24

1214 Words
Aurora Napatakbo ako paakyat ng hagdan ng basement nang marinig ko ang malakas na pagkabasag ng salamin sa itaas na bahagi ng bahay. Humigpit ang hawak ko sa kutsilyong tangan ko. Tahimik ang unang palapag ng bahay. Wala rin akong nakitang kung anong nabasag, o kahit na bakas man lang ng bubog. Napatingala ako sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bahay. Kinapa ko ang bulsa ko para kunin ang smartphone ko at tawagan si Sharlene, o kahit na sino mang sasagot ng tawag ko. Tuluyang nanlamig ang katawan ko nang mapagtanto ko na naiwan ko sa kuwarto ko ang smartphone kong kanina ko pa sinaksak para i-charge. Nagwawala ang ibon sa hawla nang maglakad ako papalapit sa hagdanan. Malakas at matinis ang siyap no’n, na para bang may gustong sabihin. Kinuha ko ang hawla at muling hinarap ang hagdan. Kahit man lang sa ibon na ‘to, maramdaman ko na may kasama ako ngayon… Nakakabingi ang bawat paglangitngit ng kahoy sa ilalim ng paa ko. Tulad ng hagdan patungo sa basement ay tila ba binababalaan ako no’n na ‘wag nang tumuloy. Na tumakbo na palabas para makahingi ng tulong sa kapitbahay. Pero may nagsasabi sa ‘kin na hindi rin ligtas ang paligid, lalo na at papalubog na ang araw. Unti-unti nang nawawala ang mga hulig sinag ng araw at kumakalat na ang dilim sa paligid ng bahay. “Sino ‘yan?” tawag ko habang sinisinagan ang ikalawang palapag ng bahay. Maliban sa pinto ng kuwarto ko na bahagyang nakaawang, wala na akong ibang makitang bakas na may tao ro’n. Bahagyang kumalma ang ibon na nasa hawlang bitbit ko. Mabigat ang hangin ng paligid. Pakiramdam ko ay may pares ng malalaking kamay na pumipigil sa paghinga ko. Tinipon ko ang lahat ng lakas ng loob na natitira sa katawan ko at dahan-dahang naglakad papalapit sa silid ko. Madilim na sa bahaging ‘yon ng pasilyo. At… Napalingon ako nang may biglang tumakbo pababa ng hagdan. Nahagip ng flashlight ang pares ng maduduming paa niya, pero hindi ko nakita kung sino—o ano—-ang tumatakbong ‘yon. Bago ko pa man mapag-isipan kung susundan ko ‘yon o hindi ay may malaking kamay na na humawak sa leeg ko at binalibag ako patungo sa kabilang bahagi ng ikalawang palapag. Kumalansing ang hawla at ang flashlight nang mabitawan ko ang mga ‘yon. Naramdaman ko ang pagkabasag ng mga buto ko. Kumawala ang mahahapding ubo mula sa mga labi ko, na may kahalong dugo. Napatingin ako sa nilalang na lumabas mula sa pinagtataguan niya. Nanlaki ang mga mata ko, kasabay ng unti-unting pagtakas ng lakas mula sa mga tuhod ko. Kulang ang mga salita sa libro para ilarawan ang nilalang na kaharap ko. Mula sa pares ng pakpak sa likod niya na tila sa paniki, sa mapupula niyang mga mata, sa kanyang maitim at kulubot na balat, hanggang sa bibig niyang may matatalas at mahahabang pangil… “Si-si-sino ka?” nanginginig na tanong ko. “H-huwag k-kang lalapit!” Dinilaan niya ang labi niya. Bahagya akong napapitlag nang mapanood ang pagtulo ng laway mula ro’n. Iniunat niya ang kanyang mga kamay na may mahahaba at matatalas na kuko, para bang naghahanda sa susunod niyang kilos. Kaagad kong kinapa ang paligid ko para maghanap ng pamproteksyon sa sarili ko. Kaagad ko namang nahawakan ang kutsilyong bitbit ko kanina lang. “Sabing ‘wag kang lalapit!” sigaw ko bago ko iniamba ang kutsilyo sa kanya. Tumawa lang ang nilalang. “‘Di ko talaga maintindihan bakit ayaw kang ipagalaw ni Bossing. ‘Di ka rin naman katalinuhan at hadlang ka lang sa mga plano namin… Nakakatuwa kayong mga mortal. Ang hilig n’yong magpanggap na kaya n’yong protektahan ang mga sarili n’yo sa mga tulad namin…” Nanigas ang katawan ko nang hawakan niya ang kutsilyo. Madali niya ‘yong nabali. Lalo akong nagsumiksik sa pader habang inaabot niya ang pisngi ko. “Hanggang dito, amoy na amoy ko ang bango mo, Tinakda… Tiyak na masarap ang laman mo—ahhhckk!” Napatili ako nang may isang malaking bulto ng lalaki ang bigla na lang bumagsak galing sa bubong at hinablot sa leeg ang nilalang at hinila palayo sa ‘kin. Malaki at itim na itim niyang pakpak na halos sumakop na sa buong ikalawang palapag ng bahay ko. Pumagaspas ‘yon at lumikha ng malakas na hangin na dahilan para magbagsakan ang mga litrato at painting na nakasabit sa pader, kasabay ng pagragasa ng mga alaala sa isipan ko. Ang guest ng hotel na nakita kong duguan sa opisina ni Sir Raphael. Ang tipak ng laman sa kamay niya. Ang mga mata niya… ang… “Sir Raphael…” ‘di makapaniwalang bulong ko habang pinapanood ko kung paano niya gutay-gutayin gamit ang kanyang mga kamay ang nilalang na kanina lang ay pinaglalaruan ako. Nakakangilo at nakakahilo ang tunog ng bawat lagutok ng buto at ang masangsang na amoy ng dugo. Hindi pa siya nakuntento dahil pinanood pa ng dalawang mga mata ko kung paanong may hinigop siya papalabas sa katawan ng nilalang. Unti-unti ‘yong natuyo hanggang sa magmukha na ‘yong mummy sa pelikula. Nang bumagsak ang katawan sa sahig ay unti-unti ‘yong nalusaw at naging alikabok. Pinanood ko kung paanong pinunasan ni Sir Raphael ang gilid ng kanyang mga labi. Nanuyo ang lalamunan ko nang lingunin niya ako. Awtomatikong napasiksik ako sa pader nang dahan-dahan siyang maglakad patungo sa ‘kin. Hindi ko mabasa ang ekspresyon sa kanyang mga mata. At mas lalong hindi ko malaman kung anong kakahinatnan ko ngayong alam ko na at naaalala ko na ang tunay niyang katauhan. Sabi nga nila, parang diyos ang mga Aguilar. At isang alikabok lang ako… kagaya ng nilalang na pinatay niya. “Sir Raphael…” Lumuhod siya sa harapan ko. Higit ang aking hininga, hindi ko mapigilang mapagmasdan nang matagal ang mukha niya. Mula sa mga mata niyang purong itim, hanggang sa mahahabang pangil na lumalabas mula sa kanyang bibig. Mga mata at bibig na parang kagabi lang, pinagsawaan ang katawan ko. Lalong nabikig ang lalamunan ko nang umangat ang kamay niya para hawakan ako. Mariin kong naipikit ang mga mata ko, naghihintay na pumulupot ‘yon sa leeg ko. Pero ‘di ko inasahan na maramdaman muli ang masuyong haplos niya sa pisngi ko. “Aurora… nasaktan ka ba? May masakit ba sa ‘yo? Tingnan mo ‘ko, please…” Parang yelong nalusaw ang takot na pumuno sa dibdib ko kani-kanina lang. Nang idilat ko ang mga mata ko ay muli akong binati ng bahagyang nakakatakot na mukha ni Sir Raphael. Unti-unting bumalik sa dati ang kanyang mukha, bagaman nababahiran pa rin ng tilamsik ng dugo ang kanyang pisngi at labi. Masuyo ang kanyang mga mata nang magsalubong ang mga tingin namin. “Sir Raphael…” Hindi ko na napigilan ang paghagulgol ko. Kahit na amoy na amoy ko pa rin ang dugo sa katawan niya ay kaagad ko siyang hinila sa leeg at niyakap nang mahigpit. Naramdaman ko ang pagkulong niya sa ‘kin sa loob ng mga pakpak niya, bago niya ako niyakap pabalik. “I’m sorry… hindi kita dapat iniwan…” bulong niya habang paulit-ulit na hinahalikan ang sentido ko. “Hindi ko alam kung anong mangyayari sa mundo ko kapag nawala ka…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD