Kabanata 6: Sa Tahanan ni Nigel

1289 Words
"Sinugod kayo ng halimaw?!" Hindi makapaniwalang bulaslas ni Mattia habang kausap ang binatilyo sa kabilang linya. "Oo, Kuya Mattia! Kitang-kita ko ang itsura niya at tulad ng sinabi mo, sinabuyan ko s'ya ng asin para umalis sa bahay namin! Pero bigla siyang naging imbisibol at hindi ko alam kung umalis na ba s'ya rito o baka nandito pa sa loob! Anong gagawin ko, Kuya Mattia?" nasa tono ng pananalita ni Nigel ang pagkataranta. "Nasaan ang Mama mo?" "Kasama ko s'ya rito sa kuwarto. Hindi s'ya nagalaw kanina, salamat sa ritwal na tinuro mo sa 'kin. Pero natatakot ako! Baka nandito pa s'ya sa loob!" pagsusumigaw nito. "Sige, sige," pagpapahinahon niya sa binatilyo, "Pupunta kami ngayon d'yan ni Lolo Guido, i-message mo sa akin ang address n'yo, ngayon din!" "Okay! Tinawagan ko na rin si Papa. Sabi ko na pumunta s'ya rito. N-Natatakot ako, Kuya..." "Huminahon ka, Nigel. Magsaboy ka ng mga butil ng asin sa paligid. Palibutan mo ng asin ang Mama mo hanggang wala pa kami." "Opo." Iyon lamang at pinutol na niya ang linya. Pumunta siya sa estante upang suotin ang agimat na matagal nang ibinigay sa kaniya ni Lolo Guido. Kinuha niya rin ang sibat na yari sa kawayan, bago siya lumabas sa pinto. Aalis na sana siya ngunit nakita siya ng kaniyang ingkong, "Saan ka pupunta?" pagpigil nito. "Nilusob ng Matruculan ang bahay ni Nigel," diretso niyang wika na lumingon sa matanda. "At anong balak mong gawin?" "Ano po sa tingin ninyo?" Itinaas ni Mattia ang hawak na sibat. Napabuntong-hininga si Lolo Guido. "Mattia, hindi ba sinabi ko na sa 'yo na ayaw kong pinapahamak mo ang sarili mo?" "Pero sino pa ba sa bayan na ito ang handang tumulong sa pamilyang iyon, Lolo? Kung ibang tao, siguradong hindi hahamakin na pumunta roon dahil sa takot. Nauunawaan n'yo po ba ang punto ko? Para saan pa ang kakayahan ko kung hindi naman gagamitin?" Nang sabihin iyon ni Mattia ay natahimik si Lolo Guido. Naalala niya ang batang si Mattia na iniligtas ang isang kaklase sa bangis ng mga ulol na aso. Naalala niya nang iharang nito ang sarili sa rumaragasang kotse upang masagip ang isang bata na biglang tumawid. Naalala niya ang mga pagkakataon na isinusuong ng binata ang sarili sa mga mapanganib na sitwasyon. Oo nga, at nakakatulong ito ngunit lagi namang nasa peligro ang buhay nito. Naputol ang malalim na pag-iisip ni Lolo Guido nang makitang tumalikod na si Mattia at tuluyan nang naglakad paalis. Alam niyang hindi niya mapipigilan ang binatilyo. Pagkuwa'y napabuntong-hininga siya bago kinuha ang phone sa bulsa at hinanap ang numero ng dalawang paranormal investigators. "Hindi namin kakayanin kung kaming dalawa lang. Mas marami kaming kakampi, mas mabuti," aniya sa isip. *** Tumagal lamang ng ilang minuto ang biyahe at nakarating agad sila sa tahanan ni Nigel. Isang palapag lamang ang bahay ngunit malawak. Pagkatok nila ay natatarantang binuksan ng binatilyo ang pinto at agaran silang pinapasok. "Kuya Mattia, Lolo Guido, dali po!" Nasa likod nito ang ina na namumutla ang mukha dahil sa takot. Nakasampay sa dalawang balikat ng babae ang itim na balabal na tumatakip din sa sinapupunan. "Kailangan natin ng palanggana at maligamgam na tubig," wika ni Lolo Guido nang makapasok, "Kailangan nating malaman kung nandito pa sa loob ang halimaw." Mabilis na kumilos si Nigel at kumuha agad ng mga binilin. Pinaghalo naman ni Lolo Guido sa palanggana ang mainit at malamig na tubig. May kinuhang bote ng langis ang matanda sa bulsa at naglagay ng ilang patak doon. "Ano pong ginagawa n'yo?" tanong ni Nigel na hindi pa rin mapakali. "Kapag kumulo ang tubig, ibig-sabihin ay malapit lang sa 'tin ang kalaban," maikling paliwanag ng albularyo. Lahat sila ay tumingin sa loob ng palanggana at hinintay kung ano ang magaganap. Nanlaki ang mga mata nila nang biglang kumulo ang tubig na tila may nagpapainit niyon sa ilalim. "Nandito s'ya!" malakas na sabi ni Mattia na lumingon sa kaliwang bahagi. Nanlaki ang mga mata ni Lolo Guido nang walang pasubali na sumulpot ang itsura ng halimaw. Puno ng makapal at mahahabang hibla ng balahibo ang buong katawan nito, malalaki at nanlilisik na mga mata, matutulis ang mga kuko, malalaki ang mga ngipin na animoy galing sa pating, at tayo-tayong mga buhok sa ulo. Nangilabot ang albularyo sa nasaksihan sapagkat ito ang unang pagkakataon na nakakita siya ng Matruculan. Tunay ngang nabubuhay ito at namiminsala sa kanilang bayan! Napasigaw si Nigel dahil sa hilakbot lalo pa nang tumalon at sumugod sa kanilang gawi ang bakulaw. Ngunit mas malakas ang tili ng kaniyang ina lalo pa't ito ang target ng kalaban. Mabilis ang naging kilos ni Mattia at bago pa makalapit ang Matruculan sa babae'y sinunggaban na niya ito ng hawak na sibat. Natusok ito sa bandang tiyan at napaatras. Muli itong naging imbisibol dahil nasaktan sa ginawa ng binata. "Totoo nga na may Matruculan!" singhal ni Mattia at lumingon sa mga kasamahan. "Ayos lang kayo?" Tumango lamang si Nigel at ang kaniyang ina na si Jaelyn Lazaro. "Nandito pa s'ya, Mattia. Sigurado akong hindi pa siya umaalis," tugon naman ni Lolo Guido, "Maging alerto ka." "Alam ko po." Kumirot at napasapo sa sariling sinapupunan si Jaelyn dahil sa sobrang pag-aalala. Naapektuhan na ang kaniyang katawan dahil sa tensyon na nagaganap. "Ma, ayos ka lang?" Nag-alala naman si Nigel nang mapansin iyon. "Oo, nakausap mo na ba ang Papa mo?" "Opo. Papunta na po s'ya." Nang banggitin ng dalawa si Rolando ay matapat na nagsalita si Lolo Guido ukol sa lalaki. "Hindi nagsisinungaling ang mga elemento at espirito, iyon ang pagkakaiba nila sa ating mga tao," makahulugan nitong sabi. "Tingin n'yo ba maloloko n'yo ang lahat? Sino sa inyo ang tunay na pumatay kay Janelle Amurao?" "Lolo?" Nagtataka na napatingin si Mattia sa kaniyang ingkong. "Sa ritwal na ginawa ko kanina, hindi Matruculan ang lumalabas na pumaslang kay Janelle, iho," tugon nito at muling bumaling sa mag-ina. "Kailangan n'yong maging tapat kung gusto n'yong tumulong kami sa inyo. Kapag hindi kayo umamin ay iiwan namin kayong dalawa rito at hahayaan na lapain ng halimaw." Hindi makapagsalita ang dalawa dahil sa tuwiran na banta ng albularyo. Hindi nila iyon inaasahan. "Lolo, hindi naman tama na—" "Mattia, alam ko rin na alam mo. Mas malakas ang kutob mo kumpara sa akin." "Opo. Alam ko!" tugon ng binata. "Nang mabasa ko ang pangalan ng mga nakalistang nakiramay sa burol at ang bangkay ni Janelle, alam ko nang hindi halimaw ang gumawa n'yon. Buo ang katawan ni Janelle, kung Matruculan iyon siguradong kinain din siya ng halimaw!" "Kuya Mattia, alam mo pero wala kang sinabi sa akin?" nagugulumihanang tanong ni Nigel. "Pero hindi dapat iyon ang pagtuunan natin ng pansin ngayon!" reklamo niya sa mga kasama, "Saka na natin pag-usapan! Nagsinungaling ang ama mo tungkol sa Matruculan at ngayon kinakarma na siya dahil totoo na ngang nagaganap ang kasinungalingan niya! Pero sa puntong ito, sa inyong mag-ina at hindi sa kalaguyo niya." "Sino sa inyo ang pumatay?" usisa ni Lolo Guido na tumitig kay Jaelyn. "Hindi ko alam!" iritadong sagot ng babae na halata sa mukha ang pighati dahil sa mga kaganapan. "Ang alam ko lang ay niloko kaming mag-ina ni Rolando. Ah!" Napaigik ito at muling napahawak sa bandang tiyan na kumirot. "Hindi po ang Mama ko ang pumatay kay Janelle!" pagtatanggol naman ni Nigel na inalalayan ang babae upang hindi ito matumba sa sahig. "Isa sa mga magulang mo ang suspek, Nigel." — si Lolo Guido. "Bakit laging si Mama ang pinanghihinalaan ninyo? Bakit hindi si Papa ang tanungin n'yo?!" At mukhang nakisama sa kanila ang pagkakataon dahil nang banggitin iyon ng binatilyo ay may kumatok sa pinto at tumawag sa kanila sa labas. Isa lang ang ibig pakahulugan nito, nandito na ang mga taong hinihintay nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD