Kabanata 16

1487 Words
"Anong patay?!" Lumakas ang boses niya. Halos magsalubong ang mga kilay niya at magliyab ang mga mata niya dahil sa pagkainis. Hindi rin niya namalayan ang mga kamay na biglang kumapit sa braso ng kabataan at mariin iyong pinisil. Nahintakutan naman ang lalaki. Nakaramdam ito ng matinding kaba nang makita ang galit na itsura niya. "Leona, bata lang 'yan!" Hinawakan ni Aries ang kamay niya at inawat siya. Binitiwan naman niya ang teen-ager. Siya man ay nagulat sa inasta niya. Pero sino ba ang hindi magagalit sa ganitong sitwasyon? Halos malibot na niya ang buong Kamaynilaan sa paghahanap kay Andrea at ito ang magiging resulta ng lahat? "Anong ibig mong sabihin na patay na?" Si Aries na ang nag-usisa sa bata habang si Leona ay napupulupot na naman ang laman ng utak. "Ano po... Na---- ." Ngunit naputol ang sinasabi nito nang may isang ale ang lumapit sa kanila. Lahat sila ay napalingon sa dumating. "King! Queenie! Ano ba naman kayong dalawa?! Ang sabi ko e, magsaing kayo pero naglaboy lang kayo!" Iritadong sigaw nito at may bit-bit pang siyansi. Nakasuot siya ng maluwag na t-shirt at lagpas tuhod na pants. May nakalagay na hair rollers sa buhok nito. "Nay!" sabay pang sigaw ng kambal. "Kayo! Malalaki na kayo pero isip-bata pa rin!" Parang hindi nito nakikita sina Aries at Leona, at diretso lang ito sa paghampas sa puwet ng dalawang anak gamit ang frying ladle. "Huwag nay! Nakakahiya! May tao oh," tinuro ni Quennie ang mag-asawa habang umiiwas sa siyansi ng ina. Saka lang napansin ng ale na may mga dayo pala. "Ah... Hello..." Tila nahiya pang sabi na pilit na ngumiti. "M-May bisita pala rito. Pasensya na ah." "Okay lang po," sabi ni Aries. "Tinatanong nila kami tungkol kay Andy. Ayaw nilang maniwala sa amin. Ikaw na nga ang magsabi sa kanila, 'nay," sumbong naman ni King. "Tahimik," sita ng nanay na piningot ang tainga ng anak. "Aray!" Sigaw naman ni King na napahawak sa tainga. "Malalaki na kami, ginaganito pa kami," bulong pa niya habang iniirapan ang nanay. "Hinahanap po ninyo si Andy? Sino po ba kayo?" Mabait at magalang na bumaling sa kanila ang ale. "Si Andy po bang tinutukoy n'yo ay si Sabryna Andrea?" balik-tanong ni Leona. Pinakita niya muli ang larawan. Kinuha naman iyon ng ale at tinitigan. "Oo, si Andrea nga ito. Tinatawag namin siyang Andy rito. Iyon ang palayaw niya." Bigla itong natahimik. Lumambot ang mga mata niya habang nakatitig sa larawan. Mukha siyang maiiyak. "Hindi pa siya patay hindi ba?!" pagpupumilit na sambit ni Leona. Hindi siya papayag na mauuwi sa wala ang lahat ng paghihirap niya. Kailangan niyang makita si Andrea. Hindi siya maniniwala sa sinasabi ng mga batang ito. Tumingin muna ang ale sa kaniya. Malungkot at may awa ang kaniyang mga mata. "P'wede ko bang malaman kung kaano-ano niyo si Andy? Kamag-anak ba kayo?" "Ako ang tunay niyang nanay," sinabi niya ang totoo. "Matagal ko na siyang hinahanap. Baka naman po alam ni'yo kung nasaan siya?" Nang sabihin niya iyon ay halatang nagulat ang ale. Hindi agad ito nakapagsalita. "Alam niyo po ba kung nasa'n siya?" singit ni Aries. Tinitigan muna sila ng ale, tapos lumipat ang mga mata nito sa pinto ng k'warto. "Tinanong niyo na ba si Livana? Nandoon siya sa loob," turo niya. "Nagtanong na po kami pero sinarhan kami ng pinto. Sabi niya, wala raw Andrea rito," sagot ni Aries. "Gano'n ba? Sila ang nag-ampon kay Andy," sabi ng ale. "Sina Livana at Ryman..." "Medyo masungit po yata siya at ayaw kaming kausapin. P'wede po bang makiusap? Kausapin n'yo naman po siya para sa amin," pagpupumilit ni Aries. "Hindi pa patay si Andrea 'di ba? Tinatago nila si Andrea," sabi muli ni Leona. Iyon lang ang tanging nasa utak niya. Napabuntong-hininga ang ale. Sa kanilang lahat, siya lang ang nakakaalam ng mga totoong pangyayari. Naisip niya na nakakaawa naman ang dalawang dayo kung hindi niya ito kakausapin. Mukhang galing pa sa malayong lugar ang mga ito. Masasayang lang ang pagpunta nila rito kung walang magsasabi sa kanila ng totoo. "Gusto n'yo bang sa bahay ko na lang tayo mag-usap?" Nagkatinginan naman sina Leona at Aries bago sumagot sa ale. "Sige po." "Yes." "Doon na lang po tayo sa ibaba," sabi nito at hinila na ang dalawang anak. Nauna ang mga ito na bumaba sa hagdan at sumunod silang mag-asawa sa likod. *** Sa unang palapag ang inuupahang k'warto ng pamilya. Pagpasok sa loob, makikita na agad ang sala, hapagkainan, kusina, at banyo. Isang hilera lamang ang mga iyon. May dalawang silid-tulugan doon na para sa mga anak ng mag-asawang nakatira rito. Nang makapasok sina Leona at Aries, napanganga sila nang makita ang sandamukal na bata sa loob. Isang batang lalaki ang nag-aasikaso sa isang sanggol na nasa stroller. Pinapakain niya ang baby roon. Isang batang babae ang nagwawalis. Nagti-t****k naman ang isa at sumasayaw-sayaw sa harap ng phone camera. May pink na headband ito sa ulo. Sinita siya ng batang babae na nagwawalis."Bakla ka talaga! Tumulong ka naman, sayaw ka lang ng sayaw d'yan ah!" Naglalaro naman ang dalawang kambal na lalaki na mas bata kina King at Queenie. Naghahabulan sila at nagsisigawan. Nakadagdag pa sa ingay ng mga bata ang bukas na TV. "Ano ito? Bahay-Ampunan? Classroom?" nasa isip ni Aries na napanganga na lang. Isang morenong lalaki na katamtaman ang pangangatawan ang lumabas mula sa banyo. Nakasuot siya ng pambahay na t-shirt at shorts. "Woooh! Sarap talagang tumae! Hollow blocks ang inire ko!" masayang sigaw pa nito. Hindi niya napansin ang dalawang bisita na naroon. "Hoy, Baron, bunganga mo. May bisita tayo!" saway ng ale sa asawa niya. "Ay, may tao pala," tila nahiya ito sa inasta niya kanina. Bahagya siyang natawa. "Hello, kamusta?" Lumapit ito sa kanila. "Good morning po," bati naman nina Leona at Aries. "Asawa ko pala, si Baron," pakilala ng ale. "Ako naman si Reina." "Ako naman po si Leona at ang asawa ko po, si Aries." Nairita si Reina dahil hindi niya halos marinig ang mga bisita dahil sa ingay ng mga anak. Buysit na buysit na sumigaw siya, "Manahimik kayo!" Dahil sa lakas ng sigaw ng babae, agad na tumigil ang mga bata sa loob at napalingon sa kanila. "May bisita tayo! Pumila kayo rito!" utos ni Reina. Sumunod naman ang mga paslit. Iniwan ang kaniya-kaniyang gawain para humilera sa harap nina Leona at Aries. "Sina Queenie at King, 17 years old, sila iyong kausap niyo kanina. Malapit na silang mag-18 sa susunod na buwan," pakilala ni Reina sa mga panganay at pinatong ang kamay sa balikat ng dalawa. Lumipat si Reina ng p'westo at pinakilala ang iba pa niyang mga anak. "Si Prince ang sumunod, 16 years old. Iyan ang pinakamatalino sa mga anak ko. Laging 1st honor iyan," may pagmamalaki na hinawakan niya ang ulo ng binatilyong nakasalamin. Lumapit si Prince sa kanilang mag-asawa at nakipag-handshake. "Nice to meet you po." "Nice to meet you too," ngiti ni Aries. "Si Pharaoh. Napakagalawgaw na bata. 13 years old pa lamang," turo niya sa batang lalaki na nakasuot ng crop top shirt at p*kpek short. May headband pa sa ulo nito at may bahid na pulang lipstick ang labi. "Thank you, mudra and pudra. I'm Miss Pharaoh Jay Palaina, and I believe in a saying, no matter how you breed, we all came from seed," malantod na sabi at kumindat pa kay Aries. Binatukan siya ng panganay na lalaki. "Sensya na po. May sanib po 'to eh," tukso ni King. "Si Princess, matured nang mag-isip ang batang ito. 8 years old naman siya." Pakilala ni Reina sa anak na babae na nagwawalis kanina. "Ito naman ang kambal namin na lalaki, sina Don at Duke, parehong 6 years old. At ang bunso namin si Contessa." Kinuha niya ang isang taon na sanggol na may pacifier sa bibig at kinalong. Napangiti nang malaki si Aries. Ang cute ng pamilyang ito. Naisip niya na buhay na buhay lagi ang bahay dahil sa dami ng anak ng mag-asawa. "Kung may itatanong kayo sa amin tungkol kay Andy, marami kaming masasabi. Lalo na siguro ang mga anak ko. Sina King, Quennie, Prince at Pharaoh ang mga playmates ni Andy noon." "Ay si Andy! Oo," sambit ni Pharaoh na winagayway pa ang hawak na pamaypay. "Pitiful talaga ang kyota na iyon. Sushunga-shuga kasi iyang kyohong k*ki ni Livana at antibiotic din ang pulis patola niyang asawa! Mga thundercats! Hay nako, nakaka- stress drilion!" "Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Leona. Hindi naman siya nakakaintindi ng swardspeak o bekimon. Sinara muna nito ang pamaypay bago bumaling kay Leona na nakataas pa ang kilay. "What I mean is— ." Tinakpan ni Prince ang bibig ng kapatid. Naputol tuloy ang sasabihin sana nito. "Don't say reckless things, idiot." "Shupatembang naman eh!" iritado namang alis ni Pharaoh sa kamay ng kapatid. Hindi na mapakali si Leona, gusto na niyang malaman kung nasaan o ano ba talaga ang naganap kay Andrea. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD