Hinatak ni Ashley ang maleta niya papasok sa gate at saka iyon isinara. Ingatan niya na huwag makalikha ng malakas na ingay ang pagkakasara niya roon. Tama na iyong nabulabog niya ang asawa ng bagong amo niya.
At hindi lamang niya ito nabulabog, nasubsob pa siya sa ano nito. Sa ano... Dumaloy ang lahat ng dugo niya patungo sa kaniyang ulo. Para siyang isang takure na kulang na lang ay sumabog at lumipad dahil nasobrahan sa pagkulo.
Sumubsob siya kay Jun-jun! Malaking Jun-jun. Parang siyang sinampal ng isang malaking isneyk!
Kung pwede lamang lumubog siya sa lupa ngayon dahil sa kahihiyan ay ginawa na niya. Ramdam pa rin niya ang pangangainit ng kaniyang magkabilang pisngi dahil doon, pati na rin ang mabilis na kabog ng kaniyang puso. Kahit ang mga kamay niya, may kaunting panginginig. Unang araw pa lang, ni hindi pa man nagsisimula ang kaniyang trabaho ay epic fail na kaagad. Bad shot kaagad siya sa lalaking amo. Mabuti na lamang at tila hindi naman nito ininda ang nangyari kanina. Kahit papaano ay hindi siya nito mas inilubog sa kahihiyang nagawa. Napabuntong-hininga siya roon.
Nailibot niya ang tingin sa bahay. Maganda naman iyon at malaki. Malawak rin ang garahe na may nakaparadang dalawang sasakyan. Iyon nga lamang, kung gaano kalungkot iyon sa labas ay mas malungkot iyon sa loob. Wala ring kahala-halaman ang mga plant box doon. Kahit ang hardin sa hindi kalayuan ay walang kabuhay-buhay.
Hindi ba mahilig si Ma'am Dona sa pag-aalaga ng mga bulaklak? Tanong ng kaniyang isip. Sayang naman ang hardin kung walang nakatanim na mga halaman.
E ang asawa kaya nito? Hindi na bale, siya na lamang ang magtatanim roon. Mabuti na lang talaga at halos buong buhay na niya ang pagtatanim sa Barrio Vicenzo. Wala pa siyang itinanim noon na hindi naging maganda ang pagtubo. Sabi ni Tiya Panying sa kaniya, parang natural na talento na raw niya iyon. Magaan daw ang kamay niya kaya kahit anong itinamin niya ay nagiging malusog at maganda ang bunga. Pero lahat din naman daw ay kayang magtanim basta't bigyan lamang ng sapat na oras.
Oras. Baka iyon ang wala sa mga amo niya. Kinuha pa nga siya ng mga ito na kasambahay upang alagaan ang anak ng mga ito, hindi ba? Baka nga talagang sobrang subsob lamang ang mga ito sa trabaho at hindi na maasikaso ang mga bagay na iyon.
Subsob... Naipilig niya ang ulo upang alisin ang pumasok na alaala ng pagkasubsob niya sa isneyk kanina. Nagkukulay berde kaagad ang utak niya sa iisang salitang iyon. Hinding-hindi na niya iyon gagamitin! Subsob pa more, Ashley.
Speaking of her new male boss, mukhang masungit ito. Bawat pagkakataon ng pagsasalita nito habang nag-uusap sila kanina ay nakasimangot ito at may kunot sa noo. Napurnada marahil ang pagtulog nito dahil sa pag-iingay niya. Malay ba niyang malakas pala ang tunog ng doorbell sa loob ng bahay? Hindi kasi niya iyon masyadong marinig mula sa labas kaya akala rin niya ay walang nangyayari sa ginagawa niya. Napagbintangan pa tuloy niya ang lalaking tumulong sa kaniya kanina na walang silbi ang pagtuturo na ginawa nito.
Wala naman kasing ganoon sa barrio nila. Walang magagarang gate sa Barrio Vicenzo. Ang lahat ng bahay roon ay gawa sa kahoy at sawali. Maging ang mga bakod, mga upuan, at lamesa, lahat gawa sa kahoy. Napag-iiwanan na nga talaga ng progreso ang barrio nila. Wala naman siyang magagawa. Talagang napakahirap pasukin niyon.
Hindi maganda ang pagsisimula niya. Unang araw niya sa trabaho at nasira na kaagad niya ang mood ng asawa ng kaniyang amo. Sana naman ay hindi siya nito isumbong kay Ma'am Dona. Ayaw niyang pumangit ang tingin nito sa kaniya at mukha pa namang mabait ang babae. Sa katunayan, ayaw niyang pumangit ang tingin sa kaniya ng kahit sino sa bahay na ito. Dahil sa ito ang magiging tahanan niya sa mga susunod na taon, o posible pang taon kung papalarin.
Isa pa, kahinaan rin niya ang pagkakaroon ng alitan sa ibang tao. Mabilis siyang maiyak kapag nakagawa siya ng hindi magandang bagay sa iba, at kapag inis na inis na siya, hindi siya makapagsalita kapag sobrang galit. Basta naiiyak na lamang siya. Kaya nga as much as possible, hindi siya pumapasok sa kahit anong gulo. Kahit nga noong pinag-uusapan siya nang hindi maganda ng mga katrabaho niya sa mall patungkol sa katawan niya, ginawa niya ang lahat upang magbingi-bingihan at kimkimin ang nararamdaman.
Hindi naman siya mapapakain ng panlalait ng mga ito. Nagpunta siya sa Maynila upang magtrabaho at hindi maghanap ng gulo. Kaya kung kaya niyang kimkimin, gagawin at gagawin niya.
"What are you still doing there, Ashley?"
Napaigtad siya nang marinig ang baritonong tinig na iyon. Parang pinabalik ng tinig na iyon sa realidad ang utak niya na saglit na lumipad. Nakatayo na pala sa may pinto ang amo niyang lalaki. Nakasandig mismo ito sa hamba ng pinto at ang mga braso ay magkakrus sa tapat lamang ng matipuno nitong dibdib. Nakasuot na ito ng puting t-shirt at pajama. Hindi na katulad kanina na labas din ang matitipuno nitong dibdib.
Parang gusto niyang sampalin ang sarili niyang utak. E ano naman kung may damit na ito? Bakit? Anong gusto niya? Maghapon na lang itong nakahubad at maghapong ibalandra sa kaniyang harapan ang maganda nitong katawan? Argh! O Juskolord, bakit ba ganito ang nangyayari sa utak niya?
At bakit kakaiba ang dating sa kaniya ng pagtawag nito sa kaniyang pangalan? Humigpit ang hawak niya sa kaniyang maleta. Heto at nagiging weirdo na naman siya.
"Pasok na," sabi nito bago siya tinalikuran.
Tahimik naman siyang sumunod dito. Nahihiya pa nga siya nang ipasok niya ang kaniyang sandals. Napatingin pa siya sa sahig. Mabuti na nga lamang at hindi madumi ang ilalim ng sapin niya sa paa. Puting-puti pa naman ang tiles ng sahig ng bahay. Na-conscious kaagad siya sa maliit na bagay na iyon. Ngayon lang din kasi siya nakapasok sa magarang bahay.
"Come with me." Saglit siyang nilingon ng kaniyang amo upang sabihin iyon. Nasa gitna ng hagdan patungo sa ikalawang palapag. "At pwede bang pakibilisan mo?" Masungit na sabi nito bago muli siyang tinalikuran.
"Ah, opo, Sir." Nagmamadali naman niyang binitbit ang maleta pataas ng hagdan upang makahabol siya rito.
"Dahil nandito ka naman na, bibilinan na kita ng mga dapat mong gawin."
"Opo, Sir." Napatitig na lamang siya sa likod nito. Malalaki ang hakbang nito at halos magkandabuhol ang kaniyang mga paa sa pagmamadali na makasunod dito. Mabigat kasi ang kaniyang mga dala. Nang makaakyat siya sa hagdan ay bumungad sa kaniya ang may kahabaang hallway at ilang nakasaradong pinto.
Tumigil naman ito sa paglakad at humarap sa kaniya nang matapat ito sa isang pinto. "Ito ang kuwarto ng—"
Napatingin siya rito nang matigilan ito sa pagsasalita. Nakita niyang nakatitig ito sa kaniyang maleta.
"Sir?" Pagtawag niya sa atensiyon nito.
"Itinaas mo iyan mula sa baba? Hanggang sa hagdan?" Takang tanong nito.
"Uh... Opo," alanganing sagot niya. Mukha kasing may mali siyang ginawa base sa ekspresyon nito. Ano ba ang dapat na ginawa niya?
"Dapat iniwan mo na lang muna iyan sa baba." Kunot ang noo na sagot nito na akala mo'y narinig ang tanong ng isip niya. "Nagpakahirap ka pa—" natigilan ito. "You know what nevermind."
Humugot ito nang malalim na buntong-hininga. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng mumunting lungkot at pagkabahala roon. Hindi pa opisyal na nagsisimula ang trabaho niya ngunit nasa bad side na kaagad siya ng kaniyang amo. Ipinangako pa naman niya sa kaniyang sarili na sisimulan niyang positibo ang kaniyang bagong trabaho. Naniniwala kasi siyang nagiging maganda ang resulta ng bawat bagay kapag sinimulan niya iyo nang positibo at masaya.
Ngunit ngayon, kay pangit ng buena mano niya. Siguro nga'y naiinis ito sa kaniya dahil sa pagkakaantala ng tulog nito.
"As I was saying, ito ang kuwarto ng anak ko. Ipakikilala ko siya sa iyo, pag gising niya." Paliwanag nito. "Itong katabing pinto ang kuwarto ko. Ito namang katapat na pinto ng kuwarto ko ang guess room." Binuksan iyon ng binata at pinasilip siya. Maganda at maaliwalas iyon, ngunit wala masyadong gamit.
"Ang pinto sa dulo ng hallway ang banyo. Itong katabi naman niyang pinto ang studio ng anak ko. Mahilig kasi siyang gumuhit." Binuksan nito muli ang isa pang pinto at tumambad sa kaniya ang isang makulay na kuwarto. Ang kulay puting pader niyon ay binalot na ng maliliit na drawing na karamihan ay bahay at mga bulaklak. May mga maliliit na lata ng pintura sa sahig at sa tabi niyon ay ilang canvas na wala pang pinta. Ang carpet ay puno na rin ng mga natuyong pintura.
May mahabang mesa rin doon nasa ibabaw ay may iba't ibang klase ng pangkulay at coloring books. At ang nag-iisang canvas na may pinta ay nasa stand at hindi pa tapos. Mukha iyon ng isang lalaki. Na sa tingin niya ay ang lalaking katabi lamang niya ngayon.
Napatingin siya rito. Doon lamang niya napansin ang mumunting kurba sa labi nito. Nakangiti ito at halatang proud ito sa nakikita. Proud ito sa talento ng anak. At para bang hinaplos ang puso niya roon. Isa pa, mas bagay din dito ang nakangiti.
Natigilan naman ito nang mapansin ang pagtitig niya. He cleared his throat before closing the door.
"Natandaan mo ba?" Tanong nito. Wala na ang ngiti sa labi.
"Opo," agad na sagot niya, may kasama pang pagtango.
Walang sali-salita siya nitong tinalikuran. Patungo na naman ito sa hagdan. Kaya naman nagmamadali niyang hinatak ang kaniyang maleta at sinundan ito. Mabuti na lang at mas madaling ibaba ang kaniyang maleta kaysa iakyat iyon.
"Ito ang magiging kuwarto mo."
Bukod sa kama, mga kumot at unan, electrican fan at isang maliit na mesa, wala nang ibang gamit sa kuwartong iyon. Wala rin miski kurtina ang nag-iisang bintana. Ngunit maaliwalas naman iyon. Alam naman din kasi niya na siya ang kauna-unahang kasambahay ng mga ito.
"Ah, Sir. Iwan ko ho muna ang mga gamit ko rito ha?"
"As you should." Tinalikuran siya nito at nauna nang lumabas ng kuwarto.
Hmp. Ang sungit. Reklamo ng kaniyang isip. Ibinaba niya ang isang bag sa ibabaw ng kama at iniwan din doon ang kaniyang maleta. Paano kaya ito nagustuhan ni Ma'am Dona sa ugali nito? Tanong ng kaniyang isip.
Ang napasukan nilang parte ng bahay pagkatapos ay ang kusina.
Naghatak ang lalaki ng upuan at prenteng naupo roon. "Make me some breakfast. I'm starving," anito at nagpangalumbaba sa mesa. "Show me your cooking skills. You wrote in your resume that you know how to cook, right? Show it to me."
"Ah, opo. Ahm, ano po ba ang gusto ninyong kainin?"
"Chowfan. Lagyan mo ng maraming carrots. Saka ipagtimpla mo rin ako ng kape."
"Uh, s-sige po." Tinalikuran niya ito ngunit ramdam niya ang pagtitig nito sa likod niya. Naging aligaga ang kaniyang mga mata. Madaming high tech na kagamitan roon ngunit hindi niya alam kung paano gamitin. Kahit ang stove nito ay napakaraming pindutan!
Kape. Tama, ipagtitimpla muna niya ito ng kape. Hinanap ng mata niya ang thermos ngunit hindi niya iyon makita. Natigilan siya. Wala bang thermos sa bahay na ito? Magtatanong ba siya kung nasaan? Kaso lang ay baka lalong magalit sa kaniya ang lalaki.
"Hey!" Napaigtad siya sa lakas ng pagtawag na iyon sa kaniya ng kaniyang amo. Unti-unting napatingin dito. Walang emosyon ang mukha nito habang magkakrus ang mga kamay sa matipuno nitong dibdib.
"It this your first time to work as a maid?" Tila nanuot sa kaniyang kalamnan ang malamig nitong tingin.
Hindi siya makasagot sa tanong nito, ngunit para bang alam na nito ang sagot. Nagbaba siya ng tingin. Ang kaniyang mga mata ay natuon sa puting-puti na sahig.
"Tell me, Ashley. How could that possibly be, when you clearly wrote on your resume that you already worked as maid before? At hindi lang iyon, sinabi mo pa na dalawang beses ka nang naging maid. Dalawa."
Nalunok niya ang sariling laway. Nanatiling tikom ang labi niya. Paano siya sasagot? Kung si Tori ang gumawa ng resume niya!