Hindi maintindihan ni Makmak kung ano ang nangyayari sa kaibigang si Ara. Pagdating nila sa bahay ay tinulak ni Ara ng malakas ang pinto, dahilan para mapaatras si Makmak na nasa labas pa lamang. Galit na galit si Ara sa hindi niya malamang dahilan. Gustuhin man niyang alamin iyon ay hindi niya maitanong kay Ara dahil kahit siya ay natatakot din. Sinubukan din niyang basahin ang nasa isip ni Ara, ngunit kinakabahan siya habang ginagawa niya iyon, kaya hindi niya matuloy-tuloy. Nalaman na rin ni Makmak na isa sa kahinaan ng kanyang abilidad ang kanyang pagiging matatakutin. Hindi gumagawa ang abilidad na iyon pag pinangunahan siya ng takot at kaba.
"A..ara?" tawag niya sa kaibigan na mukhang kumalma na rin kahit papaano. Ayaw niya kasing kausapin si Ara kapag alam niyang galit pa ito. Baka kung ano na naman ang masabi ni Ara sa kanya.
Naalala niya noon, nang mag-away din sila ay may nasabi si Ara na labis ikinagulat ni Makmak. Dahil lamang iyon sa pagkain. Pareho silang gutom, ngunit si Makmak ay kinain ang isnag buong prutas na tira sa mesa. Sobrang nagalit si Ara at pinapaluwa pa nito ang kinain kay Makmak. Inasar-asar pa siya ni Makmak, kaya hindi na ito makapagtimpi at kung ano-anong salita ang ibinato kay Makmak. Nasabi pa ni Ara sa kanya na matagal na niya itong mahal,ngunit napakamahid ni Makmak para hindi mapansin iyon. Tinawanan lang iyon ni Makmak. Pagkatapos no'n ay umalis na si Ara at naiwang tulala si Makmak.
Kinagabihan ay bumalik din si Ara at humingi ng tawad. Sinabi rin ng kaibigan na hindi totoo ang mga pinagsasabi nito kanina, kaya wala siyang dapat ikabahala. Nakahinga naman ng maluwag si Makmak,kaya napayakap siya ng mahigpit sa kaibigan. Sa totoo lang kasi ay walang nararamdamang kakaiba si Makmak kay Ara. Tinuturing niya itong kapatid at hindi kung ano pa man. Natatakot din si Makmak sa posibilidad na maging totoo ang sinasabi ni Ara, kaya gagawin niya ang lahat para hindi iyon matuloy.
"Sorry din, Ara. Sa susunod ibibili na kita ng pagkain," ani Makmak. Napangiti naman si Ara. Pero sa mga nagdaang araw, nalaman ni Makmak ang totoo. Inamin din ni Ara iyon na kaya siya sobrang nagalit noon ksy Makmak dahil hindi niya sinasabing nagpupunta pa rin siya sa bahay nina Deth at umaasa na magkikita sila.
Simula nang binugbog ni Mang Eddie si Makmak ay sinumpa na ni Deth na kailanman ay hindi niya mapapatawad si Deth pati ng ama nito. Ayaw nitong may nananakit sa kaibigan, dahil simula pa lang noon ay si Ara na ang nagtatanggol sa kanya sa lahat ng bagay.
"Pasensya ka na. Nainis lang ako," mahinahong sabi ni Ara. Dahan-dahan na ring umupo si Makmak sa tabi niya at hinimas-himas ang buhok ni Ara. Alam na ni Makmak kung ano ang kahinaan ng kaibigan, at iyon ang paghimas ng ulo nito.
Nakakatawa man ito sa iba, kay Makmak naman ay hindi. Pinangako niya sa sarili na hindi siya magsasawang gawin iyon sa kaibigan hanggang sa pagtanda nila.
"Ayos lang 'yun. Huwag mo na lang ulitin 'yon sa harapan ni Patchot ha? Nakakahiya e." Isinandal ni Makmak ang ulo ni Ara sa balikat niya. "Baka akalain ng bago nating kaibigan, may alaga akong tigre," dagdag pa niya, kaya hinampas ni Ara ang dibdib ni Makmak.
Noong kumalma na si Ara, humugot ng lakas ng loob si Makmak upang magtanong.
"Ara?"
"Ano?"tanong ni Ara.
"B-bakit galit na galit ka kay Mang Eddie at kay Deth? Kahit hindi ka naman nila inaano?" nag-aalangang tanong ni Makmak.
Tumahimik panandalian si Ara. Akala ni Makmak ay hindi na sasagot ang kaibigan, ngunit mas lalo siyang nabigla sa naging rebelasyon nito.
"Magkapatid kami ni Deth. Ama ko si Mang Eddie, at galit na galit ako sa kanya dahil iniwan niya ang una niyang pamilya para kina Deth," ani Ara.
Hinayaan lamang ni Makmak na maglabas ng saloobin ang kaibigan. Hindi niya alam kung anong magandang salita ang maaari niyang sabihin dito, dahil kahit siya ay nabigla rin.
"Bata pa lamang ako alam ko na. Bago umalis si mama ay sinabbi niya sa akin ang lahat. Lahat-lahat kung bakit wala akong kinilalang ama. Sa totoo lang, hindi naman talaga kadugo ni Deth ang hayop na Mang Eddie na 'yan, inaruga lamang siya, pagkamatay ng ina niya. Samantalang ako, nagpalaboy-laboy lang ako." Umupo ng tuwid si Ara at tumingin sa apoy ng gasera.
"P-pero, bakit pinili mo pa ring makipagkaibigan kay Deth? B..bakit hindi mo sinabi sa akin ito?" sunod-sunod na tanong ni Makmak.
"Sasabihin ko?"sarkastikong tanong ni Ara. "Sasabihin ko,kung sa simpleng paalala lang sa'yo na huwag kang lalapit sa kanila ay ginagawa mo? Walang nadudulot na maganda sa'yo si Deth, Makmak. Puro kapahamakan lamang ang dinadala niya sa'yo..sa atin."
"Pero naguguluhan pa rin ako. P-paano? Paano nangyari iyon? Kaya ba gano'n na lamang ang galit mo kay Mang Eddie kapag nagkakaharap kayo? Kaya ba hindi mo siya matingnan sa mata?" ani Makmak. Napansin kasi niya ito nang magkadaupang palad silang lima, kasama si Patricia. Kahit napakatapang ni Ara ay pakiramdam ni Makmak, nangangatog pa rin ang tuhod ng kaibigan. Napansin din niya na iniiwas ni Ara ang tingin kay Mang Eddie noon."
"Hindi naman talaga ako dapat magagalit na e. Okay na ako. Pero noong nakita kitang duguan pag-uwi mo, umusbong na naman ang galit sa kaibuturan ko. Lalo na sa mga ginagawa niyang panlalamang sa kapwa. Paano siya nakakatulog sa gano'ng sitwasyon? Hindi ba siya nahihiya? Sabagay," umismid si Ara. "Kahit ako ay kinakkahiya ko siya sa ginagawa niya. Mabuti na lammang at tayong dalawa lang ang may alam nito. Kung ikakahiya ko talaga na ama ko siya. Napaka wala niyang kwenta. Nabubuhay siya dahil sa pagnanakaw, pangugulang, panlalamang," galit na sabi ni Ara.
"Pero.." Sumandal si Makmak sa upuan. "Paano kapag bumalik ulit siya sa buhay mo? Nagmakaawa na tanggapin mo ulit siya?"
"Edi kung ilang beses niya akong pinagtabuyan noon, gano'n karami ko rin siyang ipagtatabuyan ngayon," matapang na sabi ni Ara.
Ngayon ay alam na lahat ni Makmak. Maliwanaag na rin sa kanya bakit gano'n na lamang ang pagkagalit ng kaibigan kay Deth at Mang Eddie, dahil minsan din siyang naging anak ni Mang Eddie, ang kaibihan lang ay mas pinili nito ang pamilya nila ni Deth. Habang kinukwento iyon ni Ara sa kanya ay wala siyang ibang nararamdaman kundi galit, poot at inis. Wala na siyang nararamdamang pagmamahal sa ama, dahil kahit sa isip ni Ara ay minumura niya ito.
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagpaalam na si Ara na matutulog na. Dahil bukas ay magsisimula na naman ang kanilang kalbaryo. Sa totoo lang ay simula nang malaman ni Makmak ang kanyang abilidad, hindi na siya nag-alala pa sa sarili, bagkus ay nag-alala siya sa posibleng mangyari sa mga kasamahan niya. Lalo na kina Ara at Patricia.
Nagpahangin muna saglit si Makmak. Madalas siyang umaakyat sa bubong, dahil malamig ang sahig doon gawa ng simento ang kanilang bubong. Gusto rin niyang maramdaman muli ang malamig na hampas ng hanging sumasampal sa kanya kada gabi. Para raw kasing hinihele siya doon, kaya mabilis siyang nakakatulog.
Ginawang unan ni Makmak ang kanyang braso, habang prente siyang nakatingin sa tahimik at itim na kalangitan. Nakakalungkot lang, dahil walang mga bituin ngayon na nakakadagdag sa ilaw ng ng buwan. Tanging buwan lamang na kalahati ang siyang naroon, kasama ang itim na mga ulam na nagsisimula nang angkinin ang buwan. Maige niyang pinagdasal na sana makita niya kahit sa panaginip ang ama at ina. Nagpasalamat din siya sa Diyos, dahil lumabas na ang abilidad na matagal na niyang hinihintay.
Nang mangalay na si Makmak, tumagilid na siya. Akmang matutulog na, ngunit biglang pumasok sa isip niya si Patricia. Naalala niya ang matamis na ngiti ng dalaga. Ang pagsimangot, tuwing may hindi nagustuhan. Ang kasimplehan ni Patricia na lalong nakakapagpaganda sa kanya. Hindi maiwasang isipin lahat iyon ni Makmak ngayong gabi. Unti-unti na niyang nakikita at nasusubaybayan ang ugali ni Patricia. Kagabi lamang na naglalaro sila ng baraha ay tuwang-tuwa na ang dalaga sa pagpapatawa niya. Hindi niya namamalayan na sumasabay na rin siya doon, hanggang sa minabuti na lamang niyang ikimkim sa sarili ang nararamdaman.
Sa totoo lang ay nawawala na ang pagnanais ni Makmak na makita niya pa si Deth. Nawawala na rin ang pagmamahal niya rito. Hindi niya alam, basta nagising na lamang siya isang araw na hindi na niya hinahanap ang presensya ni Deth, at si Patricia na ang palaging naiisip niya. Mayroon pa ring parte sa isip niya na inaalala si Deth, ngunit ang puwang na iyon ay para sa pagkakaibigan na lamang. Kahit anong pilit na pagtulog ni Makmak ay hindi niya magawa. May parte sa kanya na parang hindi na siya makapaghintay para bukas.
Nami-miss na niya ang niluluto ni Patricia para sa kanila. Ang pag-aalaga at pag-aalala ng dalaga na hindi naramdaman kay Deth. Sa kabilang banda, naalala rin ni Makmak ang rebelasyong ginawa kanina ng kaibigan. Kahit siya ay hindi rin makapaniwala sa pag-amin ni Ara. Dahil sino ba naman ang maniniwala doon? Ang sama ng ugali ni Mang Eddie, ngunit si Deth at si Ara ay napakabait naman. Malayong-malayo sa kanilang ama na nangungulang.
Kaya siguro hindi rin matanggap ni Ara na hanggang ngayon ay hinahanap pa rin ni Makmak si Deth. Bago rin naman matapos ang pag-uusap kanina ay nangako na sa sarili si Makmak na hindi na niya hahanapin pang muli si Deth, dahil alam na niya ang pakiramdam noon. Bumuga ng malalim na hininga si Makmak. Pakiramdam niya ay naiipit siya sa dalawang nag-uumpugang bato. Hindi naman niya kailangang mamili ng kaibigan, dahil mas matimbang ang pagkakaibigan nila ni Ara. Naalala pa niya noon na sa tuwing nasusugat siya,kahit kaunti lang ay ginagamot na agad ni Ara iyon. Lalo na noong sinuntok siya ni Mang Eddie. Alalang-alala si Ara at nangingilid na rin ang luha na parang mamamatay na siya ilang oras lamang.
Natawa si Makmak nang alalahanin lahat iyon. Sa kabilang banda, napakaswerte pa rin niya dahil mayroon siyang kaibigan na katulad ni Ara. Lalo na ngayon nadagdagan na sila. Wala siyang pagsisisi na iniligtas niya si Patricia.
Hindi namalayan na nakaiglip na si Makmak sa sarap ng hanging dumadampi sa kanyang balat. Mabuti na lamang at medyo kasulok-sulukan na ang kanilang bahay, dahil hindi na pumaparoon ang mga guwardiya upang magbantay.
Habang pupungay-pungay na bumaba mula sa bubong si Makmak, may napansin siyang kakaiba na tila nakatingin sa kanya. Pagbaba niya ay hinarap niya iyon. Isang pusa lang pala na itim. May lasong kulay pula ang pusa. Natuwa naman si Makmak, saka niya nilapitan iyon at kinuha.
"Ang bait mo naman," aniya sabay niyapos ang ulo ng pusa. "May nagmamay-ari ba sa iyo? Gusto mo sa akin ka na lang?"
Puro huni lamang ang isinagot ng pusa. Kapagkuwan ay binuhat na ito ni Makmak papasok sa loob ng bahay. Mukha naman daw kasing hindi gagawa ng maganda ang pusang iyon, kaya napagdesisyonan niya na kapag wala pa ring naghahanap sa pusang iyon bukas ay siya na mag-aalaga.
Tinabi niya iyon sa higaan nila ni Ara. Nasa gitna nila iyon. Hindi naman pumapalag ang pusa at tahimik na humiga kasama nila.
"Matulog ka na ah? Bukas, kapag walang naghanap sa iyo, ako na lang ang mag-aalaga," aniya sa pusa.
Kinabukasan..
Hindi pa tumutunong ang trumpeta ay inunahan na iyon ni Ara. Nais niya kasing ipaghanda ng makakain si Makmak, pambawi sa ginawa nito kahapon. Kitang-kita niya na tulog na tulog pa ang kanyang kaibigan. Napangiti ng tipid si Ara nang tingnan ang maamong mukha ni Makmak. Wala pa rin iyong pinagbago. Gwapo pa rin ito. Dagdag pa ang magandang ugali ni Makmak, kaya naman sobra-sobra ang paghanga nito sa kanya.
Nang matapos nang magluto si Ara, sakto namang nagising si Makmak. Napabalikwas si Makmak at kahit hindi pa naimulat ng husto ang mata ay parang may hinahanap na siya sa higaan.
"Ara?" tawag niya sa kaibigan na abala sa pagsandok ng kanin.
"Halika na, kumain na tayo," wika naman ni Ara na hindi napapansin ang ginagawang paghahalughog ni Makmak sa higaan.
"Nakita mo ba...yung...ano ko? Kinakabahang sabi ni Makmak, sabay binaliktad ang banig. Naguguluhan naman siyang pinagmamasdan ni Ara.
"Ano ba ang hinahanap mo?" tanong nito.
"Yung ano.. 'yung pusa ko. 'Yong itim?" tanong ni Makmak. Hinanap din niya iyon sa ilalim ng mesa at lababo kung nasaan si Ara.
Gulong-gulo lamang siyang tiningnan ng kaibigan.
"Ano bang pinagsasabi mo? Nananaginip ka ba?" tanong ni Ara.
Napatigil naman sa paghahanap si Makmak at nagtinginan silang dalawa.
"Nananaginip? Hindi e. Nahawakan ko pa kagabi iyon. Nakuha ko 'yung pusang itim sa labas. Ang sabi ko pa nga ay kung walang nagmamay-ari no'n ay ako na lang ang mag-aalaga. Nasaan na kaya 'yon?"
"Alam mo, Makmak, gutom lang 'yan. Halika at luto na ang pagkain. Kumain na tayo, dahil mamaya magsisimula na ang ikaapat na laro. Alam mo naman, kapag ganitong bagay ay kailangan talagang paghandaan."
Nakumbinsi ni Ara si Makmak na umupo, ngunit ang isip niya ay nasa pusang itim pa rin. Hindi siya maaaring magkamali. Pinasok niya pa iyon sa loob ng bahay. Nakatabi pa niya sa pagtulog. Inisip na lamang niya na baka tumakas na ang pusa, kaya wala na siya sa tabi niya paggising. Pero isa pang kinakabahala niya, bakit hindi man lang iyon napansin ni Ara? Tsaka bakit walang bakas ng balahibo ng pusa sa higaan? Akala tuloy ni Ara ay nahihibang na siya.
Habang tahimik silang kumakain, naalala ni Makmak si Patricia, kaya napatingin siya kay Ara.
"Pupuntahan natin si Patricia mamaya hindi ba?" tanong niya.
"Dipende, kung hindi pa tumunog ang trumpeta," sagot naman ni Ara. "Tsaka magkikita naman tayo sa plaza mamaya. Huwag kang atat diyan," dagdag pa ng kaibigan.
Tumango na lamang si Makmak.
Pagkatapos nilang kumain ay mabilis na nagligpit sa mesa si Ara. Si Makmak naman ay nagligpit na ng kanilang hinigaan. Mabuti na lamang at pagkatapos nila doon ay saka lamang tumunog ang trumpeta. Nakagawian na nila Makmak at Ara na bago sila maglakad patungo sa plaza ay magdarasal muna sila sa ilang minutong palugit.
Ipinagdasal ni Makmak na sana ay hindi na sila mabawasan sa larong ito ngayon. Kahit imposible ang kanyang hinihiling ay nanatili pa rin siyang positibo. Kahit kinakabahan siya kay Ara at kay Patricia ay nagtiwala na lamang siya doon. Isa pa, kung hindi nila kaya ang pagsubok na iyon ay maaari naman siguro niyang tulungan ang mga kaibigan.
Pagkalabas nila ay kaunti na lamang ang mga taong dumaraan. Karamihan ay mga bata na kahit sa paglakad ay naglalaro pa rin ng Jack En Poy. Bakas sa mukha nila ang takot at kaba, kaya ang ginagawa na lamang nila ay pinagtatawanan ang bawat isa kapag natalo ito. Hindi nagsasalita si Makmak at Ara. Nag-oobserba sila sa paligid at nakikita namang malumanay na ang pagsundo ng mga guwardiya sa mga tao. Siguro nakakaramdam na rin ang mga guwardiya ng awa sa mga tao dahil sa dami nila noon sa baryong ito ay isandaan na lamang silang natitira.
Hindi alintana ni Makmak ang sinasabi ng babae sa likod ng mikropono. Nakapokus lamang ang kanyang atensyon sa mga tao. Hinahanap din ng kanyang mata si Patricia. Hindi niya mapigilang mag-alala sa kaibigan.
Pagkaraan ng sampung nminutong paglalakad, nakarating na sila sa bungad. Sampung metro na lamang din at naroon na sila sa plaza, kung saan gaganapin ang laro. Ang iba ay nag-eensayo pa. Ultimo ang matandang babae na hirap na sa paglakad ay nakikipaglaro din sa mga bata na kaharap nila Makmak ngayon. Pinapanuod nila iyon, imbis nakikinig sa mga anunsyo.
"Makmak!" tawag ng isang pamilyar na boses sa likuran nila. Pagharap nilang dalawa ay si Patricia iyon. Nagtataka si Makmak bakit gano'n na lamang ang ngiti na sinalubong sa kanila ni Patricia. Parang may kakaiba sa kaibigan, ngunit hindi niya maexplika iyon kung ano. Ayaw rin niyang tingnan sa mata si Patricia, dahil sa ayaw at sa gusto niya ay mababasa niya ang nasa isip ng dalaga. Ngunit sa oras na iyon ay hindi niya mapigilan. Tila natulala din si Makmak sa angking ganda ni Patricia, kahit isang simpleng puting tshirt lamang at jeans at suot ng dalaga. Pakiramdam ni Makmak ay may kumakawala nang mga bulate sa kanyang tiyan.
"K-kumusta na? Nakatulog ka ba nang maayos? nauutal na tanong ni Makmak. Napansin naman iyon ni Ara, kaya iniba niya ang tanong kay Patricia.
"Bakit tuwang-tuwa ka ngayon? Nakapag-ensayo ka na ba?" tanong ni Ara.
Kahit hindi sabihin ni Patricia ay alam na ni Makmak ang dahilan. Hindi niya sinasadyang basahin iyon, ngunit nakita niya sa isipan ni Patricia na nagkita sila ng isang matandang lalaki. Hula niya ay tatay iyon ni Patricia. Ang yumao nitong ama, kaya gano'n na lamang ang pagkatuwa nito.
Umiling si Patricia.
"Hindi ako nagsanay. Napanaginipan ko lang si itay. Sa tagal ng panahon, kagabi na lang ulit kami nagkita," anito. Hindi maipagkaila ang tuwa sa mukha ni Patricia dahil pati mata nito ay nagniningning.
"Siya nga pala. Kanina pa kayo narito?" tanong ni Patricia.
Umiling naman si Ara. "Kakarating lang namin. Ikaw ba?"
"Oo. Hinahanap ko nga kayo e, buti na lang at hindi na ako nahirapan," anito.
Nanuod muna sila ng mga laban ng batang nag ja-jack en poy. Nasanay na rin kasi sila na nagtatagal ang anunsyo ng sampung minuto, kaya hindi muna sila tumuloy sa plaza. Nang matunugan nila na malapit nang matapos magsalita ang babae ay dali-dali na silang tumakbo patungong plaza. Wala na ring makaalis sa kanila dahil nakabantay na sa paligid ang mga guwardiya. Hindi na rin sila nagsisiksikan doon, katulad dati dahil isang daan na lamang sila. Kakaunti na lang din ang matatanda. Karamihan sa kanila ay bata, at tansya ni Makmak ay nasa treinta na lang silang matatanda na nakatayo doon.
"Binabati ko ang lahat ng manlalarong nakadalo rito ngayon," nag-iba ang boses ng kaninang nagsasalita. Mula sa babaeng boses at napalitan ito ng garalgal na boses ng lalaki. Dumagdag tuloy ito sa kaba ng iilan. Pakiramdam din ni Makmak na ang lalaking iyon ang namamahala na ng baryong ito at nagpapahirap sa kanila. Napakagat ng labi si Makmak nang maalala ang nangyari sa pamilya, dahil sa lalaking nagsasalita ngayon sa likod ng mikropono. Simula nang mangyari ang insidenteng bumawi ng buhay ng kanyang magulang ay pinangako niya sa sariling, dadalhin ang ulo ni Don Hernandez sa labas, kasabay ng kalayaan nilang lahat.
"Nawa'y magalak kayo sa aming inihanda para sa isangdaan naming manlalaro. Gusto ko lang iparating na napabilib ninyo ako, noong ikatlong antas. Sana ay makita ko muli ang pagbabayanihan ninyo ngayon," dagdag pa nito. Kaya tiim bagang na tumingin sa kawalan si Makmak, habang mahigpit na sinakmal ang kanyang kamao.