Nakahanda na ang dinner namin. Nagpaluto si Mader ng espesyal na pagkain dahil inimbitahan niya si Edison na kumain sa bahay. Ito ang unang pagkakataon na magkikita siya at unang punta niya sa bahay. Pareho kaming kabado dahil bigla lang sinabi ni Mader na papuntahin ang nobyo ko.
"Ano sa tingin mo sasabihin sa atin?" Tanong ko kay Edison.
"Wala akong idea," sagot niya. "malay mo kakausapin lang tayo."
Tinawag na kami ni Ate Berna para kumain.
Tahimik kaming kumain. Tanging mga tunog ng kubyertos lang ang naririnig.
"Oh, kuha ka pa ng ulam Edison!" Pambasag ni Papa sa katahimikan, inilapit niya ang chicken afridata.
"Naku, marami na po akong nakain. Masarap po kasi ang pagkakaluto."
"Si Misis nagluto niyan," tiningnan ni Papa si Mader na patuloy lang sa pagkain. "isa lang yan sa mga specialty nya."
Kada ilang subo ni Mader ay sumusulyap sya kay Edison. Matalim ang tingin, madamot ngumti. Si Ate Berna naman ay busy sa cellphone.
Pagkatapos kumain ay sinamahan ko uli si Edison sa sala. Magkatabi kaming umupo sa sofa habang nakasunod naman si Mader na umupo sa maroon accent chair namin na mataas ang sandalan.
"Gaano na kayo katagal?" Unang tanong ni Mader.
Napatingin sa akin na tila sinisiguro kung tama ang kuwenta niya ng buwan. "Ten months po, Ma'am."
"Sa tagal nun, hindi ba sumagi sa isip mo na pumunta sa bahay para magpakilala?" Pangalawang tanong. Diretso ang tingin ni Mader.
Napatikhim siya. "Hinintay ko po kasi ang desisyon ni Bea kung kailan siya handa."
"So, okay lang sayo na sa labas kayo nagkikita?"
Hindi na niya masagot. Sinalo ko na lang.
"Mader, natakot lang kasi ako na pag nalaman mo ay mabalik sa dati yun gawin mo sa akin."
Hindi pjnansin ni Mader ang sinabi ko. Nagpatuloy siya kay Edison.
"Alam mo, Edison, kung hindi pa nagsabi Auntie nito na may nobyo sya at di ko pa malalaman." Paliwanag ni Mader na nagbigay ng kaba sa akin. "Umamin lang sya nun naipjt sya dahil may nanliligaw sa kanya sa probinsya na akala ng Auntie niya ay sasagutin na niya."
Inipit ko ang dalawang kamay ko sa hita ko dala ng nerbyos. Hindi ko makuhang tumingin kay Edison kasi wala din siyang alam tungkol kay Daryl.
Natapos ang usapan na hindi ko namalayan. Nagpaalam si Edison na uuwi na. Hinatid ko siya sa labas kung saan nakapark ang sasakyan niya. Walang salitang binitawan maliban sa isang kaway bago sya sumakay ng kotse.
Nag-umpisa na ang pasukan. Halos patapos na ang unang subject namin pero absent si Edison. Sabi niya nag-enroll sya sa same schedule na napili ko para magkaklase kami.
"Nasan si Edison?" Usisa ni Hanna.
"Di ko nga alam eh." Sagot ko.
"Bakit di mo tawagan o i-message?" Tanong ni Rachel.
"Offline ata siya. Di pa nya na-seen ang message ko simula kahapon." Nagcheck uli ng inbox. Ganun pa rin. "Try ko tawagan."
Nagdial ako at dinikit sa tenga ang cellphone habang naglalakad kami papuntang Campus Cafe nang makita kong palabas ng parking ang kotse ni Edison. Hinabol ko at kinatok ang glass window sa driver side.
"O, wala ka sa klase kanina?"
"Hindi ako nakahabol sa schedule ng nakuha mo," nagsasalita sya pero nagkakalikot ng barya sa kotse. Ni hindi ako tinapunan ng tingin. "Sige, may lakad pa ako."
Nakatulala akong naiwan sa kinatatayuan ko. Malamig ang pakitungo nya sa akin na habang nagsasalita sya ay parang aksaya ng panahon ang kausapin ako.
Nakatingin sa akin sila Hanna. Nagpatuloy na lang kami sa paglalakad hanggang makarating kami sa Cafe.
"Anong nangyari sa inyo?" Hinahalo ni Hanna ang whipped cream ng Choco Cream niya.
"Kasalanan ko." Inamin ko na. Malamang ako naman talaga may kasalanan. Kinuwento ko ang buong pangyayari sa kanila. Baka pwede naman na ako maging totoo.
Sumubo ng clubhouse sandwich si Rachel. "So, ano pakiramdam mo ngayon?"
Kinapa ko ang sarili ko. Pangit naman na sabihin kong masaya ako dahil at least legal kong masasagot si Daryl. Pero parang awkward kaya lang siya naman talaga ang gusto ko. "Sakto lang. Hindi naman masaya pero pakiramdam ko na alangan kung sagutin ko agad si Daryl dahil nagkalabuan kami ni Edison."
"Eh papunta ka naman na ata dun eh," prangkang sabi ni Hanna. "sa tono mo pa lang ay humahanap ka lang ng timing na masagot mo yun isa na hindi pangit ang image mo. Ganun din yun."
"Hala, awkward!" Bulalas ni Rachel. "Imagine mo, magmessage ka sa Daryl na yan tapos sabihin mo: uy, hiwalay na kami. Parang ginawan mo talaga ng paraan para maging kayo."
Napaismid ako. Ganun man ang magiging scenario pero nagsabi naman ako sa kanila ni Auntie na kakausapin ko si Edison para maayos namin ang tungkol sa amin.
Kinagabihan, nag-ipon ako ng lakas ng loob na magmessage kay Daryl. Nakita ko online siya.
Bea: Musta?
Lumipas ang ilang oras, walang reply. Tiningnan ko yun convo namin ni Edison, hindi pa rin niya binabasa ang message ko.
Tuluyan na akong iniwasan ni Edison. Pag nakikita ko siya sa campus, tinitingnan ko siya pero kahit sulyap ay di niya maisukli sa akin. Mas magaan sana kung nagkaroon kami ng formal breakup para kahit paano ay maging magkaibigan pa rin kami.
Sinubukan kong tawagan si Jomar para makibalita. Pansin ko kasi lampas one month na yun message ko kay Daryl pero walang sagot.
"May balita ka ba kay Daryl?" Hindi na ako nahiyang magtanong.
"Ate, di ba siya nagsabi sayo?"
"Nagsabi ng ano?"
"Mukhang wala kang alam ah," biro niya. "Umalis siya last week dahil dinig ko pinadala siya ng kompanya nila sa Japan para sa training daw."
Nagulat ako. "Hanggang kailan daw?"
"Ay, yan ang hindi ko alam kung kailan kasi narinig ko ang kwento na yan nun nagtambay kami sa tennis court."
"Sige di bale, subukan ko na lang siya i-message uli."
Pagkatapos ng usapan namin ay nag-isip na ako ng itype kong message.
Nakaupo ako sa kama ng 11:00 PM ng gabi. Mahimbing na si Ate kaya sakto ang katahimikan para makapag-isip ako ng paraan. Sana lang umubra ang strategy ko.
Ano ba ang magandang intro para magreply siya? Anong message ang pwede ko sabihin para magkaroon siya ng interes na magreply.
'Ah, alam ko na!" Sabi ko sa sarili ko.
Bea: Uy, balita ko natuloy ka na sa training mo sa Japan. Congrats!
Napahiga akong bigla sa nabasa ko sa messenger.
YOU CANNOT REPLY TO THIS CONVERSATION
Kung pwede lang maglupasay sa hatinggabi. Nakablock na ako.
Wala na.