8

1165 Words
Nagpupuyos ang kalooban ni Raphael habang binabasa niya ang mga dokumentong nakahain sa harapan niya. Hindi niya gusto ang hilatsa ng Gideon na ‘yon, at kung paano ito umaligid kay Aurora. Matapos niya itong markahan kagabi lang sa panaginip nito, ito ang makikita niya? “Sinabihan na kita, Kuya. Mahirap ‘yang gusto mo. Hinayaan na nga kita na markahan siya, e. Paano kung nakarating pa sa kaalaman ni Papa ang lahat?” himutok ni Azul habang sinasabayan siya nito sa pagtatrabaho. “Kaya ko siyang protektahan sa kahit na anong sumpa, peste, o salot na gustong kumuha sa kanya, Azul. Pero ang tanging hindi ko lang kaya e ang makita siyang nakikipaglampungan sa iba!” “Kung makareklamo ka, akala mo naman kayo na talaga. Tandaan mo, Kuya Raphael, sa panaginip mo lang siya nahahawakan nang gan’yan kalapit, at hindi sa totoong buhay. Baka nga iniisip no’n, imahinasyon ka lang niya! Isa pa, binura ko ang alaala niya tungkol sa totoong katauhan mo. Hindi ka ba natatakot na sa inaakto mo, biglang manumbalik lahat ng mga alaala na ‘yon? Nakita mo kung gaano siya natakot sa ‘yo kahapon!” Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata at nagpakawala ng malalim na buntonghininga. Alam ni Raphael na likas na sa kanilang mga Mandaragit ang pagiging… seloso. Siguro ay dahil na rin sa lahing ibon nila, lalong-lalo na ang tulad niya, na may mataas na katungkulan. Hindi niya makakalimutan kung paanong halos mabaliw sa selos ang kanyang ama noon nang malaman nito na may ibang kinikita ang kanyang ina. “Kahit na. Ilipat mo sa night shift ang Gideon de Guia na ‘yon para sa buong buwan na ‘to.” Dahil parang batas ang utos niya, wala nang nagawa si Azul kung hindi ang sumunod sa gusto niya. Nang maipalabas nito ang memo ay sumandal si Raphael sa kanyang upuan bago nagsindi ng sigarilyo. Tahimik siyang humarap sa malaking bintana ng kanyang opisina at tumitig sa kawalan. Wala sa sarili na nahaplos niya ang pisnging sinampal ni Aurora noong una silang magkita. Tahimik siyang natawa. Alam ni Raphael sa sarili na kahit na ano pang pagpigil sa kanya ni Azul, hindi rin naman siya makikinig. Si Aurora ang nakatakda sa kanya. Alam niya ‘yon. Tinawag siya ng hiyas niya noong unang beses na lumapat ang kamay nito sa rebulto niya. Natigilan siya sa pagmumuni-muni nang dalahitin siya ng ubong may kahalong dugo. Dahil na rin halos ilang siglo nang nabubuhay ay alam niyang senyales iyon ng unti-unting pagtanda ng kanyang katawan. Isang milenya ang haba ng buhay ng isang Mandaragit. Higit pa sa katulad niyang may dugong bughaw. Kaya naman noong una niyang malaman ang tungkol sa kanyang nakatakda, hindi niya mapigilang kuwestiyunin ang langit at ang lumalang sa kanya. Bakit siya itinakda sa taong ilang taon lang ang ilalagi sa mundo? Bakit pa siya binigyan ng pagkakataon na magmahal kung papanoorin naman niya itong maunang tumanda at mamatay kaysa sa kanya? Pero nang una niyang mapagmasdan si Aurora, bigla na lang nawala ang mga tanong niya. Na para bang kahit na alam niya ang panganib at katungkulan na kailangan niyang harapin, balewala lang ang lahat ng iyon hangga’t nasa tabi niya ang dalaga. “Mr. Aguilar? May mga dokumento po kayong kailangang pirmahan,” tawag sa kanya ni Aurora na dahilan para lingunin niya ito. Nakatayo ang dalaga sa harapan ng saradong pinto, bitbit ang ilang makakapal na folder na naglalaman ng mga dokumento. Unang pumukaw sa atensyon ni Raphael ang pulang kuko ng kaharap. “Ilapag mo na lang sa lamesa ko,” tahimik niyang sagot habang ang kamay ay umaakto na itinataboy ang dalaga. Ngunit imbes na makinig sa kanya ay dahan-dahan pa itong naglakad papalapit sa kanya. Bumagsak ang mga folder sa sahig habang marahan at nang-aakit nitong inaalis ang pagkakabutones ng suot nitong polo. “Ayaw mo ba akong makasama pa, Sir Raphael?” tanong ng dalaga bago ito naupo sa ibabaw ng kanyang lamesa. Inabot ni Aurora ang kanyang neck tie at hinila siya papalabas. Napangiti ito nang marinig ang mahinang pag-lock ng pinto ng kanyang opisina. “Akala ko nagsawa ka na sa ‘kin, e… Kunsabagay, sa haba ng buhay mo, marami ka pang magagandang babaeng makikilala…” Bago pa man siya nito mahagkan ay nahablot niya na ito sa leeg. Gamit ang kanyang kapangyarihan ay inalis ni Raphael ang mahikang mayroon ito na dahilan para magaya nito si Aurora. Nang maalis niya iyon ay tumambad sa kanya ang nakangiting mukha ng kaharap. “Divina, matagal din kitang hindi nakita,” sabi ni Raphael bago pinakawalan ang babae. Tumawa naman ito at inayos ang damit, ‘ni hindi na nag-abala pa na itago ang totoong katauhan nito. “Balita ko natagpuan mo na raw ang nakatakda sa ‘yo.” Hindi siya umimik. Alam niya ang pakay ng babae. Pero wala siya sa tamang huwisyo para makipagbiruan dito. Pumalatak si Divina. “Kahit kailan, hindi ka nakikinig. Mapa-aswang na katulad ko o Mandaragit na tulad mo, alam mo na panganib ang umibig sa mortal.” “Ano ba talaga ang pakay mo?” naiinip na tanong niya. “Hindi porke’t espiya ka ng angkan namin e may karapatan ka nang magkomento sa buhay ko.” Ngumiti lang si Divina. “Sinasabihan lang kita. Alam mo kung ano ang nangyari sa ‘kin, Raphael. ‘Wag ka nang sumunod pa.” Muli, hindi siya umimik. Alam niya ang ibig sabihin ni Divina. Ang pag-ibig nito sa tao ang isang dahilan kung bakit tinakwil ito ng sariling angkan, sa kabila ng kapangyarihan at posisyon nitong taglay. Kung hindi pa ito kinupkop ng kanyang ina ay baka matagal na itong namatay. “Matagal ko nang hinintay ang araw na ‘to,” tanging sagot niya. “Masisisi mo ba ‘ko kung hindi ko mapigilan na mahalin siya?” “Pero paano kung sa pagmamahal mo sa kanya e mapahamak lang siya? Alam mo namang humahanap lang ng tiyempo ang mga kalahi ko para magkatotoo ang propesiya.” Binuklat nito ang isang folder at may ipinakita sa kanyang pahina ng dyaryo. Napakunot ang noo ni Raphael. Balita iyon tungkol sa isang matinding aksidente na nangyari ilang buwan lamang ang nakalilipas. “Ano ‘to?” “D’yan ko huling naramdaman ang hiyas ni Grigor. Pero ilang buwan na at hindi ko pa rin siya nararamdaman kahit saan. Dalawa lang ang ibig sabihin no’n.” Tinitigan niya si Divina. Bakas sa mukha nito ang pagkabahala. “Patay na si Grigor, o nakahanap siya ng katawang gagamitin para magtago,” saad ni Divina. “At kilala ko ang kapatid ko, Raphael. Hindi ganoon kadali na mapatay siya.” Tinitigan niya nang maigi ang pahina ng dyaryo. Hindi man gustong aminin ni Raphael ay may sumibol na pagkabahala sa loob ng kanyang dibdib. Hindi niya gusto ang kinapupuntahan ng usapan nila. “At baka… alam niya na ang pinakatatago mong lihim…at kung saan mo tinatago si Aurora…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD