Ayon sa mga nakalap na impormasyon, Janelle Amurao ang pangalan ng babaeng huling naging biktima. Ngunit walang makapagsabi kung isang halimaw o tao nga ba ang gumawa ng kasuklam-suklam na krimen. Natagpuan ang babae na walang buhay sa sariling kama, nakabuyangyang ang tiyang may malaking hiwa at nakalabas ang bituka't lamang-loob.
Nagpunta sila rito sa Roxas City upang makakalap pa ng ibang impormasyon at dumalo na rin sa burol ng yumao.
Kasalukuyan silang nasa tapat ng bahay ng asawa ng biktima. Sa bungad pa lamang ng bukas na pinto ay nakita na nila ang kabaong ng namayapa. Sa itaas nito ay may krus ni Hesukristo. May kandilang nakasindi sa magkabilang panig ng kabaong, nakapatong ang mga ito sa malaking torch. May dalawang kumpol ng mga bulaklak sa lapag o sa bandang ilalim ng ataul.
Mukhang nagdadalamhati pa ang lalaking nakaupo sa monoblock chair, na siyang nagbabantay sa katawan ng yumao. Nakayuko lamang ang lalaki habang mahina't mabagal na pinapaypay ang hawak na abaniko. Mukhang nasa 40's na ang edad nito, katamtaman ang pangangatawan, moreno at matangos ang ilong.
"Magandang hapon po, Ginoong Rolando." Nang magsalita lamang si Lolo Guido ay saka lamang nag-angat ng mukha ang lalaki. Walang sigla ang mga mata nitong bumaling sa kanila, ngunit agad na napalitan ang ekspresyon ng mukha nang makilala ang matandang bumati.
"Mang Guido, ikaw pala." Nagtaka ito nang makita ang ingkong.
"Ipagpaumanhin po ninyo ang pang-aabala namin," magalang na sabi naman ni Lolo Guido.
Bumaling si Joriz kay Mattia at pabulong na nagtanong, "Magkakilala pala sila?"
"Pa- famous kasi 'tong si Lolo. Halos lahat yata ng tao sa lungsod ay kilala na siya," sagot nito sa mahinang tinig.
Tumayo si Rolando at ibinigay ang monoblock chair sa matanda. "Hindi po kayo nakakaabala, Mang Guido. Tuloy po kayo. Pagpasensyahan n'yo na at hindi kami nakapag-ayos ng sala."
"Huwag ka nang masyadong mag-abala. Hindi naman kami magtatagal," awat ng lolo. Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng sala, kabuntot niya sa likod ang tatlong kabataan.
Pasulyap-sulyap sina Joriz at Chubs sa paligid na para bang sinusuri at kinikilatis nila ang lugar. Niyaya sila ni Rolando na umupo muna sa sofa.
"Nabalitaan namin ang nangyari. Nakikiramay kami," simula ni Lolo Guido ng usapan. Tumingin ang matanda sa mga kabataan at ipinakilala ang lalaking kausap. "Siya si Rolando Larazo, ang asawa ng huling biktima na si Janelle Amurao."
Bumalik ang balintataw ni Lolo Guido kay Rolando at tinuro naman nito ang dalawang kabataan. "Mga imbestigador ang kasama ko at nandito sila upang tanungin ka ukol sa iyong nasaksihan nang gabing matagpuan mong wala nang buhay si Janelle."
Parang nailang naman sina Chubs at Joriz. Nagbigay sila ng pilit na ngiti upang ipakita ang paggalang at simpatya. Inaamin nila na hindi sila masyadong nakapaghanda sa binabalak na interbiyuw.
"Imbestigador?" Kunot-noong tanong ni Rolando na tumitig sa dalawa.
"Actually po ay mga paranormal investigator kami na pinadala ng HEAP. Nandito po kami para malaman kung Matruculan ang pumatay sa asawa n'yo."
Habang nag-uusap sina Chubs, Joriz, Lolo Guido at Rolando, hindi na umupo si Mattia sa sofa at nanatili lamang siyang nakatayo. Inililibot niya ang paningin sa kabuuan ng sala at napatigil lamang nang dumako ang mga mata sa kabaong. Lumapit siya sa nakahimlay at tinitigan ang itsura nito.
Batay sa mukha nito, nahulaan niyang nasa 20's lamang ang edad ng babae."Bata pa..." wika niya sa sarili.
Napatingin siya sa kabilang panig at lumapit sa lectern podium. Nakapatong doon ang picture frame ng yumao, isang ballpen at papel na naglalaman ng mga pangalan ng kamag-anak nito. Binasa niya ang mga pangalan na nakalista.
Samantala, napansin naman ni Chubs ang pagkailang sa mukha ng kausap, hindi ito makatitig nang diretso sa kanila at mukhang ninenerbiyos dahil sa sunod-sunod nilang pagtatanong.
"Pasensya na po kung biglaan ang aming pagdating at pag-uusisa," wika niya, "Pero kailangan po namin maresolba ang mga misteryong ito. Humihingi po kami ng tulong sa inyo."
Nang sabihin iyon ni Chubs ay dumiretso ang tingin ni Rolando sa mga bisita. "Gusto ko ring mabigyan siya ng hustisya. Ngunit nagpunta na rito ang mga crime scene investigator at wala na akong maibibigay na karagdagang impormasyon. Katulad ng sinabi ko sa kanila, ganoon din ang sasabihin ko sa inyo."
"N-Nakita n'yo po ba ang Matruculan?" usisa ni Joriz. Binigkas lamang nito ang pangalan ngunit parang nahintakutan agad.
"Oo..." tipid na tugon ni Rolando at nagbaba ng tingin.
Naudlot ang pag-uusap nila nang may isang binatilyong bumaba ng hagdan at saglit na pumagitna. "Excuse me po," wika nito at lumapit ito kay Rolando saka nagmano. May itsura ang binatilyo, matangkad, mamula-mula ang pisngi at maputi ang kutis. Bagsak na bagsak ang tuwid nitong buhok at bumagay ang bangs sa hugis ng mukha.
"Pa, pupunta na po ako kay Mama," pamamaalam nito.
"Ingat ka, Nigel," wika lamang ng ama.
Lumabas si Nigel sa loob ng bahay na walang lingon-likod sa mga bisita. Nag-usap muli ang mga lalaki ukol sa Matruculan at hindi binigyang pansin ang binatilyong lumisan.
Si Mattia lamang ang nagkaroon ng kuryosidad kay Nigel dahil sa sinabi nito. Nang makalabas ang binatilyo ay naisipan din niyang sumunod. Pagkalabas niya sa bahay ay naabutan niya itong naglalakad sa hindi kalayuan. Tumakbo siya upang mahabol ang lalaki.
"Saglit lang!"
Napatigil si Nigel sa paglalakad at napalingon sa tumawag. Nakita nito si Mattia na huminto sa likuran. Nakasapo ang dalawang kamay ni Mattia sa tuhod habang hinihingal. "Bakit po?"
"Nigel Lazaro, tama?" aniya na hinahabol pa rin ang hininga. Tumango lamang ang tinanong.
Tumayo siya nang tuwid at naglakad palapit sa binatilyo. "Napansin ko ang mga pangalan ninyo sa listahan. Magkaiba kayo ng apelyido. Hindi kasal ang ama mo kay Janelle, tama ba ako?"
Tumaas ang isang kilay ni Nigel dahil sa pagtataka at seryosong bumaling sa kaniya. "Hindi po."
"Hindi mo rin ina si Janelle."
Umiling si Nigel. "Pangalawang asawa po siya ng ama ko."
"Hindi natin masasabing mag-asawa sila dahil hindi naman sila kasal."
Walang tinugon ang binatilyo at nanatili lamang na nakatingin sa kaniya.
"At kung pupunta ka sa bahay ng sinasabi mong ina, ibig-sabihin ay buhay pa ang unang asawa ng ama mo. Siya ang legal wife, tama ba ako?"
Mapanlibak itong ngumiti at nagtanong. "Imbestigador din po ba kayo?"
"Hindi pero curious lang ako."
"Wala pong kinalaman si Mama sa pagkamatay ni Janelle."
"Hindi ko naman sinabing may kinalaman ang ina mo sa naganap na patayan." Natigilan si Mattia sa pagsasalita nang may mapagtanto "Teka lang, isa ba sa mga suspect ang Mama mo?"
Umiwas ng tingin ang lalaki. "Imposibleng magawa 'yon ni Mama! Sinasabi ng mga pulis na may kinalaman siya sa nangyari pero wala iyong katotohanan! Totoong magkagalit sina Janelle at Mama dahil kay Papa pero hindi naman sapat na ebidensya iyon. Isa pa, buntis din po si Mama."
"Ha? Buntis din siya?" Kinagulat ni Mattia ang narinig. "Grabe pala si Mang Rolando, dalawa-dalawa ang kinakama este kinakasama! Mas malala pala siya kaysa kay Lolo Guido!"
"Wala na sila ni Mama. Nakipaghiwalay na si Mama sa kaniya at bumukod kami ng bahay. Paminsan-minsan dumadalaw ako d'yan kay Papa."
"Kung ganoon, doon ka umuuwi sa Mama mo?"
Tumango si Nigel. "Ganoon na nga. By the way, hindi ba't apo po kayo ni Mang Guido?"
Napakamot siya sa ulo. "Oo. Alam mo pala."
"Napapanood ko kasi ang mga videos ng lolo mo sa f*******: at minsan ay nahahagip ka ng camera."
Napaikot ang mga mata niya sa itaas at sarkastikong sumagot, "Ah, oo."
"Baka may alam ka tungkol sa pagpuksa sa mga elemento?" wika ni Nigel, "Sinabi ni Papa na Matruculan ang gumawa n'yon kay Janelle. Kapag naaalala ko ang itsura ni Janelle nang gabing nakita ko siya, natatakot ako para kay Mama."
Sumeryoso muli ang mukha ni Mattia at nakinig nang mabuti sa sinasabi ng kausap.
"May alam po ba kayong pangontra sa mga Matruculan?" tanong ni Nigel sa kaniya.
"Naniniwala ka talaga sa Papa mo? Naniniwala kang Matruculan ang gumawa n'yon?" balik-tanong ni Mattia.
"May dahilan po ba para magsinungaling si Papa?" anito.
"Ewan ko." Nagkibit siya ng balikat. "Pero may kawikaang itinuro sa akin si Lolo Guido. Wika niya, nagsisinungaling ang tao pero hindi ang espiritu. Naniniwala lang kami sa sinasabi ng kaluluwa ng patay at hindi ng buhay."
"Nakakakita ka po ng kaluluwa?"
"Sa totoo lang mas malala pa sa mga multo, ang mga nasaksihan ko sa buhay. Anyway, iyong tanong mo tungkol sa pangontra, may alam ako," pag-iiba niya ng usapan.
"Pwede niyo po bang ituro sa akin?" Mistulang nakakita ng pag-asa si Nigel.
"Kailangan mo ng balisong."
"Balisong?"
"Oo, tapos ikampay mo sa ibabaw ng buntis. Sabayan mo na rin ng dasal. Tapos, pagsuotin mo ng itim na T-shirt o kahit takpan mo lamang ng itim na tela ang tiyan ng nagdadalang-tao. Sa ganoong paraan, hindi matutukoy ng halimaw ang paggalaw ng bata sa loob ng sinapupunan. Kapag nagpakita sa 'yo ang Matruculan, sabuyan mo siya ng asin."
"Salamat po, tatandaan ko 'yan."
"Kapag sumugod ang halimaw sa inyo, tawagan mo lamang kami ni Lolo Guido. Agad ka naming tutulungan." Ibinigay ni Mattia ang kontak niya sa lalaki. Kinuha naman ni Nigel ang selepono sa bulsa upang mai-add sa listahan ang numero.
"Salamat talaga, Kuya...uhm..." Saglit itong napaisip. "Ano po pala ang pangalan n'yo?"
"Mattia na lang. Sa tingin ko ay mas matanda ako sa 'yo ng ilang taon kaya pwede mo akong tawaging Kuya Mattia."
"Salamat po ulit, Kuya Mattia. Mauna na po ako sa inyo," pamamaalam nito bago tumalikod at muling naglakad paalis. Sinundan niya ng tingin ang papalayong binatilyo at napaisip nang malalim.
Samantala, habang nasa labas ng bahay si Mattia ay nagsisimula nang gumawa ng ritwal si Lolo Guido. Pumaikot ang mga lalaki sa mesa na nasa gitna ng sala. Nakalapag doon ang isang bowl ng maligamgam na tubig na may halong asin, tawas na buo, kapirasong papel, ballpen, kandila at posporo.
"Bakit kailangan pa natin 'tong gawin? Sinabi ko naman na Matruculan nga ang pumatay kay Janelle," pagtutol ni Rolando na tumingin sa albularyo.
"Nasa prinsipyo ko na hindi ako susuungin ang isang misteryo hangga't hindi ako nakakasigurado. Gusto ko lamang malaman kung Matruculan nga ba ang naminsala sa inyo o ibang uri ng aswang."
Hindi nakaisip nang isasagot si Rolando, natahimik na lamang siya.
Kinuha ni Lolo Guido ang kapirasong papel at ballpen, sinulat niya roon ang pangalan ni Janelle Amurao at itinanong ang kaarawan ng dalaga. Tumugon naman si Rolando, pagkatapos ay sinulat ng matanda ang petsang binanggit.
Habang ginagawa niya ito ay kinuha ni Joriz ang dalang video camera upang mai-record ang mga nagaganap. "Anong ginagawa n'ya?" pasimple niyang bulong kay Chubs habang hawak-hawak ang gadget sa kamay. Wala siyang ideya sa nangyayari.
"Pagtatawas ang tawag d'yan. Isang pamamaraan ng pag-alam kung anong sakit ng isang tao. Ginagawa rin 'yan para malaman kung anong elemento ang may kagagawan ng mga pagdurusa," tugon ni Chubs sa mahina ring tinig.
Pagkuwa'y, natahimik na sila at masuring pinanood ang ginagawa ni Lolo Guido.
"Oh makapangyarihang Diyos sa apat na sulok ng mundo, ipakita n'yo po sa akin ang elementong bumabagabag sa pamilyang Lazaro." Pagkasabi niyon ay nagsalita ng kakaibang wika ang matanda na hindi maunawaan ng mga nakikinig.
Pagkatapos ng orasyon ay inihulog ni Lolo Guido ang kapirasong papel sa tubig na may asin. Lumubog iyon sa pinakailalim. Sunod nitong ginawa ay naghulog ng mga butil ng tawas sa tubig.
Sinindihan nito ang mitsa ng kandila at hinayaang pumatak ang mga nalulusaw na wax sa tubig. Habang pumapatak ang mga natunaw na bahagi ay umuusal din ng orasyon ang albularyo.
Umabot ng ilang minuto bago tumigil ang matanda sa ginagawa at pinatay nito ang sindi ng kandila. Lahat sila ay tumingin sa hugis na nabuo ng candle wax sa tubig.
"Ano 'yan?" takang-tanong ni Joriz, "Halimaw ba ang may sala?!" At natakot na naman ang binatilyo sa naisip.
"Parang hugis ng..." Hindi madugtong ni Chubs ang sasabihin.
"Hugis ng ano?" Naguguluhan pa rin si Joriz.
"Etits?" pabirong banat ni Chubs.
Napasimangot naman ang kaibigan at malakas na binatukan ang matabang lalaki. "Hindi ngayon ang oras para magbiro!"
Si Rolando naman ay walang kibo ngunit pinagpapawisan nang butil-butil. Nanatili lamang siyang nakatingin sa lusaw na kandilang nasa tubig.
Inilubog ni Lolo Guido ang kamay sa tubig at kinuha ang nabuong hugis. Sinuri niya ang wax at napabuntong-hininga. "Walang elemento o halimaw na nagpunta sa bahay na 'to," aniya.
Napanganga sina Joriz at Chubs, pati si Rolando ay hindi makapaniwala sa narinig. Iniabot ni Lolo Guido ang upos ng kandila kay Chubs. "Itago muna ninyo mga iho."
Kinuha naman iyon ni Chubs at ibinalot muna niya sa tissue bago inilagay sa bulsa ng bag.
"Anong ibig-sabihin n'yon?" nagtataka pa rin ang mukha ni Rolando.
Imbis na sumagot ay tumayo nang tuwid si Lolo Guido. "Sinabi ko na, walang halimaw na nagpunta sa inyo."
"Sinasabi mo bang hindi Matruculan ang pumatay kay Janelle?!" anito.
"Ganoon na nga," tugon lamang ng matanda.
"Hindi ko maintindihan!" pagtutol ni Rolando.
Ngunit binale-wala lamang ni Lolo Guido ang reaksyon ng lalaki. "Mauna na kami. Malapit na ring sumapit ang gabi, delikado sa daan at baka mapahamak pa ang mga bata."
"Pero Mang Guido, baka po may mali sa ritwal!" pagrereklamo pa rin ni Rolando. "Sigurado akong Matruculan ang gumawa nito."
Napabuntong-hininga muli si Lolo Guido. "Walang mali sa orasyon, Rolando. Ayon sa resulta ay hindi halimaw ang pumatay sa asawa mo."
"Baka po pwede nating ulitin?" pangungulit pa rin nito.
Natahimik muli silang lahat.
"Ulitin po natin ang pagtatawas kinabukasan," hiling ng lalaki.
"Sige, kung 'yan ang makakapanatag ng kalooban mo. Pero paano kung ganoon din ang maging resulta?"
Hindi na makaisip nang itutugon si Rolando. Mukha itong ninenerbiyos sa hindi maipaliwanag na dahilan.
"Kung wala na tayong pag-uusapan, kailangan nang umuwi ng mga bata. Mahirap nang bumiyahe nang sobrang gabi," aniya.
Napabuga ng malalim na hininga si Rolando, nag-iwas ng tingin at sumang-ayon na lamang, "Sige na po. Mag-iingat po kayo. Ako na po ang magtatabi ng mga ginamit sa pagtatawas."
"Maraming salamat, Rolando. Patawarin mo ako pero hangad ko rin ang katahimikan ng kaluluwa ni Janelle," wika lamang ni Lolo Guido, pilit na ngumiti at nakipagkamay sa lalaki. Pagkatapos ay nauna na itong naglakad sa pinto.
"Maraming salamat po," pamamaalam din nina Chubs at Joriz bago sumunod sa kasamang albularyo.
Naiwan si Rolando sa sala na naguguluhan at hindi mapakali. Ngunit hinayaan na lamang niyang lumisan ang mga bisita at hindi na nangulit.
Nakakaramdam pa rin ng kalituhan ang dalawang kabataan hinggil sa naging resulta ng pagtatawas. Ngunit alam din nilang hindi kaagad-agad mabubulgar ang mga misteryo. Kailangan pa nilang magtiyaga at magpasensya.
Nang makalabas ay nakita nila si Mattia sa gilid ng pader, nakahilig doon habang nakakrus ang mga braso.
"Ikaw namang bata ka, saan ka nagpupupunta?" sita sa kaniya ng lolo.
Napalingon sa kanila si Mattia. "Kanina ko pa kayo hinihintay. Tapos na ba, Lolo?"
"Tapos na!" anito at bumaling sa dalawang kabataan na nasa likod. "Babalik pa ba kayo sa bahay namin, mga iho?" tanong nito.
Umiling si Joriz. "Hindi na po. Dadaan pa po kami sa punerarya kung saan na-autopsy ang dalawa pang biktima. Kinabukasan ay pupuntahan din po namin ang mga pamilya nila upang magtanong."
"Saan naman kayo magpapalipas ng gabi?" tanong ni Mattia.
"May inupahan po kaming guest house na malapit po rito. Balak po naming magtagal dito. Tutal nandito na rin kami sa Capiz, pagkatapos ng misyon namin ay bibisita kami sa Olotayan Island, hehe." Parang nahihiya pang pag-amin ni Joriz.
Nagduda si Mattia. "Mukhang bakasyon ang pinunta n'yo rito at hindi trabaho."
"Tawagan n'yo lang kami kung may kailangan kayo. Sa abot ng makakaaya namin ay handa kaming tumulong," wika naman ni Lolo Guido sa dalawa.
"Marami pong salamat," sabay nilang sabi.
"Huwag kayong maglakad sa daan at sumakay na kayo ng tricycle," paalala pa nito.
"Opo, mag-iingat din po kayo," tugon ni Chubs.
Nauna nang tumalikod sina Lolo Guido at Mattia. Sinundan nila ng tingin ang papalayong mag-lolo bago bumaling sa isa't isa.
"Ano kayang ibig-sabihin ng sinabi ni Lolo Guido kanina? Kung hindi ang Matruculan ang naminsala sa bahay ni Mang Rolando at pumatay kay Janelle, eh ano?" nagtatakang wika ni Chubs.
"Iyon ang dapat nating lutasin na misteryo. Tara na, Chubs. Magpara na tayo ng tricycle. Kailangan nating maabutang bukas ang funeral home." Iwinagayway ni Joriz ang kamay sa gilid ng daan. Namataan niya na may paparating nang sasakyan. Pumara naman ito nang makita sila at agad silang pumasok sa loob.