Panget ba ako?
Hindi ba ako kaaya-ayang tingnan?
Nakakadiri ba ang aking mukha kung kaya naiinis sila sa oras na ako'y kanilang nakikita?
Sa tingin ko naman ay 'Oo' ang sagot sa aking mga tanong. Bakit ba ako nagtanong pa? Totoo naman talaga na panget ako. Araw-araw kasi nila sinusumbat kung gaano ako kapayat at nakakadiri ang aking mukha nang dahil sa mga tigyawat ko.
Sinubukan ko namang tanggalin ang mga nakakadiring tigyawat sa aking mga mukha. Nagkadugo-dugo na nga ang mukha ko at minsan naman ay nais ko na balatan ito upang sa gano'n ay lubusan ko na ito matanggal. Subalit kahit anong pilit ko ay hindi pa rin ito nawawala. Nananatili pa rin nandito sa aking mukha at may mga araw naman na nadadagdagan sila.
Ang panget ko talaga.
Sinubukan ko rin na patabain ang aking sarili. Kumakain naman ako nang marami hanggang sa maduwal na ako, ngunit katulad din sa pagpapakinis ng aking mukha, hindi pa rin ako nagbabago. Nananatili pa rin akong kalansay. Sana nga totoong kalansay na ako, tahimik na natutulog sa ilalim ng lupa, para hindi ko na marinig pa ang mga masasakit na salitang kanilang binabato sa akin.
Ano pa ba ang dapat kong gawin? Ginawa ko naman ang aking makakaya, pero nang akin ito sinagot sa walang tigil nilang panlalait, ang tanging sagot lang na aking natanggap ay "Sinungaling. Nagsisinungaling ka pa. Araw-araw ka naghihilamos? Hindi nga kita nakikitaan na ginagawa mo iyan… Kumakain ka nang marami? Eh, ang kaunti mo nga lang kumain. Napakasinungaling mo talaga."
Nang dahil sa kaniyang sinabi, mas pinili ko na lang na manahimik. Nawalan na ako ng lakas upang idepensa ang aking sarili. Para saan pa kung hindi naman sila maniniwala sa akin. Mas mainam kung mananatili akong tahimik dahil kung akin iyon gagawin, hindi na nila ako kakausapin pa. Hindi ko na muli maririnig ang kanilang pang-iinsulto sa akin.
Ang masakit lang ay kung sino pa ang iyong dugo't laman, sila pa ang dahilan ng unti-unti mong pagkasira. Unti-unti kang sinisira sa mga panlalait at pamamahiya sa iyo. Pinaglalakasan pa nila ang kanilang boses, para saan? Ito lang ang hindi ko alam. Hindi ko kasi matukoy kung bakit nila ito ginagawa. P'wede naman nila sabihin ito sa akin sa isang malumanay na pananalita at hindi sa hiyaw.
Tigilan na nga natin ito.
Nawalan na akong lakas upang ituloy ito. Tanggap ko na na isa nga akong panget, hindi ko na ito ipagkakaila. Sasanayin ko na lang ang aking sarili sa mga paulit-ulit nilang pang-iinsulto hanggang sa tuluyan na akong maging manhid.
Nais ko ito mangyari. Nais ko masanay at hindi tablan sa mga masasakit nilang salita, pero hindi pa rin kaya ng puso't isipan ko. Kahit ilang beses ko na ito naririnig sa mga bibig nila, nasasaktan pa rin ako. Gabi-gabi ako umiiyak—tahimik na umiiyak. Aking kinikimkim ang sakit at kalungkutang aking naramdaman sapagkat sa oras na sumabog ako sa kanilang harapan, natatakot ako sa kanilang gagawin at sasabihin. Natatakot ako na baka wala silang gawin at baka mas lalo lang nila ako iinsultuhin.
Ayokong mangyari iyon. Ayokong masaktan nang lubusan.
Mas mainam siguro na tuluyan na akong mamatay upang sa ganoon, hindi na muli ako makarinig pa ng mga masasakit nilang salita. Para na rin hindi na sumama ang loob nila sa oras na nakikita nila ang nakakadiri at panget kong mukha't katawan.
Mas maganda nga iyon.
Kailan ba ako mamamatay?
"Uy…? Dianne? Hala, siya! Si Dianne nga! Sabi na nga ba at ikaw iyan, eh!" Bigla ako bumalik sa reyalidad nang may kumausap sa akin.
Kasalukuyan akong nakaupo sa sway dito sa playground. Nakatulala habang akin itong inaalala. Nilingunan ko naman ang kumausap sa akin at laking gulat ko sa aking nakita. "Dan? Ikaw… ba iyan?"
"Sabi ko naman sa iyo before, hindi lang iyon ang una't huli nating pagkikita," masaya niyang usap. Siya ngayon ay nakatayo sa aking harapan at masaya siyang nakatingin sa akin. "Ano nga pala ginagawa mo rito? Sa tingin ko, hindi ka pumunta sa playground para maglaro, 'no?"
"Ikaw ang dapat kong tanungin niyan? Anong ginagawa mo rito? Dito mismo? Hindi ba, taga-Batangas ka? Paanong… Umm… My gosh, ang weird… Magtapat ka nga sa akin, sinusundan mo ba ako? Stalker ka, 'no?" Nakaramdam ako ng galit nang akin itong maisip.
"Teka lang… Hinay-hinay lang, ah. Grabe ka maka-stalker sa akin. Hindi naman akong gano'ng tao. Huwag ka agad magbintang." Bumuntong siya ng hininga habang siya ay umiiling. "Kapag ba, sinabi ko sa iyo na nagkataon lang ang pagkikita natin dito ay maniniwala ka?"
"Ano sa tingin mo?" Mariin ko siya tinitigan.
Tumawa lamang siya. "Sa tingin mo ba magsisinungaling ako sa iyo? Bakit ko naman iyon gagawin sa isang taong isang beses ko lang naman na-meet? Hindi pa nga kita lubos na kilala para sundan kita mula Batangas hanggang dito sa Taytay," natatawa niyang usap.
Hindi pa rin ako naniniwala sa kaniyang sinambit. May kutob pa rin ako sa lalaking nasa harapan ko. Dapat pala hindi na lang ako nagpakilala sa kaniya kung isa pa lang stalker ang makakatagpo ko.
Narinig ko ang malalim niyang paghinga. "Grabe… Masyado mo ako na-hurt. Halata sa mukha mo na jina-judge mo pa rin ako."
"Alam mo, mas maganda kung manahimik ka na lang. Ang tahimik na ng araw ko, sisirain mo lang?" Bumuntong ako ng hininga.
"Okay, okay. Tatahimik na po. Pero, wow talaga! I can't believe na magkikita tayo rito. Ilang buwan din noong una nating pagkikita… 3 or 5 months na ba? Hindi ako sure." Nakita ko sa kaniyang mukha ang malalim niyang pag-iisip. "Hayaan na lang natin iyon, ang importante ay nagkita ulit tayo."
"Ba't parang ang saya mo? Masyado kang masaya na makita ako. Masyado ka ring masaya sa taong nais na mamatay." Bahagya ako naguluhan.
"Well… Natuwa lang ako kasi hindi ko inaasahan ang pagkikita natin. And about naman sa huli mong sinabi… Sabihin na lang natin na may kaniya-kaniya tayong ugali. May kaniya-kaniya rin tayong pamamaraan kung paano natin i-express ang sarili at dalhin ang mga problema natin," masaya niyang tugon. Sabagay, may point din siya. "Anyway, malapit ka lang ba rito?"
"Medyo… Pumunta lang ako rito para bantayan ang kapatid at mga pinsan kong maliliit," walang gana kong tugon.
"Oh? Ate ka pala? Hindi lang ate 'lang' kun'di mabait na ate."
Hindi ko na lamang s'ya pinansin. Muli ko tinutok ang aking atensyon sa kapatid at mga pinsan kong naglalaro na hindi kalayuan sa aking puwesto.
Mga ilang sandali pa ay umupo siya sa kabilang sway at huminga nang malalim. "P'wede ba kitang samahan sa pagbabantay mo?" tanong niya.
"May choice pa ba ako? Sasamahan mo pa rin ako kahit mag-hindi ako sa iyo," walang gana kong tugon.
"Yes or no lang ang hinihiling ko, ang dami mo na sinabi." 'Tsaka siya tumawa nang mahina. Akin naman siya sinamaan ng tingin. "I'm just kidding… Kidding."
Nang mga oras na iyon, naging tahimik kami.
Ilang segundo rin kaming nananatiling tahimik habang pinagmamasdan ang mga bata nang akin siya kinausap. "Magtapat ka nga sa akin… Panget ba ako?" malungkot kong tanong. Kasabay niyon ang paglingon sa kaniya. Nakita ko ang gulat niyang mukha.
"Unexpected ang tanong mo. Nabigla ako." Bahagya siya natawa. Maya-maya pa ay seryoso niya akong tiningnan. "Iyong totoo? Hindi. Kung ibabase ko ang hitsura mo sa beauty standard ng society, siguro… mga 8 out of 10 ka. Matangos ang ilong mo, makapal ang mga kilay at pilikmata mo, manipis ang labi mo, maliit lang din ang shape ng mukha mo—babaeng babaeng tingnan—at ang mga mata mo… hindi naman masyadong singkit o malaki, katamtaman lang. Pasok ka sa standard. Pero para sa aking paningin, 100 out of 10 ka," masaya niyang usap.
Hindi ko alam kung pinagloloko o pinagti-trip-an lang ako nito. Pero, inaamin ko, kahit papa'no ay nasiyahan ako sa sinagot niya. "Yes or no lang ang hinihiling ko, ang dami mo na sinabi," panggagaya ko sa kaniya na akin naman kinatawa.
"Ahh… Gano'n? Kinukuha mo script ko, ah. Akin kaya iyan." 'Tsaka siya ngumisi. Umiling na lang ako at muli binalik ang tingin sa mga binabantayan ko. "Umm… Ayoko naman na manghimasok, pero… p'wede ko ba malaman ang reason mo at bakit mo ako tinanong niyan? May… insecurity ka ba sa physical feature mo?" Bakas sa kaniyang boses na maingat niya ako tinanong. Naramdaman ko rin ang kaniyang pag-aalala.
"Maipapangako mo ba sa akin na kapag sinabi ko ang aking dahilan, hindi mo ito ipagsasabi kahit kanino?" sagot ko sa kaniya.
"Of course! Kahit i-torture pa nila ako o pasayawin ng 'Jumbo Hotdog' sa gitna ng kalsada, hindi ko sasabihin ang lahat ng pinag-usapan natin. Promise iyan." Seryoso niya akong tiningnan.
"Jumbo Hotdog talaga?" Ako ay natawa sa kaniyang sinagot. Sa bawat salitang lumalabas sa kaniyang labi, tunay niya ako napapatawa. Nakakainis! Baka ito ang dahilan kung bakit ako komportable sa kaniya. "Oh, sige. Sasabihin ko na at baka bigla ka na lang sumayaw ng Jumbo Hotdog sa harap ko."
"Iyown!" masaya niyang sambit. "Bakit? Gusto mo bang makita akong sumayaw ng Jumbo Hotdog?"
"Tumigil ka nga. Kadiri…" Nakaramdam ako ng kilabot.
Pinagtawanan lamang niya ako.
Nang humupa, ibinahagi ko sa kan'ya ang sa likod ng aking tanong. Isinalaysay ko ang mga sinabi sa akin ng aking mga magulang at sa aking nararamdaman. Tila ba maiiyak ako habang ako'y nagkukuwento, ngunit mabuti na lang at nalabanan ko ito. Ayoko namang umiyak sa public place na katulad nito. Baka kung ano pa isipin ng makakakita sa amin, pati na rin ang mga maliliit kong pinsan at kapatid.
"Baka nagda-drama lang ako… Baka OA lang ako." Bahagya ako natawa sa aking ningusap.
"Hindi… Hindi ka nagda-drama o OA. Sadyang… may malambot kang puso na hindi kayang harapin ang mga masasakit na salitang sinabi nila sa iyo. Huwag mong isipin na nagda-drama ka. Normal lang na masaktan dahil… isa ka lang ding taong may damdamin at marunong masaktan." Ang lambing… Napakalambing ng kaniyang pagkakasabi. Napagaan niya ang aking puso sa sinagot niya.
"Thank you ulit…" mahina kong pasasalamat.
"No problem. Tandaan mo lang palagi na nandito lang ako, kayang makinig sa iyo." At muli, binigyan niya ako ng isang mainit na ngiti.
Ewan ba. Nang kaniya iyon sinabi, lalo naging panatag ang damdamin ko. Kasi– marami naman akong kaibigan, pero wala akong mapagsabihan tungkol sa mga problema ko. Ayoko naman din na mamoblema rin sila sa aking problema, baka isipin na masyado akong maarte gaya na lang ng ni-reply sa akin ng isa kong tinuring na bestfriend.
Sinubukan kong ibahagi sa kan'ya ang aking problema, humingi pa nga ako ng pahintulot na hiramin ang oras niya. Nasiyahan pa nga ako nang mabilis niya akong sagutin at sa tingin ko noon na makikinig siya sa akin o may pake talaga siya sa akin. Subalit nang nasa kalagitnaan na ako ng aking pagku-kuwento, bigla na lang niya ako ni-reply-an ng "Ang arte mo naman. Iyon lang iiyak ka na? Ako nga…" and so on, so on. Bigla na lang napunta sa kaniya ang aming pag-uusap. Nais ko man ituloy ang pagbabahagi ko sa kaniya, pero nawalan na ako ng gana sa mga pagsingit at sa mga reply niyang parang iniinsulto pa ang aking damdamin. Simula noon, naging malamig na ang pakikitungo ko sa kaniya. Nagkakausap naman kami, ngunit hindi na katulad ng dati.
At ngayon, na may handang makinig sa akin na walang halong pang-iinsulto at binibigyan pa ako ng magaganda at honest na mga sagot, kahit papa'no ay gumaan ang aking pakiramdam. Napagtanto na hindi lang ako nag-iisa. Na may pagkakatiwalaan pa pala akong tao.
"Ate, bilhan mo ako ice pop." Bigla naman sumulpot sa aking harapan ang maliit kong kapatid.
"Ako rin, ako rin!" masayang sambit ng maliit kong pinsan.
Samantala, tahimik habang nakangiting naghihintay naman ang isa ko pang maliit na pinsan sa likod ng dalawa.
"Ice pop? Magkano ba iyon?" tanong ko sa kanila.
"Ganito, oh. Five." Ipinakita naman sa akin ng aking kapatid ang lima niyang daliri. Ginaya naman siya ng isa kong pinsan at patalon-talon pa ito sa saya. Excited na siguro siya makakain ng ice pop.
"Oh, sige na. Bibili na tayo. Ituro niyo sa akin ang tindahan," tugon ko. Kasunod niyon ay tumayo na ako at akin naman nilingunan si Dan upang magpaalam. Subalit katulad din ng una naming pagkikita, bigla na lang siya nawala. Umalis na naman siya na hindi nagpapaalam.
Napabuntong na lamang ako ng hininga.
Ika nga niya na hindi lang ito ang una't huli naming pagkikita. Kung magkita ulit kami sa hinaharap, talagang tatanungin ko siya bakit basta-basta na lang siya umaalis na walang paalam. Iyon kasi ang panget sa kaniya. Nakakainis lang.
Pero ang pinagtatakahan ko lang ay paano siya nakakaalis na hindi ko namamalayan? Hindi ko talaga siya naramdaman sa tuwing aalis siya. Ang weird.