Mabilis na napabangon sa mahimbing na pagkakatulog si Patricia nang marinig ang sigawan ng mga batang naglalaro sa labas. Inunat-unat muna niya ang kanyang braso sabay tiningnan si Marvin na nagluluto ng kanilang almusal sa kusina.
"Gising ka na pala, bakla," wika ni Marvin nang hindi man lang siya tinitingnan at patuloy lamang sa paghiwa ng gulay.
"Oo, ang sarap nga ng tulog ko e," sagot naman ni Patricia. "Ay teka!" Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Patricia. Napatingin din sa kanya si Marvin. Mabilis na tumingin si Patricia sa kanyang braso at namangha siya na nadagdagan na nga siya ng puntos, pero sa kabilang banda, napakunot ang noo niya.
"Bakit ganito? Sira ba 'tong braso ko?" tanong niya sa sarili, saka tinapik-tapik ang braso. Tumigil naman sa paghiwa si Marvin at simpleng napangiti habang lumapit siya kay Patricia.
"Bakit? Anong nangyari?" nagkukunwari niyang tanong.
"Tingnan mo o!" Tinaas ni Patricia ang kanyang braso at pinakita ang tatlong daang puntos. Napangiti ng bahagya si Marvin at umupo sa monoblock.
"Ano naman ngayon? Ayaw mo ba niyan? Kung ayaw mo, ibigay mo na lang sa'kin," nagbibirong sabi ni Marvin.
"H..hindi. Hindi naman sa ganito. Pero kasi nakakapanibago, dahil kahapon diba isang Quadro lang ang nakalaban ko? Dapat isandaang puntos lang 'yon. Saan galing tong isa pa?" nagtatakang tanong niya sa sarili.
"Malay mo, binigyan ka ng dalawang daang puntos ng Quadro kaya puno na ang lifeline mo ngayon. Ayaw mo ba no'n?" Tumayo naman si Margvin at bumalik sa kusina nang marinig niyang kumukulo na ang tubig.
"Gano'n ba 'yon?" inosenteng tanong ni Pat saka umupo sa inupuan kanina ni Marvin. "Edi pati ikaw, kumpleto na rin ang puntos mo? Kasi diba marami kang napatay na Quadro kahapon?" tanong ni Patricia. Dahil nakasuot ng longsleeve si Patricia, hindi niya alam kung ilang puntos ang mayroon kay Marvin. Hinawakan lang ni Marvin ang kanyang braso saka tinanggal ang takip ng kaserola.
"A-ah? Oo naman! Pareho tayong tatlong daan ang puntos. Huwag mong gagamitin yan sa kaartehan mo ha? Tsaka tatandaan mo, wala kang mapapatay na Quadro ngayon, kasi lumalabas lang ang iba sa kanila kapag araw ng laro," ani Marvin.
Tumango naman si Patricia saka sinilip ang niluluto ni Marvin nang maamoy niya ito.
"Teka nga lang. Ano bang niluluto mong 'yan? Mukhang masarap ah?"
Tumingin naman si Marvin sa kanya habang hawak sa kaliwanag kamay ang sandok.
"Oo. Nagluto lang ako ng buto-buto. Ginagawa ko ito kapag nalalampasan ko ang bawat pagsubok nila sa akin. Parang regalo ko na lang din sa sarili ko," wika niya. Pagkatapos malasahan nito ang sabaw, kumuha siya ng mangkok at nilagyan ito. Una nitong binigyan si Patricia kaya takam na takam ang dalaga nang maayos ang mabangong papaitan.
"Ang bango nito, bakla ah? Hindi ko alam na marunong ka rin pa lang magluto. Akala ko panay lamyerda ka lang sa daan para maghanap ng lalaki,"ani Patricia saka natawa naman si Marvin at inilapag ang mangkok sa harapan. Hinigop muna nito ang sabaw, bago sumagot sa dalaga.
"Gaga. Dito ko lang din natutunan ang pagluluto. Siya nga pala, gusto mo bang gumala ngayong araw? Pahinga natin ngayon. I-treat mo rin ang sarili mo!"
Biglang lumiwanag ang mukha ni Patricia nang sabihin iyon sa kanya. "Totoo? May gagalaan pa pala rito? Akala ko hanggang dito na lang tayo. Nagsasawa na nga ako kakaikot dito e," pagrereklamo ni Patricia.
"Baliw. Syempre meron, mamaya igagala kita. Pero huwag kang mag-expect na mala carnavan 'to ha? Parang dead city nga ang tawag ko rito e. Pati mga tao, parang mga sinauna," wika ni Marvin.
"Mukhang hindi naman. Pareho lang natin sila. Ang kaibahan lang, sila kailangan nilang tumakbo at magtago para mabuhay. Tayo noon kahit kailan natin gustong maglaro, pwede," malungkot na pahayag ni Patricia.
"Sabagay, tayo noon tanghaling tapat nagtatakbuhan pa tayo. Naalala mo ba no'n si Lea?" Biglanf nagliwanag ang mukha ni Marvin at nagsisimula na ring tumawa si Patricia.
"Oo! 'Yung umuulan, tapos nadulas siya?" Bigla silang bumulalas ng tawa.
Flashback
Tag-ulan nang mga panahon iyon. Napagisipan ng magkakaibigan na sina Patricia, Lea, Marvin, Anthony at Sam na maligo sa ilog. Malayo ang ilog sa bahay nila. Mga limang kilometro bago sila makarating doon, pagkatapos no'n ay aakyat pa sila ng bundok at bababa. Hindi pinayagan no'n na sumama si Lea dahil delikado at bawal silang maligo sa ulan. Ngunit dahil pinagkakatiwalaan ni Aling Tess si Patricia ay pinayagan ito, ngunit hindi sinabi sa mga magulang kung saan sila pupunta.
Pagkarating doon, isang rumaragasang tubig mula sa taas ng bundok ang sumalubong sa kanila. Tuwang-tuwa ang magkakaibigan, dahil ito pa lang ang unang beses na magsasama sama sila. Ang bundok na kanilang inaakyat ay malinis. Wala silang mapagkapitan na kung anong baging o malalaking ugat ng puno, kaya nagsimula na silang mahirapan. Dahil maliksi sina Patricia, Marvin, Anthony at Sam, mabilis silang nakaakyat, ngunit ang kaibigan nilang si Lea na may kabigatan ay pabalik-balik sa ibaba. Punong-puno na rin ng dumi ang kanilang damit,kaya sinulit nila iyon.
Nagtulong-tulong ang magkakaibigan na hilahin si Lea, at sa wakas ay nagawa nila iyon. Nang makarating silang lahat sa tuktok, namangha sila dahil nakita na nila ang tanyag na falls sa San Roque. Napakalagi niyon. Malakas din ang agos,ngunit imbis na matakot at tuwang-tuwa pa sila na bumaba. Dahil matarik ang kanilang bababaan, naghawak- hawak ang magkakaibigan, dahil hindi nila kaya na isa-isa silang bababa doon. Sa unang hakbang ay ayos pa sila, ngunit nang sumunod ay bigla na lamang nadulas si Lea, kaya sabay-sabay silang nalaglag sa gilid ng ilog.
Tuwang-tuwa sina Patricia pagkatapos no'n, ngunit pagkauwi nila kanya-kanyang palo ang inabot nila sa kanilang magulang. Si Patricia ay sinermonan lang dahil sa dumi ng damit nito, habang ang iba naman ay pinagmalaki pa ang latay sa pagkapalo nila.
End of Flashback
"Paano ang taba-taba pa kasi no'n ni Lea! Kainis siya!" Hampas ni Marvin sa mesa habang patuloy pa rin silang tumatawa.
Nang matapos na silang kumain, sinabihan ni Marvin si Patricia na maligo muna bago sila gumala dahil ilang araw na rin ang suot ni Patricia. Mabuti na lang daw at nagdala si Marvin ng mga damit noon na pambabae, dahil may maipapahiram ito sa dalaga.
Paglabas ni Patricia, isang tube dress na pula ang kanyang suot. Hirap na hirap siyang tinataas ito, habang pinapakita kay Marvin. Si Marvin naman ay kumikinang ang mata nang makita ang panlabas na kagandahan ng dalaga. Nakabuhaghag pa ang medyo kulot niyang buhok at tumingkad talaga ang morenang kulay at balingkinitwan na katawan ni Patricia.
"Grabe! Pwede ka nang pang miss universe, Patricia!" anas ni Marvin, ngunit si Patricia ay nakasimangot pa rin.
"Anong pang miss universe? Tingnan mo 'tong damit mo oh! Ang luwag-luwag, kita na ang bundok ko!" reklamo ni Patricia. Lumapit naman sa kanya si Marvin at inayos iyon.
"Ano ka ba! Ang ganda kaya. Bagay na bagay sa'yo! Alam mo ba, favorite kong damit 'yan, kaya 'wag ka nang magreklamo!" saka inayos ni Marvin ang laylayan ng suot ni Patricia.
Pinarisan lamang nila ito ng puting sapatos ni Patricia na palagi niyang sinusuot.
Si Marvin naman ay nagsuot ng itim na pantalon at itim din na t-shirt. Nang makapag gayak na sila, lalabas na sana sila ng bahay pero biglang natigilan si Patricia.
"T..teka, saan pala tayo magpupunta? Hindi ba nakakahiya? Ganito ang suot ko?" Tiningnan niya muli ang kanyang suot na bulaklakin at pulang dress.
"Papasyal tayo sa hindi mo pa napuntahan. Tsaka ayos lang 'yang damit mo! Malay mo diba, kapaag nakita ka ng mga guwardiya ma-inlove sa'yo, pagkatapos pagbubuksan ka na ng gate at makakalaya na tayo!" Biglang sumigaw si Marvin, kaya sinapok siya ni Patricia.
"Gaga! Ano ako bugaw? Kaya pala ganito ang pinasuot mo sa akin! Bakit hindi na lang kaya ikaw ang magsuot nito? Palit tayo! Mas kumportable pa ako diyan sa suot mo e."
"Hindi ako pwedeng magsuot niyan dito." wika ni Marvin saka tumuloy na sa labas.
"Bakit naman?" tanong ni Patricia habang hinahawakan pa rin sa laylayan ang damit.
"Nakasaad kasi sa rule nila dito na dapat, kapag babae ka, dapat babae rin ang kasuotan mo. Kapag lalaki ka naman, ganun din. Pero pag nahuli kaming nagsusuot ng mga ganyan, baka hindi ko na masilayan ang araw bukas."
"Bakit? A..anong masama sa pagsusuot mo nito?May naapakan ka ba?" naguguluhang tanong ni Patricia.
"Ewan ko ba sa lugar na 'to. Misteryoso na nga, homophobic pa ang mga tao! Kala mo naman kagwapuhan ang mga guwardiya nila! Eh, kung guwapo lang sana, di sana palagi akong nagpapahuli!" pagbibiro ni Marvin kaya naman nagtawanan sila ulit.
"Wala ka pa rin talagang pinagbago," wika ni Patricia at sabay na silang naglakad.
Una silang nagpunta sa isang mini park. May dalawang malalaking puno ng acacia doon at tatlong pares ng upuang simento.
"Tara doon tayo!" pag-anyaya ni Marvin sabay hinawakan ang kamay ni Patricia na ngayon ay namamangha pa rin. Hindi siya makapaniwala na mayroon pa palang ganito sa madilim na lugar.
Gulat na gulat pa rin si Patricia na umupo,ngunit mas lalo siyang namangha noong may marinig siyang mga bata na masayang nagtatampisaw. Kaagad siyang naglakad patungo sa harang na bakal ng parke at tumingin sa ibaba. Mayroon palang maliit na ilog doon, at napakalinis!
Nakahinga ng maluwag si Patricia at masayang pinanuod ang mga bata na naliligo sa ilalim ng sikat ng araw.
"Ang ganda 'no?" Sumandal sa harang si Marvin habang nakatingin din sa mga batang masayang lumalangoy.
"O..oo. Hindi ko akalain na may ganito rin pala sa Sta. Ignacia," anas ni Patricia sabay humarap kay Marvin na nakatulala sa mga puno.
"Teka, paano mo ba nahanap 'to? B-bakit hindi ko ito nakita noon? Akala ko puro mga bahay lang ang meron dito. Hindi ko akalain na may nakatago pa palang ganda ang Sta. Ignacia.
"Oo girl. Makikita mo lang ang ganda nito kapag nagtagal ka na sa lugar. Marami pa akong natuklasan. Nito ko lang din napagtanto na malaki ang baryong ito. Biruin mo,may carnaval, may park, may plaza pagtapos meron pang maliit na gubat."
"Gubat?"
Humarap naman sa kanya si Marvin. "Oo girl. Pero huwag ka nang magtangka na magpunta doon, nasa malayo ka pa lang papaulanan ka na ng sibat ng mga guwardiya," mag pagbabanta sa boses ng kaibigan. Hindi na muling nagtanong si Patricia, bagkus pinagmamasdan na lamang niya ang mga dahon na nahuhulog mula sa puno.
"Alam mo, dati kapag nagpupunta ako rito marami pang bata ang naglalaro," malungkot nitong sabi. "Ngayon bilang na bilang ko na lang sa mga kamay ko. Naaawa rin ako sa mga bagong silang na sanggol. Akala nila, kapag nabuhay sila, magiging masaya sila. Hindi nila alam maa masakit pa ang kakaharapin nila rito."
"May ideya ka ba kung sino namamahala ng baryong ito?" tanong ni Patricia.
"Meron. Ang sabi sa akin dati isang pinaka mayaman daw at maimpluwensyang tao ang bumili nitong baryo. Wala raw nagtatangka at hindi nakikialam ang gobyerno rito dahil kahit sila, takot na makapasok sa lugar na ito. 'Yung mga naririnig nating boses tuwing may laro? Gusto ko nga silang hanapin e, tapos iparanas sa kanila ang nararanasan natin tuwing pinaglalaruan nila tayo, pero wala. Wala akong magawa."
"Pero Marvin.." sabat ni Patricia. "Hindi mo ba napapansin kung minsan iba-iba ang mga boses na nagsasalita sa mikropono? Hindi kaya marami sila? Mga mayayamang tao, tapos pinag eeksperimmentahan tayo, dahil balak nilang gumawa ng game console balang araw," anas ni Patricia.
"Walang nakakaalam, Patricia. Wala rin nakakaalam kung kailan tayo makakaalis dito o kung kailan tayo mamamatay. Siguro sa usapang 'yon, Diyos na lang ang bahala sa atin.
Pagkatos mag-usap ni Patricia at Marvin, inanyayahan naman ni Marvin ang kaibigan na magpunta sa Carnaval. Ang Carnaval kasi sa Sta. Ignacia ay magsisimula ng umaga at matatapos ng hapon. Excited naman si Patricia dahil kahit papaano ay malimutan niya ang tinamong sakit ng katawan kahapon.
"Magugulat ka sa mga nagpapalaro doon, Pachot!" masayang sabi ni Marvin sabay hinila ang kaliwang kamay ni Patricia.
"Bakit? May kakaiba ba doon? E diba peryahan lang naman 'yon?" tanong ni Patricia.
"Girl, tatandaan mo. Nasa ibang dimensiyon tayo ng mundo kaya ibang-iba talaga ang makikita mo."
