Ngayon ay pareho na sila ng puntos. Kahit malayo pa sa katotohanan ay pinagpatuloy na nila ang laban. Umabot hanggang tatlong puntos ang misteryosong babae, habang si Patricia naman ay hindi nadagdagan ang kanyang isang puntos. Hindi na makapag-isip ng maayos si Patricia. Sumasagi na sa kanya ang posibilidad na baka matalo rin siya katulad ni Ara.
"Ano? Pinanghihinaan ka na ba? Hindi pa ito ang huli. Marami ka pang pagdadaanan na mas mahirap dito," biglang sabi ng babae kaya natulala si Patricia roon. Inalisa niyang maige ang sinabi ng babae at pinilit na inaalala ang sinabi rin kanina ng katabi niya.
'Ang larong jack en poy ay kailangan ng matinong pag-iisip.'
Pagkatapos pumasok lahat sa isipan ni Patricia iyon ay ginanahan na siyang maglaro, lalo pa't nakikita niya na suportado siya ni Ara. Nang mapatingin si Patricia sa gawing kanan ay nakita rin ni si Deth na sinusuportahan din siya. Naalala niya kanina ang laban ni Deth sa isa pang magaling na babae. Panalo siya doon, kaya pinalabas muna siya.
"Kaya mo yan," basa ni Patricia sa labi ni Deth. Ngumiti si Patricia at pinagpatuloy ang pakikipaglaban.
Sa huli ay pareho na naman silang naka-apat na puntos. Maaari na nilang gamitin ang pako bilang kanilang pangdepensa. Pinag-aralan maige ni Patricia ang bawat galaw ng kalaban. Pati siya ay pinapanuod ang mismong galaw niya.
Biglang napatalon sa tuwa si Patricia nang manalo muli siya, sa batong gamit niya, habang pako naman ang kalaban. Nagiging mahigpit ang laban ngayon, ay ramdam na ng bawat kuponan ang tensyon. Ni isang ingay ay hindi gumagawa ang mga kababaihan at tila naghihintay na lamang ng resulta. Ang iba ay pinapanalangin na sana matalo na ni Patricia ang misteryosong babaeng iyon para hindi na makaharap pa ng iba.
Nang biglang...
"Yes!" sigaw ni Patricia sabay tumalon talon.
Ang puntos, lima sa anim. Hindi akalain ni Patricia na mananalo siya sa misteryosong babae na iyon, kahit pa tiyamba na lang ang ginawa niya noong huli. Lalabas na sana siya sa harang nang biglang nagsalita ang babae, kaya napatingin ang karamihan dito.
"Magaling." Pumalakpak ang babae. "Sana'y makita pa kita sa susunod na laban. Galingan mo," anito. Tumingin naman si Patricia at nginitian ang babae.
Paglabas ay hindi mapigilan ni Patricia na mapayakap kay Ara. Tuwang-tuwa siya, pati na ang kaibigan.
"Grabeng laban 'yon, Patchot! Kinabahan ako," ani Ara.
"Ano pa ako?" patawa-tawa niyang sabi. "Akala ko nga ay matatalo na ako. Pero sana sa susunod na laban mo, ikaw naman ang manalo. Magkakasama tayo sa huli," ani Patricia.
Biglang nalungkot ang mukha ni Ara. "Hindi ko alam, Patchot. Parang noong nakita ko si Mang Eddie kanina na nakatingin sa akin ay nawala ako sa aking sarili. Parang nawala ang pokus ko sa laro, kaya hindi ko iyon sineryoso," sagot naman ni Ara.
Biglang napatigil ang dalawa sa pag-uusap, nang sumulpot si Deth sa harapan nila. "Congrats ha?" bati nito kay Patricia.
Ngumiti si Patricia. "Maraming salamat. Sa iyo rin," aniya.
"Sigurado, tayo-tayo rin ang magkakaharap mamaya." Tumingin siya kay Ara ngayon. Ngunit si Ara ay salubong lamang ang kilay na nakatingin sa malayo.
"Talo si papa," anito. Bigla namang napalitan ng blangkong ekspresyon ang mukha ni Ara, sabay humarap kay Deth.
"Ano naman ngayon? Bakit mo sinasabi sa amin 'yan? Anong pakialam namin sa demonyo mong ama?" sarkastiko nitong tugon.
Umiling lamang si Deth. "Hindi posible kasi na baka siya ang makaharap mo mamaya. Sana ay pareho ninyong galingan," anito na parang may pinapahiwatig sa kanyang sinasabi.
"Wala akong pakialam sa ama mo. Kung matalo o manalo mamaya ay sila na lang ang manghusga." Hinawakan ni Ara ang kamay ni Patricia. "Halika na nga, sinisira ng babaeng ito ang momentum natin e," ani Ara sabay inakay si Patricia kung saan.
"Halika, manuod na lang tayo sa laban ni Makmak, pampawala ng inis," anito nang makita si Makmak na isang tao na lamang ang pagitan at siya na.
Sa kabilang dako, hindi maiwasan ni Makmak na kabahan. Halata sa mukha nito na nangangatog na siya sa takot. Nang tingnan nina Ara ang makakalaban ng kanilang kaibigan ay isang maliit na lalaking may suot ng makapal na salamin. Parang wala lamang ito sa lalaki habang winawasiwas ang kamao. Tamad na tamad pa ito habang nakikipaglaro. Ang weirdo kung tingnan, ngunit nabigla si Patricia nang makita sa pisara ang puntos ng maliit na lalaki.
"Apat na puntos, habang ang kalaban nito ay wala pang puntos hanggang ngayon.
"Ayos ka lang?" sabi ni Ara, kaya napalingon si Makmak sa direksyon ng dalawa.
"A..ah? Oo, kinakabahan lang ng kaunti," sagot naman ni Makmak.
"Mukhang malakas ang isang 'yan ah?" bulong ni Ara.
Wala namang espesyal sa lalaking iyon, nang tingnan ni Patricia. Bukod sa kulay dilaw na damit, itim na bonet at makapal na salamin ay wala na siyang nakikitang iba. Ngunit ang taglay na liksi at bilis ang siyang nagpapanalo rito.
"Teka.." sabat ni Patricia sabay lumapit kay Makmak. "Hindi ba may abilidad ka naman para makabasa ng isip ng tao? Edi gawin mo mamaya?" suhestiyon niya.
Sumang-ayon naman si Ara. "Oo nga naman. Bakit ka pa kinakabahan diyan? Ako nga talo e," anito.
"Ano? Talo ka? Paano?" takang tanong ni Makmak.
"Anong paano?" Inis na sambit ni Ara. "Nagtama kasi ang tingin namin kanina ni Mang Eddie. Simula no'n nawala na ako sa mood. Naiinis na ako," anito sabay inirapan ang kaibigan.
"Kaya naman pala. Ikaw ba Patricia? Kumusta ang laban mo?" Bumaling ang tingin ni Makmak kay Patricia.
Tinaas lang ni Patricia ang kanyang hinlalaki at kumindat kay Makmak. Natuwa naman si Makmak, kaya hindi nito mapigilang guluhin ang buhok ni Patricia.
"Ang galing mo!" anito, pero tumigil din nang makitang bugnot na bugnot na ang kaibigang si Ara, kaya inakbayan nito ang kaibigan.
"Pero alam ko may igagaling din 'tong manok ko," pagpapalakas ng loob ni Makmak.
"Oo naman! Mamaya babawi 'yan, exercise lang sa kanya 'yung kanina," dagdag pa ni Patricia kaya hindi mapigilan ni Ara na bahagyang matawa.
"Mga sira! Basta galingan mo ha?" Tumingin siya kay Makmak ng may kahulugan. Sa ilang segundo ay parang tumigil ang oras para kay Ara nang magtama ang paningin nila ni Makmak. Biglang nag-iba ang wisyo ng kaibigan.
"Oo naman!" Tinanggal ni Makmak ang pagkakaakbay rito. "Para sa inyo!" saka kumindat siya kay Patricia.
"Susunod na kalahok! Pumasok na," sigaw ng guwardiya, kaya naman napalingon silang tatlo roon.
"Paano? Doon na ako ha? Panalangin ninyo ang pagkapanalo ko," ani Makmak. Ngumiti naman ang dalawa at lumapit sa harang.
Kakaiba ang nararamdaman ni Patricia sa kalaban ngayon ni Makmak. Hindi niya masabi kung ano 'yon, basta katulad lang ito nang babaeng nakalaban niya kanina. Parang bago lang din ang mukha ng lalaki at ngayon lamang niya nakita ito.
"Ara?" tawag niya sa kaibigan na abala sa pagsilay kay Makmak.
"Kilala mo ba 'yang kalaban ni Makmak ngayon?" tanong niya.
"Hindi e. Kahit anong anggulo ko siyang tingnan hindi ko pa rin mamukhaan. Katulad siya ng nakalaban mo, parang bago lang sila rito," anito.
Napatango na lang si Patricia.
Humikab pa ang lalaki nang makita si Makmak na seryoso nang nakatayo sa harapan. Wala man lang bakas ng takot sa mukha nito, kaya hindi mapigilan nina Ara at Patricia na kabahan para kay Makmak. Isa pa ay alam naman nilang tatlo na kapag kinakabahan si makmak ay hindi gumagana ang abilidad na pinagkaloob rito,kaya kailangang pakalmahin muna ang sarili, bago tumunog ang bell.
"Handa na ba kayo?" tanong ng guwardiya.
Tumango si Makmak, ngunit ang kalaban nito ay nag-unat lang at walang salita na lumabas sa bibig.
Bawat hampas ng kamao ay maigeng pinagmamasdan ni Patricia. Wala siyang pinalampas na pagkakataon, ngunit nang nilapag na ng dalawa ang kanilang tira ay napapikit na lamang siya. Dahan-dahan siyang napatingin sa dalawa at nakita na nagsisimula nang magsulat ang guwardiya sa likod ng lalaking nakadilaw. Parang tamad na tamad pa ito sa laban nila ni Makmak. Gamit ng lalaki ang gunting at si Makmak naman ay papel.
Sa pangalawa at pangatlong pagkakataon ay si Makmak ang nanalo. Natuwa naman sina Ara at Patricia dahil nagsisimula nang palabasin ni Makmak ang kanyang abilidad. Mas tinuonan pa lalo ni Makmak ng pansin ang mukha ng lalaki at pilit na binabasa ang nasa isip nito.
Nang magtama ang paningin ng dalawa, biglang humikab muli ang lalaki at laking gulat ng magkakaiban nang nagsalita ito.
"Alam ko ang abilidad mo. Mabuti na lang at nagkaroon na ako ng kalaban na medyo may kaya na. Nakakainip na rin kasi," anito sa matinis na boses kaya nagulat si Makmak at nanlaki ang mata.
Hindi makapagsalita sina Ara at Patricia. Ibig sabihin, alam din ng lalaki kung ano ang abilidad ni Makmak, pero bakit parang wala lang dito? Parang hindi man lang kinabahan ang lalaki nang malaman iyon.
Nagpatuloy ang kanilang laban at naging pantay ang kanilang puntos. Natalo ng lalaki si Makmak gamit ang bato, si Makmak naman ay gunting. Sa pagbasa ni Patricia sa galaw ng lalaki ay hindi pa nito ginagamit ang kalahati sa kanyang lakas, kaya hindi pa rin sapat pakampante si Makmak.
Sa ika-apat na puntos hanggang ika-lima, nanalo si Makmak. Hindi maintindihan nina Ara at Patricia kung bakit hindi na siniseryoso ng lalaki ang laban kay Makmak, kaya nagpapatalo ito. Nakaramdam na rin si Makmak na pinaglalaruan na lamang ng kalaban ang puntos kaya hindi maiwasan ni Makmak na magalit.
"Ano ba?! Hindi mo ba seseryosohin? Kampante ka ba na bandang huli ay mananalo ka rin, kaya mo ako pinagbibigyan?" sigaw ni Makmak. Mabuti na lamang at hindi nakikialam ang mga guwardiya sa ganung diskusyon.
Natawa naman ang lalaki. "Kahit naman matalo ako rito at makakalaban pa rin kita sa susunod. Ayaw kong matapos lamang dito ang pagkikita natin," anito sa isang malumanay na boses. Parang may kung anong pinanghahawakan ang lalaking iyon kaya naman malakas ang loob na magpatalo kay Makmak.
Sa huli ay si Makmak ang nanalo, ngunit ang panalong iyon ay lubhang nakapagpalungkot sa kanya.
"Bakit ka malungkot?" salubong sa kanya nina Ara at Patricia.
Hindi naman nagsalita si Makmak at diretso lang sa paglalakad.
Umupo sila sa gilid, dahil pakiramdam ni Makmak ay nanlalambot siya sa nangyari.
"Huy!" pangungulit pa rin ni Ara. "Sa lahat ng panalo, ikaw ang malungkot. Ano ka ba! Ang galing mo kaya," pagpapalakas ng loob ni Ara.
"Pinagbigyan lang niya ako," bulong ni Makmak,ngunit sapat na iyon para marinig nina Ara at Patricia.
"Pinagbigyan?" takang tanong ni Patricia.
"Hindi talaga ako ang panalo. Minaliit niya ako," malungkot na saad ni Makmak ngunit may pagdiin sa sinabi nito.
"Paanong minaliit e pareho nga kayong malakas!" ani Ara.
"Ayun na nga e," walang ganang sabi ni Makmak. "Malakas siya, kaya minaliit niya ako. Pinanalo niya ako para raw magkita kami sa susunod na laban," anito.
"Edi...ipakita mo na lang na kaya mo talaga siyang talunin sa susunod!" masayang sabi ni Ara at inalog-alog pa ang balikat ni Makmak.
Tumayo naman si Makmak kaya napatingin sila rito. "Hindi. Hindi ko tanggap ang larong iyon, humanda siya sa susunod," anito saka umalis. Hindi naman siya sinundan ng dalawa dahil alam ni Ara na kapag gano'n ang kundisyon ni Makmak ay ayaw ng kaibigan na may susunod sa kanya.
"Hayaan muna natin siya," ani Ara.
Tumango lamang si Patricia. "Alam mo, may katotohanan ang sinabi ni Makmak," aniya.
Bigla namang kumunot ang noo ni Ara at humarap kay Patricia. "Paano mo nasabi?" anito.
"Eh kasi..nababasa ko kanina sa mukha ng lalaki na tamad na tamad itong kalabanin si Makmak. Isa pa, narinig ko ang sinabi ng lalaki," aniya kaya lalong nanlaki ang mata ni Ara.
"A..ano? Paano? Paanong narinig?" gulong-gulo nitong tanong, kaya pati si Patricia ay nabigla rin sa kanyang sinabi.
"Teka. Oo nga ano? Paano ko narinig iyon e ang layo nila sa atin?" balik na tanong niya sa sarili.
"Hindi kaya.." ani Ara at napatigil sa pagsasalita. "Hindi e, malabo. Masyado pang maaga para lumabas ang abilidad mo. Baka naman guni-guni mo lang 'yon," hindi nito makapaniwalang sabi.
"Baka nga," pagsang ayon ni Patricia, ngunit hindi pa rin maalis sa kanya na isipin iyon. Nagtataka rin siya ngayon kung bakit narinig niya ang sinabi ng lalaki, kahit na ilang metro ang layo ng manlalaro sa pwesto nila. Napailing na lamang siya habang iniisip iyon.
Ilang minuto rin silang nakatulala. Si Patricia ay may sariling iniisip, habang si Ara naman ay pinapanuod ang natirang manlalaro. Bigla namang may tumabi sa kanilang isang lalaki na may kapayatan at mahaba ang buhok. Nakasuot ito ng itim na t-shirt habang hinihithit ang natitirang sigarilyo.
"Sayang, hindi ko napanuod ang laban ni Alter," anito. Sabay namang napalingon si Ara at Patricia sa lalaking iyon at iniisip kung sino ang tinutukoy na alter.
"Kayo ba, napanuod ninyo?" Lumingon sa magkabila ang lalaki.
"H-hindi po," tipid na sagot ni Ara.
"Sinong Alter?" tanong naman ni Patricia.
Bago sagutin ng lalaki ang tanong ni Patricia ay hinithit muna ang huling upos ng sigarilyo nito. Natawa pa ang lalaki sa tanong ni Patricia, kaya lalo silang nagtaka.
"Hindi ba ninyo kilala si Alter?"tanong nito.
Biglang nagdilim ang paningin ni Ara at tiim bagang na tumingin sa lalaki. "Kung kilala namin, itatanong pa ba namin sa'yo?" masungit na sabi ni Ara.
Humalakhak naman ang lalaki. "Hinay-hinay ka lang, miss. Sasabihin ko na sige," anito at umayos ng upo.
"Si Alter, iyong lalaking maliit kanina na naka dilaw at nakasuot ng salamin," pagpapaliwanag nito.
"Alter? Alter ang pangalan ng gungong na iyon?" galit na sabi ni Ara, ngunit sinamaan siya ng tingin ng lalaki.
"Huwag mong basta-basta tatawagin ng kung ano-ano ang lalaking iyon. Hindi mo alam kung ano ang kaya niyang gawin," pananakot nito.
"Eh ano ba ang kaya niyang gawin? Baka sapakin ko pa siya!" matapang na sabi ni Ara, ngunit tumigil din siya nang iba ang tingin sa kanya ng lalaki.
"Malakas si Alter," tipid na sabi nito at tumingin sa kawalan. "Hindi ninyo nanaising makaharap si Alter kahit sa anumang laban."
"Bakit naman?" kuryos na tanong ni Patricia.
"Alam naman natin na may kanya-kanya tayong abilidad. Ngunit ang abilidad ni Alter ay naiiba," anito.
Suminghal naman si Ara. "Eh anong kakaiba doon? Isang pipitsuging lalaki lamang siya. Isang mayabang na manlalaro," anito.
"Kapag tinanggal ni Alter ang kanyang makapal na salamin, hindi mo nanaisin pang mabuhay," sagot ng lalaki, kaya nag-iba ang ekspresyon sa mukha ni Ara. Pati si Patricia ay naintriga na rin.
"Bakit naman?" tanong ni Patricia.
"Minsan na niya akong nahipnotismo. Hindi ko akalain na iyon pala ang abilidad na binigay sa kanya. Noong una ay nilalait-lait ko pa siya. Inaasar sa katayuan niya dahil hindi normal ang pangangatawan niya. Pero isang araw, paggising ko ay parang panaginip ang lahat. Naaa harapan ko si Alter," anito.
"Tapos?" sabay pang sabi nina Ara at Patricia.
"Pagtanggal niya ng salamin, para na akong wala sa sarili. Lahat ng gusto niya ay ginagawa ko. Nawalan ako ng dignidad dahil sa kanya. Nagawa kong kumain ng putik at ang mas matindi ay muntik ko nang ialay ang buhay ko sa kanya."
"Paanong ialay?" tanong ni Ara.
"Dinala niya ako sa lungga ng mga Quadro. Sinabi niya sa akin na ipakain ko ang sarili ko roon, pagkatapos ay tumawa siya nang tumawa. Ang tawa niya ay napakasakit sa tainga. Hindi ko makakalimutan ang ginawa niyang iyon sa akin. Mabuti na lamang at naawa siya't tinanggal niya rin kung anumang tinusok niya sa braso ko," paliwanag nito.
