Natigilan si Ashley sa pag-eempake nang mag-ingay ang kaniyang de-keypad na cellphone. Napangiti siya nang makitang ang Tiya Panying niya ang tumatawag. Kaya naman agad niyang inalis mula sa pagkakasaksak sa charger ang cellphone at sinagot ang tawag.
"Tiya Panying," magiliw niyang pagbati dito, mahaba ang pagkakasabi niya ng 'nying.' Isang paraan niya iyon ng paglalambing sa ginang; na siya ring matagal nang tumatayo niyang gurdian.
"Ashleng namin!" Magiliw din nitong bati. Ginaya siya nito. Mahaba rin ang pagkakasabi nito ng 'min' sa dulo ng 'namin.' She could imagine Tiya Panying's smile right now. "Ano? Kumakain ka ba nang maayos diyan? Nakakatulog ka ba nang maayos? Hindi naman masyadong mabigat ang trabaho mo riyan?" Sunud-sunod na tanong nito na mas lalong nagpalaki sa ngiti niya.
"Tiya naman. Kada tumatawag ka na lang iyan ang lagi mong tanong. Ilang beses ko na din nasagot iyan e," natatawa niyang sabi.
Mabilis talaga mag-alala ang Tiya Panying niya. Noon ding hindi pa siya nagtratrabaho, medyo mahigpit at konserbatibo ito. Kaya lahat ng damit nila ay palaging mahahaba. Ngunit kahit na ganoon, malaki ang pasasalamat niya sa ginang at sa asawa nito. Kung hindi dahil sa mga ito, malamang sa kung saan na siya pinulot.
Kahit mahirap ang buhay sa Barrio Vicenzo ay masaya sila sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Mahirap nga ngunit nawawala ang hirap dahil sila'y magkakasama. Maaga sila kung magpunta sa bukirin upang asikasuhin ang kanilang mga pananim. Dinidiligan nila ang mga iyon, sinisiguradong malusog at walang peste. Nilalagyan din nila iyon ng abono upang masigurado ang mabilis at malusog na pagtubo. Lahat ng nalalaman niya sa pagtatanim ay itinuro sa kaniya ng kaniyang Tiya Panying pati na rin ng asawa nitong si Tiyo Bitor.
Pinapakain rin nila ang mga alagang poltri. Sa tanghali ay sa kubo sila sama-samang kumakain, at sa hapon naman, naglalala sila ng dahon ng pandan na lalaki, at ginagawa iyong bayong na ibinebenta nila sa kabayanan tuwing araw ng Sabado at Linggo. Simple mang mapakikinggan ang buhay nila sa araw-araw, ang katotohanan ay hindi iyon madaling klase ng trabaho. Nangangailangan iyon ng lakas, tiyaga, at higit sa lahat, pasensya. Mahabang... mahabang pasensya. Lalo na kung mamalasin pang pepestehin ang kanilang gulay.
"E sabi kasi nitong si Tori sandwich lang daw ang kinakain mo. Baka magkasakit ka niyan," sabi ng ginang kapagkuwan.
"Oo 'nay! Di 'yan kumakain!" Narinig niyang panggagatong ni Tori mula sa background. Napailing-iling na lamang siya roon ngunit may nakaguhit ding ngiti sa kaniyang labi. Ang lakas talaga mambwisit ng kaniyang kaibigan kahit kailan.
"Hay naku, Tiya. Paano'y naabutan ako niyan na kumakain ng sandwich noong tanghalian kanina. Hindi naman niya alam pangatlo ko na 'yon." Saglit silang nagkatawanan dahil sa sinabi niyang iyon.
Sa katunayan ay may kalakihan siyang babae. Nalaman lamang niya iyon noong nadestino na siya sa Maynila. Noong napunta na siya sa siyudad ay saka niya nalaman kung gaano kapopular ang mga babaeng slim o sexy, hind katulad niya na makurba.
Sa barrio kasi nila, bibihira ang may katawan na katulad ng kaniya. Dahil nga sa mahirap ang buhay, halos lahat ng tao sa Barrio Vicenzo ay hindi maganda ang pagkakapayat, lalo na ang mga bata na nakakaranas ng malnutrisyon. Kaya akala niya, normal lamang ang katawan niya, lalo pa at madalas siya makatanggap ng papuri sa mga matatandang babae sa kanilang barrio. Maganda raw kasi ang babaeng malaman.
Kaya lamang ay iba pala ang persepsyon sa siyudad. Hindi naman siya naiinsikyur sa katawan niya, hindi lamang niya gusto na pinagkukumpara ng mga katrabaho niya ang katawan niya sa mga babaeng mas payat sa kaniya. Hindi niya gustong dumating ang araw na maging negatibo ang tingin niya sa sarili niyang katawan.
"Tama iyan, anak. Ayaw kong babalik ka rito na nangangayayat ka ha? Kapag natapos na ang anihan, sasama ako kay Tori para dalawin ka riyan." Dinig niya ang excitement sa tinig nito. Minsan lamang kasi mababa sa Maynila ang ginang. Palaging si Tori ang nagbababa ng mga gulay. Noong wala pa siyang trabaho, laging silang dalawa ng kaibigan ang magkasama sa pagbababa ng mga pananim mula sa bundok.
