"Hayaan mong samahan kita, Zariya. Delikado para sa isang Haya na pumunta sa kagubatan na mag-isa lamang," pagpu-pumilit ni Prinsipe Ravi.
Palabas na sana ako sa gate ng palasyo upang magtungo sa kagubatan para kumuha ng mga halamang-gamot na inutos sa 'kin ni Kharim Celia nang makasalubong ko si Prinsipe Ravi at pinigilan ako nitong magpatuloy hangga’t wala akong kasama.
Dalawang beses ko nang tinanggihan ang offer niya na samahan niya ako dahil naalala ko ang sinabi ni Haya Kaira sa 'kin kahapon. Layuan ko raw si Prinsipe Ravi. Hindi ko alam kung bakit niya nasabi 'yon. Ang dating nang sinabi niyang 'yon sa 'kin ay parang hinaharot ko ang fiancee niya. Wala naman akong balak na agawin sa kaniya si Prinsipe Ravi. Kailan man ay hindi ko pinangarap maging kabit o ‘di kaya’y manira ng relasiyon. Tumanda na lamang akong matanda kaysa gawin ang bagay na magpapahamak lamang sa akin.
Bago sagutin si Prinsipe Ravi ay napasadahan ko ng tingin ang taong nasa terrace ng kaniyang silid, si Haya Kaira. Nakatingin siya ngayon rito sa direksiyon namin ni Prinsipe Ravi. Baka kung ano na naman ang isipin niya. Nakakapraning ba talaga ang magkaroon ng fiancee or boyfriend? Kung oo man, parang ayoko na lang subukan. Stress at mentally unstable lamang ang dulot nito sa akin.
Binaling ko ang atensiyon ko kay Prinsipe Ravi na nasa harap ko ngayon. "Hindi na, Prinsipe Ravi. Hindi naman ako magtatagal do'n kaya huwag kang mag-aalala.”
Dalawang uri lang naman ng halamang gamot ang ibinilin sa 'kin. Pagkatapos kong makuha 'yon ay babalik na ako rito agad. Wala na akong ibang gagawin sa labas.
"Kung ayaw mong samahan kita, mag-uutos na lamang ako ng dalawang kawal upang samahan ka." Matigas talaga ang Prinsipe na bigyan ako ng kasama sa labas.
Akmang maglalakad na siya papunta sa mga nakahilerang kawal na naroon sa gilid ng malaking gate upang mamili ng uutusan nang may nagsalita mula sa likuran ko.
"Hindi na kailangan, Ravi. Ako na ang bahalang samahan si Zariya."
Sabay kaming napalingon ni Prinsipe Ravi sa taong nagsalita. Walang emosiyon ang kaniyang mukha na nakatingin sa amin. Tila kanina pa siyang nakikinig sa usapan naming dalawa.
"P-Prinsipe Cozen?" Yumuko ako para magbigay respeto.
Hindi ko inaasahan na narito siya ngayon sa palasyo. Mula noong dumating ako, 'di ko pa nakitang nasa palasyo si Prinsipe Cozen ng ganitong oras. Lagi lang siyang nasa labas ng palasyo at madalas na napapa-away kaya nga napapadalas din ang sermon ni Haring Valor sa t'wing kakain sila ng hapunan. Dahil sa pakikipag-away niya, lumalayo ang loob ng kaniyang Amang Hari sa kaniya. Maghapon na nga raw na wala siya sa palasyo ay puro away pa ang inaatupag. Pinipilit pa ng kaniyang Amang Hari na manatili na lamang siya rito at tumulong sa pamamahala ng kanilang Kaharian. Ngunit tila iba ang nais na gawin ni Prinsipe Cozen sa kaniyang buhay. Ang kaniyang nais na buhay ay nasa labas ng palasyo.
"Ngunit--" Hindi na naituloy ni Prinsipe Ravi ang kaniyang sasabihin dahil hinila na ako ni Prinsipe Cozen palayo kay Prinsipe Ravi habang hawak-hawak ang aking kamay.
“Wala kang dapat ikabahala dahil hindi ko ipapahamak si Zariya,” habol na saad ni Prinsipe Cozen.
Nauunang maglakad si Prinsipe Cozen hanggang sa makalabas na kami nang tuluyan sa palasyo ay 'di pa rin niya binibitawan ang aking kamay. Nakaramdam tuloy ako ng pagkailang lalo pa't napapatingin sa amin ang mga nakakasalubong namin sa daan. Baka pati rito ay judgemental ang mga tao at kung ano pa ang isipin nila. Gawan pa nila kami ng issue.
Ginalaw ko ang aking kamay na hawak niya kaya't napalingon ito sa 'kin. Napansin niya naman ang nais kong mangyari kaya dahan-dahan niyang binitawan ang kamay ko. Mabuti na lang at marunong siyang makaramdam.
Sinabayan ko siya sa paglalakad. Wala kaming imik na binabaybay ang daan papunta sa kagubatan. Kabisado ko na rin ang daan patungo ro'n dahil dalawang beses na rin akong nagtungo ro'n. Noong nag-ulat ako sa 'kin Inang Reyna at noong isinama ako nila Prinsipe Nesh at prinsipe Ravi na mangabayo. Unti-unti ko nang namememorya ang bawat daan na mayroon ang Norland.
"Tama si Ravi, Zariya. Hindi ka dapat pumupunta sa kagubatan na mag-isa lamang. Ikaw ay hindi tulad namin na kayang protektahan ang sarili. Labis na mapanganib ang mga nilalang na nakatago ro'n," wika nito sa tabi ko. Nilingon ko siya saglit, diretso lang ang tingin niya sa daan.
Pero noong unang punta ko ro'n ay ligtas naman ako, e'. Sabagay, sa bungad lang naman ng kagubatan 'yon kaya siguro 'di ako naka-encounter ng kung anu-anong nakakatakot na nilalang.
"Akala ko ay ligtas na magpunta ro'n ng umaga," ani ko.
Napaniwala ako sa mga napapanood kong movies noon na tanging sa gabi lamang sumasalakay ang mga halimaw na naninirahan sa kagabutan.
"Walang pinipili ang mabangis na nilalang kung kailan sasalakay sa kaniyang bibiktimahin, mapa-umaga man o gabi," diretso niyang saad na 'di pa rin tumitingin sa 'kin. Patuloy lang ang kaniyang paglalakad. “Mautak ang mga halimaw sa gubat. Hindi sila magdadalawang-isip na kainin ka lalo pa’t ikaw ay mag-isa lamang.”
“Nakakatakot pala,” ani ko.
"Kaya tawagin mo ako sa t'wing pupunta ka sa kagubatan nang maprotektahan kita." Lumingon na ito sa 'kin nang sambitin niya ang huling mga salita. Walang reaksiyon ko siyang tiningnan pabalik. Nang matitigan ko siya ng ilang segundo, napansin ko ang ilang pasa na nasa pisngi niya. Napansin niya yatang tinititigan ko ang parte ng mukha niyang 'yon kaya binawi niya na ang pagkakatitig sa 'kin.
Napaaway na naman ba siya?
Halos araw-araw ay may pasa at sugat siyang natatamo. Hindi pa nga gumagaling ang sugat niya au may nadadagdag pa na panibago.
Hindi ko maipinta kung anong emosiyon ang mayroon sa kaniyang mukha, blanko lang ito. Bumaling na rin akong muli sa tinatahak naming daan pero maya-maya lang ay sabay kaming napahinto dahil sa taong humarang sa amin.
May isang matandang babae ang humarang kay Prinsipe Cozen. Napatigil din ako dahil do'n. Halatang ang Prinsipe ang pakay nito dahil sa binata siya lumapit.
"Prinsipe Cozen…" Yumuko muna ito bago itinuloy ang kaniyang sasabihin. "Nais ko lang po na magpasalamat sa tulong na iyong ginawa kahapon para maipagtanggol kami laban sa mga higanteng umaabuso sa tulad naming maliit na nilalang lamang."
Namayani ang kuryosidad sa 'kin nang marinig ito. Anong nangyari kahapon? Doon ba niya nakuha ang pasang nasa mukha niya ngayon? Nakipag-away na naman ba siya?
Kitang-kita ko ang ngiti na gumuhit sa labi ng binata. "Walang anuman po. Bilang isang Prinsipe, tungkulin kong protektahan ang mga mamamayan ng Norland. Ipagtanggol ko ang mga walang kalaban-laban at patuloy na dinedehado ng iba. Hindi ako papayag na may naaabuso sa Kahariang ito."
Lumambot ang puso kong makasaksi at makarinig sa mga katagang binitawan ni Prinsipe Cozen. Ang bawat away na kinasasangkutan niya ay hindi lamang ordinaryong away na walang sapat na dahilan. Ang bawat pasa at sugat ay ebidensiya na may mga taong natulungan niya sa pang-aabuso ng ibang tao.
Niyakap ng matanda si Prinsipe Cozen at 'di naman ito tinanggihan ng Prinsipe bagkus ay niyakap niya pa ito pabalik.
Gaya rin pala ito ni Prinsipe Ravi, lumalambot ang puso pagdating sa mga mamamayan ng Kaharian ng Norland.
Bakit 'di makita ni Haring Valor ang mabubuting ginagawa ni Prinsipe Cozen? May magandang dahilan naman pala kung ba't napapadalas na makipag-away ang kaniyang Anak. Mabuti pa rin naman ang hangarin ng ikalawang Prinsipe. Handa siyang tumulong kahit pa ikagalit ng kaniyang Amang Hari ang pamamaraan na ginagawa nito.
Nasanay kasi tayong sa bad sides laging tumitingin. Hindi man lang tayo mag-aksaya na alamin ang buong pangyayari at malaman ang mga magagandang dulot nito. Inuunahan natin ng pamumuna kaysa pangsusuri.
Matapos magpasalamat ng matanda, nagpatuloy kaming muli sa pagtahak ng daan papunta sa kagubatan. Hanggang sa nakarating na kami sa bungad at nangunguna si Prinsipe Cozen sa paglalakad. Binilin niyang sundan ko siya sa likuran niya at huwag na huwag magpaiwan sa kung saan.
"Saglit," an'ya sabay senyas ng kamay dahilan para mapahinto ako.
Sa wari ko ay pinapakiramdaman niya ang paligid. Ito na ba ang sinasabi nilang delikado sa kagubatan? Nakaramdam na ako ng takot lalo pa nang biglang may sumulpot na nakakatakot na hayop sa harapan namin.
Isa itong baboy ramo na may dalawang sungay na gaya sa toro. Matatalim ang mga mata nitong nakatingin sa amin at tila takam na takam. Hindi kaya nangangain ito ng tao? Naghihintay lamang ito ng tamang oras upang salakayin kaming dalawa ng Prinsipe.
"Kahit anong mangyari, huwag kang aalis diyan," seryosong bilin ni Prinsipe Cozen. “Manatili ka lamang sa aking likod at maging alerto.”
Agad akong tumango dahil sa takot.
Ang ordinaryong kamay ni Prinsipe Cozen ay biglang nag-transform sa isang napakatulis na espada. Naalala kong muli ang unang pagkikita namin ng mga Prinsipe. Ang espadang 'yon ang muntik nang gumilit sa leeg ko dahil pinagkamalan ako nitong espiya.
Itinutok niya ito sa mabangis na hayop na gigil na ang hitsura at gustong-gusto na niya kaming sunggaban. Unang sumalakay ang hayop na 'yon na agad namang matapang na sinalubong ni Prinsipe Cozen. Napapikit ako agad dahil ayokong makita ang susunod na mangyayari. Takot ako sa dugo kaya pumikit na ako at taimtim na nagdasal na lamang.
Rinig ko ang sunod-sunod na ungol, mukhang 'di lang iisa ang hayop na 'yon. Marami pa itong kasama! Sana ay ayos lang si Prinsipe Cozen at mapatumba ang mga mababangis na hayo na ito.
Nang wala na akong marinig na ingay ng espada na paulit-ulit na bumabaon ay panatag na akong iminulat ang aking mga mata. Pero nagkamali yata ako dahil pagkabukas ng mata, bumungad sa harap ko ang parehas sa kaninang mabangis na hayop na tumutulo pa ang laway at matalim na nakatitig sa 'kin. Hindi ako makaimik at makahingi ng tulong kay Prinsipe Cozen. Nangangatog na ang dalawang binti ko sa sobrang takot. Katapusan ko na yata!
Nang akmang tatalunin na ako nito, napahiga ako sa lupa nang may tumulak sa 'kin. Ipinikit ko ang aking mata at niyakap ang sarili.
"Aaaahh!!!" Tila naubusan ako ng boses sa sobrang pagsigaw. Napapikit na ako lalo at hinarang ang dalawa kong kamay sa 'king mukha.
Hinihintay ko ang matulis na ngipin na kakagat sa kung saang bahagi ng aking katawan pero ilang segundo na ang lumipas ay wala pa rin. Handa at tanggap ko na ang kapalaran ko. Baka ito na nga ang huling araw ko.
Naiiyak na ako.
"Ayos ka lang ba?"
Napatigil ang malakas na pintig ng puso ko dahil sa takot at kaba.
Kumunot ang aking noo. Minulat ko ang isa kong mata para silipin kung sino ang nagsalita. Naaninag ko na isa itong tao kaya tuluyan ko nang minulat ang mga mata ko.
Hindi ko inaasahang makita ang lalaking nakadungaw sa akin.
Prinsipe Arsh?
Inilahad niya ang kaniyang kamay. Aabutin ko na sana ito para makatayo pero ibang kamay ang kumuha sa 'king palad. Inalalayan akong tumayo ni Prinsipe Cozen. Hindi niya hinayaan na makuha ni Prinsipe Arsh ang aking kamay.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Prinsipe Cozen sa kaniyang kapatid.
Imbes na sagutin ni Prinsipe Arsh si Prinsipe Cozen, pinagpagpag lang nito ang suot niya. Itinago na rin niya ang kaniyang sandata sa lagayan na nakasabit sa bandang beywang ng suot niyang hanbok.
"Mag-iingat kayo sa susunod. Lalo ka na, Zariya," tukoy niya sa 'kin. Nagkatitigan kami ng ilang segundo at saka niya binawi ang tingin na 'yon.
Walang paalam na iniwan niya kami. Sinundan namin ito ng tingin hanggang sa tuluyang makalayo.
"Pasensya ka na, Zariya, hindi kita naprotektahan." Bakas sa mata nito ang pagsisisi at pagkadismaya.
"Hindi, Prinsipe Cozen. 'Wag kang humingi ng pasensya dahil sa una pa lang, naprotektahan mo na ako."
Kung tutuusin, dapat pa nga akong magpasalamat sa kaniya at maging kay Prinsipe Arsh dahil buhay pa rin ako hanggang ngayon.
Sa pagsama niya pa lang sa 'kin rito ay labis na akong nagpapasalamat. Nagkataon lang na maraming mga mabangis na hayop na sumalakay kaya 'di na napansin ni Prinsipe Cozen ang isang 'yon na muntik na akong kainin. Mabilis ang galawan ng hayop na iyon kaya naisahan niya ang Prinsipe. Mapalad akong dumating si Prinsipe Arsh dahil kung hindi, nadi-digest na siguro ang katawan ko sa tiyan ng hayop na 'yon!
Payapa kaming nanguha ni Prinsipe Cozen ng halamang-gamot dahil wala nang mababangis na hayop ang gumambala at agad di kaming bumalik sa palasyo.
"Maraming salamat, Prinsipe Cozen." Humarap ako sa kaniya at gaya pa rin kanina ay wala pa ring reaksiyon ang kaniyang mukha.
Tanging pagtango lang ang sinagot nito sa 'kin. Nahihiya akong ngumiti bago ako yumuko at nagpaalam. Nag-wave muna ako sa kaniya bago siya talikuran.
Papasok na ako ng kusina nang saktong palabas rin si Ysabelle kasama ang dalawang taga-silbi. Napatigil ito nang makita ako.
"Z-Zariya," banggit niya sa pangalan ko.
Ilang segundo niya lang ako tiningnan at binaling ang paningin kay Prinsipe Cozen na nasa likuran ko pa rin at saka muling binalik ang paningin sa 'kin. Tinapunan niya ako nang mapang-asar na ngisi. Ito na naman, magsisimula na naman siyang mang-asar.
Sabay silang tatlo na yumuko sa harap ni Prinsipe Cozen.
"Mauna na ako." Rinig kong paalam ni Prinsipe Cozen. Kasabay nang paglingon ko kila Ysabelle ay ang pagtalikod niya sa amin.
"Magkasama kayo ni Prinsipe Cozen?" usisa ni Ysabelle. Nakangiting mapang-asar pa rin ito. Ang boses nito ay may halong malisya. Kung anu-ano na siguro ang tumatakbo sa isip niya.
"Sinamahan niya lang akong kumuha ng mga halamang-gamot," pagpapaliwanag ko. Pinakita ko pa sa kaniya ang hawak kong lagayan ng halamang-gamot para gawing ebidensiya at matigil ang pagbibigay niya ng malisya.
"Talaga ba? Wala na kayong ibang ginawa?"
Ano naman ang iba pang gagawin namin?
"W-Wala na," ani ko.
Hindi ako tinigilan ni Ysabelle sa pang-aasar kay Prinsipe Cozen. Pati pala sa mundo nila ay 'di maiiwasang ma-issue.
Magkasama lang kaming dalawa, may iba na kaming ginawa?
Tinigilan lang ako ni Ysabelle nang makarating na ako sa silid namin ni Kharim Celia dahil oras na para matulog at hindi niya na ako masusundan ng pang-aasar.
"Kumusta ang iyong pagpunta sa kagubatan?" tanong ni Kharim Celia, nakaupo siya ngayon sa kama niya at handa nang humiga. Nakapalit na rin ito ng kaniyang damit pantulog. Talaga namang hinintay pa niya akong makauwi.
Seryoso akong tumingin sa kaniya dahil kanina pa ako may gustong itanong dito. "Bakit niyo ako inutusan sa kagubatan kung alam niyo namang delikado?"
Pinasadahan ako nito ng tingin. "Dahil alam kong sasamahan ka ng isa sa mga Prinsipe at 'di nga ako nagkamali."
Planado pala talaga ni Kharim Celia ang kaniyang inutos at tama nga siya, hindi ako hinayaan ng Prinsipe na hindi ako samahan.
Iyon lang ang sinabi niya bago ito tuluyang matulog. Sumunod na rin akong humiga pero 'di na naman ako dinadalaw ng antok. Pinilit kong pumikit pero ang diwa ko ay gising pa rin.
Ilang oras na ang lumipas pero wala pa rin, mulat pa rin ang aking mga mata.
"Hindi na naman yata ako nito makakatulog," bulong ko sa sarili.
Nagdesisyon akong lumabas muna para magpahangin. Kinuha ko ang gasera na nasa mesa tabi ng kama ko. Dahan-dahan kong pinihit ang pinto. Magpapahangin lang muna ako sa hardin. Baka sakaling makatulog na ako mamaya.
Pero kakalabas ko lang ng pinto at ilang hakbang pa lang ang ginawa ko ay 'di ko inaasahang may nabangga na naman ako. Dahil sa gulat, na-out of balance ako kaya nabitawan ko ang hawak kong gasera. Hindi natuloy ang pagkakadulas ko dahil nasalo ako nito. Hawak niya ang aking likod bilang suporta at ang isang kamay naman niya ay hawak ko.
Ang nakasalubong ko ay walang hawak na gasera kaya 'di ko malaman kung sino ito. Lumitaw sa 'king ala-ala ang nangyari noong nag-ulat ako sa 'king Ina. Hindi kaya siya rin itong nakabanggaan ko ngayon?
"Ikaw 'yon," ani nito sa malamig na boses.
Agad ko siyang tinulak at umayos ako ng tindig. May nahawakan akong malamig na metal at 'di ko na nabitawan 'yon.
Ang lakas ng t***k ko. Pinilit kong 'wag magsalita dahil may chance na makilala ako nito.
Akmang tatakbo na ako pabalik sa aming kwarto nang hablutin niya ang isa kong kamay. "Saglit lang, ikaw 'yon, 'di ba? Sino ka? Nawa'y pagbigyan mo akong makilala ka."
Hindi ako nag-alinlangang kumalas sa pagkakahawak niya. Tama ako, siya nga ang lalaking nakabangga ko rin noon at nakahalikan pa. Sorry, gustuhin ko mang makilala ka rin pero 'di p'wede. Baka ikapahamak ko pa.
Tumakbo na ako pabalik sa kwarto namin. Agad kong sinara ang pinto. Hindi ko na binalikan ang gasera na nabitawan ko. Mas kailangan kong makaalis do'n para 'di ako nito makilala.
Hingal na hingal ako. Tagatak din ang pawis ko dahil sa matinding kaba. Pero ang 'di ko maintindihan, bakit napakabilis ng t***k ng puso ko?
May part sa 'kin na gusto ko rin siyang makilala. Ang boses na 'yon, napaka-familiar. Tila narinig ko na 'yon pero 'di ko lang malaman kung kanino. Hindi naman kasi ako magaling magrecognized ng tao dahil lang sa boses.
Babalik na sana ako sa kama pero natigilan ako nang may nalaglag sa sahig. Hiniram ko muna ang gasera na nasa tabi ng kama ni Kharim Celia. Bumalik ako sa kinatatayuan ko kanina at inilawan ang bagay na nahulog. Dinampot ko ito, isang bracelet na gawa sa metal. Mukhang ito ang bagay na nahawakan ko kanina kasabay nang pagtulak sa nakabangga ko. Sa kaniya ba 'to?
Tinapat ko ito sa gasera para mas makita ito ng mabuti. Inikot ko ang bracelet hanggang sa makita at mabasa ko ang isang salita na nakaukit dito.
"Arsh"