Hindi maitago ni Ashley ang kaba habang nakaupo sa linya ng mga monobloc. Hinawakan niya ang kaniyang mga tuhod upang patigilin ang hindi mapakaling paggalaw ng mga iyon. Patingin-tingin siya pintuan, ni hindi niya alam kung bakit pa siya nag-aabalang tumingin doon gayong hindi naman niya alam kung ano ang hitsura ng magiging bagong amo niya.
Kagabi, matapos mag-empake ay tuluyan na siyang umalis sa dormitoryong apat na buwan din niyang naging tahanan. Nagpaalam siya sa mga naging kasamahan niya roon, pati na rin sa kanilang landlady, at siniguradong wala siyang maiiwan na kahit anong kalat sa kaniyang naging kuwarto. Pagkaalis doon ay dumiretso siya RLD Employment Agency at sa quarters nito natulog. Iniwan niya roon ang maleta niya dahil bukas pa naman siya lilipat sa tahanan ng kaniyang bagong amo.
Ngayon nga ang araw ng kanilang pagkikita, at isang oras na siyang naghihintay sa waiting area. Sinabihan naman siya ng isa sa mga empleyado roon na male-late ng kaunti ang magiging amo niya dahil naipit daw ito sa traffic. Okay lang naman sa kaniya iyon, sa kanilang barrio, maituturing na yata siyang champion sa pahabaan ng pasensya. Natutunan kasi niya iyon sa mga batang kinupkop nila. Hindi biro ang magturo ng mga bata roon, lalo na sa pagbabasa. Ilan sa mga bata sa barrio ay talagang iniiyakan iyon. Doon nahasa ang pagpapahaba niya ng pasensya. Ayaw kasi niyang sukuan ang mga batang iyon.
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang marinig ang pagtunog ng maliit na bell sa pinto ng agency, tanda na may kapapasok lamang doon. Isang magandang babae ang nakita niyang pumasok sa pinto. Palinga-linga ito, may hinahanap na kung sino.
"Donalene!" Malaki ang ngiti ng babaeng nagpakilala sa kaniya bilang Richy Lane nang salubungin nito ang kadarating lamang na isa pang babae.
Maganda at sopistikadang babae si Richy Lane. Ito ang may-ari ng agency na iyon. Nang malaman nga niya na ang may-ari mismo ng agency ang nag-aasikaso sa mga papel niya ay humanga siya. Ayon dito, maliit lamang kasi ang firm na iyon at hindi naman karamihan pa ang mga empleyado.
"Richy!" Malaki rin ang ngiti ng kadadating lamang na babae. Nagbeso ang dalawa. Siya naman ay napatayo lamang mula sa kaniyang kinauupuan at matamang nakatingin sa mga ito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita ng dalawang sopistikadang babae na nag-uusap. Kahit simple ang pananamit at puno naman ng kaelegantehan ang mga ito.
Kung ganoon, ito pala ang magiging amo niya. Maganda ito at mukha rin namang mabait. Wala sa sariling pinagpagan niya ang suot na damit kahit wala namang miski katiting na dumi roon. Inayos rin niya ang gusot na parte ng kaniyang cardigan. Gusto niyang masiguradong maayos ang hitsura niya sa harap nito. Kahit man lamang maging presentable siya sa harap ng mga babae, okay na iyon sa kaniya.
"Where is she?" Kapagkuwan ay tanong ng babaeng tinawag sa pangalan na Dona. Alam niyang siya ang hinahanap nito. Kumabog ang dibdib niya.
"Here she is," itinuro siya ni Richy Lane.
Tumingin namang sabay ang dalawa sa direksyon niya. Agad niya itong binigyan nang magalang na pagngiti at bahagyang pagtango. Nakita niya kung paano unti-unting mabawasan ang ngiti sa labi ng babaeng kaniyang magiging amo. Tila biglang bumilis ang pagtibok ng puso niya dahil doon. Kinakabahan siya. Sa ekspresyon nito parang hindi siya nito gusto.
Hindi ba siya nito gustong maging kasambahay? Ngunit ni hindi pa nga sila nag-uusap, hindi ba?
Maya-maya ay biglang bumalik ang ngiti nito. At gusto niyang magtaka roon, ngunit itinago niya ang ekspresyon, at pinanatili lamang ang maliit na ngiti sa kaniyang labi. Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng ekspresyon nito.
Doon na lumapit sa kaniya ang dalawang babae.
"Ms. Ashley Corazon, this is Donalene Rodriguez," may ngiti ang labi na pakilala ni Richy Lane. Pagkatapos ay kay Dona naman ito tumingin. "Dona, this is Ashley. The one I am talking about."
"Hi, I'm Dona. Nice to meet you," inilahad ng magandang babae ang kamay nito sa kaniya harapan, at agad naman niyang inabot iyon.
"Nice to meet you din po, Ma'am Donalene," aniya. Binitawan na nito ang kamay niya.
"Ako ang magiging bagong amo mo. Nasabi na ba iyon sa iyo nitong si Richy Lane?"
Napatingin siya kay Richy Lane at nakita niyang kunot ano noo nito habang nakatingin sa magiging bagong amo niya. Bakit kaya pakiramdam niya ay may hindi tama sa nangyayari? Hindi niya alam kung ano iyon. Kung anu-ano na yata ang pumapasok sa isip niya. Dahil siguro iyon sa kaba niya para sa magiging bago niyang trabaho.
"Dona," pagtawag ni Richy Lane sa kaibigan. Parang may gusto itong itanong na hindi matainong.
"What?" Nakangiti namang sagot ng babae sa kaibigan. Pasimpleng kinurot ni Dona ang kaibigan sa bewang nito, na palihim na ikinaigik nito.
"N-Nothing," napailing-iling na lamang si Richy. "Uhm, okay. Kayo na ang bahalang mag-usap. I'll leave you two alone. Katukin mo lang ako sa opisina kapag aalis ka na, Dona." Iniwanan na silang dalawa ni Richy Lane at pumasok sa isang pintuan roon. Mas lumakas ang kaba niya nang maiwan silang dalawa.
"Let's just seat there." Nagpatiuna si Dona sa pagpunta sa isa sa mga table roon at naupo sa pang-isang upuan na sofa. Naupo naman si Ashley sa tapat nito. Nasa pagitan nilang dalawa ang isang mababa at babasaging mesa.
"So, I will give you a brief discussion about the nature of your job." Agad na tumango-tango si Ashley doon at hinintay ang mga susunod pa nitong sasabihin. "Basically, you will be a babysitter. Magiging stay-in ka, at magbabantay ng limang-taong gulang na batang babae." Kung gayon, ang anak pala nito ang babantayan niya. "Marunong ka naman sigurong mag-handle ng mga bata, ano?" Tanong nito.
Sunud-sunod siyang napatango habang may ngiti sa labi. "Opo, marunong po. Marami po kasi akong binabantayan na bata doon sa probinsiyang pinanggalingan ko. Sanay na sanay ho ako riyan."
"Good. Mabait naman iyong babantayan mong bata. Matalino iyong si Olivia. Hindi naman siya mahirap alagaan. Kapag pinagsabihan, nakikinig kaagad..." nakita niya kung paano ito saglit na natigilan. "Wait a minute, sabi mo marami kang binabantayan na bata? Why? Are you married?" Tila nahihiwagaang tanong nito.
Alanganin siyang ngumiti. "Naku, hindi po." Umiiling-iling niyang sabi. "Dalaga pa po ako, Ma'am. Mga anak po ng dati naming kapitbahay ang inaalagaan ko roon sa probinsiya namin." Mga kapit-bahay na hindi na bumalik, at tuluyan nang iniwan ang mga anak nito sa probinsiya matapos makalasap ng kaunting ginhawa sa Maynila.
Hindi niya alam kung guni-guni lamang ba niya iyon, o talagang tila bumakas ang relief sa ekspresyon ng kaharap? "Ah, okay," anito. "Akala ko ay may pamilya ka na e."
Mukhang ayaw nito ng kasambahay na may pamilya na. Hindi niya alam kung bakit. Ayaw na rin naman niyang itanong, baka may masabi siyang makaka-offend dito, mapurnada pa ang trabaho na sana.
Alanganin siyang natawa. "Wala pa po. Mukha lang po talaga akong nanay dahil sa katawan ko," biro niya.
"Why? What's wrong with your body?" Kunot ang noo nito nang sipatin siya. "I see nothing wrong with it. You are curvy, at mas nakakainggit nga iyon." Nakangiti nitong sabi.
Hindi niya alam ang isasagot dito. Nahihiya na lamang siyang ngumiti. Ngayon lamang siya nakatanggap ng compliment patungkol sa katawan niya.
"Anyway, let's go back to our topic," anito nang mapansin na tila hindi siya kumportable sa usapang katawan. "As I was saying, hindi naman mahirap alagaan si Olivia. Mabait naman siya, matalino at hindi pihikan. Tingin ko naman, mabilis mo lang siyang makakasundo at makakagaanan ng loob kapag nagsimula ka nang magtrabaho." Napatangu-tango siya. Bawat sinasabi nito at itinatatak nito sa kaniyang isip.
"Bukod sa pagiging babysitter mo, syempre you will be doing some of the house chores. May dagdag naman iyon na sahod e. You will be working for eight hours a day, with two days off, and will be paid for five hundred fifty to seven hundred pesos per day. Makukuha mo iyon every 15th and 30th of the month. Tataas pa iyon depende sa sipag mo. Is that okay with you? Siguro naman, naipaliwanag na sa iyo ni Richy Lane ito mga maliliit na detalye na ito sa iyo, ano?"
Sunud-sunod siyang tumango. "Opo, naipaliwanag po." Lumawak pa ang ngiti niya.
Mas malaki pa nga ang sahod na iyon kaysa sa mall na pinagtrabahuhan niya, tapos ay mas mabigat pa ang trabaho niya roon dahil maya't mayang naglilinis. Minsan pa ay pinagtratrabaho sila ng lagpas sa working hours nang walang kahit anong dagdag na sahod. "Ayos na ayos po sa akin ang ganoong sahod," dugtong pa niya.
Hindi madaling kitain ang five hundred pesos sa isang araw. Sa barrio nila suwerte na ang kumita nang ganoon. Iyong limang-daang piso kasi, madalas nagiging puhunan na lamang sa binhi. Kulang na kulang ang kita lalo na para sa may malalaking pamilya. Idagdag pa ang mga pagkakataon na binabarat ng mga bumibili ang ani nilang gulay. Pero ngayon, mukhang marami-rami siyang maiipon na pera sa magiging bagong trabaho niya. Paniguradong matutuwa rin si Tori at ang Tiya Panying niya kapag nakapagpadala siya ng malaki-laking pera. Mas malaki na rin ang maitutulong niya sa mga ito sa pambayad ng bills at mga gamot.
Inilabas nito ang cellphone nito mula sa coat na suot, pagkatapos ay ipinatong iyon sa tapat niya. "Here, add your contact number so I can contact you anytime." Agad naman niyang sinunod ang sinabi nito. Inilagay niya sa contact list nito ang numero niya at ibinalik rito ang cellphone.
Saglit itong nagtipa sa cellphone nito, at segundo lamang ang lumipas nang tumunog ang cellphone niya. Agad niya iyong inilabas mula sa kaniyang bulsa. Nakita niyang may mensahe roon, at nang buksan niya iyon, Donalene ang nakalagay.
"That's my number. Save it. Nai-text ko na rin sa iyo ang address. I'll be expecting you to be there at exactly four in the morning. Dalhin mo na ang gamit mo roon bukas. Magmula bukas, doon ka na titira." Nakita niya na ibinalik na ng babae ang cellphone sa bulsa ng coat nito.
Uh, teka...? Alas kuwatro ba talaga ng umaga ang dinig niya o nabingi lamang siya saglit? Hindi, sure siya sa oras na nadinig. Alas kuwatro talaga ng umaga ang sinabi ng kaniyang kaharap. Hindi ba parang ang aga naman masyado niyon?
Nagkibit-balikat na lamang siya. Malamang ay dahil ituturo pa sa kaniya ang mga parte ng bahay, at ang house rules.
"Do you have any questions? Anyway, marami ka pa namang matututunan kapag nagsimula ka nang magtrabaho."
"Ah, wala na po akong tanong sa ngayon, Ma'am Dona. Sige po. Asahan po ninyo ako nang ganoong oras bukas," aniya.
"Good." Tumayo na ito. "Anyway, I will go ahead now. May pupuntahan pa kasi ako. I'll see you soon." Inilahad nito ang palad.
Tumayo na rin siya at muling nakipagpakamay rito. "Maraming salamat po. Sisiguraduhin ko pong magiging maayos ang trabaho ko." Tila ang kamayang iyon ay seal ng pagkakaroon niya ng bagong buhay.
"I know. I will count on you. Please take care of Olivia for me." Tiwalang sabi nito na sinagit niya ng pagtango. "Take care of his father too."
"Ho?" Hindi niya naintindihan ang huli nitong sinabi dahil sa biglaang paghina ng boses nito.
"Huh?" Bumalot ang pagtataka sa mukha nito. Bahagya ring kumunot ang noo niya. Nagkamali ba siya ng dinig? Pakiramdam niya ay may sinabi ito na kung ano. "Ah, nothing," binitawan na nito ang kaniyang kamay. "Anyway, I really need to leave now. Thank you for your time."
"A-ah, sige po. Ingat po kayo." Napatitig na lamang siya sa papalayong pigura nito na pumasok sa opisinang pinasukan din ng babaeng nagngangalang Richy Lane kanina.
Nawala na ito sa kaniyang paningin ngunit hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa nakasaradong pinto. Bakit ganito ang nararamdaman niya? Iyong para bang may itinatago sa kaniya ang dalawang babae. Mukha naman itong mababait pero bakit ganoon? Oversensitive lamang ba siya? Masyado yata siyang kinakabahan sa magiging bagong trabaho kaya naman kung anu-anong mga negatibong bagay ang napag-iisip niya.
Hindi naman siguro siya... dapat mag-alala, 'di ba?