"Above all, keep loving one another earnestly,
since love covers a multitude of sins."
-1 Peter 4:8 ESV
***
Kanina ay parang may gera sa loob ng bahay nila dahil sa nakakabingi nilang pagtatalo. Ngunit ngayon ay lumipas na ang ingay, kapwa na silang mahinahon habang nakatambay sa terrace.
Tahimik lang si Aries na nakinig sa k'wento ng asawa. Hindi niya alam kung anong sasabihin. Nanatili na lamang siyang nakatunghay sa veranda at nakatitig sa mga street lights na tanaw sa 'di kalayuan. Sa paningin niya'y nagbibigay ganda iyon sa dilim ng gabi. (*)Pero dahil din sa mga ilaw na iyon kaya natatakpan ang mga bituin sa langit. Naroon din ang kalahating mukha ng buwan, nakasilip sa gitna ng mga ulap.
Katabi niya ang asawa na nakatitig sa tanawin ngunit ang diwa ay nakatuon sa nakaraan. Wala nang bahid ng luha sa kanilang mga mata ngunit puno pa rin ng pasakit ang itsura nila.
Pinagtapat din sa kaniya ni Leona ang totoo, ang nakaraan nito na itinago sa kaniya nang limang taon.
Ito naman talaga ang gusto niya 'di ba? Ang maging matapat sa kaniya ang asawa? Iyon nga lamang, hindi naman gumaan ang loob niya. Sa halip, nadagdagan pa nga. Wala nga itong kalaguyo ngunit may anak naman sa labas.
Malalim siyang napabuntong-hininga.
"Aries, 'yon ang totoo."
Hindi niya ito nililingon. Ayaw na niyang makita pa ng babae ang dalamhati sa mga mata niya. "Ba't ngayon mo lang sinabi sa 'kin? Bakit no'ng girlfriend pa lang kita, hindi mo sinabi?"
"Kapag nalaman mo ba 'yon nang ganoong kaaga, pakakasalan mo pa ba ako?"
"Oo," may diin na sagot niya at lumingon dito.
Hindi naman nakapagsalita si Leona. Nabigla ito sa pinagtapat niya.
"Masakit nang malaman ko ang nakaraan mo pero tingin mo ba magbabago ang nararamdaman ko sa 'yo? Gano'n ba kadali na magbabago 'yon?"
Nagbaba ito ng paningin at nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Masama pa rin ang loob ko... sa pagtatago mo, sa pagsisinungaling mo, at sa perang ginastos mo."
"Aries, intindihin mo naman ako."
"Ikaw ba? Iniintindi mo ko?"
Wala itong sinagot. Humarap siya sa babae at tuwirang nagtanong. "Kung ako ang may anak sa labas at nalaman mo ngayon, ano kaya ang mararamdaman mo?"
Alam ni Leona ang sagot pero hindi siya nagsalita. Sino ba ang matutuwa kapag biglaang malaman na ang ka-partner niya ay may anak pala sa iba?
"I understand you, Leona. You want to see your kid, you want to apologize, and you want to fix the mistakes you did. Hindi kita pipigilan na gawin iyon. Hahayaan kita dahil una sa lahat, anak mo rin 'yon."
Hindi niya maintindihan kung bakit parang nanlalambot siya habang pinapaliwanag iyon kay Leona. Hindi naman nagsasalita ang babae kaya pinagpatuloy na lang niya ang pagbuhos ng sama ng loob.
"Ipagkakait ko ba 'yon sa bata? May karapatan si Andrea na makilala ka at may karapatan ka rin na makita siya. Tingin mo, tututol ako ro'n?"
"I'm sorry..." Iyon lang ang kaya nitong sabihin.
"Ilang beses mong sinabi sa 'kin na magtiwala ako sa 'yo pero hindi ka rin pala nagtitiwala sa 'kin. Tinago mo sa 'kin ang tungkol kay Lloyd at kay Baby Andrea dahil wala kang tiwala."
"Hindi sa gano'n!" tutol nito.
"E, bakit 'di mo sinabi agad?"
S'yempre wala na naman itong masagot sa tanong niya. Dumaan ang mga segundo ng nakakailang na katahimikan. Bumalik ang tingin niya sa labas ng veranda.
Napabuntong-hininga si Leona at muling nagsalita. "Hindi ko sinabi kasi... n-natakot ako na baka iwan mo ko at si Archie kapag nalaman mo ang totoo..." nauutal na pag-amin nito.
Napaisip nang malalim si Aries. May punto naman ang kinakatakot ni Leona. Naalala niya ang ginawa niya kanina. Mukha siyang tanga na kinuha ang damit niya at inilagay sa maleta. Nakakahiya.
Kung hindi pa niya nakita ang mukha ng anak niya, hindi pa siya matatauhan at maaalala kung ano ang tama sa mali.
"Nadala lang ako ng emosyon ko kanina... sobra kasi akong nasaktan," sabi niya at tumingin sa asawa. "Inaamin ko, may mali rin ako. Humihingi rin ako ng tawad, Leona," mapagkumbaba niyang sabi.
Pero ang isang salita na iyon ang nagpa-init sa mga mata ni Leona. Nalaglag ang mga luha nito.
Kung nasaktan man nila ang isa't isa kailangan nilang magbigay ng kapatawaran. Kailangan nilang umamin sa sariling pagkakamali. Bahagi ito ng isang relasyon, hindi mo man intensyon na manakit ngunit kung minsan hindi mo iyon maiiwasan. Lalo na kung hindi nagkakaintindihan. Ngunit ang mahalaga, handa kayong magpakumbaba at patawarin ang isa't isa.
Sa totoo lamang, ngayon na umamin na si Leona, maaaring bumalik na rin ang pagtitiwala niya.
"I'm sorry." Hinawakan niya ang kamay nito at marahan na pinalapit sa kaniya.
"Mahal, I'm sorry din."
Pumaikot ang mga braso niya rito at mahigpit na niyakap. Inihilig naman nito ang ulo sa balikat niya at yumakap din. Inaamin niya, nami-miss na niyang yakapin ang asawa. Ilang minuto na nasa ganoong ayos lamang sila.
"Alam ko na nasaktan din kita. Naghihirap ka na nga kay Andrea, dumagdag pa ako sa problema mo. I apologize, Leona."
Hinalikan niya ang kamay at braso nitong nagkagasgas kanina. "And I'm so sorry for hurting you physically. I didn't mean it."
"I forgive you, Aries. It's my fault anyway..." sabi nito habang pinupunasan ang mga luha sa mata.
"Leona." Bahagya siyang lumayo sa asawa. Tinitigan ito sa mga mata habang nakahawak ang dalawang kamay niya sa magkabilang balikat nito.
"Ipangako mo sa 'kin na lagi kang magsasabi ng totoo. Kung ayaw mo na sa 'kin, kung hindi ka na masaya, kung nasasakal ka o kung may iba ka na. Lahat ng iyon tatanggapin ko basta matapat ka lang. Alam ko naman na walang panghabambuhay, pero sana hangga't nandito tayo, nabubuhay tayo sa totoo at hindi sa kasinungalingan."
"I promise, Aries! Pero wala akong iba. Ito ang totoo. Ikaw lang ang kailangan ko," pagpupumilit nito.
Bahagya siyang napangiti. "Good to know that because I don't have anyone else either." Kinabig niya muli ito payakap.
"Pero magsabi ka ng totoo, masama pa rin ba ang loob mo sa 'kin?" nag-aalalang tanong nito.
"Honestly, oo... masakit pa rin malaman na may anak ka sa ibang lalaki pero may magagawa ba ako? Hindi ko naman kayang bumalik sa nakaraan para mabago iyon 'di ba?"
Naramdaman niyang bumigat ang balikat ng asawa dahil sa pagtatapat niya.
"Pero kahit masama pa rin ang loob ko, asawa pa rin naman kita. May isang anak tayo at mahal na mahal ko pa rin kayong dalawa."
"I'm so sorry, Aries."
"Lilipas din ang sakit na nararamdaman ko, kailangan lang ng panahon..." sa isip niya.
Nagkatinginan sila at nagkaintindihan. Hihintayin siya ni Leona. Maghihintay ito na mawala ang sama ng loob niya. Lumapat ang labi niya sa labi nito, bilang tanda na sa kabila ng lahat, nagmamahalan pa rin sila.
***
Kinabukasan, naalimpungatan siya sa kaluskos ng paligid. Tinatamad na napakislot siya at kinapkap ang kabilang bahagi ng kama. Kumunot ang noo niya nang mapansing wala na sa tabi niya si Leona.
Bahagya pa niyang tinakpan ang mga mata dahil nasilaw siya sa liwanag na nagmumula sa bintana. Saka lang niya napansin ang asawa na nakabihis ng pormal at nasa harap ng salamin. Nagsusuklay roon.
"Leona," tawag niya.
"Mahal." Lumingon ito, itinigil ang pagsusuklay, lumapit sa kaniya at binigyan siya ng isang halik sa noo. "Good morning. May almusal na sa ibaba."
"Aalis ka na naman ba?" Iyon ang tanong niya at nagkatinginan sila. Naalala nila ang mga pinag-usapan nila kahapon.
"Oo," tumango siya. "Nangako ako sa sarili ko. Hindi ako titigil hangga't 'di ko nakikita si Andrea." Pagtatapat nito at tumalikod na muli. Bumalik ito sa harap ng salamin.
Bumangon siya at naglakad palapit sa likod ng babae. Katulad ng dati niyang ginagawa, niyakap niya ito mula sa likuran. Malambing naman na hinaplos nito ang mga kamay niya.
"Sasama ako," iyon ang bulong niya.
"Ha?" Napanganga ito at tumitig sa kaniya. "Aries, may trabaho ka--- "
"Sila na munang bahala roon. Ako naman ang boss nila eh," natawa pa niyang sabi.
Nakatingin pa rin ito sa kaniya na tila hindi ito makapaniwala. Ngunit buo na ang loob niyang samahan si Leona, iyon ay dahil...
Pagkatapos ng pag-uusap nila kahapon, bumalik ang tiwala niya sa babae. Ngunit wala siyang tiwala sa lalaking kasama nito. Nagseselos ba siya? Hindi niya sigurado pero gusto niyang protektahan ang asawa.
"Mahal, maraming salamat sa suporta mo." Humarap sa kaniya si Leona at niyakap siya nang mahigpit. Nakangiti nitong pinikit ang mga mata at humilig sa dibdib niya. "Aries, I love you so much. Hindi ako mapapagod na sabihin iyan sa 'yo."
"And I will never get tired hearing that," sagot niya.
***