Aurora
Humigpit ang hawak ni Sir Raphael sa braso ko. Bahagya akong nakaramdam ng sakit lalo na at halos bumaon na ang kuko niya sa balat ko. Tumingala siya. Para bang may pinapakiramdaman.
“Sir Raphael?” tawag ko sa kanya. “Anong nangyayari?”
Tinakpan niya ang bibig ko. Napuno ng katahimikan ang silid. Halos nag-ri-ring na sa pandinig ko ang katahimikan nang muli siyang magsalita. “Gusto mo ba magpunta sa isa sa mga villa ko? Kahit ngayong gabi lang, Aurora.”
Napakunot ang noo ko. Napa-angat sa pagkakaupo, bago ko siya pinigilan sa kung ano man ang gusto niyang sabihin. “Teka, teka, teka, hindi ako nagpapabahay sa ‘yo—”
“Please, just one night,” pagsusumamo niya. Napatitig ako sa madilim na asul na mga mata ni Sir Raphael. Nababahiran ‘yon ng… pagkabahala.
Ano ba talagang nangyayari?
Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga. “Fine. Pero ngayong gabi lang, ha. Hindi porket um-oo ako, payag na rin ako na mabahay mo!”
Hindi siya tumawa. Bagkus ay pinatay niya ang kalan at itinabi ang gulay sa ref. Hindi na ako kumibo pa dahil hindi ko rin mabasa ang nasa isipan niya.
Umakyat ako sa silid ako at nag-empake ng pantulog, undies, at ilang toiletries. Nang makababa ako ay napansin ko na binitbit ni Sir Raphael ang hawla ng ibon at dinala ‘yon palabas ng bahay. Lumigid siya at nakita ko na naka-park pala ang mamahalin niyang sasakyan sa isang bakanteng lote na hindi naman kalayuan mula sa bahay ko.
Ngunit nakapagtataka lang na parang puno ‘yon ng alikabok. Para bang matagal na ‘yong nakaparada ro’n…
“Aurora? Sabi ko magsuot ka ng seatbelt,” tawag ni Sir Raphael sa ‘kin na ikinabalik ng huwisyo ko. Kinuha niya ang bag ko at hinagis ‘yon sa backseat ng kotse, bago inayos ang pagkakakabit ng seatbelt ko.
“Bakit pala… bigla n’yong gusto na sa villa n’yo tayo magpalipas?” tanong ko.
Kahit na may pilyong ngisi sa labi ay pansin ko ang pag-aalala na nakapinta sa mga mata ni Sir Raphael. “Wala lang. Masama ba na dalhin kita ro’n?”
“Hindi naman. Masyado lang… biglaan.”
Natawa siya pero hindi siya kumibo. At sa totoo lang, nakakapanibago ang pag-iiba niya. Sanay ako na palagi niya akong binubuska, at hindi ko mapigilang mag-isip kung ano ba talaga ang nangyayari at biglang nag-iba ang akto niya.
Siguro ay dala na rin ng pagod ay ‘di ko namalayan na naka-idlip na pala ako sa loob ng sasakyan. Papalubog na ang araw nang muli kong imulat ang mga mata ko, at tinatahak ng sasakyan ang isang paakyat na kalsadang papasok sa kabundukan.
“Huh?” Kinusot ko ang mga mata ko. “Nasaan tayo, Sir?”
“Sit tight. Malapit na tayo.”
Makalipas ng ilang sandali ay natanaw ko na ang isang magarbong bahay Kastila na gawa sa bato. Bahagya ‘yong natatakpan ng mga puno, pero nang makalapit ay mas lalo akong namangha sa ganda at laki no’n.
“Dito ka nakatira?” tanong ko.
“No, just one of my family's ancestral homes. Pero madalas ako rito kapag ayaw kong umuwi.”
Pinarada niya ang sasakyan at kinuha ang mga gamit ko. Kinuha ko ang hawla ng ibon na noong mga oras na ‘yon ay kalmado. Tinulak ni Sir Raphael ang malaking narra na pinto. Umingit ‘yon at dahan-dahang bumukas.
Nagulat ako sa laki ng bahay sa loob. Para siyang malit na kastilyong nadedekorasyunan mula kisame hanggang sahig ng mga antigong muwebles. Nilapitan ko ang isang marmol na fountain sa gitna ng kabahayan at pagtingala ko, napansin ko na salamin ang bubong sa ibabaw no’n, kung saan tanaw na tanaw ko ang langit na unti-unti nang nagdidilim.
Saglit siyang nawala sa paningin ko. Nang sundan ko siya ay isang mahabang pasilyo na puno ng pinto ang bumungad sa akin, kaya naman hindi ko na tinangka na sundan pa si Sir Raphael. Mayamaya ay lumabas siya sa isa sa mga pintuan sa na nasa bungad lang ng pasilyo, may bitbit na bungkos ng susi.
“That's your temporary room. Pwede ka maglibot at pwede mong buksan lahat ng pinto sa pasilyo na ‘to, maliban do’n sa nasa dulo. That's off limits,” sabi niya sa ‘kin bago iniabot ang mga susi sa ‘kin. Nagtataka na napatingin ako sa kanya.
“Akala ko sasamahan mo ‘ko?”
Masuyo siyang ngumiti. Hinila ako ni Sir Raphael at hinalikan sa noo. “May aasikasuhin lang ako saglit. I'll be back by midnight, my love…”
“Pero—”
“May pagkain sa kusina kung nagugutom ka. Nasa kabilang parte lang ng bahay, pagkaliko mo galing sa fountain. For your bird, I think the pantry has some bird seed too. Don't wait for me, okay? Bukas ng umaga, um-absent ka muna. Ako ang bahala sa ‘yo.”
Parang nagmamadali ang tono niya, dahilan para hindi na ako makapagtanong pa. Matapos niya akong siilin muli ng halik sa labi ay mabilis na lumabas ng villa si Sir Raphael. ‘Ni hindi niya man lang ako nilingon. Hindi ko na narinig ang ugong ng sasakyan. Basta na lang siyang… nawala.
Sinunod ko ang sinabi niya. Nagpunta ako sa kusina at nag-ayos ng makakain. May nakita akong kanin na bahagya nang lumamig, at pritong isda. Saglit ko lang ininit ang mga ‘yon at kumain na, habang pinagmamasdan ang bawat disenyo at bawat sulok ng malaking villa na ‘yon.
Nang matapos ako ay saglit kong hinugasan ang mga plato. Napatingin ako sa orasan. Halos dalawang oras nang nawawala si Sir Raphael.
Bahagya akong nakaramdam ng inis. Bakit niya pa ako dinala sa bahay niya, kung balak niya lang din pala akong iwan? Isa pa, nasa gitna ng kagubatan ang bahay niya, at mukhang mag-isa lang ako dahil wala naman siyang nasabi na may kasambahay siya o katiwala.
Matapos mapakain ang ibon ay napagdesisyunan kong libutin isa-isa ang mga pinto sa pasilyong itinuro niya bago ako matulog. Namangha ako dahil sa bawat pagbubukas ng pinto ay iba-ibang kuwarto ang bumungad sa ‘kin, na siguro sa mahirap na kagaya ko ay hindi ko maiisip na mapapasukan ko. Kumpleto ang villa ni Sir Raphael, dahil mayroon siyang maliit na home theater. Meron din siyang malaking library. Game room. At—
Napalingon ako nang makarinig ako ng pag-ingit ng pinto, sa dulo ng pasilyo. Napansin ko na bahagyang umawang ang pinto sa dulo n’yon. May kaunting liwanag na nanggagaling sa siwang ngunit dahil na rin sa layo no’n sa ‘kin ay halos hindi ko napansin kung ano ang pintong ‘yon.
‘Yon lang ang natatanging pinto na hindi ko puwedeng pasukin.
Umihip ang malamig na hangin sa loob ng villa. Bahagya kong nayakap ang sarili ko, at ramdam ko ang pagtayo ng buhok sa batok ko. Na para bang… may nagmamasid sa ‘kin…
Ang pag-ingit ng pinto ay nasundan ng sitsit. Isa. Psst…
Napahawak ako sa kuwintas na suot ko. Mainit pa rin ‘yon at parang tumitibok sa palad ko, pero noong mga oras na ‘yon, mas nangibabaw ang takot ko.
Psst…
“Sino ‘yan?” nanginginig ang tinig na tawag ko.
Walang sumagot. Naghintay pa ako ng ilang sandali, pero napuno lang ng katahimikan ang silid. Dahan-dahan akong lumapit sa pintong ‘yon. Napansin ko ang liwanag na nanggagaling sa manipis na siwang ng bukas na pinto. Kakaiba ang kulay no’n, na para bang pinaghalong kulay asul, dilaw, at pula. Sumasayaw ang liwanag na ‘yon sa paningin ko. Umangat ang kamay ko para itulak pabukas ang pinto nang biglang may isang pares ng kamay ang biglang humawak sa pulso ko.