KABANATA XIII: RELO

3012 Words
Hindi tulad nina Francis at Liriko, si Marvin ay kalahating oras na nasa loob ng rehas. Hindi na mapakali si Patricia sa labas habang hinihintay na magbukas ang kandila. Paikot-ikot lang siya, habang ang mga guwardiya ay nakatayo pa rin at tila naghihintay. Umalis na ang dalawang guwardiya na naghatid kina Francis at Liriko. Sigurado si Patricia na nakuha na ng mga ito ang gusto nila. Ang bar lang naman ang pakay nila sa mga manlalaro, kaya wala na silang pakialam kung mamatay man ang mga 'yon. "Mukhang ang tagal nito ah?" bulong ng guwardiya sa katabi. Hindi naman nagsalita ang isa pang guwardiya at tila naghihintay rin ito ng resulta. Nakakailang ikot na rin si Patricia para ikalma ang sarili. Nang sa sandaling tumigil siya,bigla namang bumukas ang mga kandila. Natigilan si Patricia sa paglalakad. Pati ang mga guwardiya ay naghihintay sa paglabas ng damit ni Marvin, ngunit malakas ang loob ni Patricia na buong-buo na lalabas ang kanyang kaibigan. "Please, palabasin ninyo ng buhay ang kaibigan ko," aniya sa sarili at taimtim na nagdasal. Para silang nasa huling hantungan ng kanilang buhay. Parang nasa bilangguan sila na napakalaki ng nagawa nilang kasalanan, kaya kamatayan na lang ang desisyon ng hukom. Biglang bumukas ang rehas at tuwang-tuwa na naghihintay ang dalawang guwardiya. "Sigurado na 'to," bulong ng guwardiya sa katabi. Si Patricia naman at patuloy pa rin nakapikit at nagdarasal. Habang hinihintay nilang ihagis ng Quadro ang supt na damit ni Marvin, biglang napatayo si Patricia sa kanyang nakita. Pati ang mga guwardiya at nagsiatrasan din sa kani-kanilang pwesto at animo'y nagulat. "Buti na lang pala at nakapag-rehears ako," saad ni Marvin, habang nag-iinit pa. Ang kanyang damit ay punong-puno ng itim na dugo. Ang mukha rin niya ay natalsikan nito. Hawak ng kaibigan ang matulis na bagay na siyang pinangpatay niya sa Quadro na nakabangga niya. "P..paano nangyari 'yun?" tanong ng Quadro. Natigilan naman sa pag-iinat si Marvin at tinitigan ng masama ang guwardiya. "Ikaw na ang pumasok diyan," matigas na sabi nito at mabilis niyang tinulak sa loob ng rehas ang guwardiya na may hawak sa kanya. Kabadong-kabado naman ang isa pang guwardiya, kasabay ng pagpatay ng kandila sa kanilang gilid. Bigla muling dumilim, ngunit bago pa mangyari 'yon, nahawakan na ni Marvin ang kamay ni Patricia, kaya inaya niya itong umupo sa sulok. "A..anong nangyari? P..paano nangyari 'yon?" pautal-utal na tanong ni Patricia sa kaibigan, ngunit imbis na sagutin ito ay kinausap ni Marvin ang isa pang guwardiya. "Ano? Tutuloy ka pa ba? Bahala ka, ikaw din. Mamaya-maya lang damit na lang ang makikita mo sa kaibigan mo. Kayo kasi e, dapat namimili kayo ng medyo mahihinang manlalaro. Kayo tuloy ang napapahamak,"pagyayabang ni Marvin. "H-hindi. Itutuloy ko ito! Ako ang mamamatay, kapag hindi ko pinasok ang babaeng 'yan dito!" kinakabahang sabi ng guwardiya. Ngayon ay ramdam na ni Patricia na nakaharap sa kanya ang kaibigan dahil sa lakas ng buga ng hangin nito sa ilong. "Kumusta ka na rito? Hindi ka naman ba nila binastos o ginulo?" tanong ni Marvin. Umiling naman si Patricia. "Kinakabahan nga ako kanina e. Akala ko hindi na tayo magkikita. Pero ano ba talagang nangyari sa'yo?" tanong ni Patricia. "Wala. Mahina na Quadro lang ang nakaharap ko, kaya ayan ang sinapit niya sa akin. Kapag kasi ang isang manlalaro, natalo ang isang Quadro, ang guwardiya na nagdala sa akin dito ang sunod na bibitayin, kaya 'kabahan ka na' diyan," pagpaparinig ni Marvin sa natitirang guwardiya. "Kaya pala. Mayroon din palang kapalit ang ginagawa nila," sagot naman ni Patricia. "Kaya ikaw, kapag nakaharap mo na ang Quadro, huwag kang papangunahan ng takot. Hindi lalabas ang armas mo kapag gano'n," payo ni Marvin. Pagkalipas lamang ng limang minuto, bumukas na ang kandila kasabay ng pagbukas ng rehas. Nilabas niyon ang suot na pantalon at pantalon ng guwardiya. Mabilis naman itong pinulot ng guwardiya kahit pa nangangatog ang tuhod no'n. Pagkatapos nito'y tumingin ang guwardiya kay Patricia na mukhang nag-aalangan pa. "Oh ano? Huwag mong sabihin na ikaw mismo ang natatakot na sa amin?" paghahamon ni Marvin. "H-hindi." Humakbang ito palapit sa kanila saka hinila ang laylayan ng damit ni Patricia. "Pumasok ka na! Mukhang bago ka pa lamang dito, kaya sigurado na ako sa isangdaan kong puntos," anito. Pagkapasok sa rehas ni Patricia, namatay naman ang kandila at bumalik na sa kinauupuan nito si Marvin. Tumawa siya ng bahagya kaya lumingon sa kanya ang guwardiya. " Iyon ang akala mo. Dating mamamatay tao 'yang kaibigan ko, kaya baka ikaw na ang sunod na ipalapa namin," pananakot nito. Ang patakaran sa laro, kung ang isang manlalaro ay nahuli ng guwardiya at dinala ito sa rehas ng kamatayan, wala nang magagawa ang manlalaro kundi hintayin ang kanyang laban tungo sa Quadro. Madalang lamang ang may makatalo sa Quadro, kaya gulat na gulat ang guwardiya na dumakip sa kanilang dalawa. Kung ang manlalaro ay tagumpay na nakalabas sa rehas ng kamatayan, ang gwuardiya na nagdala dito ang siyang magiging kapalit. Pagkatapos no'n ay magkakaroon ng tanda sa daliri ang manlalaro na sila ay galing sa rehas ng kamatayan at bawal na silang dakpin o hulihin nang sinumang guwardiya muli. Pagpasok ni Patricia sa rehas, tila naging tuod siya na hindi makagalaw sa sobrang dilim. Wala siyang ibang naririnig dito. Ni kaluskos o ingay man lang na gagawin sana ng kanyang kalaban. Sa kanyang paglalakad-lakad, may nasilayan siyang isang ilaw na nagmumula sa gasera. Lumiko siya at nagtago sa bato. Habang sinusuri ang isang kweba, nakita niya na ang gaserang nagsisilbing ilaw sa loob ay may mga kasamang papel at tasa. Kunot noo siyang nakatingin doon at hindi na inalintana ang takot. Na kuryos siya kung may tao ba siyang kasama rito dahil sa gamit na 'yon. Lalabas na sana siya sa kanyang pinagtataguan, nang biglang may lumabas na Quadro. May hinihithit itong sigarilyo habang umupo sa bato na upuan at tumingin sa mga papel na nakatag sa mesa. Napaatras si Patricia dahilan para matamaan niya ang maliit na bell sa kanyang likuran. Sa sobrang gulat niya ay tatakbo na sana siya ngunit mas lalong nanigas ang paa niya nang tumingin sa direksyon niya ang Quadro. "Sino 'yan?" tanong nito kaya lalong nanlaki ang mata ni Patricia. Binitawan naman ng Quadro ang hawak nitong papel at lalabas na sana ng kanyang silid,ngunit biglang tumakbo si Patricia at inisip ang kanyang magiging susunod na armas. Naalala niya 'yong pana at palaso na gamit ni Marvin. Una niyang inisip 'yon, ngunit hindi umepekto. Pangalawa naman ay ang sibat. Inisip niya 'yon, ngunit sa huli ay isang scythe ang lumabas. Isang mahabang armas na may korteng hook sa dulo. Napakatalim nito at magandang gamitin kung ang puntirya ng manlalaro ay ulo ng kalaban. Kumuha ng tiyempo si Patricia at saka mabilis siyang humarap sa kalaban ay hinampas iyon. Mabilis namang nailagan ng Quadro ang tira niya kaya pinagpatuloy lang ito ni Patricia. Ginamit niya ang kanyang natutunan sa pag-arnis. Hindi gano'n kadali ang ginagawa niya, dahil hindi ito kasing bigat ng arnis. Tingin nga niya ay nasa sampung kilo ang hawak niyang iyon, pero hindi niya ito iniinda at patuloy lang sa pagsalakay sa Quadro. "Hindi ako pwedeng mawala!" sigaw ni Patricia at mabilis na sumugod sa Quadro na walang ginagawa kundi ilagan lamang ang binibigay na tira ni Patricia. Nang akma na niyang hahablutin ang ulo ng Quadro, biglang natigilan si Patricia nang mahuli ng Quadro ang kanyang armas. "Kainis!" sisi niya sa sarili dahil napakalaki ng armas na iyon para sa kanya. "Huwag kang matakot. Hindi nila ako katulad," anito,kaya biglang natigilan si Patricia. Binaba ng Quadro ang armas ni Patricia ngunit naaging dahilan iyon ng pagtulo nito ng itim na dugo. Biglang nanlambot si Patricia ngunit sinusuri pa rin niya ang ginagawang hakbang ng Quadro. Baka kasi ay isang patibong lamang ito. Hindi siya maaaring mamatay dahil hinihintay pa siya ng kanyang ina. "Huwag kang mag-alala. Wala akong balak na patayin ka," anito muli at tumalikod upang maglakad pabalik sa kaniyang pwesto. Tiningnan muna ito ni Patricia. Nang makailang hakbang na ang Quadro na walang ginagawang kilos ay sumunod na si Patricia at nagtanong. "Pero bakit?Hindi ba kakainin mo pa ako? Mamamatay ka pag hindi mo ako kinain! Kaya labanan mo na ako! Kailangan ko ng puntos," pamimilit ni Patricia, ngunit hindi ito pinansin ng Quadro at pumasok na sa silid kung saan naroon ang gamit nito. Umupo ang Quadro, habang kita pa rin ni Patricia ang dugo na patuloy dumadaloy sa kamay nito. May parte sa isip niya na naawa siya sa kanyang ginawa, ngunit may parte pa rin na galit siya rito dahil naalala niya 'yong mga bata na pinaslang nila. "Pumasok ka. Hindi kita sasaktan," malumanay na sabi ng Quadro, kaya biglang nahabang si Patricia at binitawan ang armas, sabay pumasok sa loob. Hindi na matansya ni Patricia na namimilipit sa sakit ang Quadro kaya ang laylayan ng damit niya ay kanyang pinunit. Nahihiya pa siyang tumabi sa Quadro na pilit pinipigilan ang dugong dumadaloy sa kanyang palad. Paglapit ni Patricia ay tiningnan siya ng Quadro. "Para saan 'yan?" tanong nito. "P-para diyan.." Turo ni Patricia sa kaliwang palad ng Quadro. Hindi na nagsalita ang Quadro at nilahad na lang ang kanyang palad. Masaya namang ginamot ito ni Patricia at tinali sa puting tela. Pagkatapos no'n ay humigop ng kape ang Quadro. si Patricia naman ay umupo sa bato, dalawang metro ang layo sa Quadro. "Hindi kita masisisi kung bakit mo nagawa 'yon sakin," wika ng Quadro habang humarap ito sa maraming papeles, imbis kay Patricia. "P..pero bakit hindi mo ako sinugod? Hindi mo ako kinain? Bakit ganyan ka makitungo?" sunod-sunod na tanong ni Patricia. "Dahil hindi nila ako katulad," tipid na sagot nito. " Sa rehas na ito, maraming klase ng mga Quadro. Sa totoo lang, dito kami lahat nakatira. Dito nila kami dinala. May mga Quadro na kumakain talaga ng tao, masyado silang agresibo kaya nakakagawa sila ng mali. Ang Quadrong iyon ay tinatawag na Pilantis. Sila ang madalas na sinasabak tuwing may laro sa labas o kaya ay may gyera. Akala kasi nila ay porket nakalaya na sila, maaari na nilang kainin ang anumang bagay na makikita nila. Madalas sila din ang kinokontrol ni pinuno. "Pinuno?" takang tanong ni Patricia ngunit imbis na sagutin siya nito ay pinagpatuloy ang kanyang sasabihin. "Ang Quadro naman na nakita ninyo kaninang kumain sa mga kasamahan ninyo, sila ang tinatawag na Meiko. Ang mga Meiko ay hindi lumalabas sa kanilang mga rehas. Sila ang naghihintay ng grasya na dadalhin nila dito. Madalas, hindi sila pinapakain kaya gano'n na lamang ang pagkagutom nila na kahit buto ng tao ay kinakain nila." "Teka. Ilang klase ba ang mga Quadro? Akala ko ay iisa lang kayo," singit muli ni Patricia. Umiling naman ang Quadro. "Nasa apat na klase ang mga Quadro. Ang pangatlo ay ang mga Siporika. Ang mga Siporika, sila ang pinakamalambing sa lahat," natawa ito ng bahagya. "Pero sa sobrang lambing nila, hindi nila namamalayan na napapatay na nila ang kanilang mga bihag. Minsan pa nga ay may dinala ritong bihag, pagkatapos niyakap lamang ng Siporika ng mahigpit, ayun namatay na." "Eh kung gano'n, ano naman ang tawag sa'yo?" tanong muli ni Patricia na tuluyan nang lumapit sa Quadro habang nakikinig siya sa mga pinapaliwanag nito. "Ang tawag naman sa amin ay Mustad Kami ang mga Quadro na hindi kumakain ng tao. Madalas din nagbabasa lang kami ng mga libro at nandito sa aming lungga. Naniniwala kasi kami na mahalaga ang buhay ng isang tao, kaya imbis na patayin namin sila ay bibigyan na lang namin ng puntos. Swerte ka nga dahil napunta ka sa pang-apat na palapag. Nabalitaan ko kanina lang na 'yung isa mong kaibigan, napunta siya sa pangalawang palapag, sa Meiko. Kaya ayun, napilitan siyang patayin 'yon. Pero matibay ang kaibigan mo ah, bihira lang ang makalabas sa rehas ng kamatayan," manghang sabi nito. "Oo nga e, pero totoo ba ang sinasabi mo? Nasa pang-apat na palapag tayo? Paano nangyari 'yon? E ni hindi nga ako nakaramdam na umuga ang pwesto ko at lumipat sa ibang palapag e." Tumawa naman ang Mustad saka tumayo. "Nakakatuwang nilalang. Mabuti na lang pala at napunta ka rito. Halika, ipapakita ko sa'yo ang mga koleksyon ko," anito saka naglakad papunta sa likod ng kweba. Nanlalaki ang mata ni Patricia habang tinitingnan ang nagkikislapang mga antigong gamit na nakadikit sa bato. Iyong iba ay nakakahon pa at mukhang bago. Lalong nakasilaw sa mata ni Patricia ang isang kumikislap na diyamante. Nakalagay ito sa mamahaling kahon, habang nakapatong sa nag iisang bato. Ang ibang kagamitan ay nakadikit sa pader, tanging ang diyamante lamang na ito ang hindi. Namamangha si Patricia sa kanyang nakikita ngayon. Samut-saring kagamitan ng babae at lalaki ang narito. Mayroong salamin sa mata, puseras, kwintas, gintong sintas,wallet at iba pa. Pagkatapos nito ay takang-taka naman siyang tiningnan ni Patricia at sa mata niya'y nagtatanong kung saan niya nakuha ang mga ganitong klaseng bagay. "P-pero kung hindi ka lumalabas dito sa lungga mo, paano mo nakuha ang ganyang bagay? Humarap naman sa kanya ang Mustad at simpleng ngumiti habang dinukot sa kanan nitong kamaya ang diyamante. "Ang mga ito ba?" Titig niya sa kumikislap na diyamante. "Daang taon na kami namamalagi sa kwebang ito. Hindi ko na nga rin matandaan noon kung ilang manlalaro na ba ang napadpad dito at hiningan ko ng mga kagamitang ito. Simula noon, wala na silang binababanng manlalaro dito, dahil mas gusto nila na may dumadanak ng dugo. Nilalayo nila sa amin ang mga manlallaro dahil ang gusto nila ay walang makaligtas rito. Pero dahil tradisyon na namin ang pamimigay ng mga puntos, ginawan namin iyon ng kapalit," paliwanag nito. Tinuro naman ni Patricia ang mga gamit. "I..ito ba ang mga kapalit?" tanong niya. Tumango naman ang mustad. "Oo. Natutuwa kasi kami sa mga kagamitan ninyong mga tao. Kahit papaano ay gusto rin namin magkaron ng gamit katulad sa inyo, pero lahat naman ng mga 'yon, hindi nagkakasya sa amin. Kaya ako, ginawa ko na lang ang mga ito na koleksyon." Bigla namang tinakpan ni Patricia ang kanyang kaliwang braso. Naalala niya na mayroon pala siyang dalang relo, at ang relo na iyon ay regalo pa sa kanya ng ina noong nakarami sila ng benta. Hindi niya maaaring ibigay 'yon dahil iyon ang kauna-unahang regalo ng ina. Isa pa, kakailanganin niya iyon sa pagtansya ng oras kung kailan sila babalik sa lungga. "Ano 'yang tinatago mo?" tanong ng Mustad simula nang mapansin na hindi na mapakali si Patricia. "Ah wala. Nangangati lang ang kamay ko," aniya saka umatras sa Mustad, ngunit mabilis ang kamay ng mustad kaya naiangat niya ang braso ni Patricia kung nasaan ang relo niya. "Ang ganda," anito nang tingnan ang kulay itim na relo. Pinindot nito ang gilid ng relo saka ito umilaw at tumunog. "Isang napaka gandang relo. Bagay na bagay ito katabi ng diyamante ko," pang-aasam ng Mustad ngunit mabilis na hinila ni Patricia ang kanyang kamay. "Hindi ito maaari! Regalo 'to ng inay Maria ko. Huwag ito," panlalaban ni Patricia ngunit tumawa lamang ang Mustad. Ang tawang iyon ay ibang-iba sa kanina niyang kausap. "Sige, kung hindi 'yan, bigyan mo ako ng isang bagay na kumikinang," anito. Nakaisip ng paraan si Patricia. Naalala niya 'yung barya na sukli niya noong nakaraang araw sa bus bago siya bumaba rito. Kinapa niya iyon sa unahang bulsa ngunit wala. Sa likod naman niyang bulsa ay mayroon siyang nakapa, ngunit ang perang ito ay papel. Bagsak ang balikat ni Patricia na humarap sa nakatalikod na Mustad. "Paano kapag wala akong naibigay sa'yo? Anong gagawin mo sa akin?" tanong ni Patricia. "Simple lang," anas ng Mustad saka humarap kay Patricia dala ang nakakapangilabot na tingin. "Kukunin ko ang buhay mo." Sa huling sinabi ng Mustad bago ito naglakad papunta sa kanyang mesa ay tila niyanig naman ang mundo ni Patricia. Sa huli ay wala pa lang matitirang choice sa kanya kundi ibigay ang pinakamamahal niyang relo. Kapalit no'n ang kalayaan niya. Paano niya ibibigay ang relo na iyon kung nakita niya paano pinaghirapan ng kanyang ina upang mabili 'yon. Paano niya ibibigay sa Mustad 'yon, kung sa tuwing tinitingnan niya ang relo ay naalala niya ang kanyang ina. Paano na siya? Sa kabilang banda, napapaisip na lamang siya. Kung ibibigay niya ang relo ay malaya siyang makakalabas rito. Wala siyang matatamong pasa sa katawan at ligtas siyang makakabalik sa bahay na pinagtataguan niya. Kung ipipilit naman niya ang gusto niya, baka abo na lang siyang uuwi sa kanyang ina. Sa huli ay napagpasyahan na rin ni Patricia na ibigay ang relong iyon sa Mustad. Malungkot siyang naglakad patungo sa Mustad habang tinatanggal ang relo sa braso. "Ano nakapagdesisyon ka na ba?" tanong ng Mustad habang abala ito sa kanyang binabasa sa papel. "Oo. Naisip ko na mas mahalaga ang buhay ko, kaysa sa relong ito. Pero sana alagaan mo." Saka inilapag sa mesa ni Patricia ang relo. Mabilis naman itong kinuha ng Mustad at matamang tinitigan. "Makakaaasa ka." "Pero paano ang puntos ko?" tanong ni Patricia habang tinitingnan ang puntos na niya na hindi pa nadadagdagan. "Pagkatapos ng larong ito, doon pa lang mapupunta sa'yo ang puntos na 'yon. Mag-ingat ka lamang sa paglabad mo dahil baka may makaharap ka naman na mas mabigat pa sa mg Quadro. Magkatapos inilagay ng Mustad sa kahon ang relo, inihatid niya ito sa labasan. "Sana magkita tayo muli, kaibigan," saad nito kaya napangiti si Patricia. "Makakaasa ka, kaibigan. Ingatan mo 'yung relo ko ha?" paalala muli ni Patricia. Hinawakan naman ng mustad ang buhok niya at ginulo-gulo. Paglabas ni Patricia sa loob ng kweba, nangangatog ang guwardiya na naghatid sa kanya. Si Marvin naman ay napatayo at nagingislap ang mata na nilapitan si Patricia. "Ano, ang sabi ko naman sa'yo diba? Huwag ka nang mag-aksaya ng buhay para sa kaibigan ko. Ayan tuloy, ikaw pa ang napahamak," saad ni Marvin, saka tinulak sa loob bg rehas ang guwardiya, kasabay ng pagpatay ng kandila. Masaya namang lumabas ang dalawa, bitbit ang kanilang mga sarili. Si Marvin ay hawak pa rin ang kanyang matulis na armas, habang si Patricia ay bitbit sa kanyang balikat ang scythe niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD