Kabanata 9: Panibagong Biktima

1278 Words
Nagkakagulo ang mga tao. Nagsisiksikan ang mga iyon makita lamang ang kaganapan. Kitang-kita ang pandidiri at pagkagimbal sa kanilang mga mukha. Ang ilan sa kanila ay nakatakip ang ilong dahil sa masangsang na amoy. Ang ilan ay nakabukas pa ang camera ng selepono upang makunan ang nakakagimbal na bangkay ng babae. Habang umiingay at nagkakagulo ang mga tsismoso't tsismosa, sumulpot sina Chubs at Joriz sa pinakalikod. Kaninang madaling araw pa lamang ay nakatanggap agad sila ng text message mula kay Nigel. Ano pa't kaguluhan na naman ang binalita ng lalaki at sinabihan sila na pumunta rito. Hindi nila matanawan si Nigel dahil sa mga nagkukumpulang mga tao. Mabuti na lamang lumingon ito at nakita sila. Ito na ang lumapit sa kanila at nakipagsiksikan sa gitna ng mga tao upang makalabas sa kumpulan. "Kuya Chubs at Kuya Joriz, buti at nakarating agad kayo!" anito na mukhang hinihingal pa dahil nahirapang makalabas. "A-Anong nangyari dito?" tanong ni Joriz na agad pinagpawisan ang mukha dahil nakaramdam na naman ng nerbiyos. "Halina po kayo! Tignan n'yo po 'to!" Hinila ni Nigel ang braso ni Chubs at iginiya palapit sa kumpulan ng mga tao. "Excuse me po! Paraanin n'yo po kami! Mga imbestigador po kami!" Nakipaggitgitan silang tatlo upang makarating sa pinalilibutan ng mga ito. Sa wakas at nakarating na rin sila sa ugat ng pagtitipon. Napatigil silang tatlo sa paglalakad, tumayo roon at tinitigan nang diretso ang nasa paanan. Malapit sa kanila ay naroon ang bangkay ng isang babaeng lagas-lagas na ang katawan. Nakabuka ang tiyan nito pababa sa puson, nakalabas ang bituka, putol ang isang kamay at isang paa. Halos maligo ito sa sariling dugo. Kumalat ang ilang piraso ng bituka nito sa aspaltong lupa. Natuptop ni Joriz ang bibig dahil sa pagkagimbal at halos halukayin ang kaniyang sikmura. Napatalikod siya upang pigilan ang pagduduwal. Si Chubs naman ay nahintakutan din sa itsura ng bangkay ngunit mas kalmado siya kumpara sa dalawang kasama. "Sino 'yan?" tanong ni Chubs na luminga kay Nigel. "Salbatora Alicante. Tinatawag namin siyang Aling Salba. Walong buwan na po siyang nagdadalang-tao," paliwanag ni Nigel, "Kagabi nang matalo natin ang Matruculan, mukhang lumipat siya sa kapit-bahay at doon nambiktima." Napukaw ang atensyon nila nang may lumapit na lalaki at dalawang bata sa bangkay ng babae. "Salba!" Ganoon na lamang ang sigaw at paghihinapis ng lalaki nang makita ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang asawa. Humagulgol ito at napasabunot sa sariling buhok, ni hindi magawang yakapin ang bangkay ng kabiyak dahil sa nakapandidiring mga laman-loob. Ganoon din kalakas ang pag-atungal ng dalawang bata na kasama nito. Nahulaan nilang mga anak ito ng biktima. Nakaramdam ng simpatya at awa ang tatlong kabataan nang panoorin ang pagtangis ng mag-anak dahil nawala ang kanilang ilaw ng tahanan. "Ilang pamilya pa ba ang wawasakin ng Matruculan?" tanong ni Chubs. "Kung hindi natin sila pupuksain, mamiminsala sila nang mamiminsala. Dapat pala nang gabing iyon, pinatay na natin ang halimaw." — si Nigel. "Kailangan nating makausap sina Mattia at Lolo Guido baka may alam sila kung paano puksain ang Matruculan," naisip naman ni Joriz at agad na kinuha ang selepono sa bulsa. Pinapanalangin niya na sana ay gising na ang mga tatawagan. Hindi pa nakakapagkape si Mattia at ito na agad ang bungad ng umaga niya. Pagkagising na pagkagising sa sikat ng araw ay masaklap na kwento agad ang inihain sa kaniya, nauna pa sa almusal. Nakatanggap siya ng tawag mula kay Joriz at sinabi nitong isa na namang biktima ang natagpuan kaninang madaling-araw. Napabuntong-hininga siya habang nakaupo sa gilid ng kama, napasapo sa ulo at napaisip nang malalim. *** Samantala, kanina pa nasa loob ng Interrogation Room si Detective Bobby, seryoso ang kaniyang mukha habang nakaupo sa silya. Sa tapat niya ay nakalatag ang ilang dokumento. Sa kabilang panig ng lamesa ay naroon din si Rolando, nakaupo, tahimik at nakaposas ang mga