Kabanata 11: Painted Anitos

1909 Words
Bago dumating ang mga Kastila, nabubuhay ang mga katutubong Pilipino sa relihiyong paganismo at isa sa mga sinasamba nila— ang mga anito. Tumutukoy ang mga anito sa bulto ng hugis-taong inukit upang kumatawan sa espiritu ng mga ninuno, espiritu ng kalikasan at mga diyos-diyosan. Alas-kuwatro ng hapon nang makarating sila sa kalyeng tinuro ng ghost detector. Tumigil muna sila sa tapat ng makitid na daanan at sinuri ang dala-dalang equipment. "Ganoon pa rin ang detector, Mattia. Malakas pa rin ang puwersa ng entity. Ibig sabihin ay malapit lang dito ang target natin," wika ni Joriz na nakayuko't nakatingin sa hawak-hawak . "Saan nakaturo, Joriz?" "Dito." Itinuro ng binata ang makitid na daan. "Alam mo ba ang daan na 'to, Nigel?" Bumaling naman si Mattia sa binatilyong kasama. Tumango ang tinuran. "Daan ito papunta sa mga painted anito." "Kayo na ni Joriz ang mauna, susunod na lang kami sa likod ninyo." Binaybay nila ang mahaba at makitid na daan. Malapit na roon ang gusali ng mga coastguard, senyales na karatig lamang doon ang baybaying dagat. Pagkalabas nila sa daanan ay may bumulaga sa kanilang beach resort. Napapaligiran sila ngayon ng malinis at maputing buhangin. Napatigil sila sa paglalakad at napatitig sa lumulutang na floating cottage. May ilang residente roon na malayang naliligo at nagsasaya sa malamig na tubig. "Pwede ba tayong mag-swimming muna kahit saglit?" tanong ni Joriz na sinamyo pa ang sariwang ihip ng hangin. Napatitig siya sa grupo ng mga makikinis na kababaihang naglalaro ng volleyball. "Hindi tayo nandito para magbakasyon at tumingin sa mga bebot!" tutol naman ni Chubs. Ngunit sa kasawiang palad ay may naamoy na putahe ang lalaki sa malapit na 'Cottage and Resto bar' — dahilan para gumising ang mga alaga nito sa tiyan. "Pero kumain muna tayo." "Hindi rin tayo nandito para sa pagkain!" Si Mattia naman ang sumita sa matabang kaibigan. "Saan ang tinuturo ng detector, Joriz?" Sinuri muli ni Joriz ang hawak na equipment at napansin ang dowsing rod na nakaturo sa isang partikular na lugar. "Doon sa hagdan, paakyat sa mabundok na parte." Napatingin sila sa tinuro nito. May mataas na hagdan doon na patungo sa kinalulugdan ng mga painted anito. Nang makita kung gaano kataas ang aakyatin ay napasimangot nang malaki si Chubs. "Nigel, may kainan din ba roon sa itaas? Nakakagutom naman ang umakyat diyan!" "May sari-sari store doon sa entrance, may mabibilhan ng biscuits at inumin," tugon naman ng binatilyo. "Mattia, hawakan mo 'to." Napatingin sila sa kasamang matanda nang bigla itong magsalita sa kanilang likod. Iniaabot ni Lolo Guido sa apo ang dala-dalang bolo. Nang mahawakan ni Mattia ang sandata ay nagtataka itong tumitig sa matanda. "Kayo na ang umakyat sa hagdan, mga iho. Dito na lamang ako," paalam nito sa kanila. "Ha?" Napabuka nang malaki ang bibig ni Mattia. "Masakit na ang balakang ko dahil sa kakalakad at hindi ko na kayang umakyat sa hagdan. Mabuti pa at magpaiwan na lamang ako rito. Alam kong kaya ninyong apat kahit na wala ako. Malaki ang tiwala ko sa inyong mga kabataan." Magsasalita pa sana sila ngunit mabilis na hinubad ng ingkong ang pantalon at t-shirt, walang pasubali na tumakbo ito palusong sa dagat. Hindi na hinintay nito ang kanilang mga sasabihin. Walang nagawa si Mattia kundi panoorin na lamang ang abuelo habang abala ito sa paglangoy at pakikipag-usap sa grupo ng matatandang babaeng naliligo roon. "Grandpa, ditch us for girls!" bulaslas ni Joriz. "Masakit daw ang balakang pero may lakas na makipaglandian at lumangoy. Palusot lang niya 'yon!" pagsang-ayon ni Mattia. "Hayaan na natin si Lolo Guido na magpahinga nang kaunti. Hindi naman tayo magtatagal dito. Kung hindi natin makita ang Matruculan, aalis tayo agad. Tara na!" wika ni Chubs na naunang tumalikod at naglakad paalis. "Para makakain na rin ako," pahabol pang sabi. "Akala ko determinadong makahuli ng Matruculan, determinado pala sa pagkain," bulong na lamang ni Mattia at malalim na napabuntong-hininga. Napasapo pa siya sa noo at napailing dahil sa pinapakitang ugali ng mga kasama. Nakakita lang ng beach resort, parang nakalimutan na agad ng mga ito na may hinahabol silang evil entity. *** Halos lumawit ang dila nila paakyat sa mataas na hagdan, hinihingal silang nakaabot sa pinakatuktok, pagod na pagod ang mga itsura nila na animo'y tumawid sila sa ibang kontinente. Maliban na lamang kay Nigel na mukhang sanay na sa lugar. Sa bungad ng tourist spot ay may bahay-kubo, nakabukas sa gilid nito ang isang bintana at nakapalumbaba roon ang tagapagbantay. Ito ang nangongolekta ng entrance fee sa halagang bente pesos at ito rin ang tindera ng maliit na variety store. "Grabe, magkaka-abs ako rito, ah..." angal pa ni Chubs habang pinupunasan ang pawis sa noo gamit ang kamay. Narinig niyang nag-alburuto ang sikmura, animo'y may dumadaing na leon sa kaniyang umbok na tiyan. "Ano ba 'yan, Chubs!" pansin agad ni Joriz at sinundan ng panunudyo. "Nagwawala na ang mga alaga mong bulate sa tiyan. Baka kainin mo na kami." "Bili muna ako, guys!" Mabilis pa sa cheetah na nagpunta si Chubs sa bintana ng kubo at namili agad ng bibilhin. Si Nigel na ang kumuha ng log-in book at nagsulat doon para sa buong grupo. Nagkaroon sila ng pagkakataon na makapagpahinga nang saglit habang hinihintay ang kaibigan na makabili ng makakain. "Ano nang lagay ng detector, Joriz?" untag ni Mattia sa katabi, "Malakas pa rin ba rito ang presensya ng entity?" Umiling naman ang binata. "May tatlong ilaw na nakabukas. Biglang humina ang nade-detect ng equipment pero nakatutok pa rin ang dowsing rod sa loob nitong tourist spot." "Hanggang anong oras ang closing hours nito?" Bumaling naman si Mattia kay Nigel. "6:00pm pero pwede naman tayong mag-request sa may-ari na manatili kahit hanggang 10pm, pero syempre may karagdagang bayad." "Mabuti pa, pumasok na tayo sa loob!" yaya naman ni Chubs na may kinakagat nang biscuits sa bunganga. Naglakad sila papasok sa pinakaloob ng destinasyon. May ilang tao roon na kumukuha ng sariling litrato sa bawat istasyon o selfie spots. Ang iba ay kumakain, nagkakape o nakaupo sa ilalim ng patio umbrella. Nakakabighani ang kagandahan ng kalikasan, kahit saan mapadpad ang kanilang mga paningin ay berdeng halaman at mga puno ang nakikita nila. Tanaw rin doon ang bughaw na karagatan. Sa isang saglit ay tila nawala ang pokus nila sa tunay na pakay at nagbakasyon ang mga utak. "Saglit lang, bro. Hawakan mo muna 'to." Ibinigay muna ni Joriz kay Mattia ang detector bago tumayo sa nadaanang selfie spot. Hinugot nito ang cellphone at pumindot ng isang shot ng litrato habang nakangiti. Hindi na nakapagtimpi ang lalaki at kumuha na ng selfie. "Parang ewan," reaksyon ni Chubs na masama ang titig sa mapormang binata. At tila hindi pa nasiyahan si Joriz sa itsura niya sa picture, inangat niya muli ang kamay at pumindot pa ng tatlong beses "Joriz, kahit anong gawin mo, hindi mababago ng camera ang pagmumukha mo. Tabunan mo man ng sampung filter 'yan, pangit ka pa rin," pang-aasar ni Chubs kahit ang totoo ay si Joriz ang pinakagwapo sa kanilang apat. "Shut up, fatso!" "Guys, nawawala kayo sa focus, may hinahanap tayo 'di ba?" saway ni Mattia sa kakulitan ng dalawa. Naudlot ang asaran ng mga kabataan nang marinig nilang sunod-sunod na tumunog ang detector. Sabay-sabay silang napatitig sa equipment na may limang ilaw nang nakabukas. Nakaturo ang dowsing rod sa entrance ng Painted Anitos. Doon ay may nakatayo na nipa hut at may mga nakasabit na katutubong maskara sa mga haligi. "Nararamdaman n'yo ba ang nararamdaman ko?" tanong ni Mattia sa mga kasamahan. "Tara na, guys!" Nauna na siyang pumasok sa entrance, halos takbuhin niya ang pagpasok doon. Bumuntot naman ang tatlong lalaki sa likuran niya. Nang makatungtong doon ay sabay-sabay silang napahinto nang