Kabanata 7: Ang Halimaw

1358 Words
Nang patungo na sina Joriz at Chubs sa tirahan ni Nigel ay hindi nila inaasahan na makakasalubong nila sa daan si Rolando. Halata sa itsura ng lalaki na nagmamadali itong makapadpad sa dating tahanan sapagkat lubos itong nag-aalala sa mag-ina. At dahil isang lugar lang naman ang pupuntahan, naisipan na lamang nila na magsabay. Nang makapasok silang tatlo sa loob ay naramdaman agad nila ang tensyon at pagkailang sa paligid. Nakapagtataka na napakatahimik ng mga taong naroon kahit nasa peligro ang kanilang mga buhay. Naramdaman naman ni Rolando ang mga titig ng pagtatanong at pangungutya. Pakiwari niya ay sinusunog na ang kaluluwa niya sa lupa kahit wala pa siya sa impiyerno. Alam niyang kailangan niyang magpaliwanag sa lahat. Pagkuwa'y lumapit si Jaelyn sa dating asawa at walang pakundangan na sinampal sa mukha. Mas malutong pa yata sa chicharon ang tunog niyon. Napabuka lamang ang bibig nina Joriz at Chubs sa pagkabigla dahil wala silang alam sa mga nagaganap. Samantalang seryoso lamang ang mukha ng karamihan. Walang nagtangkang pumigil sa babae, kaya dinugtungan pa nito ang unang p*******t, ng mala-crispy pata na pangalawang sampal. Double sided b***h slap ang natikman na salubong ni Rolando. Magkasunod na palm slap at back-hand slap. Siguradong mapapahiya si Will Smith kapag nakita ang epikong pagsampal nito sa lalaki. Pero hindi pa yata nakuntento ang babae. Lumabas na ang lahat ng sama ng loob nitong tinatago at sunod-sunod na sinampal sa mukha ang asawa. Dirty slap, kung saan-saan na napadako ang palad niya upang ipatikim lang dito ang sakit at paghihirap na dinaranas nilang mag-ina. Napasinghap si Joriz at napatuptop sa bibig si Chubs. "Tama na po, Ma!" Si Nigel na ang umawat sa ina na nag-alburuto. Inilayo niya ang babae sa ama. "Uulitin ko lang ang sinabi ko kanina," sumingit si Lolo Guido sa kanila, "Wala sa intensyon kong tumulong sa inyo at nandito lamang ako dahil sa apo kong gustong sagipin ang ina ni Nigel. Kapag hindi kayo nagsabi ng totoo, aalis ako rito at kakaladkarin ko si Mattia palabas. Hindi namin kayo tutulungan." Kanina ay naisip ni Mattia na napakalupit naman ng sinabi ng kaniyang ingkong. Ngunit tinikom ng binata ang bibig at hindi sumabat. Lahat sila ay nakatitig sa mukha ni Rolando na halatang guilty sa mga nangyari. Napagtanto ni Mattia marahil ay paraan lamang ito ng kaniyang lolo upang umamin ang may sala. Samantala, nanatiling walang imik ngunit nakababa ang mga mata ni Rolando. Napabuntong-hininga siya at bumagsak ang dalawang balikat. Hindi na nila kailangan pang sabihin nang diretso. Kahit walang magkompronta, sa tingin pa lamang ng mga ito ay naintindihan na niya. Hindi niya intensyon. Hindi niya akalaing aabot sa ganito ang lahat. Ngunit naputol na ang pisi ng kaniyang pasensya, napuno ng galit ang kaniyang puso at hindi niya namalayang umapaw. Nasabi niya sa sarili, "Tama na! Tama na ang lahat ng pagtitiis ko." Nakilala niya si Janelle sa isang bar resto na malapit sa pinapasukang kumpanya. Nagtratrabaho ang babae roon bilang female entertainer. Kapag nag-aaway silang mag-asawa ay naiisipan niyang mag-unwind sa lugar na iyon. Wala naman siyang intensyon na maghanap ng babae, ang gusto lamang niya ay malipasan nang sama ng loob. Ngunit marahil dahil din sa impluwensya ng barkada ay nagawa niyang magtaksil. Ika nga, palay na ang lumalapit sa manok ay hindi mo pa ba tutukain? Isa lang naman ang reklamo niya kay Jaelyn, pagkauwi galing sa maghapong trabaho ay bunganga agad nito ang pinapairal. Imbis na kumustahin siya, pagpahingahin dahil sa hapo, ay sinasalubungan siya nito ng walang humpay na reklamo. At dahil nga sa pagod ay umiinit ang ulo niya at sumasagot sa asawa. Nagiging dahilan ito ng madalas nilang pagtatalo. Alam ni Janelle ang pasanin niyang ito dahil sa babae siya nagsasabi ng sama ng loob. Sa ganitong punto nag-umpisa ang pang-aakit ng dalaga. Mahal daw siya nito at kung ito raw ang magiging kabiyak ay mas magiging mabuti raw. Tinuka niya ang palay sa malapit na motel at nagsabi ng mga kasinungalingan na magpapakasal din sila. Nagawa niya lahat ng ito habang nagdadalang-tao ang kaniyang esposa. Isang napakalaking pagkakamali dahil nawasak ang kaniyang pamilya. Pinaalam ni Janelle sa kaniyang legal wife na nagtataksil siya at buntis din daw ang babae. Lumisan ang kaniyang mag-ina at bumalik sa dating tirahan nito— sa tahanan na pamana pa ng mga magulang nito. Sobrang bilis ng mga pangyayari at wala siyang nagawa. Nang magsama sila ni Janelle ay napagtanto niyang mas masahol pa ito kumpara sa kaniyang dating asawa. Nais nitong laging masusunod, spoiled at nananakit nang pisikal kapag nagagalit. Sa totoo lamang ay nakipaghiwalay na siya rito ngunit sinabi ng dalaga na buntis din ito at kailangan niyang panagutan. Hindi niya naituloy na makipaghiwalay sapagkat nais niyang tanggapin ang parusa dahil sa ginawang pagkakamali. Naisip niya ang bata sa sinapupunan ni Janelle at naisip din niya ang sanggol na dinadala ng tunay na asawa. Magdo-doble kayod siya mapanagutan lamang ang dalawang bata. Aakuin niya ang nagawa na. Ngunit sa paglaki ng tiyan ni Jaelyn, napansin niyang wala naman pagbabago sa katawan ni Janelle. At dito nga niya nahuli ang babae. Habang nakikipag-usap ito sa kaibigang p********e sa telepono, napadaan siya at aksidenteng narinig ang sinabi nito. Hindi ito tunay na buntis at ginagatasan lamang siya ng salapi. Nang gabing iyon, kinompronta niya si Janelle at nagsinungaling pa rin ang babae. Sinabi nito na tunay itong buntis ngunit ayaw na niyang magpaloko. Nagunita niya sa isip ang nawasak na pamilya. Hindi na siya nakapagtimpi. Nagdilim ang kaniyang paningin dahil sa labis na muhi. Kumuha siya ng kutsilyo at sinaksak ang babae sa tiyan. Napatili ito at bumagsak sa kama nila. Sinubukan ng babae ang manlaban ngunit sunod-sunod ang pag-unday niya ng saksak. Tuluyan na itong nawalan ng malay. Hiniwa niya ang sinapupunan ng babae upang mapatunayan ang kaniyang hinala. Tama siya. Hindi nga ito buntis. Nang mahimasmasan ay hindi niya alam ang gagawin. Saan niya itatago ang bangkay? Lalo siyang nataranta nang marinig ang pag-akyat at pagtawag ni Nigel. Tinago niya ang ginamit na sandata sa silong ng aparador. Nanalangin siya na sana ay walang makahanap niyon. Nang kumatok ang anak sa pinto ay dumiretso siya sa teresa. Hindi niya alam kung anong gagawin at dahil sa labis na pagpa-panic, nagtangka siyang tumalon sa teresa. Nais na lamang niyang tapusin ang miserableng buhay. Ngunit nagdalawang-isip siya, gusto niyang makita ang bunsong anak na malapit nang ipanganak ngayong buwan. Gusto niyang humingi nang tawad at makipagbalikan sa dating asawa. Ngayong patay na si Janelle, mayroon na siyang pagkakataon na makapagbagong-buhay. Natagapuan siya ni Nigel. Sumugod sa malakas na buhos ng ulan ang binatilyo upang pigilan siya sa pagtalon. Nang makita ang anak ay medyo nawala ang kaniyang pagkataranta. "Papa, anong nangyari dito?" Wala siyang maisip na sagot kaya hindi siya umimik. "Papa, ikaw ba ang gumawa nito?" Naalala niya ang mga bali-balita sa bayan na may gumagala raw na Matruculan at pumapatay ng mga babaeng buntis. Ayaw niyang umamin sa pagkakasala. Gagawin niya ang lahat mapagtakpan lamang ang ginawang krimen. "Anak, hindi ako ang gumawa nito. Ang Matruculan ang pumatay kay Janelle..." *** "Minsan talaga ay mas masahol pa ang tao kaysa sa halimaw." Nang marinig ang sinabi ni Lolo Guido ay bumalik ang kamalayan ni Rolando sa kasalukuyan. Napatingin siya sa albularyo ngunit nakabaling ang mukha nito sa ibang panig ng sala. Natahimik siya at muling nagyuko ng ulo. Inaamin niya na siya nga ang may kasalanan ng lahat. "Pakiusap po. Iligtas n'yo po ang mag-ina ko! Inaamin ko nang ako ang maysala. Pangako, susuko po ako sa pulis." Hindi na napigilan ni Jaelyn ang mapahagulgol at mapasapo ang dalawang kamay sa mukha. Bumuhos ang matinding damdamin niya dahil sa ginawa ng asawa. "May kinalaman ka rin ba sa pagkamatay nina Carol Montalban at Marietta Conception?" diretsong tanong ni Joriz. "Wala," mabilis na tugon ni Rolando na tumitig sa kausap. "Ni hindi ko kilala ang dalawang biktimang tinutukoy ninyo." "Kung hindi ikaw ang pumatay sa kanila, eh sino?" dugtong ni Chubs. "Sino pa ba?!" Lahat sila ay natahimik at bumaling kay Mattia. Nakatingin ang binata sa palanggana at pinapanood ang pagkulo ng tubig— senyales na malapit nang sumugod ulit ang Matruculan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD