"Hanggang ngayon ay 'di pa rin ako makapaniwala na si Haya Kaira ang tinutukoy ni Prinsipe Arsh," wika ni Ysabelle sa tabi ko. Kanina pa ito nagdadaldal sa tabi ko at paulit-ulit na binabanggit ang nangyari kanina.
Hindi rin ako makapaniwala sa sinabi ni Haya Kaira.
Kasalukuyan kaming naglalakad pabalik sa loob ng palasyo. Tahimik lang akong naglalakad, samantalang sila Ysabelle at ang iba pang mga taga-silbi ay 'di matigil sa pagku-k'wentuhan tungkol sa naganap sa patyo. Halos lahat ay nabigla maging si Prinsipe Arsh no'ng sumipot si Haya Kaira at sabihing siya ang babaeng hinahanap ni Prinsipe Arsh. Sinabi nitong siya ang taong dalawang beses nang nakabangga ng Prinsipe.
Lahat ay napaniwala niya... maliban sa 'kin.
Hindi ako naniniwala kay Haya Kaira. Paanong siya 'yon kung ako naman talaga ang nakabanggaan ni Prinsipe Arsh ng dalawang beses?
Hindi kaya... ibang tao ang nakabangga ko? Pero imposible! Hawak ko ang bracelet ni Prinsipe Arsh na magpapatunay na siya nga ang nakabanggaan ko at ako ang taong hinahanap niya at hindi si Haya Kaira.
Wala akong tiwala kay Haya Kaira. Sa masamang ugali na mayroon siya, hindi na ako magtatakang nagsisinungaling na naman ito. Hindi ko alam kung ano ang binabalak niya kung bakit nagawa niya iyon. Malamang ay para na naman ito sa pansariling kabutihan niya kahit pa manloko siya ng ibang tao.
Wala na talagang ibang alam si Haya Kaira kung ‘di magpanggap.
"Zariya?" Nawala ang aking iniisip nang magsalita si Ysabelle. Hinuli nito ang mga mata ko. "Mukhang malalim ang iyong iniisip. May problema ba?"
"W-Wala," pagtanggi ko.
Matapos dumating ni Haya Kaira at umamin, pinaalis na kaming lahat. Tanging si Prinsipe Arsh at Haya Kaira lamang ang natira sa patyo. Hindi man lang nagdalawang-isip ang Prinsipe kung totoo ba ang sinasabi ng binibini.
Paniguradong mag-uusap ang dalawa.
Ano naman kayang pag-uusapan nila? Bakit naniwala agad si Prinsipe Arsh? Hindi ba niya mapakiramdaman na hindi ang babaeng nasa harap niya ang kaniyang hinahanap? Iyon ay pagpapanggap lamang ni Haya Kaira!
Madali lang naman sabihin na siya ang hinahanap kahit walang katotohanan ito. Pero mas malaking palatanungan sa 'kin kung bakit ginawa ni Haya Kaira 'yon? Anong motibo niya? Bakit kailangan niyang magsinungaling? Base nga sa sinabi ni Ysabelle, hindi lingid sa lahat ng narito sa palasyo na may namagitan sa kanila ni Prinsipe Arsh at ngayon ay ikakasal na siya kay Prinsipe Ravi, hindi kaya ito makakaapekto sa relasyon na mayroon siya sa magkapatid na Prinsipe?
Maaaring pag-ugatan ito ng malaking tensiyon sa pagitan ng dalawang magkapatid. Sana man lang ay naisip iyon ni Haya Kaira.
"Ano na kayang mangyayari ngayon? Inamin na ni Prinsipe Arsh na umiibig na siya sa babaeng tinutukoy niya at ngayong natagpuan niya na si Haya Kaira, paano na?" Mas umingay pa lalo ang bulungan ng mga kapwa ko taga-silbi sa tanong ni Ysabelle. Nangunguna si Ysabelle sa pagchi-chismis na sinusundan naman ng iba.
Silang lahat ay nakagawa na ng sariling konklusyon. Interesado ang lahat sa posibleng mangyari matapos ang pag-uusap ni Prinsipe Arsh at Haya Kaira. Hindi sila natakot na ipahayag ang opinyon ng bawat isa.
Nakikinig lamang ako sa mga pinag-uusapan nila, ayokong sumali.
Sa aming lahat na narito, ako lang ang may alam ng totoo. Wala silang kamalay-malay na kasama lang nila ang tunay na hinahanap ng ikatlong Prinsipe.
"Iyan din ang tanong ko ngayon, Ysabelle." sumbat ni Selina, isa sa kasamahan namin na mukhang ka-edad ko lang din. "Mukhang magkakagulo sa pagitan ng magkapatid na si Prinsipe Ravi at Prinsipe Arsh. Lalo pa kung ang paiiraling ng dalawang Prinsipe ay ang kanilang mga emosyon. Maaaring sa pagkakataong ito, hindi na magparaya si Prinsipe Arsh."
Nagsitanguan ang lahat. Tila sumasang-ayon sila sa sinambit ni Selina. Malakas din ang pakiramdam ko na mangyayari 'yon. Malapit nang ikasal si Prinsipe Ravi at Haya Kaira at ngayon, eeksena si Prinsipe Arsh. Ewan ko ba kung bakit 'di yata talaga naisip ni Haya Kaira ang maaaring maging resulta ng pagsisinungaling niya. Relas'yon ng magkapatid ang nakataya rito at maaaring masira iyon dahil sa isang kasinungalingan.
"Isipin niyo..." Huminto saglit si Ysabelle at sinenyasan ang ilan na mas lumapit sa kaniya para kami-kami lamang ang makakarinig. Halata na tuloy na nagchi-chismisan kami dahil nagkukumpulan na kami rito. Hindi alintana ng lahat na nasa daan kami at posibleng mahuli kami.
Itong si Ysabelle pagdating talaga sa chismisan, ayaw paawat.
Humina ang boses ni Ysabelle dahil sa takot. Chi-chismis pero ayaw magpahuli. "Alam naman nating lahat na dating magkasintahan si Prinsipe Arsh at Haya Kaira, 'di ba? Ibig sabihin, maaaring sa pagkakataong ito ay 'di na nga talaga magpapaubaya si Prinsipe Arsh. Baka 'di na niya hahayaang maagaw ni Prinsipe Ravi ang dati nitong kasintahan lalo pa kung may natitirang pagmamahal pa ito para kay Haya Kaira. Paano na lang kung mahal din pa pala siya ng binibini? Hindi malabong ipagpalit nito ang ikaunang Prinsipe sa ikatlong Prinsipe."
Muli, nagsitanguan na naman silang lahat. Ako ay nanatiling walang imik. Unti-unting nabubuo sa 'king isipan ang naging rason ni Haya Kaira kung bakit ito nagsinungaling. May koneksyon ‘yon sa pagitan nilang tatlo, ang dalawang Prinsipe at siya.
"Anong kaganapan dito?" Halos lumundag ang puso ko sa gulat. Dahan-dahan namang nagsialisan ang mga taga-silbi mula sa kumpulan na pinamunuan ni Ysabelle. Yumuko kaming lahat nang makita sa aming harapan si Prinsipe Dern. Para kaming nabatukan at bumalik sa wisyo.
Namasyal ang paningin ni Prinsipe Dern sa aming lahat. Ang iba ay 'di makatingin sa kaniya dahil sa kabang nararamdaman. Tila sinusuri kasi kami ni Prinsipe Dern gamit ang paningin nito dahil wala ni isang ibig sumagot sa kaniyang tanong.
Sino ba naman kasing gustong magsabi ng pagchi-chismisan ang inaatupag namin kaysa magmadaling bumalik sa kaniya-kaniyang trabaho? Takot lang namin na magsumbong ito at mapatalsik pa kami sa palasyo.