makita ang napakaraming Painted Anito. Ang disenyo ng bawat anito ay inspirasyon mula sa iba't ibang tribo na matatagpuan sa Pilipinas. Sa tapat ng mga Painted Anito ay may dalagang nakatayo at nakatitig sa mga bulto. Napalingon sa kanila ang babae. Nagtataka ang mga mata nito nang tumingin sa kanila. Nabighani agad si Joriz sa kagandahang taglay ng dalagita. "Hi, miss maganda, bakit ka mag-isa rito?" bati niya, matamis na ngumiti at itinaas ang kanang kamay. Samantala, kumunot naman ang noo ni Chubs na tumitig kay Joriz. Hindi nito maintindihan kung bakit biglang nagsalita ang kaibigan. Naglakad ang babae palapit sa kanila. Itinago agad ni Mattia ang detector sa kaniyang likod upang hindi iyon mapansin ng dalaga. "Hello din po. Namamasyal din po ba kayo?" usisa nito na may ngiti sa labi. "Opo. Malapit lang po ba kayo rito? Mukhang tinadhana tayong dalawa na magkita, miss." Nag-umpisa na naman si Joriz na pumorma at mag-scam ng magandang babae. Pilit na tumawa ang dalagita sa biro. "Sige po. Mauna na po ako, mag-enjoy nawa kayo rito sa Roxas City." "Nag-eenjoy na ako miss, ngayong nakikita na kita." Gusto nang manuntok nina Mattia at Nigel dahil sa cringe ng panghuhugot ni Joriz. Hindi na nakapagtatakang single ang binata dahil walang kwenta ang mga pick up line. Samantala, nakakunot-noo pa rin si Chubs at nalilito sa kinikilos ng mga kasama. "Sino ba kausap n'yo?" tanong nito ngunit walang pumansin. Paalis na sana ang dalaga nang maramdaman ni Mattia na nag-vibrate at tumunog muli ang detector na tinatago niya sa likod. Dumaan lamang sa harap niya ang babae, naging malakas muli ang signal ng equipment. Napagtanto ni Mattia ang isang bagay. Kung accurate at moderno ang hawak na kagamitan posible na hindi ito nagkakamali. Maaaring 50-50 na mahanap ang Matruculan ngunit malaki ang pursyento na ma-detect nito ang ibang entity. Kaya nasa 100% possibility na isang kakaibang nilalang ang dumaan na babae at hindi normal na tao. "Hindi kaya..." Hindi na niya natapos ang sasabihin. Walang pakundangan na hinabol niya ang dalaga. Nagtaka naman ang tatlo sa kaniyang kinilos. "Maaaring mali ako. Isang paraan lamang para makasigurado," aniya sa isip. Nang maabutan ay pinigilan niya ito sa braso. Napahinto naman ang babae sa paglalakad at tila nabigla nang luminga sa kaniya. Nagtama ang linya ng mga paningin nila. Tinitigan ni Mattia ang sarili niyang repleksyon sa mata ng dalaga. Nakabaliktad ang mukha niya sa balitataw nito. Sabi sa kaniya ni Lolo Guido noon, kapag baliktad ang repleksyon niya sa mata ng isang indibidwal, ibig-sabihin ay isa iyong elemento at nagpapanggap lamang na tao. Bawat nilalang daw ay kayang magtago ng tunay na kaanyuan. "Chubs, may nakikita ka bang babae?" tanong ni Mattia na nakatitig pa rin sa dalaga. "Babae? Wala! Naguguluhan ako sa inyong tatlo! Sino ba ang kausap ninyo?!" tugon nito. Wala nang pasubali o alinlangan sa kaniyang puso. Sigurado na siya batay sa nakita at sa sinabi ni Chubs. Itinaas niya ang kamao at biglang sinuntok sa mukha ang babae. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata nina Joriz at Nigel nang masaksihan ang ginawa ni Mattia. Sabay-sabay silang napasinghap at napabulaslas ng, "Oh s**t!" "Mattia, anong ginagawa mo? Hindi ganyan ang gender equality!" sigaw ni Joriz na napasabunot sa sariling buhok. Lumapit silang tatlo sa gawi ni Mattia. Samantala ang babae ay nakadapa na lamang sa alikabuking lupa. Nakasubsob ang mukha nito roon at tila wala nang malay. "Hindi siya tao! Hindi siya nakikita ni Chubs, ibig-sabihin isa siyang elemento," linya ni Mattia. Pagkasabi niya niyon ay umangat ang mukha ng babae at nanggagalaiting lumingon sa kaniya. Kitang-kita niya ang pangil nitong kasinglaki ng pating, tumutulo pa ang laway at namumula ang mga mata. Napangiwi si Joriz sa napagtanto at parang takot na aso na nagpunta sa likod ni Chubs. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD