NAKAUPO si Akira sa passenger seat ng kotse ni Ace. Pinagmamasdan niya ang lalaki sa peripheral vision niya habang ito naman ay busy sa pagmamaneho nito. He looked extra handsome today. Mamasa-masa pa ang buhok nito nang dumating ito kanina sa restaurant para sunduin siya. He was wearing a blue sports shirt, khaki pants and white sneakers. Fresh na fresh pa rin itong tingnan kahit na sa tingin niya ay puyat ito. Maraming beses na kasi itong humihikab. He looked tired too. Magkaganoon man, hindi pa rin nabawasan ang kagwapuhan nito sa paningin niya.
“Tired?” hindi niya mapigilang tanong dahil natatakot siyang baka makatulog na ito anumang oras habang nagmamaneho ito. “Kanina ka pa kasi hikab ng hikab.”
“Huh? Oh,” saglit siya nitong sinulyapan saka muling ibinalik ang tingin sa kalsada. “Medyo. Alas sais na kasi natapos `yung photoshoot ko para sa bagong clothing brand na ine-endorse ko kaya alas otso na ako nakauwi. Ilang oras lang ang tulog ko kaya medyo inaantok pa ako.”
“Naabala pa pala kita dahil sa pagsundo sa `kin,” nahihiyang sambit niya.
“Don’t mind it. Nangako ako na susunduin kita at ayokong bumali sa usapan natin,” nang mag-red ang traffic light ay nilingon siya nito. “You look great, by the way. Bagay pa rin sa `yo ang yellow.”
Naramdaman niya ang pag-iinit ng pisngi niya sa pagpuri nito sa kanya. Nakadilaw siyang damit at gray na skater skirt na tinernuhan niya ng puting doll shoes. Inilugay niya lang ang hanggang bewang niyang buhok at naglagay din siya ng light make up. She wanted to look pretty in Ace’s eyes. Tutal naman ay pagkatapos ng kasal nina Rayleigh at Shan ay mawawalan na siya ng dahilan para makita si Ace, susulitin niya na ngayon ang mga pagkakataong pwede niya itong makasama.
Ayos lang sa kanya kahit na hindi siya nito mapansin. Gusto niya lang magpaganda para dito. She missed the times she used to freak out whenever she was dressing up for their date. Gusto niya kasing siya lang ang pinakamagandang babae sa mga mata ni Ace ng araw na iyon. At lagi namang nagpe-paid off ang effort niya dahil sa tuwing tinitingnan siya ni Ace, feeling niya ay siya na ang pinakamagandang babae sa buong universe.
“No matter how busy you are, hindi mo dapat hinahayaan na mapagod ka ng husto,” aniya.
“I love what I’m doing. Kaya minsan, hindi ko na napapansin ang pagod dahil masyado akong nag-e-enjoy.”
“Still, you need to take care of yourself. Kapag nagkasakit ka, hindi mo magagawa ang mga bagay na gusto mong gawin.”
“Noted,” nakangiting sambit nito. “It’s really nice to hear you fuss over my health, Ae. I missed this, you know.”
Nang mga oras na iyon ay gusto na niyang pumalahaw ng iyak. He called her ‘Ae’! He freaking called her ‘Ae’! Endearment nito iyon sa kanya noong mga panahong sila pang dalawa. Napakalambing ng boses nito sa tuwing tinatawag siya nitong ‘Ae’ kaya naman hindi niya mapigilan ang sarili niyang mag-react sa simpleng bagay na iyon. Isang drum na will power ang kinailangan niya para hindi tuluyang umiyak sa harap nito, magmakaawang bumalik ito sa buhay niya at magmukhang tanga. She counted from one to ten and heaved a deep sigh. Kailangan niyang kumalma.
“How have you been, Ae?” narinig niyang tanong nito.
“I’ve been fine. You?”
“Fine,” sagot nito. “You’re restaurant is doing well. I always know you can make that dream happen.”
“Thanks,” ibinaling niya ang tingin niya sa labas ng bintana subalit saglit lang iyon dahil bumaling uli siya kay Ace. “Oo nga pala, kapatid mo ba `yung muntik ng makabangga sa `kin dati?”
“Yeah,” he smiled apologetically. “Pasensya ka na sa kapatid kong `yon. Pinaglihi yata `yun sa sama ng loob ni Mama kaya ganoon ang temper ng lalaking `yon.”
“Bakit hindi ko siya nakilala dati?”
“He used to live in Los Angeles. Hindi rin siya sa amin nakatira noon. Ang Lola ko kasi sa probinsya niya ginustong tumira kaya doon na rin siya nag-high school at bihira lang siya umuwi sa bahay. Pagka-graduate niya ng high school, nag-migrate na siya kasama ang lola ko sa Amerika para doon mag-aral. He stayed at my grandmother’s house. Ten years siyang tumira sa LA. Two years ago, bumalik siya dito sa Pilipinas. Mas gusto niya daw tumira dito. That was why you never had the chance to meet him before. Oh, we’re here,” anunsyo nito habang pinaparada nito ang kotse nito sa parking space.
He was still the perfect gentleman. Pinagbukas siya nito ng pinto at inalalayan siya nito papasok sa boutique. Naabutan nilang nagkakagulo ang sampung tao sa boutique kabilang na sina Rayleigh at Shan. Nabaling sa kanila ang atensyon ng mga ito nang maramdaman ng mga ito ang pagdating nila. Nakangiting sinalubong siya ni Shan at inakay papunta sa nagkakagulong mga tao sa shop.
“Guys, this is Akira. Siya ang caterer sa kasal namin at siya rin ang maid-of-honor ko. Akira, these are my friends and neighbors: Ree, Carmela, Jajing, Ella, Wind, Haru, Shin and Spade.”
“Hi,” nakangiting bati niya sa mga ito. Napatingin siya kay Spade na nakatitig din sa kanya. Tipid niya itong nginitian. Ito ang muntik ng makasagasa sa kanya two weeks ago. Kasali rin pala ito sa mga abay sa kasal nina Rayleigh.
“I know you,” nakakunot ang noong sambit nito. “Ikaw `yung babaeng muntik ko ng masagasaan two weeks ago. Sa susunod, mag-iingat ka na. `Wag ka ng maghahabol ng prutas sa parking lot kung mahal mo pa ang buhay mo. And next time---”
“Hep! No need to intimidate her,” awat ni Ace sa panenermon ni Spade sa kanya. “Alam niya na ang mga bagay na `yan, Spade. Diba, Akira?” tumango siya. “Ah, see?”
“Good.”
“So, ikaw pala ang mysterious maid-of-honor ng hitad na `to,” ani ni Ree at tinuro si Shan. “I hate you! Akala ko ako ang maid-of-honor ni Shan kasi ako ang nagbuyo sa kanya kay Ray, pero hindi pala!”
Nabigla siya sa sinabi nito. “S-sorry. Hindi ko naman gustong agawin sa `yo ang pagiging maid-of-honor. Kung gusto mo, we can switch places.”
Narinig niya ang pagtawa ng ibang mga tao sa silid. Tinapik ni Carmela ang balikat niya. “`Wag mong pansinin `yan si Ree. Bitter lang `yan kasi hindi natupad ang pangarap niyang maging maid-of-honor. Mas bagay ka sa role na iyon kaysa sa kanya kaya utang na loob, `wag mo siya hahayaang maging maid-of-honor.”
“Ang sama niyo!” nakabusangot na turan ni Ree. “’Banned kayong lahat sa Coffee Corner!”
Lalo lang lumakas ang tawanan dahil sa sinabi nito. Nang magsawa ang mga ito sa kakatawa ay nilapitan siya ng babaeng nagngangalang Jajing. “Hi, halika. Hanap tayo ng gown para sa `yo. Tapos na `yang mga `yan kaya nagkakalat nalang dito sa boutique ko.”