"Naku nag-abala pa kayo," nahihiyang sambit ni Patricia. Kapagkuwan ay iniluwal ng tatlong bata sa kanilang likuran ang kani-kanilang mga supot na bitbit. Sa loob no'n ay mayroong mga laman na ibat-ibang klaseng prutas.
"Minsan lamang po kasi kami makatagpo ng kagaya ninyo, ate. Kaya sana ay tanggapin mo ito," presinta ni Jeron, sabay iniabot kay Patricia ang pulang supot na may lamang tatlong mansanas. Sumunod naman ay iyong nasa kaliwa ay inabot ang berdeng plastik na may lamang tatlong hinog na atis. Ang panghuli na may dilaw na plastik na naglalaman naman ng hinog na mangga.
Tuwang-tuwa ang puso ni Patricia sa mga batang iyon. Hindi niya akalain na pasasalamatan siya sa ginawa niyang iyon. Magpapasalamat pa sana siya, ngunit nag-unahan nang kumaripas ng takbo ang tatlo. Napabuga na lang ng hangin si Patricia at pinasok ang mga supot sa loob ng bahay.
Wala na siyang sinayang pang oras, dumiretso na siya sa plaza kung saan gaganapin ang ika-apat na antas. Kumalma panandalian ang kalooban ni Patricia nang makita ang mga batang iyon, ngunit mabilis ding bumalik ang malakas na kalabog sa dibdib nang mapansin na kakaunti na lamang ang tao na nakakasabay niya. Hindi tulad noon na umaapaw pa ang mga tao sa baryo, ngayon ay malawak at solo na niya ang daanan.
"Siguraduhin mong minemorya mo 'yun ha?" tanong ng batang lalaki sa kanyang kapatid na babae, habang akay-akay niya ito.
Nasa likuran sila ni Patricia, kaya napalingon si Patricia sa mga bata. Abala ang magkapatid sa pagkabisado ng hampay ng kanilang mga kamay. Kung ano ang kanilang taktikang gagawin. Sa sobrang abala nga ng dalawa ay hindi na nila napapansin na kanina pa nanunuod sa kanila si Patricia.
Napatigil ang magkapatid nang may dumaan sa gilid nila. Kahit si Patricia ay napatingin din sa isang makisig na lalaki. Nakasuot ito ng puting damit, brusko ang katawan, mahaba ang buhok at walang bahid ng pag-aalala sa kanyang mukha. Preskong-presko pa ang paglakad ng lalaki na akala mo ay pagmamay-ari ang daan. Bawat nadadaan nito ay mabilis na tumatabi ang mga tao. Sa pag-aakala ni Patricia ay parang isa ang lalaking ito sa kinatatakutan ng nakararami.
Napakunot ang noo ni Patricia. "Sino ba 'yun?" tanong niya sa sarili.
"Siya po si Marfori, isa sa kinakatakutan dito sa baryo," sabat ng batang lalaki na kanina ay pinapanuod ni Patricia.
"Marfori?" wala pa ring ideya si Patricia kung sino iyon at kung anong meron sa lalaking iyon. Hindi lamang niya pinahalata, ngunit sa kaloob-looban niya ay may nararamdaman siyang inis, habang pinagmamasdan ang likuran ng lalaki.
"Isa po siya sa pinaka magaling at tusong manlalaro. Wala pong may balak na kalabanin siya. Kung meron man ay susuko kaagad iyon," anang bata.
Lalo tuloy nagkaroon ng kuryosidad si Patricia tungkol doon. Hindi na siya muling nagtanong pa sa bata. Nagpasalamat na lamang siya at dumiretso sa paglalakad. Nang malapit na siya sa plaza, nagkalat ang mga manlalarong walang humpay sa pagsasanay. Hindi magkanda ugaga si Patricia na tingnan ang mga iyon. May isang kumpol ng bata, matanda, babae pati na lalaki. Nagsasarili sila at ang kanilang pagsasanay ay kanila nang siniseryoso.
Habang nagsasalita ang babae sa mikropono, hindi naman iyon pinapakinggan ni Patricia. Patuloy lamang siya sa panunuod sa mga batang naglalaro. Kanina pa kasi nananalo iyong batang lalaki na tingin niya ay nasa edad kinse na. May limang sumubok na makipaglaro sa kanya, ngunit natalo din ang mga iyon. Nawaglit sa isipan ni Patricia na hanapin sina Makmak. Naalala niya lamang ito nang minsang mapadako ang kanyang tingin sa suot na tsinelas ng isang bata. Katulad na katulad iyon ng tsinelas ni Makmak. Kulay pilak na may malapad na swelas.
