23

1144 Words
Habang tinatahak ang masukal na kakahuyan kasama si Azul ay bigla na lang nakaramdam ng kakaibang sensasyon si Raphael sa loob ng kanyang dibdib. Kasabay niyon ang panlalamig ng kanyang mga paa. “Aurora…” bulong niya bago mahigpit na hinawakan ang suot na kuwintas. Kabiyak ‘yon ng hiyas na iniwan niya kay Aurora. Nag-iinit ‘yon. Nilingon ni Raphael si Azul. “Gaano pa ba tayo kalayo? Kailangan din nating makabalik kaagad.” Luminga-linga si Azul sa paligid. Parang may hinahanap. Nang mapansin nito ang maliit na barong-barong na nakatago sa likod ng mga matataas na bahay ay naglakad ito patungo ro’n. “Andito na tayo.” Sinundan ni Raphael ang kapatid. Tatlong beses itong kumatok sa kahoy na pinto at hinintay ‘yon na bumukas. Umihip ang malakas na hangin. Nakarinig siya ng kaluskos mula sa kanang gilid niya kaya naman kaagad na napalingon si Raphael. Mula roon ay lumabas ang isang matandang lalaking nasusuotan ng maraming medalyon sa leeg. May hawak itong tungkod at bahagya pang naningkit nang mapansin ang magkapatid. “At anong ginagawa ng dalawang prinsipe ng mga Mandaragit sa tahanan ko? Wala na akong maiaalay na kahit na ano sa inyo. Hindi ko rin kayo mapagsisilbihan kaya naman maaari pa ay umalis na kayo—” “Tiyo Jose,” bati niya sa matanda bago ito nilapitan. “Hindi mo kami kailangang itaboy ni Azul. Hindi kami nagpunta rito para makipag-away.” Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga ang matanda. Dahil halos ito na ang nagpalaki sa kanya, kilala na nito kung gaano siya kakulit. Nilampasan siya ni Mang Jose at nagpunta sa pintuan ng maliit na kubo nito. “Pasok. Bago pa malaman ni Raul na nandito kayo.” Nakatatandang kapatid ito ng kanilang ama. Ngunit kahit na mas matanda ito ay hindi nito namana ang lakas ng kanilang lolo. Ang tanging namana lang ni Jose mula sa kanyang mga magulang ay ang kakayahan ng ina nito na makakita ng mga maaring mangyari sa hinaharap. At alam ni Raphael na isa ang matanda sa iilang makakatulong sa kanila ngayon. Nang makapasok sa maliit na barong-barong ay naupo si Azul sa isa sa mga kawayanh upuan na nasa loob. Nakasabit ang kung ano-anong mga halaman sa loob ng maliit na bahay. May maliit na kalan sa kabila at sa kabila naman ay ang higaan, lamesita, at nga upuan. Malayong-malayo ‘yon sa nakagisnan na karangyaan ng magkapatid na Aguilar. Hindi makakalimutan ni Raphael nang palayasin ang kanilang tiyuhin mula sa kanilang tahanan. Dahil lang sa premonisyon nitong nakita na mamamatay si Don Raul sa kamay ng isa sa mga anak nito. Hindi ‘yon matanggap ng kanilang ama. Isa pa, nalaman nito na may anak sa labas ang Kuya Jose nito, na kalahating tao. Pagkatapos nitong ipapapatay ang bata, inalisan nito ng titulo at hiyas ang kapatid at pinalayas si Jose mula sa kanilang angkan. “Tito… nagbabalak si Papa na—” “Kung ano man ang desisyon ng inyong ama, labas na ako ro’n,” agap ni Mang Jose sa sasabihin ni Azul. “Alam n’yong magkapatid ang panganib ng pag-ibig sa isang mortal. Matuto na kayo sa pagkakamali ko at ‘wag n’yo na ‘yong ulitin pa. Lalong-lalo ka na, Raphael.” “Tito, mas malaking gulo ang idudulot ng kasunduan ni Papa. Kapag nakasal ako sa isang Aswang, nagkaro’n ng anak, tingin mo ba hindi sila magkakaroon ng dahilan para saksakin tayo patalikod? Mas maraming malalagay sa panganib at mas lalong mawawala ang balanse ng mundong ‘to.” Tumaas ang tinig ni Raphael. “Ayokong…” Tinapik siya ng matanda sa balikat. “Naiintindihan ko. Pero dapat mong tandaan, Raphael, na hindi ka lang ordinaryong Mandaragit. May malaki kang responsibilidad na pasan-pasan simula pa lang nang ipanganak ka ng ‘yong ina.” “Alam ko naman po,” matigas na sabi niya. “Pero hindi ibig sabihin no’n e susukuan ko na siya.” Mahinang natawa ang matanda. “Nakilala ko na ang tadhana mo, Raphael. At naiintindihan ko kung bakit ayaw mo siyang sukuan.” Tumayo si Mang Jose at nagtungo sa lamesita. Mula roon ay may inilabas itong isang maliit na litrato ni Aurora na mukhang palihim nitong kinuhanan. Kinuha ‘yon ni Raphael. “Bakit may litrato kayo ni Aurora?” “Humihingi siya ng tulong sa ‘kin para malaman kung anong nilalang ang naglalabas-pasok sa panaginip niya. At sa totoo lang, hindi ko na kailangan pang magtanong o mag-orasyon dahil alam ko namang ikaw ‘yon, hijo. Iilan lang ang may kakayahang gumawa no’n.” “At ‘wag ka, Tito, e binabahay niya na ‘yon sa labas ng panaginip,” nanunudyo na sabi ni Azul. “Bantay-salakay ba!” Natawa ang matanda. “Kunyari e hindi ko alam na umaaligid ka rin sa kaibigan ng nakatakda sa kuya mo.” Namula si Azul. Natahimik. Nilingon ni Raphael ang kanyang tiyuhin. “Tito, hindi puwedeng malaman ni Aurora ang totoo kong pagkatao. At least, hindi ngayon—” “At kailan mo pa balak sabihin sa kanya ang lahat? Kapag nalagay na siya sa panganib? Isa pa, may napansin din ako sa kanya. Sigurado ka ba na isang mortal lang ang nakatakda sa ‘yo, hijo?” Napakunot ang noo ni Raphael. “Anong ibig n’yong sabihin? Sinabi na sa propesiya na isang mortal ang nakatakda sa ‘kin—” Napatango-tango ang matanda at kinuha ang larawan ni Aurora mula sa kanyang mga kamay. “Hindi pa ako sigurado, pero sa tuwing may ginagawa akong ritwal para makita ang nakaraan at hinahaharap ni Aurora, palaging hindi gumagana ang orasyon. Nagagawa ko ‘yon sa ibang mga tao, pero sa kanya? Hindi. Para bang may nagtago talaga ng kung ano mang alaala at kapalaran na meron siya.” Napatayo si Azul. “Nag-imbestiga na kami ni Kuya tungkol sa nakaraan niya. Wala kaming ibang nakita kung ‘di ang tungkol sa lasinggero niyang tatay na mahilig mambugbog. ‘Yon lang. Kaya anong—” “Natingnan n’yo na ba ang tungkol sa kanyang ina? Kay Ada dela Vega?” Umiling si Raphael. “Maagang namatay ang nanay niya, kaya wala kaming masyadong nahanap tungkol sa kanya. Pero kung—” Bago pa man matapos ni Raphael ang kanyang sasabihin ay muling uminit ang hiyas na suot niya. Nagbabaga ‘yon. Nakakapaso. At isa lang ang ibig sabihin no’n. “Aurora!” Lumabas ang malalaking pakpak ni Raphael habang tumatakbo siya papalabas ng barong-barong, kasabay ng malalakas na tambol ng kanyang dibdib. Rinig niya pa ang pagtawag sa kanya ni Azul at Mang Jose pero hindi niya magawa na lingunin ang mga ito. Ilang milya rin ang layo niya mula kay Aurora. At ang tanging hiling niya lang bago niya ito marating ay manatili itong ligtas… Please, be safe… please be safe for me, my love…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD