Kabanata 2: Si Lolo Guido

2251 Words
Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang tuluyan na siyang makaabot sa Baranggay Sapi-an. Sa bungad ng Municipal Hall ay may mga nagtutumpukang mga tao at turista. Sa harap ng gusali ay may mga nakapilang magagarbong tricycle na mukhang sasali sa Pasada Competition. Napahinto siya sa paglalakad upang tingnan ang nagaganap na kasayahan. Halos humaba ang leeg niya na parang giraffe upang makita ang Dance Contest na nagaganap ngayon sa entablado ng munisipyo. Nagpapalakpakan ang mga manonood habang ang grupo ng mga kabataan ay sumasayaw ng Pitik Mingaw, isa sa mga Visayan folk dance. Nakita niya ang mga hilera ng food stall na may haing iba't ibang putahe. Naisip niyang dumiretso sa Food Exhibit, upang bumili ng pasalubong para sa kaniyang abuelo. Naglakad siya patungo roon upang mamili ng iba't ibang native food delicacies. Katulad ng inaasahan niya maraming seafood na nakahain sa bawat stall. Natural lamang ito dahil sagana nga sa yamang dagat ang probinsyang kinalakihan. Nakita niya ang isa sa mga putaheng paborito ng kaniyang Lolo Guido, ang binakol na alimango. At nag-iisa lamang ang stall na nagbebenta niyon, kaya naman nagtiyaga siyang pumila upang makabili. Ilang minuto pang paghihintay at sa wakas, nauna na rin siya sa pila. Akma na siyang lalapit sa tindera nang may dalawang lalaki na sumingit sa kaniyang unahan. Nais niyang sumigaw at magngitngit sa inis ngunit natigilan nang marinig ang usapan ng dalawa. "Damn bro!" wika ng isang lalaki na nakasumbrero ng luntian. Mestiso ang kutis, may kulay ang buhok na mukhang ginaya sa mga k-pop idol at maporma kung manamit. "Marunong ka bang mag-Hiligaynon?" Bumaling ito sa kasamahan. Tumugon ang binatilyong medyo maliit kumpara sa lalaki. Bilugan ang mukha nito at pangangatawan dahil sa katabaan. Simple lamang ang suot nitong polo shirt at shorts. Nakasabit sa likod nito ang isang malaking bagpack. "Hindi nga eh!" Umiling ang tinanong. "Paano natin kakausapin 'yang tindera?" "Try mo mag-English." Nakuha ang kuryosidad niya ng dalawang sumingit. Alam niyang maraming wikang ginagamit ang mga taga-Capiz ngunit nakakaintindi naman ng Tagalog o English ang lahat. Sa Roxas City kung saan siya nagtungo kanina, may mga taong nagtatagalog kahit na ang pangunahing lengguwahe ay Capiznon. Ngunit sa kaniyang maliit na bayan na kinalakihan karamihan ay nagsasalita nga ng Hiligaynon. Tumingin muli ang matabang binata sa tindera ng binakol na alimango, "Ehem!" Tinanggal pa nito ang bara sa lalamunan, napatingin tuloy ang matandang tindera dito. Parang kinabahan naman si tabatsoy nang makita ang masungit na titig ng babae. Hindi makatingin itong nagtanong sa nauutal na tinig. "Misis, ken mi hab da mister krabs?" At dahil wala sa accent at gramatika ang sinasabi, kumunot ang noo ng tindera. "Maano ka?" "Krabs! Krabs!" Tinuro ng lalaki ang putahe habang sumisigaw ng crabs. Hindi pa rin naintindihan ng tindera. Nalilito na umiling ito at bumaling sa anak na dalagang nasa likod. "Indi ako makahambal sang Ingles!" Nagkatinginan ang dalawang lalaki. Hindi nila maintindihan ang sinabi ng tindera. Natuptop naman ni Mattia ang bibig kakapigil tumawa. Sinabi ng tindera sa babaeng anak nito na hindi niya maunawaan ang dalawang turista. Nakipagpalit ng puwesto ang ina sa anak nito at ang dalagita ang humarap sa dalawa. Nang makitang magandang binibini na ang nasa harap nila, biglang pumunta sa tapat ng matabang lalaki, ang binatilyong nakasuot ng sumbrero. "Ako na rito!" sabi nito na kumindat at may pilyo pang ngiti sa labi. "Kapag talaga magandang babae..." Napailing at napairap na lamang ang bilugang lalaki. "Maayong hapon!" Bigla na lamang nagsalita ng ibang diyalekto ang loko-loko. Napanganga at nagtaka naman ang dalagita. "Kabalo ka maghambal Ilonggo?" Lalong napasimangot ang matabang lalaki sapagkat alam niyang pumoporma lamang ang kasama at hindi naman talaga ito marunong ng ibang wika. "I can't understand now." Tumawa ito. "Sorry. Hindi talaga ako marunong mag-Ilonggo. Tagalog kami ng kasama ko." Tila nagpapa-cute pa nitong sabi at itinuro ang kaibigan sa likod." Pero may kaunti akong alam. Paano mo hambalon ang maganda ka sang Hiligaynon?" Naningkit ang mga mata ni Mattia nang marinig na makipag-flirt ang turistang lalaki sa babae. At mukhang ganoon din ang reaksyon sa mukha ng matabang lalaki. "Joriz," tinawag nito ang kasama at siniko, "Hindi tayo nandito para makahanap ng ka-date! Tanungin mo na kung magkano ang alimango! Tanungin mo na rin kung kilala niya si Guidonacio Salvador Jr." Tumaas ang dalawang kilay ni Mattia at namilog ang mga mata niya dahil sa pagkabigla nang marinig ang pangalan ng kaniyang Lolo Guido. Sinuri niyang maigi ang dalawang dayo na nasa harap. Batay sa paraan ng pananalita at kasuotan ng mga ito nahulaan niyang taga-Maynila ang mga lalaki. Ngunit bakit sila pumunta rito upang hanapin ang kaniyang lolo? Kinakausap na ni Joriz ang dalagang nagtitinda ng alimango nang maisip ni Mattia na sumingit sa kanila. "Excuse me." Natigilan ang dalawang estranghero sa pakikipag-usap sa tindera at napalingon sa kaniya. "Tama ba ang narinig kong pangalan? Guidonacio Salvador Jr. ?" Napanganga ang dalawang taga-Maynila at tinitigan siya mula ulo hanggang paa. "May marunong palang magtagalog dito, nagpapakahirap pa tayo!" sambit ng mapormang lalaki na Joriz ang pangalan. At batay sa nakangising mukha nito, tila nakakita ng libreng personal translator. "Opo, hinahanap namin 'yong Guidonacio Salvador Jr. Kilala n'yo po ba 'yon?" mas magalang magsalita ang matabang lalaki kumpara sa kasamahan nito. "Lolo ko po s'ya. Ano pong kailangan n'yo sa kaniya? Sino po kayo?" sunod-sunod niyang tanong at pag-usisa. Nagkatinginan muna ang dalawang dayo bago muling bumaling sa kaniya. "Tingnan mo naman ang pagkakataon!" wika ni Joriz, "Hindi na pala kami maghihirap maghanap sa inyo! Kailangan namin makausap ang lolo mo dahil—" Naudlot ang sasabihin nito nang tinawag siya ng babaeng tindera. "Excuse me po!" At sinabi ng dalaga kung hindi sila bibili ay umalis na sila sa pila sapagkat marami ang naghihintay. "Ay, Ms.Gwapa, bibili kami s'yempre!" Bumalik sa pakikipaglandian ang binata sa tindera ng alimango. *** Kilala ang kaniyang Lolo Guido sa kanilang lungsod bilang pinakamagaling na albularyo. Kung hindi maunawaan ng mga doktor ang sakit ng pasyente, sa kaniyang ingkong lumalapit ang mga tao upang magpasuri. Bihasa sa pangongontra ng mga elemento ang kaniyang matanda, at kung minsan pa nga ay nire-record nito sa cellphone ang mga ginagawang pagpapagaling pagkatapos ay in-upload ito sa f*******: para kumita sa Reels. At dahil naging sikat sa social media ang mga post nito, kaya kung sino-sino ring mga babaeng milf ang ina-add sa f*******:. Napabuntong-hininga si Mattia. Naalala na naman niya ang tungkol sa pagiging mahilig ng kaniyang lolo. Minsan ay proud siya sa kaniyang abuelo, minsan naman ay gusto niyang lamunin ng lupa dahil sa hiya. "Nakilala n'yo ang Lolo Guido ko sa socmed?" muli niyang usisa sa dalawang lalaking kabuntot sa likod. "Kung hindi mo alam, maraming humahanga sa kaniya dahil effective ang mga tips at herbal medicines niya," sagot ni Joriz at biglang tumawa, "Pero effective din s'ya sa mga chicks." "Please stop..." wika ni Mattia na lalong nakaramdam ng pagkasukot. "Mga Paranormal Investigators kami. Nabalitaan mo na ba ang mga kumakalat na tsismis dito sa bayan ninyo?" pag-iiba naman ng usapan ni Chubs. Umaalog-alog ang bilbil nito habang inaakyat nila ang pataas na trail patungo sa kabahayan. "Tungkol sa mga aswang? Matagal ko nang alam na kilala ang lungsod namin bilang aswang capital of the Philippines," sarkastiko niyang sagot. "Hindi 'yan ang tinutukoy ko." "Kung hindi mo alam, isa nang sangay ng gobyerno ang HEAP organization. Maaari nang tumawag ang mga tao sa Paranormal Helpline 1111," pagpapaliwanag ni Joriz, "At may mga paranormal groups na pinapadala ang HEAP sa mga taong tumatawag ng tulong. Pwede na ring magpadala ng mga paranormal investigators sa mga crime scenes upang matulungan ang mga imbestigador. At kaya kami nandito ay para kumalap ng impormasyon tungkol sa nagaganap ditong kababalaghan." "HEAP?" ulit niya na lumingon. Hindi niya inintindi ang sinasabi nito tungkol sa p*****n. Nagkaroon siya ng kuryosidad sa sinabi nitong organisasyon. "House of Extraterrestrial and Parapsychology. Hindi mo ba alam ito?" nagtatakang tanong ni Joriz. "Dumadami na ang paranormal cases sa buong bansa kaya nabuo ang organisasyon na ito na magproprotekta sa mga mamamayan." "Pinadala kami rito para imbestigahan ang tungkol sa mga buntis na babaeng pinapatay. Batay sa mga tawag at impormasyon na natanggap namin, hindi aswang ang pinanghihinalaan na namiminsala sa bayan ninyo kundi mga Matruculan," dugtong ni Chubs. "Matruculan? Ngayon ko lang narinig ang tungkol d'yan," wika niya, "Eh ano naman kinalaman ng lolo ko?" "Kilala ang ingkong mo bilang pinakamagaling na spiritual healer, siguradong makakatulong siya sa amin para maresolba ang misteryong ito," pagpapaliwanag ni Joriz. Hindi na siya nagsalita pa hanggang matanawan niya ang kabahayan sa hindi kalayuan. Malapit na silang makarating sa tahanan. *** Natigilan sa panghihilot ng kliyente si Lolo Guido nang marinig niya ang langitngit ng kahoy na pinto. Nahulaan niyang umuwi na ang kaniyang nag-iisa at pinakamamahal na apo. Nang makapasok ito sa loob ng sala ay nagkunwari siyang nakapokus sa hinihilot. Naglagay muli siya ng healing oil sa mga palad at ipinahid iyon sa likod ng pasyente. Si Mattia ay ulila na. Namatay ang ina nito noong musmos pa lamang at sinama ng ama patungong Manila. Doon sila nanirahan ng halos sampung taon hanggang bigla na lamang naglaho ang kaniyang ama sa hindi maipaliwanag na dahilan. Walang nakakaalam kung ano ang naging kapalaran ng lalaki at ang masakit pa, wala ring maalala si Mattia sa mga naganap. Kinuha niya ang apo at kinupkop. Pinagpatuloy nito ang pag-aaral sa Capiz hanggang makatapos ng high school. Gusto niya sanang magpatuloy ito sa kolehiyo ngunit tumanggi ang binata at sinabing gusto na nitong magtrabaho. Alam niyang hindi basta-basta na lalaki si Mattia. Alam niyang hindi ito nakakaramdam ng takot. Alam niyang malalim itong mag-isip. Samantala, natigilan naman si Mattia sa tapat ng pinto, tinanggal muna niya ang crossbody bag na nakasabit sa kaniyang balikat at inilapag iyon sa gilid. Nakasunod pa rin sa kaniyang likod sina Joriz at Chubs na naninibago sa nakikita. Typical na bahay lamang ang kanilang tahanan. May mga talukap at kabibi naka-display sa haligi, upuan at lamesang yari sa narra, tv rack sa unahan, isang bintana, at daan patungong kusina. Malawak naman ang loob ng pamamahay ngunit isang palapag lamang. May dalawang kuwarto sa dulo na pribadong silid nilang mag-lolo. Nakita nila ang matandang albularyo na may hinihilot na tao. May nakasukbit na itak at buntot ng pagi sa baywang nito, may rosaryo at agimat sa leeg at ten elements bracelet na nakapaikot sa pulupulsuhan. Nakasuot din ito ng bandanang may nakasiksik na sambong, mahabang manggas at itim na short pants. Kalahati ng buhok nito ay puti na at may mga guhit ng kulubot sa mukha, ngunit makakakitaan pa rin ng kakisigan sa katawan. Sa edad na anim na pu't pito ay malakas pa ang lolo. "Oh, nakauwi ka na pala," bati agad nito kay Mattia, "Anong nangyari sa lakad mo?" Pumasok sa loob si Mattia at inilapag ang biniling alimango sa mesa. Umupo siya sa silya upang magtanggal ng medyas at sapatos. Naiwan sa tapat ng pinto ang dalawang bisita na para bang nakalimutan sila ng kasama. Nahihiya naman sila na tumuloy na walang pasabi. "Hindi ako natanggap," sagot ni Mattia. "Kita mo?" malakas na boses na sambit ni Lolo Guido. Humigpit ang pamamasahe nito sa balikat ng pasyente. Napaigik naman ang huli dahil nasaktan. "Sabi ko naman sa 'yo, magpatuloy ka sa kolehiyo at huwag ka padalos-dalos sa desisyon mo." "Bakit may pera ba tayo para mag-college ako?" "Batinggilan!" napamura tuloy ang kaniyang lolo at nahampas ang likod ng pasyente. Napa-aray tuloy ang tao. At nasundan pa ito ng mahabang panenermon sa wikang Hiligaynon. Napakamot na lamang sa ulo si Mattia habang nakikinig sa sinasabi ng kaniyang lolo. Naiintindihan naman niya na handa raw itong gumastos o mag-loan para lamang siya makatapos sa pag-aaral. Wala ba daw siyang tiwala sa matanda at naisip niyang magtrabaho na lamang? "Lolo, kahit sabihin ninyong kaya natin, alam kong mababaon pa rin tayo sa utang! Anong gagawin ninyo? Ibebenta ninyo si Tikoy?" Ang tinutukoy niya ay ang alaga nilang kalabaw na mahal na mahal ng kaniyang lolo. "Aba, hindi! Ba't ko ibebenta si Tikoy?" "Uhm... excuse me." Hindi na nakapagpigil si Joriz. Nahihiya man o naiilang na sumingit sa pagtatalo ng dalawa pero mukhang hindi sila nakikita o napapansin ng mga ito. "Oh?" Nagtaka naman ang matanda na napalingon sa nagsalita. Tinuro nito si Joriz at nagtanong na para bang ngayon lang nakita ang dalawang bisita. "Sino ini?" "Mga Paranormal Investigator galing sa Manila. Hinahanap ka nila," maikling paliwanag ni Mattia. "Paranormal Investigator?" Nagulat at namilog ang mga mata ni Lolo Guido habang nakatingin sa dalawang kabataan. Hindi nito napansing halos mabali na ang buong braso ng taong hinihilot. Napasigaw naman ang lalaki sa sakit pero hindi pa rin binigyang atensyon ng matanda. "Maayong hapon po!" May pilit at nahihiyang ngiti sa mukha ni Chubs. "Pinadala po kami rito sa bayan ninyo para po mag-imbestiga." "Tumuloy kayo mga, iho!" magiliw namang sabi ni Lolo Guido at itinuro ang upuan sa harap. "Mukhang mga bata pa kayo. Imbestigador na agad kayo?" Totoo ang sinabi ng kaniyang Lolo. Napansin din ito ni Mattia kanina, pakiramdam niya ay mas matanda siya kumpara sa dalawa. Bumaling sa kaniya ang ingkong at sinabihan siyang pumunta sa kusina para kumuha ng tubig at makakain. "Huwag na po sana kayong mag-abala. Hindi naman kami magtatagal," pagtanggi ni Joriz. "Ay, sige na. Tutal ay piyesta naman ng talahong ngayon, kumain na kayo rito." "Huwag na kayong mahiya, dito na kayo maghapunan," sabat naman ni Mattia na tumayo, kinuha muli ang alimangong binili at nagtungo sa kusina. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD