Matulin na lumipas ang panahon. Dumaan ang isang buwan bago sila makakuha ng liham mula sa korte. Sa wakas ay mag-uumpisa na ang hearing sa kaso ni Andrea. Nakahawak at nakatitig pa rin si Leona sa papel na hawak, pagkatapos ay bumaling siya sa bintana. Ang mga patak ng ulan ay nakadikit sa salamin niyon. Malakas ang ingay ng ragasa ng bagyo. Napabuntong-hininga siya na tumingin sa labas. Makulimlim ang paligid, itim na itim ang kalangitan, at walang tao sa labas na nagtangkang sumalubong sa masamang panahon. Nadama niya ang presensya ng asawa. Pumaikot ang mga braso nito mula sa kaniyang likod. Mahigpit siyang niyakap at inihilig ang ulo sa buhok niya. "Naniniwala akong mananalo tayo. Mapapakulong natin sila at mapupunta sa 'tin ang karapatan kay Andrea," bulong ni Aries. Humarap siya