kamay. Napalumbaba siya habang nakatitig sa suspek, paminsan-minsan ay tumatapik ang hintuturo niya sa mesa habang nag-iisip. Ito ang pangalawang beses na makakausap niya ang lalaki. Noong una ay hindi siya naniniwala sa mga sinasabi nito at may hinuha na siyang nagsisinungaling ang ginoo. Ngunit nakakapagtakang bigla itong pumunta sa istasyon ng pulis at isinuko ang sarili. Ano kayang naganap at nagbago ang isip nito? Inuusig ba ito ng konsensya? Inangat niya ang isang papel at binasa ang laman niyon. "Kusang sumuko ang lalaking ito at inaming pinatay niya si Janelle Amurao…" mahina niyang tukoy sa laman ng report. Dumiretso ang tingin niya sa suspek. "May kinalaman ka rin ba sa pagkamatay nina Carol Montalban at Marietta Conception?" "Kanina ko pa sinasabi, wala nga eh!" Medyo nairita na si Rolando at kumunot ang noo. "Sinungaling! Bakit hindi ka pa umamin na ikaw rin ang pumatay sa kanila?" Dinuro niya ito. "Sa maniwala kayo o hindi, ang Matruculan ang kumitil sa kanilang mga buhay!" Tumaas ang isang kilay ni Detective Bobby. Hindi niya nagustuhan ang narinig mula sa kausap. "Matruculan na naman? Hindi na tatalab iyang palusot mo! Sinisisi mo na naman sa fictional character ang mga kasalanan mo. Hindi totoo ang mga Matruculan!" Pinagkrus niya ang mga braso. "Sinabi ko na ang totoo! Ako nga ang pumatay kay Janelle pero totoong may Matruculan! Sa katunayan, may mga kasama ako na magpapatunay sa mga sinasabi ko!" "At sino naman ang magiging witness mo?" Parang nawalan na ng gana na makinig si Detective Bobby sa sinasabi ni Rolando. Nagpalumbaba muli siya at dumako ang paningin sa hawak na mga papel. "Ang mag-ina ko, sina Lolo Guido at Mattia, saka ang dalawang paranormal investigator na pinadala ng HEAP." Nahulog ang baba ni Detective Bobby sa palad at muntik pa siyang mahulog sa kinauupuan nang marinig ang huling binanggit ng lalaki. Nagtaka naman si Rolando sa biglang reaksyon ng detective. "Sina Chubs at Joriz ba ang tinutukoy niya?" aniya sa utak, "Sh*t! Hindi ako makakapayag na manalo ang dalawang 'yon sa akin. Hindi ako makakapayag na maunahan nila akong maresolba ang kasong ito!" At sa imahinasyon ni Detective Bobby, nakikita na niya ang mapang-asar na ngisi ng dalawang binata. "Hindi pa rin ako naniniwalang totoo ang Matruculan!" wika niya na tinuro muli ang kaharap. Naputol ang kanilang pag-uusap nang may kumatok sa pinto at tinawag ang pangalan ng detective. "Sige pasok lang!" tugon niya. Bumukas ang pinto at bumungad ang mukha ng kaniyang katrabahong pulis, si PO1 Paxton Dillon. Dala-dala nito ang isang papel sa kaliwang kamay habang nakahawak ang kanan sa busol ng pinto. "Sir, may natanggap kaming panibagong balita. May bagong biktima na naman po at sinu-summon kayo upang imbestigahan ang bangkay." Napanganga si Detective Bobby at napatayo. "Ano kamo?" "Buntis po ulit ang biktima, hiwa ang tiyan at nawawala ang bata sa sinapupunan. Ayon sa report… nangyari ito sa… " Binasa ni Paxton ang dala-dalang papel. Lalong nagulantang ang imbestigador nang marinig ang address ng lugar. Ganoon din ang reaksyon ni Rolando na napatitig nang diretso sa pulis. "Malapit sa amin!" sambit nito pagkatapos ay bumaling kay Detective Bobby. "Hindi ba sinabi ko na sa 'yo?! Ang Matruculan ang may kagagawan nito." Hindi siya umimik at nanatiling nakasimangot. "Uh, bossing…." Parang nag-alinlangan pa si Paxton sa susunod na sasabihin at napakamot pa ito sa ulo. "Nandoon na po sina Chubs at Joriz, nauna na sila sa atin… uhm…" At nang banggitin iyon ng pulis, parang The Flash na mabilis niyang kinuha ang dyaket at mga bagahe saka nagmamadaling lumabas sa kwarto. "Tatapusin natin ang interrogation mamaya!" bilin pa niya kay Rolando bago tumalilis sa hallway. "Sir, wait lang po!" Isinara ni Paxton ang pinto at nagtatakang humabol sa katrabaho. Isa lang ang nasa utak ni Detective Bobby, hindi siya makakapayag na tuksuhin, asarin at sabihan na makupad ng dalawang pipityuging paranormal investigator. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD