Malapit nang magtakip-silim. Malapit na namang sumapit ang gabi at mapalibutan ang buong Roxas City ng kadiliman. Nakapokus ang mga mata ni Detective Bobby sa kalsada habang nagmamaneho ng police car. Nakahawak ang dalawang kamay nito sa manibela. Paminsan-minsan ay kinakausap nito ang kasamang pulis sa katabing pasenger seat.
"Wala ang mga junkies kanina..."
"Sa tingin ko po ay pagdating natin ay umalis na sila."
"Saan naman kaya nagpunta ang mga batang iyon?"
"Concern ba kayo, sir?" Nakangiti si Paxton. Para sa kaniya kahit madalas magbangayan ang grupo ay may lihim na pagmamalasakit si Detective Bobby para sa mga kabataan. Hindi lang nito alam kung paano magpakita ng tunay na damdamin.
"Bakit ako magiging concern? Puro sakit sa ulo ang binibigay sa akin ng dalawang iyon!"
Bahagyang natawa si Paxton. Kung magsalita ang kausap ay parang istriktong tatay ito nina Chubs at Joriz.
"May nakakaalam ba kung saan nagpunta ang dalawang junkies?"
Tumingin si Paxton sa hawak na smartphone. "Ayon sa text message ng isang kasamahan natin, nakita niya raw silang papunta sa The Edge." Nang basahin ang mensahe ay muli itong bumaling sa katrabaho. "Ba't mo ba sila tinatawag na junkies? Hindi naman mga addict ang mga batang 'yon. Sa totoo lang ay napakabait nila at handa silang tumulong sa kapwa."
Hindi nagsalita ang detective. Nakikinig lamang ito sa mga sinasabi niya.
"Noong una ay hindi rin ako sang-ayon sa ganitong pamamalakad. Karamihan ng paranormal investigators na pinapadala ng HEAP ay mga minors. Nakakabahala dahil napakabata pa nila para isuong ang mga buhay nila sa panganib. Tutol din ako. Hindi dahil ayaw ko sa kanila kundi dahil nag-aalala ako para sa kanila."
"Walang age limit sa HEAP. Basta nagustuhan ka ng HR Staff ay pasok ka sa kanila. Kalokohan na organisasyon. Dapat buwagin dahil walang kwenta!" patutsada pa rin ni Detective Bobby.
"Hanggang ngayon ba naman hindi ka pa rin naniniwala sa paranormal?"
"Hindi pa ako nababaliw para magpa-uto sa mga ganyan. Bakit naniniwala ka rin ba?"
"Kung totoo ang Diyos ibig-sabihin ay totoo rin ang mga kaluluwa at espirito. Naniniwala ako na nag-e-exist ang mga ibang nilalang sa ating mundo."
"Pare-pareho lang kayo!" wika ng imbestigador at ipinaling ang manibela sa kanan.
Hindi inaasahan ni Paxton na liliko sila. "Hindi tayo didiretso sa police station? Saan tayo pupunta?"
"Saan pa ba? Wala akong tiwala sa mga junkies na 'yon."
Napagtanto niyang determinado itong sundan ang dalawang kabataan kahit saan lupalop pa ang mga ito napadpad. Napatingin si Paxton sa ilabas ng bintana.
Nagunita niya ang mga bali-balita ukol sa kaibigang detective. Noon daw ay hindi ito seryoso sa propesyon, pulis patola at napakasiga. Isang beses na raw itong nasuspende sa trabaho. May koneksyon pa raw ito sa trade and d**g transaction sa Manila, ngunit wala pa namang nakakapagpatotoo sa mga tsismis.
Ngunit isang nakakagimbal na pangyayari ang dumating sa buhay nito. Sinasabi ng karamihan— nakarma ang batugan. Ang dalawa nitong anak na lalaki ay sunod-sunod na namatay dahil sa sakit. At dahil hindi nakayanan ng asawang babae ang hinagpis ng pagkawala ng mga anak, nakipaghiwalay ito sa binata. Simula noon ay nagbago na ang lalaki. Dahil wala na ang pamilya ay nagsimula itong magseryoso at ilaan ang buong buhay sa trabaho. Wala na itong takot mamatay. Lahat ay sinusugod kahit sino pa ang kalaban sapagkat wala na itong natitira sa buhay.
At naisip ni Paxton, hindi kaya nakikita ni Detective Bobby sa dalawang batang imbestigador, ang mga anak nitong yumao? Kahit pa, palagi itong nang-aasar at nagpapanggap na walang pakialam sa dalawa?
***
Samantala, nakikipaglaban naman ang mga kabataan sa Matruculan.
Halos hindi madiretso ni Joriz ang pagtayo dahil sa nanlalambot na tuhod. Nakaramdam siya ng pandidiri at panlulumo dahil nakikipag-flirt pala siya sa halimaw kanina.
Walang pakundangan na sumugod sa kanila ang halimaw at akma silang sasakmalin gamit ang malalaking pangil nito. Mabilis ang naging kilos ni Mattia at nagawa niyang iwasiwas ang hawak na bolo.
Napaatras ang Matruculan at naging imbisibol na naman.
"Iyan na! Nahanap na natin ang hinahanap natin! Pero paano natin papatayin ang isang 'to?! Wala ba kayong plano?" tanong ni Mattia sa mga kasamahan.
"May naisip ako!" wika naman ni Chubs. Umakbay siya kina Mattia at Nigel saka binulungan ang dalawa kung ano ang gagawin.
Napanganga at nagtaka naman ang mukha ng dalawang binata nang marinig ang sinabi ni Chubs.
Ngunit wala nang oras para mag-alinlangan, nararamdaman nilang papalapit na ang Matruculan at aatake na naman.
"Wala na tayong pagpipilian, subukan natin!" wika ni Mattia. Pagkasabi niyon ay nagpulasan na ang grupo. Kaniya-kaniya silang direksyon ng takbo papunta sa kagubatan. Medyo nalito naman ang halimaw kung sino sa kanila ang susundan.
Ngunit napagdesisyunan ng Matruculan na habulin ang pinakamataba sa kanila. Sulit na rin ang mga laman at fats ni Chubs. Pumasok ito sa loob ng kagubatan na ngayo'y unti-unti nang nawawalan ng liwanag dahil sa papalubog na araw.
Naisipan ng Matruculan na tanggalin ang pagiging imbisibol tutal ay makulimlim. Hindi nito kayang panatilihin ang abilidad sa mahabang oras sapagkat mabilis itong napapagod.
Tumingin ito sa paligid ngunit hindi nito matagpuan ang mga kabataan na ngayo'y nagtatago.
Lalong nanlaki ang mg mata ng Matruculan nang may may maramdaman ito sa kaliwang bahagi. Nagpantig din ang tainga nito nang marinig ang mga boses. Naisip nitong baka iyon na ang mga target. Ngunit bakit lumabas agad ang mga kabataan sa tinataguan?
Gayunpaman upang makasiguro ay pinuntahan nito ang pinagmumulan ng mga tinig.
"Ay manganganak na yata ako!" bulaslas ni Chubs sa baklang boses habang may suot na curly-brown wig sa ulo at nakasuot ng bistida. Dahil sa malaki nitong umbok na tiyan, nagmistulan nga itong buntis.
Kung iba ang sitwasyon, kanina pa humagalpak ng tawa si Nigel ngunit mas matimbang ang pangambang nararamdaman niya kaysa sa kalokohan ng kasama.
Nagtaka rin ang mukha ng Matruculan dahil hindi nito maintindihan ang ginagawa nila.
"Nandito na ba siya?" pasimpleng bulong ni Chubs at muling umakto na nasasaktan. "Ay puputok na yata ang patubigan ko!" sigaw niya na pinaririnig sa Matruculan.
"Oo," pasimple ring sagot ni Nigel dahil nakikita niya ang kislap ng mga mata ng halimaw sa dilim. Bumalik ang mga mata niya kay Chubs. Nais niyang tanungin ang binata kung saan nito nakuha ang wig at bistida saka bakit may dala-dala itong ganoon sa loob ng bagpack.
Naisip din ni Nigel na hindi naman kailangan ni Chubs na umakto pa na ganito para lamang maging pain sa halimaw. Pero hindi bale na lang...
Nagulantang at napasigaw sila nang walang alinlangan na sumugod sa kanila ang Matruculan. Nabuysit na yata ang halimaw sa kalokohan nila at pakiwari nito siya'y hinahamak.
Nang sumugod ang halimaw kina Chubs at Nigel, nagkaroon ng pagkakataon si Mattia na umatake. Lumabas siya sa tinataguan at tumalon mula sa puno para agarang makababa. Para siyang lumilipad sa alapaap habang hawak-hawak ang sandatang isasaksak sa kalaban. Bago pa man makaabot ang mga kuko ng Matruculan sa mga kaibigan, naiturok niya ang bolo sa gitnang likod nito.
Naramdaman agad nito ang saksak, napasigaw ito sa sakit bago bumagsak sa lupa. Kasabay ng pagbagsak nito ay ang paglapag ni Mattia.
"Ang galing mo, Kuya Mattia!" papuri ni Nigel dahil parang atake ng superhero ang ginawa ng kaibigan. Hinila niya si Chubs at kapwa sila lumayo sa halimaw.
Ang nakakalokong plano nila ay himalang nagtagumpay. Nagawa nilang ma-distract ang kalaban at mapinsala Salamat sa matabang utak ni Chubs.
Lumabas na rin si Joriz sa tinataguan, may mga sangay ng mayayabong na dahon pa sa ulo nito para makapag-camouflage sa gubat.
Napatingin sila sa halimaw na ngayo'y hindi na gumagalaw at nakahiga na lamang sa lupa.
"A-Ano nang gagawin natin?" tanong ni Joriz na nangangamba pa rin kahit nakahiga na lamang ang Matruculan.
"Tawagin natin si Lolo Guido, alam niya kung anong gagawin sa labi ng halimaw," suhestyon ni Mattia na agad tumalikod at naglakad paalis.
Ngunit bago pa sila tuluyang makalayo, lumingon muli si Joriz at nag-iwan ng huling tingin sa labi ng Matruculan. Napahinto siya sa paglalakad nang biglang kumislot ang katawan ng halimaw.
Ilang sandali pa ay bumangon muli ang kalaban, umangil dahil sa poot na nararamdaman, at biglang sinugod ang likod ni Mattia.
"Mattia!" isinigaw ni Joriz ang pangalan ng kaibigan ngunit huli na.