Hindi ko alam kung anong sasabihin ko dahil mukhang nagalit ang Emperador sa ginawa kong pagtulak sa kanya. Tahimik lang kaming dalawa habang nakasunod ako sa kanya pero hindi naman kami nagkakalayo dahil mabagal pa rin ang mga lakad niya. Kanina ko pa gustong humingi ng tawad pero nauumid ang dila ko. Tuwing ibubuka ko ang bibig ko walang boses na lumalabas. Napatingala ako nang makaramdam ako ng ilang maliliit na butil ng tubig na pumatak sa ‘kin, umuulan na pala ng mahina. Palaki nang palaki ang patak habang naglalakad kami. Magsasalita sana ako dahil mababasa siya pero nabigla ako nang mag-angat ako ng tingin at sakto naman na inilapat niya sa ‘kin ang kanyang balabal at tinakpan ang uluhan ko. Hindi ko mapigil mamula dahil sa gesture ng kamahalan. Alam kong hindi niya nagustuhan a

