Pagkatapos makita ang itsura ng bangkay, naisip nina Chubs at Joriz na magtungo muli sa tahanan ni Lolo Guido. Wala silang maisip na ibang tao na makakatulong sa kanilang sitwasyon bukod sa kilalang albularyo. Hindi na nila hinintay pa ang mga crime scene investigators sa lugar. O sa totoo lamang wala sila sa mood na makipagkita at makipagtalo pa kay Detective Buysit.
Pinatuloy sila ng mag-lolo at kasalukuyang nasa harap nila ang mga ito. Nakatayo ang dalawa at malalim na nag-iisip habang nakaupo naman sila at tahimik lamang. Hinintay nila ang sasabihin ng ingkong.
"Hmmm…" Napahawak sa baba ang matanda. "Paano kaya nangyari ito?"
"Sinabi mo na hindi agad makakabalik ang Matruculan dahil napinsala natin siya pero lumipat lang pala siya ng bahay at nambiktima pa rin," untag ni Mattia.
"Iyon ang alam ko, Mattia. Karamihan ng aswang ay nagpapahinga kapag nagkasugat."
"Pwes, mukhang ang Matruculan ay hindi marunong magpahinga."
"Siguro nakatulong ang pagkain niya ng tao para bumalik agad ang kaniyang lakas," sumabat na si Chubs sa usapan. Napakamot na lamang siya sa ulo dahil hindi rin niya maintindihan kung anong nangyari.
"Possible," tugon lamang ni Lolo Guido.
"Paano natin mapupuksa ang halimaw?" diretsong tanong naman ni Joriz. "May alam ba kayong paraan o orasyon?"
"Kailangan natin ng bolo. Kadalasan ang kahinaan ng mga aswang ay nasa likod— sa gitnang likod na bahagi," sagot ng albularyo.
"Hindi aswang ang kalaban natin!" — si Mattia.
"Isa pa ring uri ng aswang ang Matruculan. Possible na 'yon din ang kahinaan niya."
"Kung ganoon kailangan lang natin siyang masaksak sa likod," singit muli ni Chubs. "Kapag nagawa natin 'yon ay mamamatay siya."
"Gusto n'yo bang puksain ang halimaw? Paano n'yo naman magagawa iyon, mga iho? Hindi natin nalalaman kung saan lilipad ang Matruculan ngayong gabi," tanong ni Lolo Guido sa mga kabataan.
"Hindi po nagpapalipat-lipat ng lugar ang isang entity. May sarili po silang habitat at teritory katulad ng mga hayop. Sigurado akong nandoon pa rin sa barangay ni Nigel ang Matruculan," paliwanag naman ni Chubs.
"Sabagay, tama ka. Lahat ng biktima ay nakatira lamang sa iisang barangay. So we need to hunt it like a wild animal, huh?" untag ni Joriz.
"Ganoon na nga at babalik tayo kay Nigel mamayang gabi."
Napalunok si Joriz at nakaramdam na naman ng kaba. Mukhang hindi niya magugustuhan ang mga mangyayari pagsapit ng dilim.
"May kakayahan ba kayo para mahanap ang Matruculan?" usisa naman ni Mattia.
"Heh!" Tila nagmayabang na napangiti si Chubs at tinuro ang sarili. "Huwag n'yo kaming maliitin! Mga eksperto kami pagdating d'yan! Hindi ba, Joriz?" Siniko pa niya ang katabi sa upuan.
"Huh?" Napanganga at napatingin lamang sa kaniya ang tinanong.
***
EMF meter ang kadalasang ginagamit ng mga paranormal investigators upang ma-detect ang lugar ng mga elemento. Naniniwala noon ang mga pioneers na natutukoy rin ng mga electromagnetic fields meter ang presensya ng mga multo o masasamang espirito. Gayunpaman, hindi sang-ayon dito ang ibang mananaliksik at isinantabi ang ideyang ito bilang pseudo-science.
Ngunit dahil sa pagdami ng paranormal cases at paglitaw ng iba't ibang entity sa buong mundo na namiminsala ng mga tao. At kahit ang mga dalubhasang sayantista ay nakaranas ng nakakapangilabot na kababalaghan. Dahil sa mga pangyayaring ito, pinag-ibayo ang iba't ibang ghost-track equipment, hinasa at pinag-aralang mabuti.
Nabuo ang makabagong ghost detector na naglalayong makumpirma ang presensya ng mga nilalang.
Nakakabit sa drone camera ang ghost detector at pares ng dowsing rod. Malayo man ito o malapit, maituturo ng dowsing rod ang presensya ng hinahanap. Magmimistulan itong compass.
"Wow, hindi ko akalaing makakabuo sila ng ganitong mga equipment," humahangang sambit ni Mattia habang nakatitig sa tablet na hawak-hawak ni Joriz. Napapanood niya sa gadget ang mga kalsadang dinadaanan ng drone.
Kasalukuyan silang nasa parke, sa bungad ng barangay na pinangyarihan ng mga p*****n. Napapalibutan sila ng bermuda grass at poste ng ilaw. Nandito ang tatlong binata, si Lolo Guido at dumagdag si Nigel sa grupo.
"Kailangan talaga nilang bumuo ng mas modern at accurate na paranormal technology. Hindi na nagtatago ngayon ang mga nilalang sa dilim, lumalabas na sila kahit sa liwanag. Gayunman, 50-50 pa rin ang tyansa na mahanap natin ang Matruculan sa ganitong paraan," paliwanag ni Joriz.
"Huh? Bakit?" usisa ni Nigel.
"Dahil pwedeng ibang entity ang mahanap natin at hindi Matruculan," tugon nito.
Lahat sila ay napatingin sa equipment na nakalapag sa lupa. Kahugis nito ang mga AI speakers, ngunit mas malaki. May limang ilaw itong nakapalibot sa itaas na bahagi at nag-bli-blink lamang ang tatlo.
"Ang ibig-sabihin niyan ay may entity na nasasagap ang detector ngunit hindi ganoon kalakas ang presensya," paliwanag ni Joriz.
"Baka mga multo lang 'yan," — si Chubs at tumawa pa na parang nagbibiro.
"M-Mga multo?" Pero hindi iyon kinatuwa ni Joriz dahil mabilis siyang matakot sa mga ganitong bagay.
"50-50 lang daw ang chance," nanghihinalang tumingin si Mattia kay Chubs. "Ang yabang mo pa kanina... 50-50 lang pala..."
"Well, at least may chance!" wika ng matabang lalaki na nag-iwas ng tingin, nagkibit ng balikat at pilit na tumawa.
"Heh! Mas magaling pa pala ang paraan ko ng pag-detect ng halimaw!" Si Lolo Guido naman ang nagmayabang.
"Lolo, kaya mo lang gawin 'yan kapag malapit ang entity! Hindi mo kayang malaman kung nasaan siya ngayon," tutol ni Mattia sa abuelo.
Naputol ang asaran ng grupo nang nag-blink lahat ng ilaw ng equipment. Narinig pa nilang sunod-sunod na tumunog iyon na parang may emergency.
"Anong nangyayari d'yan?" tanong ni Mattia kay Joriz. Luminga sa kaniya ang binata at ipaliwanag ang nagaganap.
"Ngayon lang nangyari ang ganito, Mattia. Ibig-sabihin niyan ay may malakas na entity nade-detect ang drone."
"Possible kaya na 'yan na ang Matruculan?" — si Nigel.
"Kailangan nating puntahan! Joriz, saan ang tinuturo ng dowsing rod?" tanong agad ni Chubs.
Tinignan nila ang tablet at nakita sa video ang lugar na kinunan ng drone camera, nakaturo ang dowsing rod sa kanang kalye. "Anong street 'to?"
Sumilip si Nigel sa hawak ni Joriz at nakilala ang lugar. "Ah! Alam ko 'yan. Malapit sa Painted Anito!"
"Saan 'yon?"
"Sa The Edge. Paminsan-minsan ay nagpupunta kami roon ng mga kaklase ko para magpalipas ng araw."
"Tara na! Puntahan na natin," maagap na sabi ni Chubs sa mga kasamahan.
***