Napakapit si Lolo Guido sa magkabilang gilid ng palanggana at nanginginig ang mga palad na nagsabing, "Mas malakas ang pagkulo ngayon, nagalit natin siya."
"E' ano?" wika lamang ni Mattia na napaismid. "Sumugod na siya kung gusto niyang sumugod, handa naman ako."
"S-Sumugod?" Nahintakutan agad si Joriz na kumapit sa likod ni Chubs. "N-Nasaan ang halimaw?" Nauutal pa itong nagsalita habang palingon-lingon sa paligid.
Tila nairita naman na lumingon si Chubs sa binata, "Duwag ka talaga!"
"Ang mga nilalang ng kadiliman ay hindi dapat lumalabas sa mundo ng mga tao. May sarili silang dimensyon at lugar sa impyerno. Hula ko ay isang makapangyarihang nilalang ang nasa likod ng mga pag-summon sa kanila," pagsasalaysay ni Lolo Guido habang nakatitig pa rin sa kumukulong tubig, " Nagsisimula na ang Armageddon, ang propesiya sa Bibliya."
"Anong pinagsasabi mo, Lolo?" naguguluhang tanong ni Mattia.
"Ang pagbuo sa HEAP, ang pagsalakay ng iba't ibang uri ng nilalang, at ang sitwasyon natin ngayon ay may kaugnayan sa isa't isa..."
"Mamaya na 'yang bugtong pala bugtong ninyo, Lolo! Nandito na ulit siya!"
Pagkasabi niyon ni Mattia ay muling nagpakita ang halimaw sa kanila at walang pakundangan nitong sumugod upang sakmalin ang ulo ni Nigel na nasa tabi ng ina. Napasigaw silang lahat maliban kay Mattia na seryoso lamang ang mukha.
Maagap na nagsaboy ng asin si Nigel ngunit parang bale-wala lamang na hindi nasaktan ang elemento. Saka lamang naisip ng binatilyo na hindi na tumatalab ang asin sa kalaban. Masasakmal na sana ang ulo ni Nigel kung hindi lang pumagitna si Mattia upang saksakin muli ang halimaw gamit ang hawak na sibat.
Ngunit nagulat si Mattia nang magawang baliin nito ang kawayan na sandata. Napasinghap siya at napaatras. Umatake si Lolo Guido upang protektahan ang apo, kinuha nito ang buntot page na nakasabit sa bigkis at hinampas iyon sa Matruculan.
Napatili ang nilalang sa sakit at muling umatras saka nawala na naman na parang bula.
"Ah!" Tili lamang nang tili si Joriz habang nakaupo sa sahig, naka-duck position, at hindi magawang makatingin sa nagaganap na labanan.
"Anong nangyayari?!" Samantalang si Chubs ay nalilito at nagtataka sa mga kinikilos ng mga kasama. Palinga-linga siya sa paligid ngunit wala naman siyang matanawan na kalaban. Sa kasawiang-palad ay sinumpa siyang hindi makakakita ng kahit anong uri ng elemento.
"Naging imbisibol siya!" Nangamba si Lolo Guido at napaatras. "Susugod siya sa atin na hindi natin siya nakikita!"
At ganoon nga ang naganap. Napasigaw si Lolo Guido nang bigla na lamang may kung anong kumagat sa kaniyang balikat— dahilan para mabitawan niya ang buntot page at mapaluhod siya sa sahig.
"Lolo!" Nakita ni Mattia ang dugong umaagos sa balikat ng kaniyang abuelo. Sapo-sapo nito ang tinamong sugat.
Napasinghap si Chubs nang makitang bigla na lamang nagkasugat ang matandang albularyo.
Lumapit si Mattia kay Lolo Guido. "Lolo, ayos ka lang?"
"De pota! Mukha ba akong maayos?" anito na iniinda pa rin ang tinamong sugat.
"Paano natin siya makikita?" Lalong kinilabutan sa takot si Rolando. "Anong gagawin natin?" Ito naman ang napasigaw sa sakit nang bigla na lamang siyang makaramdam ng kagat sa kaniyang hita. Pagkatapos ay bigla siyang tumalsik sa kabilang panig ng sala.
Napatili nang malakas si Nigel dahil siya naman ang humagis at tumama sa dalawang upuan na malapit sa pader.
Lumingon sina Mattia at Lolo Guido saka nakitang may kung anong humihila kay Jaelyn ngunit nakikipagbuno pa rin ang babae. Wala nang malay sina Nigel at Rolando, ngunit nandoon pa silang apat upang ipagtanggol ang target.
Hindi man nakakakita si Chubs ng mga elemento, lumapit at hinawakan niya si Jaelyn upang hindi ito makuha ng imbisibol na kalaban. Hinila niya ang babae palapit sa kaniya ngunit damang-dama ni Chubs ang malakas na pwersa ng Matruculan.
Mabilis na tumayo si Mattia at pinulot ang buntot page na nasa sahig. Batay sa paghila sa babae alam na niya kung saan nakapuwesto ang halimaw. Walang pasubali na hinampas niya ang sandata at nang gawin niya iyon, may humuni na animo'y galing sa uwak.
Nabitawan ng Matruculan ang babae dahil natamaan ito ng buntot page. Napasubsob si Jaelyn kay Chubs at kapwa sila natumba sa sahig. Muling napaatras si Mattia nang magpakita muli ng anyo ang Matruculan. Tumingin ito sa kaniya at kitang-kita niya ang nanlilisik nitong pulang mga mata. Inangilan siya ng kalaban ngunit hindi pa rin kakikitaan ng takot ang kaniyang itsura.
Sinugod siya nito gamit ang matalas nitong kuko, napaatras si Mattia at natumba sa sahig. Nakaiwas pa rin siya sa pagtusok ng halimaw, mabuti na lamang at mabilis ang reflexes niya. Sinigawan siya nito dahil sa pagkamuhi at may tumulo pang mga laway sa braso't dibdib niya.
"Anong ginagawa niya?!" Nagtataka si Chubs dahil nakikita lamang niya na gumagapang patalikod si Mattia habang hawak ang buntot page.
Nanlaki ang mga mata ni Lolo Guido nang muling naging imbisibol ang kalaban. "Mattia, aatake ulit siya! Magpapahinga lang 'yan nang saglit," banta nito.
Tumayo si Mattia dahil muli na namang naglaho ang halimaw. "Buysit! May iba pa bang paraan para ma-detect ang kilos ng halimaw kahit hindi natin siya nakikita?"
Nang sabihin iyon ni Mattia, saka lamang naalala ni Chubs ang motion detector na dala-dala ng kasamahan. "Joriz, may equipment ka d'yan, 'di ba?" Lumapit siya sa kaibigan na nakaupo pa rin sa sahig at naka-duck position. Nabuysit siya nang wala itong naging tugon. "Joriz! Huwag kang maging duwag ngayon! Nakalimutan mo na ba? Sumali ka sa HEAP para ma-overcome ang takot sa paranormal!"
Nang sabihin iyon ni Chubs ay naalala ni Joriz ang personal na motibasyon sa sarili. Sumali siya sa grupo upang makakilala ng mga taong makakaintindi sa kaniyang kakayahan, sapagkat sa bayan na pinagmulan, siya'y pinagtatawanan at pinagkakamalang baliw. Oo nga pala at nandito siya upang makontrol ang malakas na sixth sense o malinaw na third eye. Nandito rin siya upang matutunang maging matapang.
"Ano na?" untag pa rin ni Chubs.
Napatingin si Joriz sa mga mata ng kaibigan. "M-Mayroon akong dala sa bag." Bumaling siya sa bagaheng nakalapag sa sahig at kinuha iyon. Kinalikot niya ang loob at inilabas ang drone camera na may motion detector. Isinama niyang ilabas ang tablet na nakakonekta sa drone camera.
"Ano 'yan?" tanong ni Mattia sa kanila.
"May infrared motion sensor ang drone na 'to, pwede nating ma-detect kung nasaan siya kahit hindi natin nakikita," paliwanag ni Joriz habang inaayos ang camera. Nang mabuksan iyon ay pinalipad niya ang drone upang ilibot sa buong lugar.
Kinuha ni Chubs ang tablet at pinanood doon ang nakukuhanan ng drone camera. Tumabi si Mattia sa matabang binata upang makita ang video.
Nakita nilang nade-detect ng camera kung saan may gumagalaw. Nasanggi ng kung ano ang vase ng mga bulaklak na nasa lamesa at biglang humawi ang kurtina ng bintana. Lahat ng iyon ay nakuhanan ng camera.
Sabay silang napalingon sa kaliwang bahagi dahil narinig nilang biglang bumukas ang bintana kahit wala namang humahawak doon.
"Tumatakas siya!" napagtanto ni Mattia at nagtungo sa gawi ng bintana.
"Susundan pa ba natin?" tanong ni Chubs na sumunod sa likod.
"H-Huwag na, hayaan na lang natin," suhestyon naman ni Joriz sa dalawa.
"Napinsala natin siya kaya siguradong magpapahinga muna siya at magpapagaling bago muling bumalik dito," wika naman ni Lolo Guido na nakaupo pa rin sa sahig at iniinda ang kirot ng sugat. Tumabi rito si Jaelyn upang tulungang makatayo. "Magpahinga na rin tayo. Tama na ang pakikipaglaban. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagawa nating protektahan si Jaelyn."
Nang matulungan si Lolo Guido, lumapit ang babae kay Nigel na wala pa ring malay na nakahiga sa sahig. Sinubukan nitong gisingin ang binatilyo at ungol lamang ang tinugon ng huli. Maya-maya pa ay nagising na rin ang diwa nito at hindi na napigilan ng ina na yakapin nang mahigpit dahil sa pag-aalala.
Si Rolando ay hinayaan lamang nilang natutulog. Sa ngayon ay hahayaan muna nila ito. Ngunit pagkagising nito ay siguradong marami pa itong ipapaliwanag.
Alam nilang lahat na hindi pa tapos ang laban, ngunit nakahinga sila nang maluwag dahil nakaligtas silang lahat.
***
Habang nilalagyan ng benda at pansamantalang ginagamot ni Jaelyn ang sugat na natamo ni Lolo Guido, lumapit naman si Mattia sa dalawang baguhan na paranormal investigator. Nasundot ng kuryosidad ang kaniyang isipan nang masaksihan ang pinakita ng mga ito kanina.
"Bakit kayo sumali sa HEAP?"
Natigilan si Joriz sa pag-aayos ng gadget na dala nang marinig ang tanong niya. Napaangat ang mukha nito at napahinto ang kamay sa pagpasok ng drone camera sa loob ng bagahe. Nasa mga mata nito ang pagkalito. "Ano ulit 'yon, Mattia?"
"Kung hindi nakakakita si Chubs ng mga nilalang at duwag ka sa mga ganitong bagay, bakit pa kayo sumaling dalawa sa HEAP?"
Lumingon si Chubs sa kanilang dalawa at lumapit. Hindi pa rin sinasagot ni Joriz ang kaniyang pag-uusisa.
"May mga personal kaming dahilan kung bakit kami nandito," sabat ng matabang lalaki, "Tingin mo ba pumayag kami sa alok ng HEAP para makaramdam lamang ng thrill? O para ilagay ang buhay namin sa alanganin?"
"Totoo ang sinabi ni Chubs, Mattia. May kaniya-kaniya kaming dahilan," sang-ayon ni Joriz, "Pero hindi ito ang tamang oras para pag-usapan ang tungkol doon. Napansin ko na napakatapang mo pala. Hindi ka man lang natakot kahit nagpakita sa atin ang halimaw."
"Ganoon ba?" Iniwas niya ang paningin at tumitig sa kawalan. "Normal lang sa akin 'to. Hindi ako nakakaramdam ng takot."
"Ha?" Napanganga si Chubs at nagtaka. "Anong ibig mong sabihin na hindi ka nakakaramdam ng takot?"
"May diperensya ako sa utak." Tinuro niya ang sariling sentido.
Napasapo si Joriz sa bibig at nagpigil sa pagtawa. "Halata naman."
"Hindi nga? Seryoso ka?" — si Chubs.
"Oo nga. May diperensya sa amygdala ko, isang parte sa utak ng tao na responsable sa fear stimuli. Ito ang dahilan kaya hindi ako nakakaramdam ng takot."
"Is that inborn?" tanong ni Joriz.
Umiling siya. "Hindi ko alam pero kwento sa akin ni Lolo Guido, noong bata pa raw ako ay nahulog daw ako sa puno ng acacia. Tumama ang ulo ko sa bato at na-coma ako sa hospital ng ilang araw. Iniligtas ako ng mga doktor pero hindi na nagamot ang bahagi ng utak ko na responsable sa threat stimuli."
"Ah...." Nagpatango-tango na lamang si Chubs.
"Pero mabuti nga at may ganyan kang kakayahan, sana ako rin hindi nakakaramdam ng takot," komento ni Joriz.
"Magkabaliktad pala tayo, Joriz. Ako naman, gusto kong makaramdam ng takot. Gusto kong maging normal," wika niya.
"Mabuti nga kayo at may kakayahan na makakita ng paranormal, ako naman sinumpa na hindi makakakita o makakaramdam ng kahit anong uri ng nilalang. Mas mabuti pa nga yata ang bulag sa akin, at least matalas ang pakiramdam nila," singit naman ni Chubs.
"Pero bakit gusto mong makakita?" tanong ni Mattia.
"Oo nga, Chubs. Sa tagal na nating magkasama,hindi mo pa sinasabi sa akin ang dahilan kung bakit ka sumali sa HEAP," usisa rin ni Joriz.
Magsasalita pa sana si Chubs ngunit naudlot dahil sa paglapit ni Lolo Guido. "Maayos lang ba kayong tatlo?" anito. Tumango naman sila. "Mabuti pa at umuwi na muna tayo."
"Paano kung bumalik ang Matruculan?" tanong ni Nigel na narinig ang sinabi ng matanda at lumapit sa kanila.
"Huwag kang mag-alala, Nigel. Malubha ang natamong sugat ng halimaw dahil sa ginawa natin, siguradong hindi na muling susugod dito ang Matruculan. Magpapalipas muna iyon ng ilang araw na nagtatago upang pagalingin ang sarili," paliwanag ni Lolo Guido.
"Pagalingin ang sarili?" ulit ni Nigel.
"May kakayahan ang mga katulad nila na mag-regenerate." Si Chubs ang sumalo sa tanong ng binatilyo. "Ginagamit nila ang sariling laway upang mas mapadali ang paghilom ng mga sugat nila."
"May ganoon silang kakayahan?"
Tumango lamang ang matabang binata.
"Sa ngayon, makakatulog na kayo ng mahimbing kaya huwag ka nang mag-alala, Nigel," litanya ni Lolo Guido na ipinatong ang kanang kamay sa balikat nito.
"Hindi ko po sigurado kung makakatulog pa kami nang mahimbing, Mang Guido." Nasa mukha pa rin ng binatilyo ang labis na takot at pag-aalala. "At ano na ang mangyayari sa ama ko?"
Lahat sila ay napadako ang tingin kay Rolando na mahimbing pa rin na natutulog sa kalapit na sofa.
"Huhulihin siya ng mga pulis, tama ba ako?" Namuo at nangilid ang mga luha sa mata ng binatilyo dahil sa bigat ng dala-dalang emosyon.
"Nigel, mangyayari ang dapat mangyari," pampalubag-loob na sabi ni Mattia.
Pinunasan nito ang mga luha sa mata gamit ang braso at pinatatag ang kalooban. Naisip ni Nigel na kailangan niyang maging matatag at malakas para sa kaniyang ina at bunsong kapatid na nasa sinapupunan pa lamang.
Pagkatapos ay pinili ng grupo na maghiwa-hiwalay muna upang makapagpahinga ang bawat isa. Kinabukasan ay kailangan nila ng panibagong lakas at alam nilang hindi pa rito matatapos ang pakikipaglaban nila sa halimaw.