"Oo nga pala!" Nasampal ni Patricia ang kanyang noo. "Sina Ara at Makmak!"
Mabilis niyang nilibot ang paligid. Hinahanap din niya sina Makmak sa mga kumpulang lalaki na naglalaro. Baka kasi ay mapasubo na naman ang kaibigan. Sa kanyang paghahanap-hanap, hindi niya namalayan na may nabangga siyang matigas na bagay sa kanyang harapan.
Napahawak pa siya sa kanyang noo sa pagkauntog doon. "Aray ko," haplos niya sa noo, saka tumingin sa kung ano ang nabunggo niya.
Napaatras siya nang malamang hindi iyon poste. Iyon ang matigas na katawan ni Marfori.
"Sa susunod ay mag-iingat ka ineng. Baka hindi na ako makapagpigil sa susunod at itapon na lang kita," bruskong sabi nito na parang ang boses ay hinalungkat pa sa pinakailalim ng lupa.
"S..sorry," iyon lang ang tanging nasambit ni Patricia. Ngayon lamang niya napagtanto na mas nakakatakot pala ang mukha ni Marfori kapag nakaharap mo ito. Ang mukha nitong daig pa ang langka sa dami ng butas. Ang balbas na hanggang dibdib at ang mata nitong bilugan na nagdidilim kapag nakatingin sa iyo.
Nakaramdam ng takot sa panandaliang iyon si Patricia,ngunit mabilis ding nawala nang magpalakad-lakad siya at nakita sina Makmak at Ara na parang hinahanap din siya.
"Kanina ko pa kayo hinahanap," ani Patricia pagkasalubong niya sa dalawa.
Dumiretso na sila sa plaza kung saan gaganapin ang paligsahan. Hindi mawaglit sa isipan ni Patricia ang nangyari kanina. Napansin ni Ara na tahimik ang dalaga.
"May problema ba, Patchot?" nag-aalalang tanong ni Ara.
Umiling naman si Patricia. "Wala. Naalala ko lang 'yung nabangga ko kanina," aniya.
"Saan ka nabangga?" tanong naman ni Makmak.
"Hindi saan,"pagputol ni Patricia. "Sino ang nabangga ko," dagdag pa niya.
"Eh sino nga?" tanong ni Ara, ngunit may dumaan sa gitna namin,kaya panandalian kaming tumigil sa pag-uusap.
"Oh panalo ako!" sigaw ng isang lalaki sa di kalayuan.
"Hindi! Ako ang panalo! Pinalitan mo lang 'yan nang makita mo ako!" anang isa na kalaban naman nito.
Napakamot ng ulo si Patricia nang tingnan nila ang dalawang muntik ng mag-away dahil sa larong iyon. Pagkatapos ay binalik din ni Makmak at Ara ang tanong kay Patricia.
"Si Marfori," mahinang sabi ni Patricia. Nanlaki nama ang mata ni Makmak at lumapit kay Patricia, para usisain siya.
"Marfori? 'Yung mala machete ang katawan?" tanong ni Makmak.
Tumango naman si Patricia.
"Oh bakit ka naman kinabahan doon?" takang tanong ni Ara na parang wala lang sa kanya ang sinabi ni Patricia.
"Ang laki-laki kasi no'n e. Tapos nalaman ko kinakatakutan daw siya sa baryong ito," sagot ng dalaga.
Natawa si Ara sa nasambit ni Patricia. Iyong tawa na nakakaloko. Napasabay na rin sa pagtawa si Makmak, kaya kunot noo silang tiningnan ni Patricia.
"B..bakit? May mali ba akong nasabi? Bakit kayo tumatawa?" takang tanong ni Patricia.
"Syempre, sino ba naman anng mag-aakala na ang isang tulad ni Marfori na makisig, matapang, at higit sa lahat mala machete ang katawan ay isang...bakla," bulong ni Ara, kaya nannlaki ang mata ni Patricia.
"Bakla?"
Tumango naman si Makmak. "Minsan namin 'yang nakasama noon sa isang palaro. Hindi ko aakalain na titili 'yan at yayakap pa sa akin. Nakakadiri nga e," patawa-tawa pa nitong sabi. Kaya nang pumasok na lahat sa utak ni Patricia ang sinabi nila ay natawa na lang din siya. Hindi niya aakalain na gano'n si Marfori. Sa kabila ng malaking pangangatawan ay mala mamon din pala ang kanyang puso.
"Pero huwag mong ipagkakalat ha? Hayaan mo lang siya. Hindi ka naman babanggain no'n, lalo na kapag kasama mo kami. Hawak namin siya sa leeg," paninigurado ni Ara.
Tumango naman si Patricia at saktong pinapaliwanag na ng babae sa mikropono ang mekaniks ng kanilang lalaruin.
"Ang larong jack en poy o madalas tawagin na bato-bato pick ay kinakailangan ng dalawang manlalaro. Itinitikom ng dalawa ang kanilang kanang kamao at kasabay ng pagsigaw nila ng “jack en poy”. Itinataas baba nila ang kanilang kamao bilang handa sa kanilang ititira. Sa dulo ng salita ay huhugis ang bawat isa ng anyo sa pamamagitan ng palad at mga daliri na nais ipanlaban sa kabilang panig. Tatlo ang maaaring maging anyo at ito ang magagamit ninyo sa inyong kalaban. Ang sasabihin kong mga kahulugan na nito ay maaari ninyong gamitin mamaya sa dipensa. Una, ang nakabukas na palad ay papel. Ikalawa, ang nakakuyom na kamao ay bato. Ikatlo, ang nakatiklop na kamao ngunit nakaturo ang unang dalawang daliri ay gunting.
Sa labanan, maaaring matalo ng papel ang bato. Alam naman natin na maaaring ibalot ang bao sa papel. Tinatalo naman ng gunting ang papel. Ang papel ay madaling mapunit, kayat maaari itong gupit. Sa kabilang banda, tinatalo naman ng bato ang gunting. Sa tingin ninyo sa paanong paraan?" pagbibiro pa ng babae.
May dagdag pa itong anyo,ngunit ang barasyong ito ay magagamit lamang kapag may Tie Breaker sa laban. Ang nakasarang kamao ngunut ang hinututuro ay nakalabas, ito ay ang pako. Sa lagay na ito, alam naman natin na maaaring masira ng bato ang bakal, kaya sa huli ang bato pa rin ang mananalo sa pako at sa papel."
Nagbubulong-bungan na ang mga manlalaro. Ang iba ay natutuwa sa laban, ngunit ang karamihan ay kinakabahan.
"Siguro naman ay maliwanag na ninyong naiintindihan ang mekaniks ng laro. Magkakaroon naman tayo ng patakaran," wika muli ng babae saka humakhak na napakasakit sa tainga.
"Ang bawat laro ay magkakaron lamang ng five rounds. Ang mananalo ay makakalaban ang kapwa panalo. Ang talo naman ay makakalaban ang kapwa talo, hanggang sa mabawas ng mabawas ang ating manlalaro. Bawat kupunan ay nahahati sa apat. Bata, matanda, kalalakihan at dalaga. Walang maaaring magturo sa mga nakasalang na manlalaro, dahil automatic ay disqualified ang manlalarong iyon. Idederetso ang manlalaro sa kuta ng mga Quadro at ipapakain sila doon. Palagi ninyong tatandaan na isang beses lamang maaaring bumagsak o humampas ang inyong kamao, kaya isipin ninyo ng maige ang inyong ititira. Goodluck!" Pagkatapos magpaliwanag ng babae ay kasabay no'n namatay ang mikropono. Nagpalinga-linga ng tingin ang mga tao at hindi nila namamalayan na may nakahanda na palang apat na malalaking mesa. Sa laking mesang iyon ay makikita talaga kung sino ang nandadaya. Siguro ay Iaang yarda rin ang haba no'n, habang may bantay na guwardiya sa gilid. Ang bawat manlalaro lamang ang maaaring tumapat sa mesa na iyon. Kung may maririnig man ang guwardiya na tumutulong ay maaari na nila itong hulihin.
"Dito ang mga bata!" sigaw ng guwardiya sa unahan. Sunod-sunod na tinawag ng guwardiya ang mbawat kuponan. Nagsisimula na ang mga bata sa kanilang laro. Hindi maiwasan ng iba na kabahan, lalo na't narito ngayon ay iba pang malalakas. Nakasalubong namin si Dust. Ang nakalaban noon ni Makmak. Nagngingitngit ang ngipin habang pigil na pigil na suntukin ang mukha ni Makmak. Ngunit si Makmak ay tinatawanan lang nito. Kampante kasi siya dahil bawal ang gumawa ng eksena sa gitna ng laban.
"Kalalakihan! Pumila kayo rito!" sigaw ng isang pamilyar na boses. Alam na alam ni Patricia na si Liv iyon kaya mabilis siyang napatingin sa direksyon ni Liv na nasa ika-apat na mesa.
Sila ni Ara naman ay nakapila na, habang may nauna na sa kanila. Kakaunti lamang silang babae doon. Tansya niya ay nasa beinta lamang sila. Ang kalalakihan ay nasa kinse. Ang matatanda ay nasa beinte sinco kabilang ang tatay ni Deth. Ang mga bata ay nasa beinte na lang din. Sakto silang isandaang.
Pagkalipas ng limang laro, nagsisimula nang kabahan sina Ara at Patricia. Pagkatapos kasi ng dalawa ay si Ara na. Aminado naman ang dalaga na hindi nakapag ensayo at maniniwala na lamang sa lakas at liksi ng kanyang isip. Si Patricia ay kinakabahan, ngunit sa kabilang banda ay natutuwa. Hindi niya mapigilan ngunit noon kasi ay madalas silang naglalaro ng jack en poy ng kanyang mga kaklase, at hindi sa pagmamalaki ay madalas siya ang nakakatalo sa mga ito.
"Kinakabahan ka?" tanong ni Patricia nang makita si Ara na kinukutkot ang kuko sa pamamagitan ng kanyang ngipin.
"Oo e," anito. "Hindi kasi ako nakapagensayo. Hindi ko alam na magaling pala 'yon." Turo ni Ara sa babaeng nakatakip ang mukha, habang nakasuot ng kulay lila na damit.
"Bakit? Siya ba parati ang nananalo?" tanong ni Patricia na hindi nasubaybayan ang laban, dahil abala sa panunuod sa mga bata.
"Oo. Biruin mo, lima na lang tayo ngayon. Pagkatapos niyang dalawa ay ako na. Pagkatapos ikaw. Kapag nanalo yan at natalo tayong lahat, ilalaban naman tayo sa ibang kuponan na talo. At kapag natalo pa rin tayo ay alam na natin ang kahihinatnan. Kinakabahan ako," ani Ara.
Hinawakan lang ni Patricia ang kamay ng kaibigan, saka pinagmamasdan ang laro ng babaeng iyon. Napakamisteryoso nito. Sa galaw pa lang ay parang may alas na siyang tinatago, kaya naman ay kampante itong tumira nang tumira. Apat na ang kanyang puntos, samantalang ang kalaban naman nito ay dalawa pa lang. Hindi makita sa mukha ng babae na tuwang-tuwa siya dahil naka pitong panalo na siya. Hindi namamalayan ni Ara na siya na pala ang sunod.
Binitawan ni Patricia ang kamay ni Ara at humarap naman sa kanya ang kaibigan.
"Kaya mo 'yan!" pagpapalakas ng loob sa kaniya ni Patricia.
Tumango lamang si Ara at pumasok na sa loob ng net kung nasaan ang mesa.
Maiging pinag-aralan ni Patricia ang bawat galaw ng babae habang kumukumpas. Normal lang sa paningin niya ang nakikitang pagtira ng babae, ngunit may kutob siyang kakaiba. Parang may iba sa babaeng iyon at hindi niya masabi kung ano. Habang kumukumpas ang kamay ay sakto namang nagkapareho sila ng tira ni Ara. Parehong papel, kaya inulit nila iyon. Wala pang puntos ang dalawang panig. Nang tingnan naman niya si Ara ay halata sa mukha ng kaibigan ang kaba.
"Ang larong jack en poy ay kailangan ng matinong pag-iisip," biglang sabi ng babae sa likuran kaya napatingin si Patricia. Mas matangkad iyon sa kanya. Ang mata ay sinlamig ng yelo at singtalim ng kutsilyo kung tumingin. Nakakatakot ang babae, ngunit habang nagsasalita ito ay parang may pinapahiwatig siya kay Patricia.
"Kapag iisipin mong mabuti ang laro at ang tiyansa mo para matalo ang isa sa tatlo. Ang natitiranv dalawa ay maaari mong ikapanalo o magtabla, kaya naman ang tiyansang manalo ng bawat manlalaro ay halos pitongput porsyento."
Aminin man o hindi, hindi maintindihan ni Patricia kung anong nais iparating ng babae. Halos kasi wala siyang maintindihan sa mga sinabi nito dahil nakatingin lamang siya sa kulay asul na mata ng babae. Napakunot na lang ang noo ni Patricia at akmang manunuod na muli sa laban nina Ara ngunit napatingin siya sa boses na tumawag sa kanya.
"Patchot! Malapit ka na! Galingan mo," ani Makmak at ngumiti.
Nginitian lang din siya ni Patricia at nagpatuloy na sa panunuod ng laban nina Ara at ng misteryosong babae.
Pagkakita ni Patricia sa pisara kung saan malaking nakasulat ang puntos ng bawat isa ay mas lalong nanlaki ang mata niya. Sa gano'n kabilis na oras ay naka apat na puntos na ang kalaban ni Ara, at si Ara at nakatatlong puntos na. Mukhang seryoso na si Ara, dahil pinipilit nitong basahin ang kilos ng kalaban, ngunit kahit siya ay hirap doon. Nang ihahampas na nila ang kanilang kamao, biglang napapikit si Patricia. Ayaw niya kasing makita ang resulta kung matalo man ang kanyang kaibigan, ngunit biglang tumunog ang tambol. Hudyat na tie ang dalawa.
Inilapag ng misteryong babae ang gunting at si Ara naman ay bato. Natawa ang misteryosong babae kaya nagtingin ang iba sa kanya. Si Ara ay nagsisimula nang mag-init. Sa lagay na iyon ay hindi na niya hahayaan pang makapuntos ang kalaban. Ngunit sa bandang huli ay natalo pa rin ang kaibigan.
Papel laban sa bato. Doon natapos ang laban ni Ara pati nang misteryosong babae. Bagsak ang balikat ni Ara na lumabas sa net. Tinapik lamang siya sa balikat ni Patricia.
"Okay lang 'yan. May tiyansa ka pa. Alam ko,binigay mo ang best mo," aniya sa kaibigan. Nang tawagin na siya ng guwardiya ay ngumiti muna siya ng tipid at huminga ng malalim.
Pagpasok niya sa harang, hindi niya maiwasang mangatog ang kanyang tuhod at lumunok ng laway ng paulit-ulit. Lalo na nang tingnan siya ng misteryosong babae, pakiramdam niya ay lalapain siya nito anumang oras na siya ay lumapit.
"Bilisan mo!" Tulak kay Patricia ng guwardiya, kaya naman ngayon ay nakaharap na niya ang babaeng iyon.
"Kumusta ka na...Patricia?"tanong ng misteryosong babae na animoy nagpaulit-ulit sa tainga ni Patricia nang marinig ang kanyang pangalan.
Hindi makapaniwala si Patricia kung bakit siya nakilala ng taong iyon, kahit alam naman niyang sina Makmak, Ara at Marvin lang naman ang nakakakilala sa kanya. Gustuhin man niyang aninagin ang mukha ng babae ay hindi niya magawa dahil sa itim na nakabalot nito sa mukha.
"A..anong sabi mo?" nauutal na sambit ni Patricia.
Tumawa lang ang babae. Isang tawa na napakasakit sa tainga at tagos sa kalamnan.
"Tama na 'yan! Umpisahan niyo na," anang guwardiya na nagbibigay puntos sa likuran ng babaeng kalaban ngayon ni Patricia.
Huminga ng malalim si Patricia sabay inihanda ang kanyang kamao para sa labang iyon. Hindi basta-basta ang larong jack en poy.
Naalala pa ni Patricia ang sinabi ng babae na nasa likuran niya. Ang larong ito ay kailangan ng matinong pag-iisip. Kung malihis man siya sa kanyang plano ay sigurong ikakatalo niya iyon.
"Bato...bato..pick!" Sabay na sabay ang pagbagsak ng kanilang kamay. Hindi makatingin si Patricia sa kamay ng kalaban dahil natatakot pa rin siya, ngunit nang ilang segundo na ang lumipas ay narinig niya ang pagsusulat ng guwardiya sa likuran niya.
"Isang puntos para sa kanan!" sigaw ng guwardiya, kaya patingin ni Patricia ay nakahinga siya ng maluwag. Napangiti siya nang makita ang itinira niyang gunting at papel naman sa kalaban.
"Mukhang mapapalaban ako," anang babae, tsaka muling tumawa.
Hindi naman nagpalinlang si Patricia at muling tinaas ang kamao. Sa oras na ito ay parang hindi niya namalayan ang kanyang naitira at napokus siya sa kamay ng kalaban. Kapagkuwan ay nakita na lamang niya ang guwardiya sa likuran ng babae na nagsusulat.
"Hindi maaaring gamitin ang pako sa mga oras na ito, kaya isang puntos para sa kaliwa!"
Napatingin si Patricia sa kanyang paligid. Nagsisimula na siyang kabahan at nang makita niya si Ara na nanunuod ay ngumiti ang kanyang kaibigan.
"Kaya mo 'yan!" Basa ni Patricia sa sinasabi ni Ara. Ngumiti si Ara at tumango.
Pakiramdam ni Patricia ay napakabigat ng dinadala niya ngayon, kahit ang gaan lang tingnan ang laro. Hindi niya maiwasang hindi mangatog sa takot. Sa posibilidad na matalo siya nito.