Mabilis silang naglakad nang makarating sila sa isang malawak na lupain kung saan nakatuntong ang maliit na peryahan. Tuwang-tuwa si Patricia at hindi masidlan ang tuwa sa kanyang mukha. Matagal-tagal na rin kasi simula nang makakita siya ng perya. Ito ay noong buhay pa ang ama. Palagi silang nagpupunta sa peryahan para mag-bonding.
"Ano? Masaya ba?" tanong ni Marvin. Tumango naman si Patricia at hinila siya muli ni Marvin papasok ng peryahan.
"Mas sasaya at mamangha ka sa makikita mo!" Tumigil ang magkaibigan sa isang palaro na kung saan, tataya ang manlalaro sa bawat kulay at kung saan aabot ang bola ay iyon ang mananalo. Biglang natigilan si Patricia nang isang lalaki na may mata sa noo ang nagpapalaro doon. Ngiting-ngiti pa iyon habang hinihintay na may maglapag ng pera sa kanyang palaruan. Bigla namang napaatras si Patricia sa gulat at natuwa.
"T..totoo ba 'yun? Mata ba talaga 'yung.." Tinuro niya ang noo ng pasimple.
"Oo. Sabi ko naman sa'yo diba? Mamamangha ka."
Nagpalibot-libot ng tingin si Patricia nang mapansin na kakaunti lamang din ang tao sa peryahan.
"Pero bakit walang nagpupunta rito?" tanong niya.
"Kadalasan mga alas onse o alas dose ng tanghali nagpupunta ang mga bata rito. Mamaya-maya lang marami na rin pupunta," ani Marvin saka inaya si Patricia sa isa pang palaruan.
Isa naman 'yung dart na kailangan mong mataman ang mga lobo na nakadikit sa plywood. Kapag natamaan mo ang maliliit na lobo ay mananalo ka ng iba't-ibang klase at laki ng stuff toy. Naenganyo naman si Patricia, sabay tiningnan si Marvin. Tumango lamang si Marvin at ngumiti.
Dali-daling nagpunta sa harapan si Patricia at kukuha na sana ng dart,ngunit hinanap muna niya ang nagpapalaro.
"Saan na ba 'yun?" dumudungaw siya sa ilalim, ngunit wala siyang makita. Bukod tanging isang pusang itim lamang na may suot na puting sumbrero ang nakaupo sa monobloxk at sarap na aarap sa pagtulog.
"Marvin, wala namang tao," wika ni Patricia, kaya nilapitan siya ni Marvin. Napangiti si Marvin nang bahagya nang makita ang pusang itim.
"Tao po!!!"Sigaw ni Marvin, dahilan ng pagkagising ng pusa at nahulog pa ito sa kinauupuan. Bigla namang humarap ang pusa sa kanila at tumingin ng matalim, habang si Patricia ay nagtataka pa rin sa nangyayari.
"Yes mga boss, Madam?" wika ng pusa sa matinis na boses. Bigla namang napaatras si Patricia kaya nanlalaki ang mata ng pusa na tumingin sa kanya. Nakatayo pa ang pusa na parang tao lamang habang nakapaekis pa ang braso.
"Bago lang ba 'tong kasama mo?" tanong nito kay Marvin. Tumango lamang si Marvin habang patuloy na kumukuha ng dart.
"N..nagsasalita ka?" pautal-utal na tanong ni Patricia.
"Ay hindi. Bulong lang 'to oh..bulong!" saekastikong sabi ng pusa kaya muling natawa si Marvin.
Natanggal lang ang pagkakaba ni Patricia nang hilahin siya ni Marvin sa tabi niya. Ang pusa ay patuloy pa ring nakatayo sa harapan nila habang nanlilisik ang matang nakatingin kay Patricia.
"Dalawang pisong puntos para sa tatlong 'yan," saad ng pusa kay Marvin na may hawak na tatlong dart. Nanginginig namang kumuha si Patricia ng dart na nasa box. Tatlo rin ang kinuha niya.
"Ayos!" wika ni Marvin nang tamaan ang maliit na lobo. Katumbas iyon ng malaking stuff toy. Nang sumalang na si Patricia, pumalya ang isa niyang dart, dahil hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang kamay niya.
"Nako ineng. Kung natatakot ka na sa akin, paano sa isa pang 'yun?" Itinuro ng pusa ang isang malaki at kulay puting daga na nakahiga sa ibabaw ng mesa. Nagbabantay ito sa isang binggo.
"N..nagsasalita din ba 'yon?" tanong ni Patricia.
"Ay hindi! Kumakahol. Malamang nagsasalita!" wika nito kaya natahimik na lang si Patricia at pinokus ang sarili sa mga lobo.
Sa dalawa natitirang dart ni Patricia, hindi na siya nag aksaya pa ng puntos at buong tapang niya iyon hinagis ngunit wala pa rin. Ubos na ang kanyang tatlong dart. Malungkot siyang tumingin kay Marvin na ngayon ay hawak na ang kulay pink na stuff toy.
"Girl?" tawag ni Marvin ngunit bagsak na ang kanyang balikat.
"Girl nangangalay na ako!" wika ni Marvin nang tingnan naman ni Patricia ang kamay niya. Nagliwanag ang mata ni Patricia nang makita ang natitira pang dalawang dart ni Marvin. Tumango si Marvin kaya kinuha niya iyon.
Sa huli ay masaya silang dalawa dahil nakakuha sila ng isang human size na teddy bear. Tuwang tuwa si Patricia dahil kahit papaano ay may kasama na siya habang nandito siya. Mayroon na rin siyang magiging kayakap sa gabing malamig.
"Ipapangalan ko sayo ay bruno. Kasi brown ka," kausap niya rito.
"Anong connect naman nun?" tanong ni Marvin.
"Wala. Trip ko lang. Pero salamat ha? Kundi dahil sa'yo, hindi ko makukuha 'to," wika ni Patricia.
"Wala 'yon. Tsaka advice ko lang sa'yo ha? Huwag kang magpapakita ng ganung ekspresyon kahit kanino. Malalaman agad nila na baguhan ka. Para paglaruan ka nila," bulong nito.
"Bakit anong gagawin nila?" tanong ni Patricia.
"Basta. Buti na lang at kasama mo ako. Kundi baka hindi ka na abutan ng panibagong laro bukas," pananakot ni Marvin.
"Halika na nga! Ako naman ang ilibre mo ngayon ng pagkain," paanyaya ni Marvin nang makita ang isang fishball-an sa gilid.
Habang sarap na sarap silang kumakain, ang tindero naman ay nakatingin naman sa ibaba. Tuloy, ang suot lamang nitong kulay dilaw at maruming sumbrero ang kita nila. Nang maubos ang kanilang pinamili ,biglang nagsalita ang tindero.
"Limang pisong puntos," garalgal nitong sabi, sabay pinindot ni Patricia ang kanyang braso upang magbayad, ngunit natigilan siya nang umangat ang ulo ng tindero.
Sabay napalingon sina Patricia at Marvin sa tindero. Masuka-suka silang tumingin rito nang makita ang kalahating mukha ng lalaki na butas-butas. Mayroon ding langaw na lumalabas .asok sa mukha nito at parang natural lang iyon sa lalaki.
"Tapos na ba?" tanong nito nang biglang kumindat ang kaliwang mata niya kung saan ang butas din niyang mukha ay naroon.
Pagkapindot ni Patricia sa screen ay kaagad naman siyang hinila ni Marvin dahil nararamdaman rin niya na naduduwal na ang kasama. Hindi na lang din pinahalata ni Patricia ang pagkagulat dahil bak lalo pa itong mapasama. Isa pa, mukhang may gusto kay Patricia ang lalaking iyon na mukhang agnas na ang kalahati ng mukha.