Inayos ni Raphael ang suot niyang tuxedo. May mga burda ‘yon ng ginintuang balahibo ng ibon, at pinili naman niya na hindi isuot ang polo shirt na dapat ay nakalagay sa loob. Bahagyang nakalitaw ang kanyang malapad na dibdib. At kung bahagya naman siyang gagalaw pa, makikita ang mga mumunting halik at kalmot na iniwan ni Aurora sa balat niya noong nakaraang gabi.
Dahan-dahan siyang bumaba sa hagdan habang inaayos ang kuwelyo at manggas ng damit. At sa bawat madaanan niyang empleyado ng hotel, bawat isa ay yumuyuko sa kanya, kung ‘di man natutulala.
“Really, Raphael? Kailangan mo bang ibalandra ‘yang mga chikinini mo ngayon? Paano kung may magsumbong na naman kay Papa?” asar na sabi ni Azul habang sinusundan siya nito pababa ng hagdan. “I’m done cleaning your mess.”
“Done cleaning my mess? Ang sabihin mo, Azul, nahanap mo na rin ang nakatakda sa ‘yo, at naiinggit ka lang dahil hindi ka makaporma sa kanya.” Hindi umimik ang kapatid niya. Bagkus ay lalo pang nalukot ang mukha nito. Natawa si Raphael. “Bingo.”
“Hindi ako kasing-reckless mo, Kuya Raphael. Isa pa…” Lumamlam ang mga mata ni Azul. “Panigurado na hindi maniniwala si Sharlene de Guia sa katauhan ko.”
Ang matalik na kaibigan ni Aurora ang nakatakda sa kapatid niya. Matagal na nilang nalaman ‘yon, dahil may access si Azul sa lahat ng mga files ng empleyado sa hotel. Unang titig pa lang daw nito sa babae ay naramdaman na nito ang pagtawag sa kanya ng kanyang hiyas.
“That didn’t stop me, though,” buska niya pa rito. “I think, torpe ka lang talaga, Azul.”
“Shut the f*ck up, Raphael Therion.”
Humahalakhak na tumuloy silang dalawa sa isang malaking conference room sa unang palapag ng hotel. May isang delegado lang ang nakaupo ro’n. Pagkapasok na pagkapasok pa lang ni Raphael ay kaagad nang dumilim ang mukha niya.
Malansa ang simoy ng hangin. At isa lang ang ibig sabihin n’yon.
“Nasaan ang kapatid mo, Silas?” tanong ni Raphael sa lalaking prenteng nakaupo sa kabisera ng conference table, tahimik na umiinom ng isang baso na puno ng pulang likido. “Hindi ko alam na duwag pala si Grigor.”
Tumawa ang lalaki at tumayo, bago inilapag ang baso sa lamesa. Kahit na hindi ito magbago ng anyo ay nakikita ni Raphael ang kadilimang bumabalot sa katauhan ng lalaki. Sa mga mata nito ay nakabaliktad ang kanyang repleksyon.
Nang lumapit ito sa kanila ay kaagad na lumabas ang mga pakpak ni Azul. Hawak ang isang mahabang ginintuang sibat ay iniamba nito ‘yon sa leeg ni Silas, habang ang isang pakpak nito ay tumakip naman sa katawan ni Raphael.
Natawa ang panauhin nila sa ginawa ng kanyang kapatid. “Oh, Azul. Tingin ko, mas kailangan mo ng proteksyon kaysa sa kapatid mo. Besides, relax. Wala akong balak na galitin si Raphael. Ayoko pang mamatay,” saad ni Silas habang nakangisi. Iniusog nito papalayo sa mukha nito ang sibat at tumingin kay Raphael. “Matagal din tayong hindi nagkita, Kamahalan…”
Bagaman natutulili sa sarkastikong tinig ng kausap ay hinila lang ni Raphael ang upuan niya sa kabilang kabisera ng conference table at naupo ro’n. “Anong kailangan mo? Wala akong gana na makipag-usap sa isang Aswang na tulad mo, Silas.”
Tumawa nang nakakaloko ang lalaki. “Oh, I’m not here to bargain. I’m just here to warn you, Raphael. Rinig ko pa naman, mabait at mahinhin ang nakatakda sa ‘yo. Nakakahiya naman… kung masasaktan siya—”
Bago pa nito matuloy ang sasabihin ay nahagip na ni Raphael ang lalamunan nito. Sinalya niya ang lalaki sa lamesa, dahilan para bahagya ‘yong mabiyak sa gitna.
“Binabalaan na kita, Silas. Gano’n din ang kapatid mo. Hawakan mo man kahit na ga-hibla ng buhok ni Aurora, ibabalik kita sa impyernong pinanggalingan mo!” nangangalit na banta ni Raphael sa lalaking nakasalya sa lamesa.
Sa kabila ng pag-agos ng dugo mula sa labi nito ay nagawa pa ring tumawa ni Silas. “‘Tsk, tsk, tsk… Masama ‘yan, Raphael…Gan’yan mo ba itrato ang magiging bayaw mo? Hindi mo ba alam na pinagkasundo ka na ni Don Raul sa isa sa mga kalahi namin? Pinadala ako dito ng aming pinuno para sabihin ‘yon sa ‘yo…”
Umigting ang panga ni Raphael. “Ano?”
Sa pagitan ng pagtawa at pag-ubo ay nagawang sabihin ni Silas ang tila isang bombang halos yumanig sa pagkatao ni Raphael noong mga sandaling ‘yon. “Matagal nang nag-uusap ng kasunduan si Don Raul at ang pinuno namin, Raphael. At ang napagkasunduan nila, papakasalan mo ang isa sa mga anak ng aming pinuno at titigil kami sa pambibiktima ng mga pinakamamahal n’yong tao. Seriously, hindi ba nasabi ni Don Raul sa ‘yo? A—”
“Tingin mo maloloko mo ako, Silas? Isa lang ang anak na babae ni Haring Azrael, at ‘yon si Divina. Alangan namang ang pakasalan ko e ikaw o si Grigor?”
Humahalakhak ang lalaki. Lalong tinambol ng kaba si Raphael. Binitawan niya ang leeg nito at hinayaan na makapagsalita. “Noong nakaraang taon lang, nahanap namin ang pinakabata naming kapatid na matagal nang nawawala. Siya ang ipinagkasundo sa ‘yo.”
Pagak na natawa si Raphael. “Hindi ako um-oo sa kasunduan n’yo. Kahit kailan, hindi ako magpapakasal sa isang Aswang!”
Ngumisi si Silas. Nagkibit-balikat. “Sabi mo, e. Pero may magagawa ka ba, Raphael? Sa oras na baliin mo ang kasunduan at paiyakin ang bunso naming kapatid, alam mo na wala kaming sasantuhin.” Nagdilim ang mukha nito. “At isa itong banta, Raphael. Dahil magiging masayang-masaya si Grigor na agawin sa ‘yo ‘yang babaeng pinakatatago mo.”
Bago niya pa man ito masaktan ulit ay naglaho na na parang bula ang lalaki sa loob ng silid. Ang tanging naiwan na lang sa silid ay silang dalawa ni Azul at ang baso ng pulang likido na kanina ay iniinom ni Silas. Tinapon ‘yon ni Raphael sa labas ng bintana. Pilit niyang itinatago ang delubyong namumuo sa loob ng dibdib niya.
Ayaw niyang makasal sa kahit na sino. Ke Aswang man o hindi, si Aurora lang ang gusto niyang makasama hanggang sa huling hininga nito at wala nang iba pa.
Pero bakit parang kasalanan sa mata ng Diyos at ng uri nila ang pagmamahal niya? Dahil ba sa sumpa na hindi naman siya ang gumawa? O dahil siya ang susunod na magmamana ng korona ng kanyang ama… na may kasamang mabigat na tungkuling hindi niya maaaring talikuran?
“May alam ka ba sa sinasabi ni Silas, Azul?” tanong niya sa kapatid na naupo sa isa sa mga upuan sa silid.
“Wala akong alam, Kuya. Ang alam ko lang, tuwing Lunes, nagpupunta si Papa sa teritoryo ng mga Aswang.”
Pagak na natawa si Raphael. “Traydor.”
Napapalatak si Azul. “Ano nang balak mong gawin? Halata naman na patibong ‘yon… Bakit hindi nag-iisip si Papa? Mapapahamak tayong lahat sa—”
“Kailangan nating makahanap ng paraan para mapigilan ang kung ano mang plano ng mga ‘yon, lalong-lalo na ni Grigor,” determinadong sabi ni Raphael. “Lalong-lalo na ngayon.”
Lalong-lalo na ngayon na may maari nang mawala sa kanya.