Kabanata 3: Paranormal Investigators

901 Words
Nang umalis si Mattia ay nagsimulang mag-usisa si Lolo Guido sa mga bisita, nais niyang malaman kung anong pakay ng mga ito sa kaniya. "Tatlong buntis na babae na po ang natagpuang patay sa inyong baranggay. Ang mga pangalan po nila ay Carol Montalban, Marietta Conception at Janelle Amurao. Lahat po sila ay may malaking hiwa sa tiyan na para bang kinuha ang mga sanggol sa kanilang sinapupunan," pag-uumpisa ni Chubs. May kinuha siya sa bulsa ng bagpack at ipinakita ang mga larawan sa tapat ng albularyo. "Ito po ang mga kopya ng mga litrato na nagpapakita kung anong itsura ng mga biktima." Nangilabot si Joriz nang matanawan ang nasa imahe, bahagya siyang napalayo sa katabi. Ang pasyenteng hinihilot ay nakiusisa, tumingin sa mga larawan at napangiwi rin. Samantala, poker face lamang na tinitigan iyon ni Lolo Guido na para bang natural lamang sa kaniya makakita ng nakakagimbal na litrato."Narinig ko na nga ang mga balita na 'yan. Namiminsala ang Matruculan sa aming lungsod at walang magawa ang mga kapulisan tungkol dito," wika nito. "Ano ba ang Matruculan?" Sabay-sabay silang lumingon sa pinanggalingan ng boses, bumalik na si Mattia galing sa kusina, bitbit nito ang ilang kakanin, binakol na alimango, pinasugbo, biscocho at isang bote ng softdrinks. Inilapag niya ang mga pagkain sa mesa. Kapansin-pansin ang suot niyang pink na apron. "Matruculan ay isang uri ng aswang na—" naudlot ang paliwanag ni Lolo Guido nang sumingit si Chubs. "Aswang na may halong pagka-incubus o succubus. Kinakain nila ang mga fetus o sanggol sa sinapupunan ng babae. Ayon sa ibang bersyon ng kuwento, ang Matruculan ay nanggagahasa ng mga dalaga hanggang ito ay mabuntis. May kapangyarihan silang maging imbisibol kaya madali silang nakapangbibiktima," paliwanag ni Chubs. "Syempre, hindi malalaman ng babae kung paano siya nabuntis at kapag lumaki na ang bata sa sinapupunan, babalik ang Matruculan upang hiwain ang tiyan ng biktima at kainin ang sanggol sa loob. Sa ibang mga salaysay, maihahalintulad siya sa Tiktik pero kinakain din ng halimaw ang babaeng nagdalang-tao." "Marami ka palang alam," pansin ni Lolo Guido. "Ay, hindi naman po," nahiya nitong sabi. "Si Chubs po ang cryptozoologist sa amin," sabat naman ni Joriz. "Kalokohan," wika ni Mattia na pinagkrus ang mga braso. "Sigurado akong serial killer lang ang gumagawa n'yan. Hindi pa ako nakakakita ng Matruculan kahit na kailan." "Hindi ka naniniwala sa supernatural?" tanong ng matabang binatilyo. "Naniniwala. Pero kung minsan mas malala pa ang tao kaysa sa mga elemento. Hindi natin alam baka nga tao lang ang gumagawa ng mga nakakapandiring krimen na 'yan." "Mattia!" Nagbanta ang mga mata ni Lolo Guido nang tumingin sa kaniya. Natikom naman niya ang bibig. "Kaya nga kami nandito ay para malaman kung ano ang totoo. May ka-partner kaming crime investigator na dapat ay kasama namin dito... Uhm.. Iyon nga lang...Medyo ayaw niya sa mga Psyhic kaya humiwalay sa amin." Napakamot sa pisngi si Joriz dahil naalala nito kung gaano ka-awkward kapag kasama nila ang tinuran. "Humihingi po sana kami ng pabor at tulong sa inyo, Sir Guidonacio. Mas sanay po kayo sa lugar na ito at mas marami kayong alam kaysa sa amin." Seryoso ang mga mata ni Chubs nang magsalita sa matanda. "Please po, sana ay matulungan n'yo kaming mag-imbestiga." Saglit na natahimik si Lolo Guido, napahawak sa baba at malalim na napaisip. "Hmm..." Hinintay naman ng dalawang kabataan ang magiging pasya ng albularyo. "Sige, tutulong ako." Nakahinga sila nang maluwag nang marinig ang pagpayag nito. "Sa isang kondisyon, kailangan kasama ko ang apo kong si Mattia." Lahat sila ay napatingin kay Mattia. Nanlaki ang mga mata ng binata nang sabihin iyon ng kaniyang ingkong. "Bakit kailangan kasama ako?" pagtataka niya. "Matanda na ako, Mattia. Matagal nang yumao ang lola mo at wala na akong kasa-kasama kapag may lakad. Bakit nagrereklamo ka?!" Uminit tuloy ang ulo nito dahil sa pag-aakalang pagtutol niya. "Hindi ako nagrereklamo, nagtatanong lang!" nanggagalaiti niyang tugon. "Mabuti pa po ay umpisahan na natin hangga't hindi pa dumidilim!" sabi naman ni Chubs na kumuha ng plato at kutsara. "Umpisahan na natin ang pag-iimbestiga? Pero bakit kumuha ka ng plato?" tanong ni Joriz. "Umpisahan na nating lumamon, iyon ang ibig kong sabihin," anito at nag-umpisa nang sumandok ng alimango. Napasapo sa noo at napailing na lamang si Joriz. Basta, may pagkain talagang nakikita, siguradong uunahin iyon ni Chubs. "Teka po, paano ako?" tanong ng pasyente na kanina pa roon nakaupo at nakikinig lamang sa mga usapan nila. Lahat sila ay napatingin sa lalaking payat, walang damit pantaas at halos maligo na sa healing oil. Tinuro nito ang sarili. "Hindi pa ako tapos mahilot 'di ba?" "Teka, nandito pa pala 'to." Tinuro ni Lolo Guido ang pasyente. May kalituhan sa ekspresyon ng mukha nito na para bang ngayon lang napansin na may tao sa harap niya. "Akala ko nakaalis ka na." "Lolo Guido, kanina pa po ako nandito sa harap n'yo!" wika naman nito na medyo nainis. Napasimangot nang malaki si Mattia. Hindi naging maganda ang araw na ito para sa kaniya, simula nang hindi siya matanggap sa trabaho, na-holdup sa bus at ngayon naman ay nadawit sa isang sitwasyon. Sa totoo lang ay gusto na niyang magpahinga pero mukhang hindi sumasang-ayon ang pagkakataon. Hindi bale na lang, handa naman siyang tumulong sa nangangailangan. Sigurado siyang magiging mas magulo pa ang mga darating na araw, sapagkat ang makakasama niya ay ang dalawang baguhan na Paranormal Investigator at isang matandang malilimutin sa tao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD