Pagkatapos ng almusal ay dumiretso na silang dalawa sa loob ng Capitol Home Site Subdivision para puntahan ang bahay ng nangangalang Mirriam Al-Saud.
Malaki ang bahay at puti lamang ang pintura, may gate sa harap at tanaw mula roon ang garahe ng kotse. Sa opinyon niya, mas malaki pa rin ang bahay nila sa Loyola Heights ngunit inaamin niyang mas sosyalin ang dating ng bahay na nasa harap.
Pinindot agad ni Inspector Giordani ang doorbell at agad may nagbukas ng gate ng bahay. Batay sa ayos ng ginang, mukhang katulong siya ng pamilyang Arabo.
"Sino po kayo?"
"Inspector Giordani, ako 'yong nakausap ng ma'am mo kahapon," pinakita agad nito ang I.D.
"Ah, oo," tumango ito, "Sige sir, pasok lang kayo." Iginiya sila ng palangiting katulong sa loob ng bahay.
Pumasok sila saka pinaupo sa malambot at nordic fabric na pulang sofa. Umakyat ang katulong sa hagdan para tawagin ang amo niya. Naghintay na lamang sila sa ibaba.
Inikot niya ang paningin sa kabuuan ng malawak na sala. Nahinto ang mga mata niya sa 20'' cross stitch frame ng nagtatakbuhang kabayo.
Sa gilid niyon ay may nakasabit na family picture. Batay sa kayumangging kutis at pangong ilong, Pilipina ang babae. Nakasuot ito ng bulaklaking hijab at may kalong na dalawang taong gulang na bata. Katabi nito sa larawan ang isang lalaki na maputi, makapal ang kilay, at matangos ang ilong. Nakasuot ito ng thobe at may headscarf din sa ulo.
Nakatitig siya sa toddler na nasa larawan. Iyon na ba si Andrea?
Ilang saglit pa ay narinig niyang may bumababa ng hagdan. Lumingon siya at nakita ang babae na nakita niya sa family picture. Lumapit ito sa kanila at umupo sa tapat niya.
"Ah, Salam Alaikum, Ma'am Mirriam Al-Saud," bati ni Giordani.
"Wa alaikum," bati rin ng babae.
Naglahad ng kamay si Giordani pero tinitigan lang iyon ng ginang. "Ay, bawal ba?" Binawi niya ang mga kamay at bahagyang natawa. Hindi talaga siya pamilyar sa kultura ng iba. Naisip niya na baka bawal makipag-hand-shake sa mga babaeng muslim.
"Okay lang naman, Inspector," natawa rin na sabi ni Mirriam.
"This is Ms. Leona, the biological mother of Baby Andrea," pag-iiba ng lalaki ng usapan at bahagyang hinawakan pa ang likod niya.
Ms. Leona raw... Naisip niya at napatingin sa lalaki. Bumaling siya kay Mirriam. "It's Mrs. Leona Castillo." Diniinan niya ang salitang misis.
Napasimangot naman si Inspector Giordani.
"Ah... ikaw pala si Leona. Oo, nabanggit ka nga ni Inspector sa phone kahapon," ngiti nito.
"Madame, 'di na po kami magpapaligoy-ligoy pa. Kayo po ba ang kumupkop sa bata?" tanong niya agad.
"Kay Andrea? Oo, ako nga 'yong pumunta kina Aling Minerva at Aling Pasing," naputol ang sasabihin nito at napalingon sa katulong na dumating.
Isang matandang babae na nasa 50's ang lumapit. May bitbit na orange juice at salad para sa kanila. "Kumain po kayo," yaya nito.
"Sige, Aling Pasing, lapag na lang po ni'yo d'yan sa mesa," sabi naman ni Mirriam.
"Ikaw po 'yon?" baling niya sa yaya.
"Opo, kasama po ako sa baranggay nang kunin po si Andrea, ma'am," pag-amin nito habang nilalapag ang baso ng juice sa table. "Sige po." Nagpaalam siya agad at umalis. Mukhang ayaw nitong makisawsaw sa personal na usapan nila.
"As you see, tama kayo ng pinuntahan na bahay," sabi ni Mirriam.
"Mabuti naman po," aniya.
"Pero wala na rito si Andrea."
"Ha?" Nasa mga mata niya ang pagkabigla dahil sa tuwirang sinabi nito. "Wala rito si Andrea?"
"Kinuha ko 'yong baby dahil hindi kami magka-anak ng asawa ko," k'wento nito, "Sa totoo lang, minahal ko talaga 'yong baby. Sabik ako sa anak. Eh, 'yong asawa kong Arabo ang may problema..." Napailing ito na tila may naalalang hindi kanais-nais.
"Bakit?" Nag-alala naman siya.