"Sige po, Tiya. Kapag nalaman ko na iyong address noong bago ko pagtratrabahuhan, ibibigay ko kaagad sa inyo," aniya. "Buti Tiya at nakatawag kayo? Ang Tiyo Bitor?"
"E, nasa ibayo kami ni Tori. Gumawa na ang Tiyor Bitor mo rito ng mauupuan sa puwestong may malakas-lakas na signal, saka ginapas na din namin nung nakaraan iyong mataas na d**o para hindi na masukal ang daan."
Ang tinutukoy ng Tiya Panying niya na ibayo ay ang tuktok ng bundok kung saan malakas-lakas ang signal. Pahirapan kasi talaga ang paghanap ng signal sa Barrio Vicenzo. Swertihan na lamang kung makakatawag nang matagal o makakapagpadala ng text message dahil sa sobrang liblib. Kung minsan, kahit sending na ang estado ng mga mensahe ay bigla-biglang mawawalan ng reception. Kung minsan naman, bigla-bigla na lamang napuputol ang kalagitnaan ng tawag. Kaya naman kahit outdated na sa umuusad na modernisasyon ang mga liham na nakasobre, isa pa rin iyon sa mga pangunahing paraan sa kanilang barrio upang makapagpadala ng mensahe sa mga malalayong lugar; lalo na sa mga pamilyang may mga kamag-anak na nagtratrabaho sa Maynila o sa kabilang bayan. Kahit matagal mang dumating ang liham, napagtitiyagaan pa rin iyon ng mga tao sa kanilang barrio dahil sa kawalan ng choice.
Ang isa pa ngang paraan upang makakontak ng kamag-anak sa ibang bayan ay ito; ang ginagawa ng Tiya Panying niya. Ang umakyat sa bundok at magtiyagang humanap ng signal. Masasabi niyang napag-iwanan na ng tumatakbong panahon ang kanilang barrio. Hindi na mapasok ng progreso dahil napalilibutan ng matataas na bundok.
Kaya rin mahirap ang makapagtapos ng pag-aaral doon. Sa katunayan, kaya siya nagdesisyon na maghanap ng trabaho sa Maynila ay upang makapag-ipon ng pera pampatayo ng maliit na paaralan sa kanilang barrio. Para iyon sa mga batang hindi kayang pag-aralin ng mga magulang, lalo pa at napakalayo ng eskwelahan. Nag-iipon siya para mabilhan ng textbook ang mga bata at ilang gamit pang-eskwela.
Ideya talaga nila iyon ni Tori. Oo nga at parehong second year high school lang ang natapos nila, at kung tutuusin ay hindi naman sila kwalipikado na magturo sa mga bata. Ngunit kung walang magmamalasakit sa mga ito, mas magiging kawawa ang mga ito balang araw. Lalo pa at karamihan sa mga batang iyon ay tuluyan nang iniwan ng mga magulang nito na minsan ding naghangad na makakuha ng magandang trabaho sa Maynila. Gusto sana nila ni Tori na kahit papaano ay matuto ang mga ito na magsulat, bumilang, at magbasa. Bukod sa pag-aaral ay tinuturuan din nila ang mga ito na magtanim. Lahat kasi ng kinakain nila sa pang araw-araw ay nanggagaling sa kanilang mga pananim.
Paminsan-minsan ay may mga nakakapasok na misyonaryo sa kanilang lugar. Ang ilan sa mga roon ay mga guro na nanggaling pa sa malalayong lugar. Minsan ay nagtatagal ang mga ito sa barrio nila, at binibigyan ang mga bata roon ng ilang laruan at gamit sa eskwela. Ngunit matagal iyon bago maulit. Ika nga, once in a blue moon. Minsanan lang.
Naisangguni naman na nila iyon sa pamahalaang bayan ng Barrio Vicenzo ilang taon na rin ang nakararaan. Ngunit tulad ng sabi niya kanina, napag-iiwanan ang kanilang barrio. Napakabagal ng pag-usad, napakabagal ng pag-aksyon. Ni hindi nila alam kung may pag-aksyon ba talagang ginagawa ang pamahalaang bayan nila, dahil hanggang ngayon na ilang taon na ang lumipas, wala pa ring nangyayari sa patungkol kanilang mga hinanaing sa edukasyon ng mga bata.
Hindi niya makalilimutan ang pagpalahaw ng iyak ng mga batang iyon bago siya umalis sa barrio, may apat na buwan na ang nakararaan. Giit ng mga ito, baka hindi na rin daw siya bumalik, at tuluyan nang ipagpalit ang Barrio Vicenzo sa Maynila. Iyon naman ang nag-iisang bagay na hindi niya kayang gawin. Kaya para hindi mag-alala ang mga ito, sinisigurado niyang nakakauwi siya sa kanilang barrio kahit isang beses sa isang buwan, at nakakatawag kapag marami siyang libreng oras. Tuwing umuuwi rin siya roon ay pinasasalubungan niya ang mga ito ng ilang damit at sapatos na nabili niya sa mga ukay-ukay. Sa ngayon, si Tori ang nag-aasikaso sa mga ito.
"Si Tiyo Bitor mo okay naman," kapagkuwan ay sabi sa kaniya ng Tiya Panying niya. "Kaso lang alam mo na, hindi na siya maaaring gumawa ng mga mabibigat na bagay. Hayun, sumasama pa din sa taniman, pero kadalasan nasa kubo lang siya at naglalala. Missed na missed ka na niyon."
Wala pa kasing isang buwan ang nakalilipas nang atakihin ito ng mild stroke. Mabuti na lamang at nadala kaagad ito sa ospital. Hayun nga lang, naubos muli ang ipon niya mula sa ilang buwan ng pagtratrabaho. Marami kasi silang nagastos sa therapy at mga gamot nito. Kaya ngayon ay nag-iipon muli siya. Dahil masyadong maliit ang sahod niya bilang janitress, napagdesisyunan niyang pumasok bilang katulong sa isang may-kayang pamilya. Doon, magbabaka-sakali siya. Kung hindi naman siya makahanap ng swerte roon, isa lang naman ang solusyun, ang maghanap muli ng panibagong trabaho. Hindi siya pwedeng tumigil; hindi pwedeng tumunganga. Hindi na rin kasi kasya ang kanilang mga kinikita para tustusan ang pangangailangan sa gamot ng Tiyo Bitor niya, at pangangailangan din ng ilang mga batang kinupkop nila.
Mabuti na lamang at tinulungan siya ng isa sa mga kasamahan niya sa trabaho na mag-asikaso ng mga papeles sa employment agency. Sa awa ng Diyos, sa isang araw ay makakapagsimula na siya sa bagong trabaho. Nag-apply din kasi ito na mamasukan at ito ang nanghikayat sa kaniya.
"Mabuti na iyon, Tiya. At least nalilibang pa rin siya. Naku, kayo Tiya ha, alagaan niyo din ang sarili niyo." Paalala niya.
"Wala na namang tigil iyan sa pagtratrabaho sa taniman. Halos maya't maya nagbubungkal ng lupa," narinig niyang sumbong ni Tori mula sa background.
"Ikaw talaga, gatungera ka," saway naman ni Tiya Panying sa anak. "Dalawampu't pito ka na, anak, pero para ka pa ring bata."
"Aray ko, Nanay. Ashley, kinuti ako ni Nanay o! Pagalitan mo nga."
Natawa na lamang siya. Wala siyang masabi sa closeness nilang tatlo. Ni minsan ay hindi nito ipinaramdam sa kaniya na hindi niya tunay na kamag-anak ang mga ito. Labis-labis ang nagawa ng mga ito para sa kaniya kaya naman ginagawa rin niya ang lahat upang masuklian iyon. Matagal nang ito ang tumatayo niyang pamilya. Kaya mahalaga sa kaniya na matulungan din ang mga ito, lalo pa ngayong tumatanda na ang ginang at ang asawa nito.
"Basta, Tiya. Huwag ninyo kakalimutan magpahinga ha. Pag-uwi ko riyan sa susunod na buwan, uuwi kita ng mga bagong pamahid sa likod," aniya. Madalas kasing mangalay ang likod nito, at sa kabayanan pa nabibili ang mga malalamig na pamahid para roon. Isa pa iyon sa gusto rin niyang mapa-checkup; ang nananakit likod ng kaniyang tiyahin.
"Ay sige, anak. Gusto ko iyan," may excitement sa boses nito.
"Ako ang bahala dito, Ashley. Isusumbong ko sa iyo lahat ng nangyayari rito—aray ko, Nay!" Narinig niyang pinalo ng ginang si Tori.
"Siya, sige na, anak. Kami'y uuwi na rin. Tatawag na lang uli ako sa iyo bukas."
"Sige po, Tiya. Mag-ingat kayo sa pag-uwi. Malayo-layo pa ang lalakarin ninyo." Bababa pa ang mga ito mula sa bundok na iyon.
"Bye, Ashley! Ingat ka riyan ha," paalam ni Tori. "Magkita tayo sa susunod."
"Oo, sige. Bye, Tori. Bye, Tiya."
Doon na natapos ang kanilang tawag. Muli niyang ibinalik ang de-keypad niyang cellphone sa pagkakasaksak nito sa charger. May ngiti sa kaniyang labi nang ipagpatuloy niya ang pag-eempake.
Bukas ay pupunta pa siya sa agency upang makilala ang bagong amo niya. Naibalita na rin sa kaniya ng agency na ang magiging amo niya ay isang guro na naghahanap ng magbabantay sa anak nito. Maituturing niyang suwerte iyon.
Pinaghalong kaba at excitement ang nararamdaman niya. Sana ay mabait ang maging amo niya. At kung mabait nga ito, kakapalan na niya ang kaniyang mukha at magpapaturo dito ng mga technique bilang isang guro.
Ngumiti siya na may kaakibat na determinasyon. Sa mga susunod na panahon, tiyak ay magbabago na ang kaniyang buhay...