"Hmm..." ani ni Prinsipe Dern sabay crossed arms at nagsimulang maglakad-lakad. "Base sa mga reaksyon ng inyong mga mukha at dahil na rin nasa gitna si Ysabelle sa kumpulan niyo kanina, napagtanto kong kayo ay may kainte-interesadong talakayan. Maaari ko bang malaman kung ano ito? Kung inyong mamarapatin lang naman."
Palipat-lipat ang paningin niya sa bawat isa na nasa harap niya. Ako naman ay inilayo ang paningin sa kaniya nang hindi ako ang mausisa nito. Umiiwas ako na mapansin ako ng Prinsipe.
Wala pa ring ibig magsalita kaya naman si Ysabelle na ang nag-volunteer. "W-Walang talakayan na nagaganap!"
Napangisi si Prinsipe Dern sa defensive na b'welta ni Ysabelle. "Wala kang maloloko rito, Ysabelle. Kilala na kita kaya't sa t'wing may kumpulan na nangyayari sa inyong mga taga-silbi, alam kong ikaw ang nangunguna rito." Bakas sa tono nito na kampante siya sa kaniyang ibinigkas.
"Bakit ako?" naiinis na tanong ni Ysabelle.
Napapangiti ako nang palihim dahil totoo naman ang sinabi ni Prinsipe Dern. Kahit 'di pa ako gano'n katagal dito sa Kaharian ng Norland, sapat na ang mga araw na nakasama ko si Ysabelle upang malaman na may ganito siyang pag-uugali. Sa sobrang kadaldalan niya ba naman ay 'di na nakakapagtaka.
Hindi ko na napigilang mapahagikhik. Nagsitinginan tuloy silang lahat at maging ang ibang taga-silbi ay 'di mapigilang mapatawa na rin. Kilalang-kilala na namin si Ysabelle, hindi na niya ito mapagkakaila pa.
Siya ang leader ng mga chismisosa/so rito.
"Z-Zariya! Pati ba naman ikaw ay naniniwala kay Prinsipe Dern?" Bakas sa boses nito ang pagtatampo na sinabayan pa niya ng pag-pout. Ang cute niya tuloy tingnan, nakakarupok. "Kasalanan ko bang mas marami akong nalalaman at gusto ko lamang ibahagi sa iba ang impormas'yong 'yon?" Humanap pa talaga siya ng dahilan na ikalilinis ng kaniyang pangalan.
Nagkatinginan kami ni Prinsipe Dern at sabay na napangiwi dahil alam naming pareho na nagdadahilan lamang si Ysabelle.
"Zariya!" wika nito ulit dahil nahuli niya kaming dalawa ni Prinsipe Dern. Napakagat ako ng labi at umiwas ng tingin sa Prinsipe.
Nag-peace sign ako sa kaniya at natatawang humingi ng dispensa. "Pasensiya ka na, ha? God bless."
Kumunot ang noo nito sa huling dalawang salita na aking binanggit. Hindi na ako nag-aksaya ng oras na i-explain sa kaniya. Patuloy pa rin na inasar ni Prinsipe Dern si Ysabelle, nakisali na rin ang iba pang taga-silbi.
Nagpaalam na akong iwan na sila dahil balak ko pang dumiretso muna sa chapel. Nandito na rin naman ako kaya dadaan na muna ako rito kahit saglit lang. Ang tagal ko na rin kasing 'di nagsimba. Ang huling beses na apak ko sa simbahan ay noong nasa modern world pa ako.
Ngayon lang ako nagawi rito at laking tuwa ko nang malaman na may chapel din pala sila rito sa loob ng palasyo. Nagdiretso na ako sa harap ng chapel at may tatlong kawal ang nakabantay ro'n. Tinanong nila ako kung anong gagawin ko sa loob. Natawa nga ako dahil ano bang p'wedeng gawin sa loob maliban sa magdasal?
Mahirap din palang makapasok sa chapel. Kailangan mo muna ng isang sapat na rason para payagan kang pumasok.
"Huwag kayong mag-alala dahil magdadasal lamang ako. Hindi naman ako p'wedeng maglaro r'yan sa loob dahil minus ten ako sa langit 'pag nangyari 'yon."
Nagkatinginan silang tatlo saglit at tila nag-uusap sa kanilang isipan kung papapasukin ba nila ako o hindi. Pero sa uli, naglakad sila paalis sa pinto ng chapel at binigyan nila ako ng space upang makapasok na sa loob.
Buti naman at hindi na sila nagmatigas pa sa akin.
"Maraming salamat," ani ko.
Malayang nakabukas ang malaking pinto ng chapel. Mula rito sa bungad ng chapel, ay tanaw ko na ang altar na naroon sa gitna. Humakbang na ako papasok. Iginala ko ang paningin sa kabuuan ng chapel. Hindi ito gano'n kalawak, mga nasa fifteen na katao lamang ang maaaring pumasok rito. Sakto lang talaga sa bilang ng taong nasa loob lang ng palasyo. Hindi naman sabay-sabay ang lahat na pumasok rito kaya naman tama lang ang espasyo nito.
May mga painting na nakaukit sa dingding at kisame ngunit 'di ito kagandahan at katingkaran ang kulay gaya ng mga nakikita sa mga simbahan sa modern world, kulang pa sila sa mga kagamitan na pampakulay. Ang mga upuan naman ay pahaba rin at gawa sa kahoy. Kung ikukumpara sa modernong mundo, masasabi kong malaki ang improvement naming nasa modern world. Mas napaganda pa namin ang mga sinaunang kagamitan.
Hindi na ako pumuna ng iba pang bagay na makikita sa loob.
Naupo na ako sa bandang gitna. Lumuhod ako bago taimtim na nagdasal. Pinagdasal ko na nawa'y gabayan pa Niya ako habang namamalagi ako rito sa Kaharian ng Norland at sana ay bigyan pa ako ng lakas upang maharap ko ang iba pang p'wedeng maging problema. At ang huli kong pinagdasal ay sana magawa ko na ang misyon ko para makabalik na ako sa mundo ko. Sana ay magwagi ako at walang masamang mangyari sa akin.
Nang matapos kong magdasal, balak ko na maupo na muna saglit bago tuluyang lumabas. Kasabay nang pag-upo ko ay siyang pagdaplis ng tingin ko sa taong nasa upuan na nasa harap ko. Tinuon ko ang paningin ko sa kaniya. Nakayuko ito at taimtim na nagdadasal. Kahit nakatalikod ito sa 'kin, sa kulay asul na buhok niya pa lang ay kilala ko na.
Hindi ko namalayan na nasobrahan ako ng pagkakatitig sa kaniya hanggang sa tumayo na ito at nahagip niya rin ang paningin niya sa 'kin.
"Zariya," banggit niya sa pangalan ko.
Yumuko muna ako bilang pagbibigay respeto at tumango. "Nandito ka rin pala, Prinsipe Arsh."
"Nagpasalamat lamang ako dahil pinakinggan ako ni Bathala sa aking pinagdasal..." Huminto ito at tila namagnet ang paningin ko sa kaniyang mga mata. "Nahanap ko na ang babaeng tinutukoy ko kanina."
Pilit na ngiti ang pinukol ko sa kaniya dahil alam ko kung ano ang totoo. And at the same time, nakokonsensiya ako dahil hindi ko masabi sa kaniya.
Mali ang paniniwala niya kung si Haya Kaira ang inakala niyang hinahanap niya.
"Masaya akong nahanap mo na ito."
Kung alam niya lang sana kung ano ang totoo, kung alam niya lang na hindi si Haya Kaira ang babaeng hinahanap niya kung 'di ako. Ako ang babaeng tinutukoy niya.
"Arsh?" Napalingon kaming sabay ni Prinsipe Arsh sa babaeng nagtawag ng pangalan niya, si Haya Kaira.
"Masasamahan mo ba ako?" ani nito sa malambing na boses.
Grabe, ang galing talaga nitong magpanggap! Ilang seminars kaya in-attend nito para maging ganito siya kagaling magbalat-kayo? Napakaplastic, ha!
"Oo, Haya Kaira, sasamahan kita."
Iniwas ko ang paningin ko sa kanilang dalawa. Iginala ko na lang ang paningin ko sa ibang parte ng chapel. Animo'y wala akong pakialam sa dalawang taong nasa harap ko ngayon.
Iniisip ko kung paano ba ako magpapaalam na aalis na. 'Di ko mabigkas ang mga salitang nais kong sambitin upang magpaalam.
"Zariya," ani ni Haya Kaira kaya napalingon ako rito. "Hindi ka pa ba aalis? Baka hinahanap ka na ni Kharim Celia? Baka may mga gawain ka pa sa loob na kailangan mong tapusin agad?"
Hindi naman halatang pinapaalis na niya ako, 'no? Ang atat naman nitong ipagtabuyan ako. Pero ayos na rin dahil gumawa siya ng way para makaalis na ako. Hindi ko na rin naman maatim na makita pa 'tong si Haya Kaira sa pagbabait-baitan. Ang sakit sa mata, e'.
Hindi niya na ako hinintay na sumagot.
"Sige na, makakaalis ka na, Zariya. Dahil may pupuntahan pa kami ni Prinsipe Arsh." Sabay lingkis nito sa kanang braso ng Prinsipe.
Siya ba’y walang hiya? Hindi ba siya natatakot na posible silang mahuli ni Prinsipe Ravi na fiancee niya?
Dahan-dahan namang inalis ni Prinsipe Arsh ang kamay ni Haya Kaira sa braso nito. Nabigla rin si Haya Kaira pero umakto itong wala lang sa kaniya. Nanatili pa rin itong nasa tabi ni Prinsipe Arsh.
"Huwag kang mag-alala, Haya Kaira dahil iyon din ang balak ko dahil tutulong pa ako sa mga gawaing kusina. Kaya maiwan ko na kayo, Haya Kaira at Prinsipe Arsh," wika ko sabay yumuko.
Tumango si Haya Kaira at nagbigay na naman ng isang pekeng ngiti. Hindi ko na lamg ito pinansin. Tumalikod na ako sa kanila at akma na sanang humakbang nang mapahinto ako nang tawagin ako ni Prinsipe Arsh.
"Sandali, Zariya…" pagpigil nito sa 'kin.
Hindi ako agad lumingon at nanatili pa rin akong nakatalikod habang hinihintay ang sunod na sasabihin nito. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaba sa posibleng sasabihin niya. Idagdag pa na napakaseyoso ng boses niya at maging ang hitsura nito.
"Bago ka umalis, may nais ka bang sabihin sa 'kin?"
Kumunot ang noo ko. Saan naman nagmula ang tanong niyang 'yon? Ano naman ang sasabihin ko sa kaniya maliban sa kung ano ang totoo... na ako talaga ang hinahanap niya at hindi si Haya Kai--- Teka... Hindi kaya nabasa niya ang nasa isip ko ngayon?
Naalala ko na may kakayahan pala siyang magbasa ng isip!
Kinain na ako ng matinding kaba. Dali-dali akong humarap sa kaniya. "W-Wala, Prinsipe Arsh. Wala akong nais na sabihin sa ‘yo."
Hindi ako makaiwas sa tingin na pinukol niya sa 'kin. Mas lalo tuloy akong 'di mapakali. Tila sinusuri ako nito.
"M-Mauna na ako sa inyo," ani kong nauutal.
Mabilis na akong naglakad palabas para makatakas sa tingin ni Prinsipe Arsh.
Sa paglalakad palabas, ‘di ko maiwasang magdasal ulit.
Nawa'y mali ang hinala ko. Nawa'y 'di niya nabasa ang nasa isip ko.