" Infertile kasi si Abdul kaya hindi talaga kami magka-baby. Gusto ko talagang mag-ampon pero ayaw naman ng asawa ko. Umaasa kasi siya kay Allah na mabibigyan din daw kami ng anak. Ewan ko ba, may ginagawa raw siyang traditional prayer nila. Hay..." Napabuntong-hininga na lamang si Mirriam at nagpalumbaba. "Ang dami ko nang sakripisyo sa asawa ko. Tinalikuran ko ang pagiging Christian ko para sa kan'ya."
"Ano pong nangyari kay Andrea?" putol niya sa sinasabi nitong napapalayo na sa topic.
"Dinala ko nga rito sa bahay 'yong bata. Inasikaso ko pa ang mga papel ng baby dahil walang birth certificate. Binigyan ko s'ya ng birth certificate, 'yon nga lang ang pinangalan ko ro'n ay Sabryna Andrea Al-Saud."
May kumurot sa puso niya nang malamang binigyan ng ibang tao ng pangalan at apelyido ang anak niya.
Siguro kaya hindi rin nahanap ng mga pulis noon si Andrea ay dahil nagbago nga ang pangalan ng paslit.
"Minahal ko talaga 'yong baby. Okay na sana pero alam mo bang kinagalit iyon ng asawa ko? Ayaw niya kay Andrea. Gusto niya kasi lalaking anak. Gusto niya nagmula sa kan'ya. Ayaw niya ng ampon.
Ibalik ko raw 'yong baby kung saan ko kinuha. Maibabalik ko pa ba 'yon eh mukhang ayaw nga ni Aling Minerva sa bata kaya binigay sa 'kin."
Nanlulumo na siya sa mga naririnig niya.
"Sinampal ako ng asawa ko. Grabe ang away namin no'n! Pinagbintangan ba naman ako na anak ko 'yon sa ibang lalaki. Hindi n'yo kilala si Abdul pero minsan, mapanakit din 'yon."
"Sinaktan ba niya si Andrea?" Nasabi niya ang pangamba.
"Hindi," umiling ito, "Tumagal si Andrea ng isang buwan sa 'kin bago ako nakapagdesisyon na dalhin na lang s'ya sa orphanage. Katulad mo, natakot din ako para sa bata. Nagseselos nga kasi ang asawa ko dahil sa baby. Baka masaktan pa ni Abdul, kawawa naman. Dinala ko na lang s'ya sa lugar na mas maaalagaan s'ya."
"At sa orphanage 'yon?"
"Yes. If I remember..." Napahawak ito sa baba at napatingin sa kisame. "The name of the orphanage is... Angel's League Charity for the Children..."
"Where's the location?" singit naman ni Giordani.
"Sa Novaliches."
"Kung ga'non hindi 'yon si Andrea?" Tinuro niya ang family picture sa gilid.
"Hindi. Anak ko 'yan," iling ni Mirriam, "Nagka-anak din kami ng asawa ko. Nasa school ngayon si Numair. Ang asawa ko naman ay nasa trabaho. Naawa rin sa amin si Allah at dininig ang dasal ng asawa ko. Mashallah." Ngumiti ito sa kanila.
Si Inspector Giordani na muli ang nag-interrogate sa babae habang siya ay nanahimik na lang at lumilipad na naman ang isip.
Pinasa na naman ang anak niya sa iba. Hindi niya matanggap na pinagpasa-pasahan ng mga taong ito ang anak niya. Masakit man sa dibdib kailangan niyang malaman ang naganap sa bata at malaman kung saan ito napadpad.
Ngunit saan man lupalop, kahit sa dulo pa ng mundo, dadayuhin niya, kung iyon lang ang paraan para mahanap si Andrea.
***
Hindi na sila nagtagal pa sa bahay ni Miriam Al-Saud. Nagpasalamat sila rito. Mabait naman ang babae at sinabing pagdadasal niya na makita na nila si Andrea.
Walang imik na naglalakad sila pabalik sa parking lot. Kahapon ay sinabi ni Inspector Giordani na manatili muna siya sa opisina habang inaasikaso pa niya ang ilang mga papeles. Ito ang dahilan kung bakit ginagabi siya ng uwi.
Sa totoo lang ay parang mas marami pa siyang oras na kasama ang lalaki kaysa sa asawa niya.
"Leona," tawag nito na lumingon sa kaniya, "Let's have lunch first?"
"Ha? Ah...." Nailang na naman siya. "K-Kailangan kong umuwi ngayon eh dahil --- "
"Please? Saglit lang tayo, I promise."
Napabuntong-hininga siya. Sa totoo lang wala naman siyang maabutan sa bahay nang ganitong oras. Nasa paaralan pa ang anak niya, nasa trabaho pa si Aries at siguradong abala si Manang Bertina sa ibang gawain.
Tumango na lang siya at pumayag sa alok nito. Ikinasaya naman iyon ni Giordani.