Hindi pa man nag-iinit ang pang-upo niya ay dumating na si Rayleigh kasama ang isang cute na babae na may suot na dark rimmed glasses. Kulot ang buhok nito at medyo singkit ang mga mata. She must be Shanela, Rayleigh’s fiancée. Agad niyang sinalubong ang mga ito.
“Hi!” nakangiting bati niya sa mga ito. Gusto niyang palakpakan ang sarili niya dahil nagawa niyang ngumiti na para bang walang nangyaring nakakalungkot na bagay sa kanya ilang minuto lang ang nakakaraan. Binalingan niya ang babae at inilahad niya ang palad niya dito. “You must be Shan. It’s nice to finally meet you!”
“It’s nice to meet you, too!” she beamed. Tinanggap nito ang nakalahat na kamay niya. Hindi niya mapigilang mas mapangiti. Shanela’s eyes were glowing. Kitang-kita niya ang kasiyahan at excitement sa mukha nito. She must really loved Rayleigh for her to be that happy. Lucky Rayleigh. “I’ve heard so much about you. Matagal na kitang gustong makilala.”
Bahagyang kumunot ang noo niya. “You know me? Sinong nagtitsismis sa `kin ng hindi ko alam?”
Mukhang noon lang rin nito na-realize ang sinabi nito. Natutop pa nito ang bibig nito na tila ba may nasabi itong hindi dapat sabihin. Tabingi na ang ngiti nito nang muli itong humarap sa kanya. “Ah, kay… kay Rayleigh. Palagi niya kasing binibida ang luto mo sa `kin palibhasa hindi ako marunong magluto. Kaya matagal na kitang gustong makilala para magpaturo sa `yong magluto.”
“Ah,” nakangiting sagot niya habang tumatango. “Oo ba. Kapag may free time ako, pwede kitang turuan. Pumunta ka lang dito kung kailan mo gusto.”
“Talaga? Thank you!” binalingan nito ang fiancé nitong si Rayleigh. “Narinig mo `yon? Tuturuan niya akong magluto. Hindi mo na ako malalait ever!”
“Oo na,” nakangiting pagsuko ni Rayleigh. She could see love shining in Rayleigh’s eyes. Nakakainggit. “By the way, dumating na ba dito si Ace? Kasama dapat namin siya ngayon para sa food testing, eh.”
“Ah, oo. Nandoon na siya sa private room na pina-reserve ko para sa inyo.”
“Let’s go. Baka natigang na sa kakahintay sa `tin si Ace. Nakakahiya sa kanya,” yakag ni Shan kay Rayleigh.
Iginiya niya ang mga ito patungo sa private room na kinaroroonan ni Ace. Naabutan nila itong tumitingin-tingin ng mga paintings na nakasabit sa dingding. Napalingon ito sa kanila nang maramdaman nitong may nagmamasid na dito.
“You’re late,” asar na sambit nito.
“Sorry! Na-traffic kasi kami, eh!” hinging paumanhin ni Shan saka malawak na ngumiti. Siniko nito si Ace sa tagiliran nito. “Oo nga pala, have you met Akira? She’s the owner of this place. And she promised to teach me how to cook. Ain’t she the sweetest?” siya naman ang binalingan ni Shan. “Akira, this is Ace. Siya ang best man sa kasal namin ni Ray. Gwapings, `no? Single `yan. Baka type mong pikutin, sabihin mo lang. I’m willing to help you if the price is right.”
“Stop it, Shan,” saway dito ni Ace. “Mahiya ka naman kay Akira, uy! I already met her.”
“Talaga? Great!” kinapitan ni Shan ang mga kamay niya. “By the way, Akira. Ikaw sana ang kukunin kong maid-of-honor sa kasal ko. That is, kung okay lang sa `yo?”
“What?” halos magkapanabay nilang sambit ni Ace. Nagkatinginan pa silang dalawa at nang ma-realize nila ang ginagawa nito ay tahimik lang silang nagbawi ng tingin sa isa’t isa.
Nakita niya ang paglungkot ng mukha ni Shan dahil sa naging reaksyon niya. “Ay, ayaw mo? Sayang naman.”
“Pumayag ka na, Akira,” singit ni Rayleigh at magaang pinisil ang pisngi ni Shan. “Baka mag-tantrums pa `tong sweetheart ko kapag hindi ikaw ang naging maid-of-honor niya.”
Awtomatiko siyang napatingin kay Ace na tahimik din palang nakamasid sa kanya. Nang bahagya itong tumango ay binalingan niya si Shan at nginitian. “Okay. Payag na akong maging maid-of-honor mo. Thank you for the offer.”
“Yey!” pumalakpak pa ito. “It’s going to be perfect! Na-e-excite na talaga ako!”
Nasa kalagitnaan ng pages-celebrate si Shan kaya hindi muna siya umimik at pasimple lang siyang nakamasid kay Ace. Nakita niyang tahimik lang rin itong nakamasid kay Shan habang ang babae naman ay masyadong hyperactive. Pinapagbigyan lang din ito ni Rayleigh at sinasakyan pa nito ang excitement ng babae.
Natigilan siya nang mapagmasdan niya ang ekspresyon ni Ace. He was half smiling while looking at Shan’s beaming face. His expression was so gentle as if he was really glad to see her that happy. Natigilan siya nang may ma-realize siya. May gusto ba si Ace kay Shan? Well, maganda si Shan, mabait at sweet, mga katangiang gustong-gusto ni Ace sa isang babae. Hindi lang ito masyadong maporma at palaayos gayunman, maganda pa rin itong tingnan. Simple lang ito pero angat na angat pa rin ang kagandahan nito.
Kahit sinong lalaki ay maaaring magkagusto dito. At hindi imposibleng isa si Ace sa mga iyon. Pakiramdam niya ay may kumurot sa puso niya sa kaalamang may ibang babaeng nagugustuhan si Ace. Ano bang inaasahan niya? Na habang buhay ay siya lang ang tanging babaeng mamahalin ni Ace?
That was absurd. In the first place, maging siya mismo ay tingin niya, hindi niya deserve si Ace. He was too good for her. Hindi niya nga alam noon kung bakit sa dinami-dami ng mga babaeng nagkakandarapa dito ay siya ang napili nitong mahalin. Mukhang dati ay pabor na pabor sa kanya ang tadhana. Subalit nang iwan niya si Ace at sayangin niya ang pagkakataong makasama niya ito, doon na nagsimula ang pagiging wrong timing ng tadhana pagdating sa kanya.
“Ahm, ipapasok ko na dito `yung mga pagkain para sa food sampling,” paalam niya sa mga ito saka walang imik na lumabas ng silid.
Napabuntong-hininga siya. Hindi niya na mabilang kung ilang beses na siyang napabuntong-hininga ng dahil kay Ace. Kahit kasi anong pigil ang gawin niya sa sarili niya ay hindi pa rin maiwasan ng puso niya na mag-react sa bawat kilos, salita, at ekspresyon ng mukha nito. Damn, she was still awefully affected by him. Pakiramdam niya ay siya pa rin ang twenty two years old na babaeng in love na in love dito noon. It was frustrating but at the same time, refreshing. She liked the feeling of being in love once again. Halos apat taon din silang naging magkasintahan kaya naman espesyal talaga para sa kanya ang lalaki. Ang ayaw niya lang ay wala ng katugon ang nararandaman niya.
Oh, well. Ganoon naman talaga kapag nagmamahal, diba? You should never expect the person you love to love you back. It didn’t work that way. Nakakalungkot pero kailangan niyang tanggapin iyon.
Inutusan niya ang dalawa sa mga crew niya na mag-asikaso kina Ace, Rayleigh at Shan. Pinadala niya sa mga ito ang mga pagkain at nang maipasok na ng mga ito ang lahat ng mga hinanda niya para sa araw na iyon ay bumalik na siya sa private room. Nakakahiya naman kung hindi niya eestimahin ang mga ito. She was a professional restaurateur. Kahit pa anong lagay ng puso niya ngayon, kailangan niyang pakiharapan ng maayos ang mga customer niya.
Habang tinitikman ng tatlo ang mga niluto niya ay tanging nakay Ace lang ang atensyon niya. Gusto niyang malaman kung anong komento nito sa niluto niya. Subalit wala siyang narinig na kahit ano mula dito. Tahimik lang itong kumakain habang si Shan lang ang nag-iingay.
“Ang sarap talaga!” sambit ni Shan. Isa-isa nitong tinikman ang limang dishes habang ngumunguya pa. “I want this, this, this, this and this. Ano bang masarap na drinks para dito? And desserts! Gusto ko ng buko pandan. Pwede mo ba `yong isama sa menu?”
“Of course,” nakangiting sambit niya habang inililista sa maliit niyang notebook ang mga gustong isama ni Shan sa menu para sa reception ng kasal nito. “Iyon lang ba?”
“Yeah, that would be all,” binalingan ni Shan si Ace. “What do you think about the food? Ang sarap, diba?”
“Yes, it’s delicious,” sinulyapan siya ng lalaki. “You’re good.”
“Thanks.”
Masarap daw ang luto niya ayon kay Ace. Pero kung hindi pa ito tinanong ni Shan ay hindi pa ito magsasalita. Hindi mapigilang magtampo ng maarte niyang puso dahil sa iginagawi ni Ace. Ah! Bakit ba kasi masyado niyang inaalala ang mga iisipin ni Ace? She should act like they just met! Hindi siya dapat naaapektuhan ng ganoon sa lalaki.
“Oh, by the way,” maya-maya ay sambit ni Shan. Katatapos lang nitong kumain at iniinom na nito ang iced tea nito. “Two weeks from now ang fitting ng gowns, okay? Si Jajing ang bahala sa gowns natin. Ah, right. Hindi mo nga pala alam kung saan ang boutique ni Jajing. Ace, can you pick her up? Isabay mo na siya sa pagpunta mo sa boutique.”
“Sure.”
“Two o’clock sharp, okay?” paalala ni Shan kay Ace. “Siguraduhin mong wala kang photoshoots or whatever sa araw na iyon.”
“Oo na,” siya naman ang binalingan ni Ace. “Susunduin kita dito.”
“Okay.”
“Bakit hindi kayo magpalitan ng number?” suhestiyon ni Shan. “Para updated kayo sa isa’t isa, diba? Mas madali kayong magsusunduan.”
Tahimik na kinuha ni Ace ang cellphone nito. “Give me your number.”
Idinikta niya dito ang numero ng cellphone niya. Ilang minuto pang nanatili doon sila Shan saka nagpaalam ang mga ito dahil may kailangan pang puntahan ang mga ito. Inihatid niya ito sa labas ng restaurant.
“See you next next week, Akira!” nakangiting paalam ni Shan saka ito sumakay ng kotse ni Rayleigh.
Tumango lang si Ace saka ito sumakay sa kotse nito. Tinanaw niya ang mga ito hanggang mawala na sa paningin niya ang kotse ng mga ito. Papasok na siya sa restaurant nang maramdaman niyang mag-vibrate ang cellphone niya, tanda na may nag-text sa kanya. Galing sa unknown number ang text. Awtomatikong gumuhit ang ngiti sa labi niya nang mabasa niya ang text message na iyon.
Your dishes are really great. It’s nice meeting you again, Akira. – Ace