Hindi mapigilan ni Patricia ang kanyang kuryosidsd na tingnan kung ano ang naririnig niya sa isang makipot na eskinita. Kinakabahan siya, ngunit pinagpatuloy pa rin niya iyon dahil may kung anong bumabagabag na sa kanyang isip. Pagdungaw niya ay una niyang namataan ang mga sandata. Saglit siyang napaisip kung kanino ang mga iyon, at nang mapagtanto niya ay tama nga siya. Sa mga guwardiya ang mga sandatang iyon, at ang mga naririnig niyang boses kanina pa ay sa kanila rin.
Dahan-dahang naglakad si Patricia patungo sa kinaroroonan nila. Sakto na para marinig niya kung ano ang pinag-uusapan ng dalawang guwardiyang iyon.
"Kumusta na kaya ang pamilya ko?" lumbay na tanong ng isa, sabay tinanggal ang harang na bakal sa kanyang mukha. Gulat si Patricia dahil doon. Ang akala niya ay hindi nila katulad ang mga guwardiya dahil sa bakal nilang mga puso. Isa rin pala silang ulirang ama sa kanilang mga bahay.
"Sana lang din ligtas ang pamilya ko. Ilang taon ko na rin silang hindi nakikita," anang isa. Malungkot silang nakatingin sa ibaba. Ilang minutong tumahimik ang buong paligid. Akala ni Patricia ay nabibingi lamang siya, dahil wala na siyang marinig na sinabi pa ng mga guwardiya, kaya lumapit muli siya. Ang hindi niya alam ay puro lumot pala ang natapakan niya, kaya nagdire-diretso siya sa harapan ng mga guwardiya.
Gulat ang mga ito. Hindi rin sila makagalaw, katulad ni Patricia. Sa unang pagkakataon ay nakita ni Patricia ang takot sa mukha ng mga guwardiyang iyon.
"S-sino..ka?!" Lakas loob na tanong ng isa,kahit halata namang kinakabahan ito.
Hinila ng isa ang kanyang espada, tsaka nanginginig na tinutok kay Patricia.
"A-ano ang narinig mo?! Subukan mong tumakas at magsumbong! Kung hindi...kundi papatayin ka namin!" Nag-aalangan sabi ng guwardiya.
Hindi na nagpaligoy-ligoy si Patricia. Mabilis siyang umiling, habang hawak ang kanyang hininga. Hindi rin niya alam kung ano ang magiging reaksyon niya ngayon, lalo na kitang-kita ng dalawa niyang mata ang pagod at pawis na pawis na mukha ng mga guwardiyang kaharap niya.
"H..hindi po. Hindi po ako magsusumbong. Promise!" mabilis na sabi niya.
Kasabay naman no'n ang pagbaba ng armas ng isa. Nakahinga na rin ng maluwag si Patricia at umayos ng upo. Tinulungan naman siya ng dalawa at itinabi sa kanila si Patricia. Kahit gulat ay nanatiling tahimik at kalmado lamang si Patricia. Ang mga guwardiya ay nagsisimula nang suotin muli ang kanilang bakal na harang sa ulo, ngunit biglang tinabig ni Patricia ang kamay nila.
"Ayos lang po kahit minsan ay magpahinga kayo," ani Patricia. Kahit sa madilim ay kitang-kita niya ang mukha ng guwardiya na gulat.
"Salamat," wika naman ng isa na naging malumanay na rin ang pakiramdam.
Hindi na tuluyang nagsalita si Patricia. Hinihintay na lamang niya na ang dalawa ang magkwento tungkol sa narinig niya kanina. Sa totoo lang ay hindi naman ugali ni Patricia ang makinig sa usapan ng iba, ngunit parang may kung anong boltahe ang nagtulak s akanya patungo sa dalawa.
"Kumusta ka na? Mabuti naman at nakaligtas ka," pag-uumpisa ng guwardiya na may hawak kanina ng armas. Nasa kanan iyon ni Patricia.
"A..ayos lang po," nahihiyang sagot ni Patricia. "Kayo po?" pagbabalik niya ng tanong.
Isang nakakalokong tawa lamang ang iginawad ng dalawa na ikinapagtaka ni Patricia. Ang tawang iyon ay kakaiba. May halong pagod at paghihinagpis sa bawat pagbuka ng kanilang bibig.
"Matagal nang panahon simula noong may nangumusta sa amin," sagot naman ng nasa kaliwa. "Sabagay, sino ba naman ang mag-aaksaya ng oras sa mga guwardiya na nangunguha ng puntos ng iba upang mabuhay, hindi ba?" sarkastiko nitong tanong.
"Ayos lang kami," malumanay na sagot ng nasa kanan. "Siya nga pala, ako si Adonis. Siya naman si Liv," pagpapakilala ni Adonis sa kanila.
"Ako nga po pala si Patricia. Bakit nga po pala kayo narito?" magalang na tanong ni Patricia.
"Nagpapahinga lang," ani Liv. "Nagpapahinga sa lahat."
"Naalala kasi namin ang aming pamilya," sagot ni Adonis. "Ganito pala mangulila ano? Kahit anong tapang namin sa laban ay bumabagsak din kami pagdating sa pamilya."
Ngumiti ng mapait si Patricia, ngunit dahil madilim na sa kanilang pwesto ay hindi iyon napansin ng dalawa. "Gano'n po talaga. Kahit ako ay nangungulila rin sa aking ina. Pero wala akong magawa kung hindi harapin ang panganib dito, kapalit ng buhay ko," aniya.
"Siguro ay bago ka lang dito,ano?" tanong ni Liv.
Tumango naman si Patricia. "Siguro ay nasa dalawang buwan na po ako, simula nang maligaw ako rito," aniya.
"Buti nga ikaw ay nasa dalawang buwan ka pa lang. Kami ay halos kalahati na ng buhay namin ay narito na kami. Ang ginagawa namin? Pumatay ng kapwa namin tao, para lamang mabuhay. Nakakatawa nga e, akala namin noong una ay ang ginagawa naming pagsasanay ay base sa posisyong ibibigay sa amin ng gobyerno. Ngunit pati pala gobyerno ay kinasabwat ni Don Hernandez," paliwanag ni Adonis.
Naguguluhang humarap sa kanya si Patricia. "Bakit naman po?"
"Akala kasi namin ay sa military kami ipapasok ng BMA," sabat ni Liv. "Puspusang training ang inilaan namin. Pinagsuot ng mabibigat na bagay, pinagamit ng ibat-ibang armas at pinag-duty ng kulang-kulang sa bente kwatro oras. Lahat ng iyon ay ininda namin, dahil akala namin noon ay pagkatapos ng aming paghihirap, mabibigyan na namin ng magandang buhay ang aming pamilya. Ang kaso lang, napunta nga kami rito,"paliwanag ni Liv.
"Paano ba kayo napunta rito? Tsaka totoo ba 'yung narinig ko? May mga pamilya kayo sa labas?" tanong ni Patricia.
Mabilis namang sumagot si Adonis. "Oo. Iniwan namin sila, dahil sabi sa amin ay dadalhin kami sa ibang bansa at doon idedestino. Ang hindi namin alam, ginawa ang lahat ng aming pagsasanay para rito. Kaya sana, Patricia, hindi makarating anng nakita mo sa kataas-taasan," ani Liv.
"Bakit?" takang tanong ni Patricia.
"Dahil hindi biro ang sasapilitin namin kapag nalaman nila ito. Kapag nalaman nilang tinanggal namin ang aming maskara. Kapag nalaman nilang may emosyon pa rin kami hanggang ngayon," sagot ni Adonis.
"Emosyon? Natural mayroon kayo no'n dahil tao kayo!" dipensa ni Patricia.
"Hindi gano'n 'yon, ineng," ani Liv at tumawa ng impit. "Sinanay nila kami rito bilang isang robot. Walang emosyon, walang konsensya at walang awa sa mga tao. Kapag nalaman nilang nanghihina kami, baka kami na ang isunod sa mga pinugutan ng ulo."
"Kaya ba nagtatago kayo sa makipot at madilim na eskinitang ito?" tanong ni Patricia.
Tumango naman ang dalawa. "Hindi saklaw ng monitor nila ang pwestong ito. Hindi nila nababantayan ang mga taong narito, kaya kapag may karamdaman kaming hindi namin maipaliwanag, madalas narito kami. Pero hindi naman kami nagtatagal dito, dahil mayroong oras ang aming pag-alis pati na ang pagbalik." sagot ni Adonis.
"Pero...'yung sa bukid? May monitor din bang nagbabantay doon?" tanong ni Patricia.
"Bukid?" takang tanong ni Liv.
"Opo. Madalas kasi ay doon kami nagpapahinga,pagkatapos ng pakikipaglaban namin. Kung gusto niyong makapag-relax ay maaari naman kayong magpunta doon," masayang sabi ni Patricia.
Tumango-tango lang ang dalawa.
"Basta lamang ay huwag kayong pupunta sa gubat o sa likod ng acacia," ani Adonis.
Kumunot ang noo ni Patricia. "Bakit naman po? Anong mayroon sa acacia na iyon?"
"Hindi mo pa ba alam?" takang sabi ni Adonis, kaya hinampas ng bahagya ni Liv ang braso nito.
"Ah wala, wala. Basta. Huwag kang magpupunta roon. Mapanganib, pero kung malampasan mo man ang panganib na iyon ay siguradong makakalaya ka," ani Liv.
"Teka lang," sumabat naman si Adonis na parang ang lalim ng iniisip. "Hindi ba bukas na ang inyong ikaapat na antas?" anito.
Tiningnan naman niya ang kanyang braso at lumitaw mula rito ang berdeng mga nakaukit. Kapareho lamang ng bar nila ang bar ng mga manlalaro. Ang kaibahan lamang ay may dalawa silang maliit na bar. Si Adonis ay may isang daan at isang maliit na bar. Napantingin na rin si Liv sa kanyang bar at nang makita iyon ni Patricia ay isang daan na lamang din iyon at dalawang maliit na bar. Napabuntong hininga na lamang ang dalawang guwardiya.
"Kailangan na naman naming humuli ng manlalaro, para mabuhay kami. Kahit ayaw naming manalangin na sana ay walang matalo, wala kaming magagawa, dahil kung sino man ang matatalo bukas ay silang haharap sa mababangis na Quadro," ani Liv.
Tumayo si Adonis mula sa pwesto nito. "Mukhang napasarap ang pagkukwentuhan natin ah? Paano, Patricia, mauna na kami. Mag-ingat kayo bukas, at sana ay magkita pa tayo sa susunod na laro. Inaasahan namin ni Liv ang iyong panalo," ani Adonis.
Pagkatapos nilang magpaalam sa isat-isa, dumiretso na si Patricia sa kanyang bahay. Ngunit habang naglalakad ay hindi niya maiwasang isipin kung ano ang tungkol sa sinabi ni Adonis kanina na pinigil ni Liv. Alam naman niya ang tungkol sa gubat na sinasabi ng mga ito, ngunit ang tungkol sa acacia ay parang bago lamang sa kanyang pandinig.
Pagdating niya sa bahay ay nag-ayos muna siya ng kakainin niya ngayong gabi. Maayos na ang pakiramdam niya ngayon, kumpara noong nakaraang araw na sunod-sunod ang kinaharap nilang problema. Sa kabilang banda, habang kumakain si Patricia naalala niya ang mga guwardiyang sina Adonis at Liv. Kahit pala ang mga guwardiya ay may pamilya. Hindi mapigilan ni Patricia kanina na maaawa, dahil bukod sa paghihirap nila doon ay hindi pa nila maipakita ang kanilang tunay na nararamdaman. Kahit papaano ay maswerte pa rin sila, dahil nagagawa nila ang mga gusto nila, hindi tulad ng mga guwardiya ay patuloy lamang na nagtatago sa kaninang makapal na maskara, kahit kitang-kita sa kanilang mukha ang pangungulila.
Naalala rin ni Patricia ang kanyang ina.
"Ano na kayang ginagawa ngayon ni inay? May kasama ba siya doon? Dinadalaw ba siya ni Lea? Paano na ang kakanin? Nami-miss ko na ang boses ni Inay, tuwing umaga. Pati ang amoy ng kanyang kakanin." Malungkot na sinubo ni Patricia ang kutsarang mayroong kanin at sabaw. Sa tuwing naalala niya na may panibagong kalbaryo na naman ang kakaharapin nila bukas ay hindi mapigilan ni Patricia na manghina.
Pagtapos magligpit ay inilatag naman niya ang banig at saka humiga. Naalala niya ang unang beses na nakasama niyang matulog sina Makmak at Ara. Hindi niya mapigilang mapangiti. Kahit papaano ay may matatawag na siyang kaibigan sa lugar na ito. Pinangako rin niya sa sarili na kapag nakalabas sila ng buhay ay isasama niya ang bagong kaibigan sa kanila at papakainin ng masasarap na kakanin.
Medyo hindi lamang siya panatag, kapag nakikita niyang nakasimagot si Ara. Minsan kasi ay napapansin ni Patricia ang pagseselos ni Ara na wala sa hulog. Kahit pati siya ay pinagseselosan na rin, kahit hindi niyon pinapahalata. Napasinghal na lamang si Patricia dahil kahit kailan ay hindi niya inisip ang mang-agaw ng gusto ng iba. Sanay siya sa parteng iyon dahil simula noon ay sa tuwing may nagiging kaibigan siya ay bigla na lamang siyang napapaaway, dahil nalalaman niya ang gusto ng kaibigan niya ay sa kanya nagkakagusto. Hindi sa pagmamayabang pero may itsura si Patricia. Bukod sa tama ang tangkad niya sa katawan niya ay morena rin siya. Medyo kulot ang buhok, bilugan ang mata, mahaba ang pilikmata, natangos na ilong at pulang kulay ng labi. Dagdag pa ang maganda niyang kalooban,kaya hindi nakakapagtakang ang mga kalalakihan sa kanila ay nagkakagusto sa kanya.
Habang inaalala ni Patricia ang kabataan niya noon ay hindi niya mapigilang matawa. Paano kasi ay sa dami ng nagkakagusto sa kanyang lalaki naa may itsura, angat at may kaya sa buhay, pinili pa rin niya si Mark. Si Mark na isang average looking. Iyong hindi ka mapapalingon kapag dumaan siya sa harapan mo. Siya ang pinili ni Patricia.
Matatawag iyong puppy love dahil nasa disisais pa lamang no'n sila. Inaasar pa nga siya ni Lea na mukhang Langkang bubot si Mark at anong gayuma raw ang ginamit ni Mark kay Patricia upang pasagutin siya. Ang sagot naman ni Patricia ay sa ugali siya bumabase. Mabait at magalang si Mark. Lagi niyang tinutulungan sa pagbubuhat ng bilao si Aling Maria, kaya tuwang-tuwa siya roon. Isa pa, magalang si Mark at nakakasundo kung sino man ang itapat sa kanya. Ngunit mabuti na lamang ay nalaman lahat ni Patricia ang katotohanan, bago pa siya tuluyang mahulog sa binata.
Pinagkakalat na pala ni Mark na may nangyari sa kanila ni Patricia, at suhestiyon daw iyon ng inay niyang si Maria. Kaya si aling Maria ay hindi nagpatumpik-tumpik pa ay sumugod sa bahay nila. Galit na galit si Aling Maria kay Mark at binalaan na kapag gumawi pa sa lugar nila si Mark ay tatagain siya nito.
"Ang tapang talaga ni Inay," bulong sa sarili ni Patricia.
Noon lamang din niya nalaman na kaya pala ay tinutulungan niya si Aling Maria na mag-ayos ng kakanin sa bahay nila Patricia ay dahil ginagawan na niya ito ng kwento na pumapayag daw si Aling Maria na mag-date silang dalawa sa bahay nila. Lahat ng iyon ay kumalat sa kanilang baryo, mabuti na lamang at may chismosang kaibigan si Patricia na si Lea. Isiniwalat lahat ni Lea ang pinagkakalat ni Mark. Kaya simula noon ay hindi na maganda ang impresyon nilang lahat kay Mark. Alam kasi ng mga tao sa kanila na disente si Patricia at hindi gagawa ng gano'ng bagay. Isa pa, mabait si Aling Maria kaya hindi mabilis mapaniwala ang kanilang mga kapitbahay.
Hindi na mapigilan ni Patricia ang antok kaya naman ay ipinikit na lamang niya ang kanyang mata at nagpahinga.
Hindi lubos maisip ni Patricia kung paano siya nakalabas mula sa baryong iyon at nakabalik ng gano'n kabilis sa kanilang bahay. Pagmulat ng kanyang mata ay naroon na siya nakahiga sa kanilang higaan, katabi ang kanyang ina na mahimbing pa ring natutulog. Napaluha na lamang si Patricia habang pinagmamasdan ang ina. Sa sobrang pagkagalak ay niyakap niya si Maria ng mahigpit. Nalingat ang kanyang ina at takang-taka siyang tiningnan.
"Anak? Bakit?" pupungay-pungay na tanong ni Maria.
"Wala po, inay. Na-miss ko lang kayo," aniya at patuloy pa ring nakayakap sa iba.
Inalis naman ni Maria ang pagkakayap sa anak at kunot noo nitpng tiningnan si Patricia. "Ano bang pinagsasabi mo? Palagi naman tayong magkasama ah? Galing ka lang kanina sa palengke, na-miss mo na kaagad ako?" tanong ng ina na wala pa ring ideya sa ngayon. Hindi na muling sumagot si Patricia.
Tumayo siya at ngumiti sa ina. "Ako na po ang magluluto ng almusal natin. Diyan lang kayo at ipaghahanda ko na kayo," masayang sabi ng dalaga tsaka lumabas.
Pakanta-kanta pa si Patricia habang isinasangag ang kanin na natira sa kaldero. Nagluto rin siya ng itlog at tuyo, saka niya iyon nilagay sa plato. Pagkatapos niya roon ay maagap niyang inihatid ang tray na naglalaman ng almusal para sa ina. Parang tumatalon ang puso niya sa tuwa,kahit hindi pa niya alam kung paano siya nakalabas sa baryo ng Sta. Ignacia. Hindi na niya masyadong inisip iyon, basta ang mahalaga ay kasama na niya ang ina at hindi na kailanman aalis.
Gulat na gulat ang kanyang ina sa ikinikilos ni Patricia. Habang kumakain si Mariaay pinagmamasdan lang siya ng anak na ngingiti-ngiti. Hindi tuloy mapakali si Maria sa ikinikilos ng anak.
"Ano ba talaga ang nangyayari sa iyo? Naninibago ako ha? Dati lang ay hindi mo ako ginaganito. Ngayon, parang prinsesa na ako. Baka masanay ako anak," pagbibiro pa ng ina.
Ikinatuwa naman iyon ni Patricia. "Nako inay, kahit masanay ka. Araw-araw ko namang gagawin sa iyo 'yan, aniya.
Nang matapos ng kumain ang ina, naramdaman ni Patricia na malapit nang sinukin ang ina. Nakalimutan pala niyang abutan kanina ng tubig si Maria, kaya nagpaalam muna siya sa ina na kukuha ng tubig. Binitbit na rin niya ang tray na pinaglagyan ng pagkain. Tuwang-tuwa siya dahil walang itinira ang ina sa kanyang niluto.
Pagkakuha niya ng tubig, papasok na sana siya sa kwarto ngunit bigla siyang natigilan.
"Inay?" tawag niya rito.
"Nasaan ka, inay?" pag-uulit niya, habang hinahanap ang ina. Kinabahan na siya sa mga sandaling iyon, lumabas siya ng silid at hinanap sa sulok ng bahay ang kanyang ina, ngunit wala siyang makita. Unti-unting nilalamon ng dilim ang kanyang paligid, kaya napasigaw siya sa takot.
Naghihikahos at tila hinahabol ni Patricia ang kanyang hininga nang siya ay nagising mula sa masamang panaginip.
"Panaginip lang pala," aniya sa sarili at nang pupunasan na ang tagaktak na pawis sa mukha ay napansin niya na may luha sa gilid ng kanyang mata. Sa sobrang sama ng panaginip ay napaiyak pala siya. Lalo tuloy siyang kinabahan kung ano na nga ba ang nangyari sa ina.
Nang makondisyon na ni Patricia ang sarili, tumayo siya at kumuha ng tubig. Pagkalagok ng tubig ay umupo muna siya at inalala ang kanyang panaginip. Ang ngiti ng ina. Ang pagsasama nila, hindi niya mapigilang hindi alalahanin lahat iyon. Kahit papaano ay nagkaroon siya ng lakas ng loob para harapin ang bukas. Pinangako niya sa sarili na hindi siya magpapadala sa takot at tatapusin ang nasimulang laban.
Nang maging maayos na ang lagay ni Patricia, nagpapasiya na siyang magligpit ng higaan, ngunit napatigil siya nang marinig ang mga kuliglig sa tabi. Nagtataka siya kung anong oras na kaya naglakad siya sa tapat ng pinto at binuksan iyon.
"Mukhang masyado pang maaga para maghanda," aniya sa sarili nang mapatingin sa itaas. Nakita niya ang buwan na buong-buo at maliwanag pa, kasama ang mga bituin na nagkalat sa kalangitan. Saglit lamang siyang napatitig doon, at nang daanan ang kanyang mukhang malamig na hangin ay nagpasiya na siyang bumalik sa pagtulog.
Paggising ni Patricia ay isang malakas na kalabog mula sa labas ng kanyang pinto ang siyang bumungad sa kanya. Akala niya ay mga guwardiya na iyon n susundo sa kanya, ngunit pagbukas niya ng pinto ay mga bata pala iyon na nagtutulakan. Parang may gustong sabihin ang batang tinulak nila na tingin ni Patricia ay nasa edad anim. Pamilyar din ang mukha ng mga batang iyon.
"Ano 'yon?" tanong ni Patricia nang walang nagsasalita sa kanila.
"May gusto raw pong sabihin si Jeron!" sabat naman ng batang lalaki na nasa likuran. Nasa apat sila ngayon. Masaya ang kanilang mukha na bumungad kay Patricia, kaya hindi mapigilan ni Patricia na mapangiti.
"Ahm.." nahihiyang sambit no'ng Jeron.
"Gusto raw po niyang magpasalamat!" anas ng isa naman.
Kumunot ang noo ni Patricia. " Pasalamat, saan?" naguguluhan niyang tanong.
"S..sa pagligtas mo po sa amin noong nakaraang araw," pautal-utal na sabi ng bata. Ngayon ay maliwanag na ang lahat kay Patricia. Sila iyong mga bata na inunang iniligtas niya noong magsimula ang ikatlong antas.