Nanlaki naman ang mata nina Ara at Patricia. Hindi nila akalain na gano'n pala kalakas ang nakalaban ni Makmak.
"Pero, iyon ang nakalaban ni Makmak. Ang sabi sa kaibigan namin ay pinagbigyan lamang siya, dahil sa susunod ay gusto niya pa itong makaharap," wika ni Ara.
Tumawa ng bahagya ang lalaki. "Magsimula nang magtago ang kaibigan ninyo. Hindi niya nanaising makaharap ang isang halimaw," anito at naglakad papalayo.
Nang makalayo na ang lalaki, nagtabi ang dalawa at nagtinginan.
"Sasabihin ba natin 'to kay Makmak?" nag-aalangang tanong ni Patricia.
Tumango si Ara. "Mas mabuti nang may alam siya sa mga nakakalaban niya. Mabuti na lang pala at hindi gano'n kalala ang nangyari kanina," ani Ara.
Ilang sandali pa ay bumalik na si Makmak, dala ang iaang bote na may lamang tubig. Inabot niya iyon kay Ara, kaya si Ara ay uminom naman. Hindi muna pinaalam ng dalawa kay Makmak kung ano ang kanilang nalaman, balak kasi nila ay pagkauwi na lamang nila. Umupo si Makmak sa tabi ni Ara. Hindi pa rin maganda ang kundisyon ni Makmak at pinipilit lamang ngumiti sa harapan ng mga kaibigan.
"Bakit ganyan kayo makatingin?" takang tanong ni Makmak kina Ara at Patricia.
Umiling si Patricia. "Ayos ka na ba?" tanong niya.
"Oo naman. Nakapag-isip-isip na rin ako. Kailangan kong galingan sa susunod na pagharap namin ng mayabang na iyon. At sisiguraduhin kong matatalo ko siya ng sarili ko lamang ang inaasahan ko," malakas ang pakiramdam ni Makmak na matatalo niya si Alter, kaya nagpasya ang dalawa na hindi muna sabihin sa kanya ito ngayon.
"Mak?" tawag ni Patricia kaya tumingin sa kanya si Makmak. "Wala ka bang nabasa na kakaiba sa isip kanina nung kalaban mo?" tanong niya.
Saglit lamang na napaisip si Makmak. "Basta ang nababasa ko lang ay iyong mga ititira niya. Hindi ko nga alam e, bukas na bukas ang isipin ng lalaking iyon na parang binibigay na talaga sa akin ang tagumpay. Kaya medyo nagalit ako at nanliit sa sarili ko. Pakiramdam ko tuloy ay kinakaawaan lamang niya ako," ani Makmak.
Binatukan naman siya ni Ara kaya napangiwi si Makmak at hinawakan ang hinampas ni Ara. "Kailangan mong magsanay, Makmak! Hindi basta-basta ang kalaban mo na 'yun," hindi na mapigilan ni Ara na sabihin iyon.
"Bakit naman?" takang tanong ni Makmak.
"Basta! Malalaman mo mamaya, pagkauwi natin. Siya nga pala," pag-iiba nito ng usapan.
"Sa bahay ni Patchot tayp matutulog mamaya, para bukas ay magsabay-sabay na tayo," anito at bigla namang nagliwanag ang mata ni Makmak.
"Talaga?" masayang sambit niya. Tumango naman si Ara at Patricia. Siguro mamaya na ang tamang oras para ipaliwanag kay Makmak ang lahat.
"Basta, kapag napaliwanag na namin sa iyo ng maayos, kailangan mong galingan sa susunod mong laban ha?" ani Ara.
Tumango naman si Makmak. "Pero paano ka? Ah..hayaan mo! Kaming dalawa ni Patricia mamaya ang magsasanay sa iyo," ani Makmak kaya tumango na lamang si Ara.