tayo ng ilang minuto pa," anito. Sa malumanay na pagsasalita ni Liv ay medyo kumalma na si Patricia. Ngunit naroon pa rin sa kanya ang pag-aalala sa mga kaibigan. Natatakot siya na baka ano na naman ang mangyari sa mga ito. Natatakot siya na baka iwan na naman siya ng mga ito. "Siguro sa mga oras na ito, papunta na ang mga kaibigan mo sa bakanteng lote," ani Adonis. Kumunot ang noo ni Patricia sa tinuran nito. "Ano namang gagawin nila doon? Hindi ba dapat magpunta sila sa lungga ng mga Quadro, dahil ang sabi ay doon idederetso ang mga talo?" tanong niya. "Hindi, Patricia," sabat naman ni Liv. "Matalino ang mga kaibigan mo, at base sa nakita ko kanina, nagpaplano na silang magpunta sa bakanteng lote, kung saan dinadala ang mga talo. Doon kasi namin dinidiretso ang mga tao, dahil bukas pa sila dadalhin sa lungga ng mga Quadro," anito. Ngayon ay malinaw na ang lahat kay Patricia. "Pero sana hindi pa sila makarating doon," malungkot na pahayag ni Liv. "May inihandang patibong kasi ang mga kasamahan namin,kung sino man ang magtangkang tumakas. Nilagyan nila ng hukay ang bawat daan na maaari nilang puntahan. At sa hukay na iyon ay may matatalas na bagay,sapat na para mamatay," anito. Nanlaki ang mata ni Patricia at lalo siyang naging balisa. "Hindi..hindi pwede! Tulungan ninyo ako! Gusto ko nang umalis. Gusto ko nang puntahan ang mga kaibigan ko, pero paano?" Sumilip muli sa labasan si Adonis at isang malawak na ngiti ang iginawad kay Patricia. "Maaari ka nang lumabas, Patricia," anito. Nangingilid ang luha ni Patricia nang sabihin iyon ni Adonis. "Hindi ko makakalimutan ang pagtulong niyong ito sa akin. Maraming salamat!" Tumingin siya kay Live at Adonis na isa na ring naghahanda. Sinuot na ni Adonis at Liv ang kanilang bakal na harang sa kanilang ulo at saka sila tumakbo palabas sa makipot na eskinita.Nauna nang nagpaalam sina Liv at Adonis. Tinuro rin ng mga ito kung saan nila huling nakita sina Makmak at Ara. Mabilis na pumaroon si Patricia, ngunit pagdating niya sa tapat ng puno ay natigilan siya. Wala na ang mga kaibigan niya. Lalong kumalabog ng malakas ang puso ni Patricia. Bukod kasi sa wala na ang mga kaibigan niya rito ay nakalimutan din niyang tanungin kina Adonis at Liv kung saan ang daan patungo sa bakanteng lote na iyon. Halos wala na ring tao sa plaza. Nakapatay na rin ang ilaw, at ang poste na lamang ang nagsisilbing liwanag ng daan. Hindi tumigil sa kakahanap si Patricia. Hindi napagod na tumakbo kung saan-saan, hanggang maalala ang isang bagay. Naalala na niya kung saan nagpupunta ang mga guwardiya sa tuwing hinahatid ang mga talo na manlalaro. Sa gilid iyon ng bahay. At sa tabi ng bahay ay may nakatanim na malaking papaya. Kaagad na hinanap ni Patricia ang palatandaang iyon, kahit nanlalambot na ang kanyang tuhod sa pagod at kaba. Patuloy pa rin siyang tumatakbo, hanggang sa may mamataan siyang pamilyar na bagay. Lumapit pa siya lalo sa tatlong naglalakad na tao, nang madiskubre nga niyang sina Makmak, Ara at Deth iyon. Hindi na siya nagsayang pa ng oras kaya mabilis niyang tinawag si Makmak. "Makmak! Ara!" sigaw niya, kaya dali-daling lumingon sa likuran ang tatlo. Hindi mapigilan ni Patricia na maluha habang patakbong lumalapit kina Ara at Makmak. Siniil niya ng yakap si Makmak. Tuwang-tuwa ang dalaga nang malamang ligtas ang kanyang mga kaibigan. "A-anong nangyari? Mabuti at ligtas ka?" gulat na tanong ni Ara. Tinanggal naman ni Patricia ang mahigoit na pagkakayakap kay Makmak at saka niyakap naman si Ara. "Salamat sa Diyos. Mamaya ko na sasabihin sa inyo, basta ang mahalaga ay huwag na kayong tumuloy doon," aniya. "Patricia, totoo ba talaga ito?" Hindi makapaniwalang tanong ni Makmak. Ngumiti at tumango naman si Patricia. "Pero paano ang papa ko?" sabat ni Deth na nabigla rin sa pagdating ni Patricia. Hindi nakapagsalita sina Makmak at Ara, ngunit mas lalong naging determinado si Patricia sa pagtulong kay Mang Eddie nang maalala ang pagtulong sa kanya nina Adonis at Liv. "Tutulungan natin ang papa mo," ani Patricia. "T-talaga?" hindi makapaniwalang saad ni Deth. "Seryoso ka na ba riyan?" nagdadalawang isip na tanong ni Ara. Tumango lamang si Patricia. "Minsan na akong nawalan ng ama. Alam ko ang pakiramdam no'n, kaya gagawin natin ang ating makakaya para iligtas si Mang Eddie," aniya. "Kung gano'n pala, halina kayo!" masayang saad ni Makmak. Ngunit pinigilan siya ni Patricia nang hawakan niya ang kamay nito. "Pero may problema tayo e." Napakamot sa ulo si Patricia nang maalala na hindi gano'n kadali ang pagpunta sa lugar na iyon. "Ano?" sabay-sabay nilang tanong. "Ang sabi sa akin nina Liv at Adonis, bawat sulok daw sa lugar na iyon ay may patibong, kaya dapat pagplanuhin muna natin ang lahat," aniya. "Liv?" kunot noong tanong ni Makmak. "Adonis?" tanong naman ni Ara. "Sila iyong mga guwardiya na tumulong sa akin. Pero mamaya ko na ikwento, kapag nakauwi na tayo. Sa ngayon, kailangan muna nating magplano," aniya. Lumusot sila sa isang eskinita na saklaw ng liwanag ng poste. Inilabas ni Deth mula sa kanyang likurang bulsa ang mapa na kanilang ginawa kanina. Ang mapa na iyon ay isang buong papel, kung saan detalyado ang lahat. Ang lugar na papunta, ang bawat daanan,pati na ang mismong bahay kung saan ikinulong ang mga manlalaro. Lima ang maaari nilang daanan doon, at sigurado si Patricia na lahat iyon ay nilagyan ng patibong, kaya hindi sila basta-basta makakalusob sa lugar na iyon. "Paano tayo makakapasok doon?" tanong ni Ara nang maipaliwanag na lahat ni Patricia. "Mayroong sinabing isang paraan si Liv sa akin," aniya. "Ano naman?" tanong ni Makmak. "Ang sabi nila, may isang pader daw doon na humaharang sa isang bahay kung saan sila naroon. Kung maakyat natin 'yon, baka raw may tyansa pa nating iligtas si Mang Eddie pati na ang iba. Kaya lang.." napatigil si Patricia sa pagsasalita. "Kaya lang ano?" sabay-sabay nilang tanong. "May wire daw sa tuktok ang pader. At hindi malabo na hindi iyon lagyan ng kuryente, kaya malabo din tayong makadaan doon," anito. Nawalan na ng pag-asa ang magkakaibigan, ngunit masusing tiningnan ni Deth ang pagbabago sa mapa na hawak niya. "Teka lang," anito. Sabay-sabay namang tumingin kay Deth ang tatlo. "Kung dalawang metro ang lawak ng butas, kada daan ibig sabihin maaari nating talunin iyon. Siguro naman ay kaya ninyo ang dalawang metro hindi ba?" tanong nito. Nag-aalangan pa silang sumagot, ngunit kalaunan ay tumango rin si Makmak at Patricia, pero si Ara ay tahimik lamang. Mabilis namang naintindihan ng tatlo si Ara. Maliit lang kasi ang biyas nito a hindi kakayaning tumalon pa ng higit sa isang dangkal. "Si Ara ang look out natin," ani Patricia. "Look out? Iyong magbabantay?" paninigurado pa ni Deth. Tumango naman si Patricia kaya nagliwanag ang mukha ni Ara na kanina ay lugmok. "Sige tara na!" ani Makmak at sabay-sabay silang tumayo. Nang makarating na sila sa bungad ng sinasabing bakanteng lote, nakita nga nila ang mga butas na tinakpan lang ng mga dayami. Nakakapanlinlang ang mga butas na iyon, at kung magkamali man ng tapak ay tiyak na naghihintay ang matutulis na bagay sa ilalim. "Wala na ang mga guwardiya," ani Makmak nang magpalinga-linga siya sa paligid. Nakita rin nila kung gaano kalawak ang espasyo na nilagay ng mga guwardiya sa patibong na kanilang ginawa. Kung hindi lamang sinabi ni Patricia na may naghihintay na panganib sa kanila rito ay baka kanina pa sila namatay sa kakamadali. "Ako ang mauuna ha?" sigaw ni Makmak. Tumango naman si Patricia at Deth. Habang si Ara at lumayo ng kaunti, upang magbantay kung may paparating bang guwardiya. Sakto lamang ang ilaw na nanggagaling sa poste. Kitang kita na ang kanilang hahakbangan, ngunit dahil masukal ang daan ay nahihirapan pa silang kapain iyon. Nagsimulang tumalon si Makmak, at napadausdos ng kaunti. Mabuti na lamang at napahawak siya sa makakapal na damo. Kinakabahan siyang humarap sa dalawa, ngunit nang ayos na siya ay nagpresinta naman si Patricia na sumunod na. Sa paghakbang ni Patricia, nagkamali ang kaliwa niyang paa, kaya muntik na siyang mahulog sa butas. Mabuti na lang at mabilis hinawakan ni Makmak ang kamay ni Patricia, kaya imbis na siya ang mahulog ay ang diami lang na nakatakip sa mga butas. Habang hila-hila ni Makmak si Patricia at bigla silang natigilan nang mapatingin sila sa butas. Nanginginig ang paa ni Deth nang lumuhod siya at lumapit sa butas kung saan may nakkasabit na kulay itim na damit. Dahan-dahan niya iyong niladlad at nagsimula nang mangilid ang kanyang luha nang mapagtanto na iyon ang damit ng kanyang ama. "Pa!" sigaw niya, habang nagsimula nang bumuhos ang kannyanng luha.Napaluhod siya mukha sa kinatatayuan at nakatingin sa itaas. "Anong... nangyari?" tanong niya sa sarili. Tila natigilan sa pagbabantay si Ara nang marinig ang sigaw ni Deth. Hindi na siya nakapagsalita pa nang makitang yakap na ni Deth ang damit ng ama na suot nito kanina habang sila ay naglalaban. Mabilis na tumakbo si Ara at nangingilid ang kanyang luha nang tingnan ang duguang damit ni Mang Eddie. Bago tanungin ang kasamahan, tumalikod muna siya, saka pinunasan anng namumuong luha sa gilid ng kanyang mata. "Anong nangyari dito? Anong nangyari kay Mag Eddie?" sunod-sunod nitong tanong, habang hindi mapigilan ang pautal-utal na salita. Naglakad siya papunta sa pinagbagsakan ng mga diami. Nilihis niya ang iba roon ay nakita ang nagkalat na dugo sa matutulis na bakal. "Hindi namin masabi kung nahulog ba siya diyan noong binalak niyang tumakas, o may nagtulak sa kanya," saad ni Makmak na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala. "Pero nasaan ang katawan ng papa ko? Nasaan?!" Ngayon ay hindi na makilala ni Makmak si Deth sa pinapakita nitong ekspresyon. Galit at poot ang namutawi sa mata ni Deth habang hinahalungkat ang iba pang dayami. Tumulong na rin sina Makmak, Ara at Patricia. Si Ara ay hindi mapigilang hindi maluha. Napansin iyon ni Patricia ngunit sa bawat hawi ni Ara ay napapaisip muli si Patricia. Hindi niya alam kung ano ang koneksyon ng kaibigan niya kay Mang Eddie at gano'n na lamang siya naapektuhan. "Si Eddie ba ang hinahanap ninyo?" saad ng isang matandang lalaki na nakasuot ng sumbrerong itim. "Sino ka?! Ikaw ba ang pumaslang sa papa ko, ha?!" galit na turan ni Deth at tumayo. Nabigla ang lahat nang bigla niyang tinulak ang lalaki, kaya napaurong ito mula sa kinatatayuan. Hindi naman gumanti ang lalaki, bagkus tumawa ito. "Huminahon ka lang binibini," saka nito hinawi ang kamay ni Deth na tumutulak sa kanya. Iyong ngiti ng lalaki, ibang-iba. Tsaka base sa mukha nina Makmak ay ngayon lang din nila ito nakita. "Ikaw pala ang anak ni Eddie?" tanong muli nito. "Huwag ka nang maraming satsat! Sagutin mo ako! Nasaan ang ama ko!" sigaw ni Deth at hindi na nito mapigilan ang galit. "Nakita mo naman ang nagkalat na dugo niya rito hindi ba? Ibig sabihin, wala na ang ama mo!" tatawa-tawa nitong sagot. "P..pero paano? Anong nangyari?" pautal-utal na tanong ni Ara. Napatingin naman ang lalaki kay Ara. Isang makahulugang tingin. "Ikaw pala 'yon." Tinuro nito si Ara. "Ang ano? Bakit hindi mo sagutin ang tanong ko!" sabat ni Deth, ngunit hindi nito pinansin ang dalaga at patuloy lang na nakatingin kay Ara. "Kumusta ka na? Matagal rin bago tayo nagkita, Ara?" tanong nito. Sabay-sabay napaawang ang bibig nina Makmak, Patricia, Deth at Ara. Si Ara ay mukhang wala pa ring ideya kung sino iyon. "Ano bang pinagsasabi mo? Hindi pa kita nakita sa tanang buhay ko!" dipensa naman ni Ara. "Ows?" nakuha pang magbiro ng lalaki. "Oh siya, halikayo at isasama ko na kayo sa-" Hindi na nito natuloy ang kanyang sasabihin nang biglang sumabat muli si Deth. "Sagutin mo ang tanong ko!" sa sobrang galit ni Deth ay hindi na niya maiwasang mapiyok, habang humahangos pa rin siya. "Nasaan ang papa ko!" "Wala na siya," simpleng sagot ng lalaki. "Binalak niyang tumakas kanina. Akala niya ay walang naghihintay na patibong sa kanya sa labas, kaya pag-apak niya sa dayaming ito, nakita na lang namin ang katawan niya na nakaturok sa matutulis na bakal," paliwanag ng lalaki. "Nasaan ang katawan ng ama ko! Sumagot ka!" Niyugyog ni Deth ang katawan ng lalaki. Ngunit ngayon ay nakaramdam na ng inis ang lalaki kaya tinulak niya ng malakas si Deth, dahilan para mawalan ito sa balanse at matumba. "Huwag mo nga akong mahawak-hawakan. Kaya kong sagutin ang tanong mo nang hindi mo ako pinipilit," anito. "N-nasaan na ang papa ko," sa puntong ito ay desperada na si Deth sa isasagot ng lalaki. Para na siyang babata na nagwawala sa damuhan. Nakaramdam ng awa si Makmak at hahakbang na sana siya muli upang itayo si Deth, ngunit pinigilan siya ni Patricia. "Hayaan muna natin siya," bulong ni Patricia kay Makmak. "Wala naman kaming gagawin sa katawan ng tatay mo e, kaya..." anito. "Kaya ano?!" tanong ni Deth nang matalim nitong tiningnan ang lalaki. "Kaya pinakain na namin siya sa mga gutom na Quadro. Tutal naman, wala nang pakinabang ang ama mo. Edi binigyan ko ng halaga ang pagkamatay niya," sabi nito. "Walang hiya ka," mahinang sabi ni Deth. "Walang hiya kayo. Hinding-hindi ko kayo mapapatawad," anito at saka tumayo. Imbis na sugurin muli ang lalaki ay naglakad papalayo si Deth. Kasabay no'n ang pagdatingan ng mga guwardiya, kaya nagtago na si Patricia at mabilis na humakbang muli. Gayundin si Makmak at nagtago sa damuhan. "Pagbibigyan kita sa ginawa mong 'yan sa akin ngayon, Binibini. Ngunit sinisiguro kong hindi na muling mauulit ito," anang lalaki sa makahulugang boses. Wala sa sariling naglakad palayo si Ara. Hanggang ngayon ay nanlalambot pa rin ang kanyang tuhod sa kanyang nalaman. Wala na ang kanyang ama. Sina Makmak at Patricia naman ay hinabol ang tumatakbong si Deth. Baka daw kasi kung anong gawin niyon sa kanyang sarili, sabi ni Makmak kaya inuna nila si Deth. Hindi na sumunod pa si Ara at hinayaang bumagsak ang kanina pa nito pinipigilang luha. Napakaraming katanungan sa isipan nito ang gumugulo ngayon. Isa na roon ang lalaking iyon na parang kilalang-kilala ang buo nitong pagkatao. Iniisip niya kung saan niya ito nakita o nakasalamuha, ngunit mas lalo lamang gumulo ang sitwasyon. Hindi na nakayanan ni Ara ang bigat sa kanyang pakiramdam kaya napaupo na lamang siya at humagulgol.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD