Naghahalo ang iba't ibang kulay sa langit nang sumapit ang dapit-hapon. Sumingit ang dilaw, kahel, at pula sa pagitan ng mga nangingitim na ulap. Mapayapa sa mga mata ni Leona ngunit hindi sa kaniyang puso. Nababagabag pa rin siya sa sinapit ni Andrea at kung nasaan na ito. Dumagdag pa sa alalahanin niya ang relasyon nilang mag-asawa.
Pinilit niya si Inspector Giordani na pauwiin na siya ngayong hapon. Hindi niya sinabi sa imbestigador ang problema nilang mag-asawa sapagkat para sa kanya, masyado nang personal iyon. Wala nang karapatan na malaman pa nito ang problema niya.
Isa pa, naisip niya na malapit na niyang makita si Andrea. Nararamdaman niya na nasa orphanage nga ang bata. Hindi na niya dapat patagalin pa at kailangan na niyang ipagtapat sa asawa ang totoo.
Pumasok siya sa gate. Namataan niya ang mga nalalantang bulaklak at mga halaman sa harap ng pinto. Hindi na pala nila naaalagaan iyon. Napabayaan na nilang mag-asawa. Nakakalungkot tignan.
Pagpunta niya sa sala, naabutan niya si Manang Bertina na nagwawalis ng sahig.
"Ma'am, bakit ngayon ka lang po? Galing ka po ng office?" bati sa kaniya ng katulong.
"Ah, oo," pagsisinungaling niya. "Si Archie?"
"Nasa k'warto at natutulog pa. Kaninang alas-tres pa 'yon tulog, ma'am."
"Ah," tango niya. "S-Si Aries?"
Saglit na tumigil ang Manang sa pagwawalis at tumingin sa kaniya. "Maaga po siyang umuwi. Kanina pa po siyang tanghali na nandito. Nasa terrace po s'ya. Tatawagin ko ba?"
"Huwag na," pigil niya, "Ako na lang ang aakyat."
Pagkasabi niyon ay dumiretso na siya ng lakad patungo sa hagdan. Hindi na siya nakapagpalit pa ng sapatos dahil sabik na niyang makita muli ang asawa.
Dumiretso siya sa veranda at nakita agad ang lalaki na nakaupo sa silya, nakapatong ang mga paa sa foot rest stool at may hawak na baso ng alak. Sa side table na katabi nito, nakapatong ang isang bote ng wine. Nanonood ito sa paglubog ng araw at mukhang malalim ang iniisip.
Nalungkot agad siya nang makitang naglalasing ito. Kilala niya ang asawa, ginagawa lamang nito iyon kapag may sama ito ng loob na hindi mailabas.
Umupo siya sa bakanteng silya, sa gilid ng lalaki. Ilang saglit na nakatingin lamang siya rito pero panay lang ang tungga ng lalaki sa baso ng alak at parang hindi siya nakikita.
"Aries, hindi mo pa rin ba ako kakausapin?"
Wala pa rin itong sagot sa kaniya, ni hindi man lang siya nililingon.
"We can work this out; just listen to me, please!" Nilakasan na niya ang boses. Gagawin niya ang lahat mapakinggan lang siya ni Aries.
Lumingon na ito sa kaniya at nakita niya ang galit sa mga mata nito. "Sige, ano na naman ba ang palusot mo? Ano na naman ang idadahilan mo?"
"Aries naman... makinig ka naman sa 'kin. Huwag mo naman akong saktan nang ganito." Nagmamakaawa na siya sa lalaki dahil mahal niya ito. Hindi siya papayag na masisira ang relasyon nila dahil sa maling akala.
"You're the one who did this to yourself, then your acting like the victim?" Binato nito ang walang laman na bote sa tabing basurahan. Tumayo ito at tinalikuran na lamang siya.
Humabol siya at pinigilan ito sa braso. "Aries!" Hindi siya papayag na hindi sila magka-ayos. Ito na ang tamang pagkakataon para ipagtapat niya ang lahat.
Huminto naman ang lalaki, marahas na binawi ang braso at nanggagalaiti ang mga matang tumingin sa kaniya. "I caught you red-handed, Leona! Sino ang lalaking kasama mo sa Starbucks kanina? Sa Tandang Sora ka ba laging nagpupunta, ha? Dumadayo ka pa r'on para sa lalaki mo?"
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito.
"Nagulat ba kita?"
"Pa'no mo--- "
"Hindi na mahalaga kung paano ko nalaman 'yon. Ang kapal din ng mukha mo at ginastos mo pa ang pera na para sa anak natin... sa lalaking 'yon!"
"Hindi! You're wrong, Aries! I didn't spend it for him!"
"Huwag mo nang bilugin ang ulo ko!"
Naiiyak na ang mga mata nito sa kapipigil sa emosyon na kinikimkim nito kanina pa. Nasasaktan din siya ngunit kailangan muna niyang pakalmahin ang asawa.
Kung umuusok na sa sama ng loob ang isang tao, 'di maaaring makisabay sa galit. Kung makikisabay sa init ng ulo, hindi magkakaroon ng magandang bunga. Magtatalo lamang kayo at magpapalamangan hanggang mapagod. Sa huli, wala naman mananalo sa inyong dalawa. Pareho lamang uminit ang inyong mga ulo.
Alam ni Leona na kailangan niyang maging mahinahon. Siya na ang magpapakumbaba. "Aries, I'm sorry... kung nasasaktan man kita, I'm so sorry but believe me... I have no other man!"
"Bullsh*t! I already caught you with my two f*cking eyes but you won't still admit it. You're pissing me off. Spit out the truth, Leona!"
"It was the truth!"
"Siguro totoo nga ang sinabi ng mga magulang ko. You're a gold digger!"
Sa ganoong punto, dahil sa insulto nito sa kaniya, ipinagtanggol niya ang sarili. Pakiramdam niya ay may palasong tumurok sa puso niya at kailangan niyang lumaban para mabuhay.
Ngunit hindi niya sinasadya. Nabigla lamang siya. Hindi niya napigilan ang mabilis na kamay na dumapo sa mukha ng lalaki. Pakiwari niya'y nag-echo ang tunog ng malutong na sampal sa ere.
Nagulat din si Aries sa ginawa niya. Napahawak ito sa namumulang pisngi at namimilog ang mga matang tumingin sa kaniya.
Napagtanto niya agad na mali ang naging paraan niya para patahimikin ang asawa.
"I'm sorry!" agad niyang bawi at napasapo sa bibig.
Wala itong sinabi, nag-iwan lamang ng masamang tingin at tumalikod sa kaniya. Dumiretso ito sa pinto ng silid nila.
"Aries!" Humabol ulit siya rito at nakita niyang binuksan nito ang kabinet nila. Hinahalukay at kinukuha nito ang mga sariling damit at inihahagis sa kama.
"Anong ginagawa mo?!" Lumapit siya ngunit umiwas muli ang lalaki at may hinila sa ilalim ng kama. Kinuha nito ang isang maleta, binuksan at inalapag din sa kama.
"Aries, ano ba?!" Hinawakan niya ito sa balikat pero patuloy lang ito sa walang pakundangan na paglalagay ng damit sa loob ng maleta. Hindi na naman siya pinapansin ng lalaki. Tinuturing na naman siyang multo.
Isinara agad nito ang bagahe, walang iniwan na salita at tingin na naglakad sa pinto.
"Aries, 'wag mo kong iwan! Mahal na mahal kita!" Umiiyak na niyang pigil habang nakasunod sa paglalakad ng asawa.
"Tama na. Hindi ko na kayang makasama ka!" Siguro dahil sa galit at nauunang emosyon ay nasabi iyon ni Aries. Naluluha rin ang mga mata nito ngunit ayaw tumingin sa babae. "Leona, mahal din kita pero sobra na...'di ko na kaya..."
Malapit na silang makarating sa bungad ng hagdan pero dahil sa labis na pagmamahal niya sa asawa, hindi siya makakapayag na umalis ito. Nagmakaawa siya. Binura niya lahat ng dignidad at lumuhod sa harap ni Aries.
"M-Maniwala ka, wala akong ibang lalaki!" buong puso niyang sinigaw habang tigmak ng luha ang mga mata.
"Pa'no ako maniniwala? Hindi mo sinasabi ang totoo!" ganti nito, "Mahal na mahal kita. Alam mo 'yan, binigay ko sa'yo lahat. Ba't mo 'to ginawa sa 'kin?!" Tinuro nito ang sarili at dinuro siya sa mukha. "Kailan ba ako nagsinungaling sa'yo?! Anong klaseng asawa ka? Sinayang mo lahat ng pagmamahal ko! Tama na, sobrang sakit na! 'Di ko na kayang magtagal pa rito. Aalis na ako!"
Tinanggap niya lahat ng sumbat ng lalaki at yumakap siya sa baywang nito habang nakaluhod. "P-Please... M-Maniwala ka..." garalgal niyang pagmamakaawa.
"Get off of me!" Sa galit at sakit na nararamdaman nito, hindi na rin napigilan ang pagsabog ng damdamin. Nagawa nitong saktan siya at itulak nang marahas. Napabitiw siya sa pagkakayakap at tumama sa mesa na nandoon. Natabing ang lampshade at nahulog ang paso. Nabasag agad ang vase at nagkalat ang halaman at lupa sa sahig.
Nakaramdam si Aries ng konsensya nang makitang nasaktan at nagkagasgas ang braso ng asawa.
"Leona," akmang lalapit ito sa babae ngunit natigilan nang may bumukas na pinto.
Kapwa napalingon silang dalawa sa mukha ng anak nilang nakadungaw sa pintuan. Nakatitig lamang ang mga mata nito at walang sinasabi pero para silang hinuhusgahan. Nakalimutan nilang dalawa na may isang buhay na mas maaapektuhan sa ginagawa nilang pagkakamali.
"Pumasok ka ro'n! Pumasok ka sa loob, Archie!" Nagising agad ang pagiging ina niya nang makita ang bata. Ayaw na niyang may makita pang mas malala ang anak niya at madungisan ang isip nito.
"Mama, you're bleeding..."
"It's just an accident, anak! Pumasok ka sabi! Huwag kang lalabas!"
Naguguluhan man ang bata pero sumunod ito sa utos ng ina. Muli itong pumasok sa kwarto at sinara ang pinto.
Bumaling siya sa asawa na nakatayo lamang doon. Nanatili lamang siyang nakatingin nang diretso sa mga mata ni Aries. Salamat sa Diyos at mukhang nahimasmasan na rin ang lalaki at mukhang kalmado na.
"W-Wala akong iba..." Nagmakaawa ang mga mata niya habang sinasabi ang mga katagang iyon. "Hindi ako gumagastos para sa sariling luho," umiling siya, "Hindi ako malanding babae... Umaalis ako, hindi para makipagkita sa kalaguyo ko."
"H-Hindi ako gumagawa ng masama sa likod mo," tumulo ang luha sa pisngi niya habang nagpapaliwanang nang mahinahon at may sinseridad.
"Hindi ako nagtataksil. Hindi ko ginagawa ito para sa ibang lalaki... ginagawa ko ito para kay Andrea..."
***