Bakit gano'n? Bakit unti-unti na ako nawawalan ng gana sa mga hilig kong gawin?
Dati naman ay hindi ako nagsasawang gumuhit. Tanda ko pa nga ang pagkasabik ko sa oras na hinawakan ko na ang mga lapis, pangkulay, at malaking kuwaderno na kung saan ako gumuguhit. Kahit maliit na ang lapis, o 'di kaya pudpod na ang pastel colors at color pencils, at paubos na rin ang water colors, sige pa rin ako sa paglikha. Ngunit bakit ngayon ay tila ba nilubayan na ako ng espiritu ng saya at sigla sa pagguhit? Hindi ko na maramdaman ang naramdaman ko noon nang ako'y gumuguhit. Para bang limot ko na ang pakiramdam na iyon.
Inaamin ko, hanggang ngayon ay gusto ko pa ring gumuhit. Nananatili pa rin naman ang aking kakayahan, subalit tuluyan na nawala ang sigla sa katawan ko. Kasabay nito ang pagkawala ng aking creativity sa larangan ng sining na dati naman ay halos mapagod ang aking utak at kamay sa mga magagandang bagay na aking naiisip. Subalit nang lumaon, tuluyan na ito namatay sa isipan ko.
Bukod dito, hindi na rin ako ganoong kasabik sa oras na ako'y nanonood ng mga palabas o serye. Isa rin ito sa aking hilig, pero ngayon ay wari ba'y limot ko na na isa rin ito sa aking kinahihiligan.
Ano bang nangyayari sa akin at bakit ang mga bagay na gustong gusto kong gawin ay hindi ko na kayang i-enjoy? Ito ba ay resulta ng aking pagtanda? O baka naman, dahil ito sa nadarama kong lungkot?
Ako? Malungkot? Bakit nga ba ako malungkot? Bakit nga ba ako nakakaramdam ng sobrang pagkalungkot na minsan pa nga ay umiiyak ako na wala namang dahilan? Baka naman dahil lang ito sa aking hormones o baka naman maarte lang ako?
Hindi ko alam. Sana alam ko upang masolusyunan ko ang aking lungkot. Ang bigat-bigat na kasi ng aking puso't isipan sa matindi kong lungkot. Gusto ko ring sumaya.
Nang dahil sa aking pag-iisip, naramdaman ko na lang ang biglaang pagsakit ng aking ulo. Mas mainam siguro kung 'wag ko na lang ito problemahin. Wala naman magandang mapapala kung poproblemahin ko pa ito.
Napagdesisyunan ko na lamang na ako'y matulog na sa maulang gabi na ito, subalit kahit ipikit ko na ang mga mata ko at inihiga ang aking katawan, hindi pa rin ako dinadalaw ng antok.
Ilang araw rin akong ganito, palaging puyat gawa ng hindi makatulog. Para bang may hindi ako natatapos sa araw na iyon at hindi ako pinagbibigyan na matulog ng aking utak hangga't hindi ko iyong natatapos. Ang malaking tanong: ano naman kaya ang bagay na iyon?
Nang dahil sa pag-iisip, hindi na naman ako nakatulog nang maayos, tapos maaga pa ako nagising upang pumasok sa paaralan. Isa na kasi akong kolehiyana sa isa sa malaking unibersidad ng Pilipinas. Sayang din ang free tuition dito kaya kahit ayaw ko sa paaralan na ito, pinatos ko na rin. At isa pa, gusto rin ito ng aking magulang. May choices pa ba ako para sumuway sa kanila? Sila naman ang nagpapaaral sa akin kaya kahit ayaw ko sa paaralan na ito at kursong aking kinuha, pumasok pa rin ako upang masunod ang kagustuhan nila.
Isang araw, habang ako ay naglalakad papunta sa bus terminal ay hindi ko inaasahan na makikita ko ulit siya—si Dan. Kahit siya ay nakatalikod sa akin, tanda ko pa rin ang kan'yang tikas. Patakbo ko siya pinuntahan at tinapik ang kaniyang balikat na mabilis din niya ako nilingunan. Ako ay natuwa na may halong inis nang muli ko makita ang kaniyang mukha. Lalo pa nagpainis sa akin ang ngiti niya na tila ba isa siyang inosenteng bata.
"Akalain mo nga naman, makikita ulit kita?" mataray kong wika.
"Good morning din, Dianne. Ke-aga-aga, nagtataray ka… Sobrang miss mo na ba ako at nagmamadali kang puntahan ako? Halatang tumakbo ka," nakangisi niyang sambit.
"Sa sobra kong miss sa iyo, gusto na ng mga kamao kong ma-kiss-an ang nakakainis mong mukha," panggigigil ko sa kan'ya. "Kainis!" Pagkasabi ko ay nag-umpisa na akong maglakad at ako'y dumiretso na sa terminal ng bus.
Naramdaman ko naman na sinamahan ako ni Dan sa paglalakad. "So, ano nga? Ba't ka nagmamadaling puntahan ako?" pangungulit niya.
"Dahil sa palagian mong ginagawa sa akin kapag nagkikita tayo," mabilis kong sagot at saka ko siya nilingunan, huminto ako sa kaniyang harapan. "Ano bang problema mo at palagi ka umaalis na hindi man lang nagpapaalam sa akin?" Tinaasan ko siya ng isang kilay.
"Ah… Iyon lang ba? Akala ko naman kung ano." Saka siya bumungisngis. "Subukan mo kayang tanungin ang sarili mo tungkol diyan. Ikaw lang… ang kayang makaalam sa iyong katanungan." Ano na naman ba pinagsasasabi nito? Maya-maya pa ay napansin ko na nawala ang ngiti sa kaniyang mukha, naging seryoso siya at mariin niya akong tiningnan. "Gumising ka na… Dianne…" Sa kaniyang winika, biglang nagdilim ang aking paligid at naramdaman ko ang nakakapangilabot na lamig. Sabay ng pagbabago ng paligid ay ang biglaan kong paggising sa aking silid.
"Dianne! Dianne! Lintik na iyan, oh-oh! Kanina ka pa ginigising– batugan ka talaga kahit kailan!" Isang malakas na hiyaw ang nagpagising sa akin. Si Mama lang pala. "Bumangon ka na diyan at ibaba mo na ang project ng kapatid mo! Ihahatid mo pa ito!"
Mabilis akong bumangon at kinusot ang mga mata ko. Kasunod niyon ay kinuha ko ang ginawa kong project ng kapatid ko na dahilan ng aking puyat. Alas-singko na rin ako natapos para gawin ito, gano'ng oras din ako nakatulog. Akala ko kasi si Mama na ang gagawa nito dahil siya ang nagprisinta na gagawa nito. Madali lang daw ito, ika niya. Sa sobrang dali ay umabot na ng isang linggo na hindi pa rin niya nasisimulan hanggang sa dumating na ang deadline. Nang malaman, agad niya ako pinagalitan at pinagmumura—kesyo napakatamad ko at wala akong pakialam sa kapatid kaya hindi ko ginawa ang project nito. Hindi ko na siya sinagot noon kahit ako ay hiyang hiya na sa mga sinusumbat niya sa akin. Ang lakas kasi ng pagkakasabi niya na tinitiyak kong rinig ng mga kapitbahay namin ang mga lait niya. Hinayaan ko na lang na ilabas niya ang galit sa akin at inumpisahan ang paggawa.
Pagkatapos kong makuha ang project ng kapatid ko, sinabay ko na ito sa aking pagbaba at tahimik na inabot kay Mama. Imbes na magpasalamat, isang malutong at malakas na insulto na naman ang natanggap ko.
Grabeng almusal ito, nakakagana. Busog na busog din ako.
Habang naglalakad ako papunta sa kusina upang gumawa ng almusal, sinilip ko sa nakasabit na orasan ang oras—6:28 na pala ng umaga. Isang oras lang pala ang tulog ko. Although, alas-nueve pa naman ang start ng first subject namin, sigurado akong hindi na nila ako patutulugin. Dahil gising na rin na ako, uutusan na nila ako.
"Ano pang ginagawa mo!? Bilisan mo na at i-ready na kapatid mo!" pahiyaw na utos ni Mama sa akin. Agad ko naman din siya sinunod, pagkatapos ay hinatid ko na ito sa school niya.
"Ba-bye, ate," masayang paalam sa akin nito na akin naman kinasaya. Ang cute niya kasing magba-bye at syempre, cute rin siyang kapatid. Sa lahat ng kapatid ko, siya ang pinakapaborito ko sa lahat. Siguro marahil, bata pa lamang siya. Napaka-pure at inosente pa ang pag-iisip niya na taliwas sa amin.
Para tuloy gusto kong bumalik sa aking pagkabata. Mga panahon na tanging laro at pagsasaya lang ang aming ginagawa. Ang tanging pinoproblema lang ay kung paano makatakas sa bahay upang makipaglaro sa mga kaibigan, o 'di kaya anong sitsirya naman ang bibilhin sa nakuha naming piso na tiyak kong, upa iyon sa pagbunot ng mga puting buhok o buhok sa kili-kili ng mga matatanda.
Gusto kong bumalik. Gusto kong manatili sa mga panahon na iyon, subalit malabong mangyari iyon.
Sa aking paglalakad pabalik sa aming tahanan, may isang tinig na aking naririnig sa aking isipan na sana makasalubong ko si Dan. Na sana bago ako bumalik sa aking kulungan, makausap ko man lamang siya. Gusto ko kasi ilabas itong nararamdaman ko dahil alam kong makikinig at mauunawaan niya ako, subalit bigo ako. Hindi ko muli siya nakita sa araw na ito at sa sumunod pang mga araw. At nang sa unti-unti ko na siyang nakakalimutan, bigla na lang siya susulpot sa aking harapan.
Bago kami ulit nagkita, maaga ako nagtungo sa lugar kung saan pinaskil ang mga nakapasa sa board exam. May halong kaba at saya ang naramdaman ko habang mag-isa ko binabagtas ang lugar. Ako rin ay nagdasal na sana makita ko ang pangalan ko sa mga nakapasa. At nang ako ay nakarating na at hinahanap ang aking pangalan, halos bagsakan ako ng langit nang hindi ko nahanap ang aking pangalan. Muli ko inulit ang aking pagbabasa at baka nalaktawan ko lang. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko inulit ang paghahanap, subalit nabigo ako. Kasabay ko nito ang pagbigo ko sa aking sarili at sa aking pamilya.
Naku! Paano iyan? Ano na lang ang mangyayari sa akin kapag isang masamang balita ang mauuwi ko? Baka itakwil na nila ako sapagkat nasayang ko lang ang mga perang pinambayad sa aking pag-re-review at sa aking pag-aaral. Hindi ko agad sila mababayaran kapag siningil na nila ako. Kulang pa ang mga sideline na pinasok ko upang bayaran agad sila.
Paano na ito? Anong gagawin ko? Bakit ba kasi ang bobo kong tao? Ginawa ko naman ang lahat ng aking makakaya, ngunit hindi pa rin ba sapat? Hindi pa rin ba sapat ang mga puyat at pagod ko na halos araw-araw na dumudugo ang ilong ko sa sobra kong kapaguran? Hindi na rin nga ako nakakakain nang maayos at lumalabas upang makapagtrabaho at mag-aral. Sinakripisyo ko na ang aking kasiyahan at kalayaan para rito, pero bakit ito ang sinukli sa akin?
"Napakawalang kuwenta mo talaga! Bobo! Tanga! Walang silbi! Walang utak! Mahina! Bobo-bobo-bobo!" paulit-ulit kong usap sa aking sarili habang sinusuntok ang aking ulo. Kasalukuyan akong nakaupo at nakabaluktot sa isang sulok dito sa terrace ng gusaling pinasukan ko. Hindi ko na inalaman pa ang gusaling ito at dali-dali akong pumasok dito upang ilabas ang mga luha at hinanakit ko.
"Dianne? Anong…" Isang pamilyar na boses ang aking narinig na agad ko itiningala ang aking ulo.
"D-Dan…" hinihikbi kong tawag sa kaniya, kasunod niyon ang lubusan na pagbagsak ng aking mga luha. "Dan!" iyak ko na agad ko niyuko ang aking ulo.
Naramdaman ko na lang ang pagtabi niya sa akin. Tahimik lang siyang umupo sa aking tabi at hinahayaan na ako ay umiyak. Kasabay sa aking pag-iyak ang paglabas ng mga hinanakit at takot ko sa aking kahihinatnan sa oras na ibalita ko sa aking pamilya ang tungkol dito.
Hindi ko na inalam pa ang mga oras na ito, sa tingin ko naman ay matagal din akong ganito dahil nararamdaman ko na ang pagkapaos at pagkatuyo ng aking lalamunan sa patuloy kong pagsigaw at pag-iyak.
"Dan… Anong… Anong g-gagawin ko? Hindi ko na alam k-kung anong gagawin ko n-ngayon…" tanong ko sa kaniya na nananatili pa ring nakayuko.
"To be honest… hindi ko rin alam, Dianne. I'm sorry. This time, wala rin ako mapapayo sa iyo." Naramdaman ko ang kalungkutan sa kaniyang boses.
Mga ilang sandali pa ay pinunasan ko na ang mga luha ko. Ilang beses din ako huminga nang malalim na kasunod niyon ay dahan-dahan ko rin binuga. Nang dahil doon, kumalma na rin ang aking sarili kahit papaano.
Akin siya nilingunan at binigyan ng ngiti. "Ayos lang… Sapat na sa akin ang pag-accompany mo." Muli ko pinunasan ang luhang pumatak sa aking mata.
"Congrats, Dianne, kahit late na," nahihiya niyang bati. Nakita ko na napakamot siya sa kaniyang batok habang nakalihis ang tingin niya sa akin. "Congratulations dahil… nakatungtong ka pa rin dito—naka-survive ka pa rin." Binigyan niya ako ng isang awkward na ngiti.
"Yeah, right. Naka-survive ako ngayon para matanggap ang mga sumbat at lait ng parents ko dahil dito," natatawa kong tugon, sunod ko iniling ang aking ulo. Naramdaman ko naman na bumuntong siya ng hininga. Napatingin ako sa kaniya at nakita na tila ba nagsisi siya sa sinabi niya kanina. "Thank you nga pala… Free time mo ba ngayon? P'wede ko ba… hiramin ngayon? Please…! Pumayag ka."
Siya ay natawa at napailing. Tumango na lang siya at napakamot sa ulo sa aking request. Mabuti na lang talaga at napilit ko siya. Sa ngayon kasi, kailangan ko talaga nang makakausap at makakasama. Mabuti na lang at nagkita muli kami. Nailabas ko ulit ang mga saloobin ko na walang pag-aalala at walang bahid na panghuhusga.
Habang ako ay nagkukuwento, bigla ko na lang naalala ang gusto kong itanong sa kaniya. Nanlisik ang mga mata ko nang akin siya tiningnan.
"W-W-Why? Ba't ka ganiyan makatingin?" Bakas sa ekspresyon ng mukha niya at sa boses din niya ang kaba. Bahagya siya umatras.
"Ikaw. Ano ba problema mo, ha? Bakit bigla-bigla ka na lang nawawala na walang pasintabi, ha?" tugon ko.
"Akala ko naman kung ano. Iyon lang ba?"
"Anong iyon lang!? Hoy, lalaki! Pangatlong beses na natin itong pagmi-meet! Sa dalawang beses na iyon, bigla ka na lang nang-ghost! At isa pa, almost two years din ang huli kong kita sa iyo! Ni wala ka talagang paramdam! Gusto man kita i-reach, kaso wala nga akong contact sa iyo! Ang hirap mong ma-contact, sa totoo lang!" Bumuntong ako ng hininga. "Gigil mo ako!"
Narinig ko na lang ang kaniyang bungisngis. Aba! Loko 'to, ah. Nagawa pa niyang pagtawanan ako.
"Nakakatakot ka palang magalit?" Muli siyang tumawa nang mahina.
"Ewan ko sa iyo!" Inirapan ko siya.
"The truth is… hindi pa ito ang time," buntong hininga niyang sagot.
"Anong ibig mong sabihin?" Teka– Parang nasabi na niya iyan, ah. Hindi ko matandaan kung kailan. Inisip ko naman kung saan at kailan hanggang sa narinig ko ang pagtunog ng aking phone. Nang akin iyon marinig, halos tumalon na ako hindi dahil sa gulat kun'di dahil sa kaba. Ako ay kinabahan sa taong tumatawag sa akin ngayon. Pakiusap, 'wag siya.
Pagkabasa ko ng pangalan ng tumatawag sa akin, naramdaman ko ang paninikip ng aking dibdib at panlalamig ng aking mga pawis. Ilang beses ko muna ito pinatunog bago ko siya sagutin. "Hell–"
"Nasaan ka? Bakit hanggang ngayon 'di ka pa rin umuuwi? Anong oras na– naggagala ka ba, ha? Umuwi ka na rito, ngayon na!" pagalit na utos ni Mama at saka niya ako pinatayan.
Sumandal ako sa dingding at tumingala. Kasabay niyon ang paghinga ko nang malalim. Ilang minuto ko rin ninamnam ang katahimikan at katiwasay ng mga oras na ito. Sigurado kasi ako na hindi ko na ito matatamasa pagkauwi ko.
"Uuwi ka na ba?" tanong ko sa kaniya.
"Mukhang kailangan na, eh. Sabay na tayo bumaba. Baka… magalit pa siya nang husto 'pag na-late ka," sagot niya.
Sabay kaming tumayo at naglakad pababa. Nang kami ay nakababa, muli ko siya tinanong. Gusto ko sana siyang tanungin kung nagugutom ba siya para sabay kaming kumain bago kami umuwi, ngunit sa aking paglingon, hindi ko na naman siya nakita. Sa pagkakataong iyon, hindi ko na siya hinanap. Tahimik ko pinagmasdan ang hagdanan kung saan kami bumaba, sunod ko na rin nilisan ang lugar.