Unti-unting lumaki ang ngiti sa mukha ni Inspector Giordani habang naghihintay sa labas ng pasilidad ng Angel's League Charity for the Children, ang orphanage na tinuro ni Mirriam Al-Saud.
Nakatambay siya sa parking lot. Nakasandal siya sa pinto ng kotse, naka-krus ang mga braso at lumilipad ang isipan. Hindi niya alam kung bakit ngunit napapangiti siya kapag naaalala ang mga ngiti ni Leona. Sa lumipas na mga araw, inaamin niya na napalapit na nga sila sa isa't isa. Mabait ang babae. Maganda pa at elegante. Ito ang mga tipo niya.
Crush nga ba ang tawag doon? Parang ang tanda na niya para magka-crush pa. Ngunit kung crush lang naman, okay lang naman siguro hindi ba? Hanggang doon lang naman.
Ilang saglit pang paghihintay, dumating na rin ang kotse ni Leona. Huminto ito at nag-park malapit sa kinatatayuan niya.
Nakita niyang lumabas na ang magandang dilag mula sa kotse. Nagkatinginan sila at binigyan siya nito ng matamis na ngiti bilang pagbati.
Kay ganda talaga... Hindi niya maiwasan na ibalik ang ngiti nito. Hindi niya rin mapigilan ang mabilis na t***k ng puso dahil sa kasabikan. Magkasama na naman sila ngayong araw... buong araw.
Ngunit napatingin siya sa lalaking lumabas mula sa loob ng kotse ni Leona. Napawi agad ang abot-tainga niyang ngiti nang makita ang taong iyon. Sino iyong lalaki na kasama ni Leona sa kotse? Sinipat niya ito. Mas matangkad ito kumpara sa kaniya. Matikas at lalaking-lalaki kung kumilos. Maayos at disente kung manamit. Gwapo rin ngunit mas gwapo pa rin siya.
Nagtama ang mga mata nilang dalawa. Hindi niya alam kung bakit pero bigla siyang nailang.
"Ah, Jarvis... siya ang asawa ko, si Aries," pakilala ni Leona na tinuro ang katabi.
Gumuho ang pantasya sa utak ni Giordani. Tila may batong nahulog sa langit at natamaan siya sa ulo, nagising siya sa reyalidad. Okay lang naman magkagusto ngunit may hangganan iyon, lalo na kung may nagmamay-ari na sa taong gusto mo.
Naisip niya bigla ang propesyon niya. Naalala niya na hindi siya naging isang detective para mangupit ng babae ng iba.
Napatingin siya sa kamay ni Aries na nakalahad sa harap niya. Nakikipagkamay ito pero ang pakiramdam niya ay gusto rin nitong manapak.
Nakakailang man, tinanggap niya ang palad. Tumitig din siya sa mga mata nito. Nakipaglaban siya ng titigan.
---Lumayo ka sa asawa ko.
---Hindi ako ganoon kababa. Huwag mo kong pagbintangan.
Parang ganoon ang usapan ng mga isip nila, kung sakali man na marunong sila ng telepathy.
Palipat-lipat naman ang tingin ni Leona sa dalawang lalaki. Napansin niya na humihigpit yata ang hand-shake ng dalawa at kung magkatinginan ay parang magsasabong. Nararamdaman niya ang mabigat na tensyon sa pagitan nila.
"Pumasok na tayo sa loob," awat niya sa dalawa.
Napabitaw naman ang mga ito pero masama pa rin ang mga tingin. Napapailing na lang si Leona na nauna nang umalis. Wala siyang oras para sa ganito, kailangan niyang makita ang anak niya.
***
Dalawang palapag lamang ang bahay-ampunan ngunit malaki at malapad. Sa unang tingin, aakalain mo siyang public school. Sa harap ng building ay may nakasulat sa malalaki at asul na titik, Angel's League Charity for the Children.
Nasa bungad pa lamang sila ng entrance, sinalubong na agad sila ng isang babae. Nakasuot siya ng puting t-shirt na may social worker logo, jean pants at itim na doll shoes. Nakapuson ang buhok nito.
Nakangiti at puno ng confidence na humarap ito sa kanila. Batay sa itsura ng babae, nahuhulaan ni Leona na nasa 20's lang ang edad niya.
"Welcome Inspector, are you looking for Director?" tanong nito na bumaling sa tinuran.
"Yes," tumango si Giordani.
"Who are they?"
"She's Leona and her.... h-husband..." parang napilitan pa nitong turo kay Aries. Hindi na lang pinansin ng asawa niya.
"Just call me Rebecca, part time social worker ako rito," pakilala naman nito na nakipagkamay sa kanilang mag-asawa.
"Nice to meet you," simpleng sabi lang niya.
"Yesterday, Inspector Giordani contacts us and asks about Sabryna Andrea Al-Saud. Sinabi namin kay Inspector na pumunta na lang dito para makita ang mga papers ni Andrea. I'm not aware na may kasama pala siya. So you two are married couple? Kasal or live in?"
"Ah, we're legally married. May isang anak kami," tila nahiya pang tango ni Aries na napahawak sa ulo.
Hindi naman maipinta ang mukha ni Giordani, ni hindi rin tumitingin sa kanila.
"There are a lot of orphans here. Bakit naman si Andrea ang hinahanap ni'yo?" tanong ni Rebecca.
"Ah... ano kasi..."
"Marami pang pagpipilian. Gusto ni'yong lumibot muna?"
Nagkatinginan sina Aries at Leona. Hindi naman sila nagpunta rito para mag-ampon ng bata.
"Ano eh..." Hindi alam ni Aries kung ano ang sasabihin.
Natawa naman si Rebecca. "Nagbibiro lang ako. Kayo naman..."
Napilitan na lang silang tumawa para mabawasan naman ang nakakailang na presensya. Kumbaga, huwag ipahiya ang joke ng iba. Tumawa nang pilit bilang pagbibigay awa at respeto sa dignidad ng taong hindi marunong mag-joke.
"Anyway, doon na lang po tayo sa opisina ng executive director," nakangiting yaya nito at pinasunod sila.
***
Pumasok sila sa loob ng gusali. Hindi inaasahan ni Leona na maayos at malinis sa pasilyo. Sa mga nababasa niya kasing mga libro, magulo at madumi raw sa loob ng bahay-ampunan.
Dumaan sila sa lobby at nakita niyang may tatlumpung bata na nakahilera roon. Nakapila sila ng by row at by column. Tahimik lamang sila habang nakatayo at nakatingin sa harapan. Maayos din ang mga damit nila at nakabihis ng pormal. Tinataya niyang naglalaro sa 5 – 13 ang edad ng mga bata.
Dumako ang mga mata ni Leona sa tinitignan ng mga bata. Sa harap nila ay may isang babaeng staff ng orphanage, may bitbit itong mga papeles at ballpen. Katabi ng babae, ang isang lalaki na mataba at malaki ang umbok ng tiyan. Base sa kutis nito at kulay ng buhok, nahulaan niyang Amerikano ang lalaki. Nasa trenta anyos naman ang edad ng dayuhan.
May kuryosidad na bumaling siya kay Rebecca. "Anong nangyayari roon?" turo niya sa lobby.
"Ah... iyan ba? Gusto kasi mag-adopt ng Amerikano," sagot nito.
"Sa ganyang paraan? Mukha siyang namimili ng prutas sa palengke," nasabi niya ang nasa isip.
"Oo, gano'n na nga, ma'am..." sang-ayon naman ng social worker. "Pero wala tayong magagawa. Gan'yan ang patakaran dito. Kapag may gustong mag-ampon, bibihisan namin ang mga bata at ihihilera tapos mamimili iyong mag-aampon."
Hindi alam ni Leona ang sasabihin. Parang naaawa naman siya sa mga bata rito.
"Naawa ka ba ma'am?" tanong ni Rebecca. "Matagal na akong nagtratrabaho sa mga ganito at ang masasabi ko lang, kailangan ng matatag na kalooban. Karamihan ng mga bata sa ampunan, may depression at trauma. Ilan sa kanila, nanggaling sa abusadong pamilya. Naiisip nila na walang may gusto sa kanila."
"Kapag nakapili na 'yong Amerikano, anong mangyayari sa mga bata?" sumingit na si Aries sa usapan.
"Iyong mga rejected s'yempre magmumukmok sa itaas." Tinuro ni Rebecca ang ikalawang palapag. "At iyong napili, syempre marami pa kaming aasikasuhin sa papel ng bata. Hindi naman agad-agad kukunin, may petition pa sa korte 'yan. May hearing pa sa court."
"Pero paano kung may magkapatid dito? Tapos isa lang sa kanila ang gustong ampunin?" tanong pa rin ni Aries.
"Its sad to say pero...." napabuntong-hininga si Rebecca. "Magkakahiwalay sila."
"That's too cruel..." nasambit ni Leona.
"Mawalang galang na Ms. Rebecca, pero pakiramdam ko... hindi mapagkakatiwalaan iyong Amerikano," Napalingon silang lahat sa sinabi ni Giordani. Bilang pribadong imbestigador, marunong siyang sumipat at kumilala ng tao sa unang tingin. Kadalasan tama ang instinct niya.
Lahat sila ay napahinto at tumingin sa lalaki. Nasa tapat na rin sila ng Office of Executive Director.
"Nakita ko na mga batang babae lang ang kinakausap niya. Hindi ba kayo nag-aalala na baka pedophile iyon?" dugtong pa ni Giordani.
"Well..." tila nailang naman si Rebecca sa tanong. "May screening, counseling, seminars, at interviews naman lahat ng foster parents. We make sure na legitimate ang mga documents na ibinibigay sa amin ng mga nag-aapply for adoption. And we monitor the kid before and after adoption."
"Pero may cases ba na gano'n?"
S'yempre hindi naman pwedeng magsinungaling si Rebecca. Napabuntong-hininga niyang sinabi ang totoo. "Yes, there are some cases were the family who adopted the child... abuses the child also..."
Parang mahihimatay na si Leona sa mga naririnig niya. Sobra na siyang nag-aalala para sa kapakanan ni Andrea. Mahirap ang buhay sa loob ng bahay-ampunan, idagdag pa ang mga adult na hindi mapagkakatiwalaan. Kamusta na kaya si Andrea? Baka naman isa sa mga batang naroon sa lobby ang anak niya?
Kailangan niyang maging matatag. Kaunti na lang, makikita at mahahanap na niya ang bata. Makakapiling at mayayakap niya muli. Maproprotektahan niya sa mabangis na mundo.
Kumatok na si Rebecca sa loob ng opisina at pumasok silang apat sa loob.
***