Huling Pagkikita

1350 Words
"Anong sabi mo!? Napakawalang kuwenta mo talaga!" sigaw ni Mama nang malaman niya ang naging resulta ng bar exam ko. Kaagad naman niya ako sinabunatan na sa lakas ng pagkakasabunot niya, halos malagasan na ako ng buhok. Nang mga oras na ito na ako'y sinasabunutan sa labas ng aming bahay, nasaksihan ko ang mga nakakatusok na mga tingin ng aming kapitbahay, mas lalo na ang aking pamilya na hindi man lamang nila ako tinulungan. Kahit hindi nagsasalita, kita ko sa kanilang mga tingin ang panghuhusga at pagmumura sa akin na tunay nagpawasak sa aking puso. Wala man lamang balak na tulungan ako o pagsabihan man lamang ang aking ina na buong buhay ako pinapahiya sa lahat. Wala ba silang awa sa akin? Kahit ngayon lang gawin nila ito dahil durog na durog na ang aking puso. Hindi ko na kaya ang mga ginagawa sa akin. Ngunit hindi pa rin nila ako tinulungan. Para bang nagugustuhan pa nila ang kanilang pinapanood. Sa mga oras na ito, napagtanto ko na wala talaga akong kakampi sa mundong ito—mag-isa lamang ako. Sa tutuusin, matagal ko na ito alam. Nagbabasakali lang ako na baka may magbago pa pagdating ng araw, ngunit umasa lang pala ako sa wala. Nakakaawa. Kinakaawaan ko ang sarili ko sa pag-aasam na may pagbabago sa aking buhay. Na makatikim man lamang ng tunay na kasiyahan at kalayaan, ngunit wala talaga. At ang mas nakakaawa pa roon, sa kabila ng sakit na aking nararamdaman, walang luha ang pumatak sa aking mga mata. Tila ba naging bato ako sa mga oras na ito. Tumigil lamang si Mama nang inawat na siya ni Papa na kanina pa kami pinapanood. Habang tinatanggal ni Papa si Mama sa akin, patuloy pa rin ako sinusumbatan at sinasabihan nang masasakit na mga salita na wari ba'y hindi niya ako anak. Paulit-ulit niya pinagmumukha sa akin na napakawalang kuwenta kong tao at nasayang lang ang pera at pagod nila sa isang katulad ko. Napagbitaw pa siya ng "Miski sinong pamilya, walang tatanggap sa iyo! Tandaan mo iyan! Nakakahiya kang babae!" Sa kaniyang binitawan na mga salita, bigla ako naliwanagan. Kung miski ang aking dugo't laman ay hindi ako tanggap, para saan pa ang mabuhay? Nagkaroon na ako ng malaking dahilan upang magpatiwakal ora mismo. Huminga ako nang malalim at sa huling pagkakataon, muli ko sila pinagmasdan—ang aking pamilya. Masakit man isipin na ganitong klaseng anak at kapatid pa ang matatandaan nila sa akin sa oras na ako ay mawala sa mundo. Isang failure at tangang anak na salungat sa kanilang kagustuhan. Ginawa ko naman ang lahat ng aking makakaya, pero bigo talaga akong gawin iyon. Pasensya na. Pasensya na kung hanggang dito lang ang kinaya ng anak ninyo. Pasensya na kung mahina ako. Pasensya na kung hindi ko natupad ang mga pangarap ninyo sa akin. Pasensya na kung naging walang kuwenta akong anak. Pasensya na sa lahat. Sana mapatawad ninyo ako. At kung totoo man ang pangalawang buhay, hihingilin ko pa rin na maging anak ninyo ako. Hihingilin ko na sana maging anak niyo pa rin ako kahit binigo ko kayo. Paulit-ulit ko hihingilin sa Diyos na mangyari iyon upang sa panibago nating buhay—sa muli nating pagsasama—mapangiti ko na kayo at marinig sa inyong mga bibig kung gaano kayo ka-proud sa akin. Hindi ko na kayo bibiguin pa. Pasensya na kung hindi ko ito magawa ngayon, masyado na ako napagod, Ma, Pa. Wala na akong lakas upang magpatuloy. Gusto ko na magpahinga. Patawad. Habang sila ay pinagmamasdan, tila ba bumagal ang pagkilos ng aking mundo hanggang sa makita ko sa pang-apat at huling pagkakataon si Dan. Siya ay nakatayo na hindi kalayuan sa akin at siya lang ang natatangi sa lahat. Sa lahat ng taong nandoon, sa kaniya ko lang nakita ang hindi mapanghusgang tingin. Sa kaniya ko lang nakita ang simpatiya na kanina ko pa hinahanap sa mga taong nakapaligid sa akin. Sa muli kong paghinga, nakita ko ang malaki at mainit niyang ngiti at saka siya bumulong. Pagkatapos, siya ay naglakad paalis sa lugar na ito na agad ko rin siyang sinundan. Patakbo ko siyang sinundan hanggang sa nakarating ako sa tabi ng ilog. Naabutan ko siyang nakatayo habang siya ay nakatalikod sa akin, kaniyang pinagmamasdan ang tanawin. Naglakad ako palapit sa kaniya at siya ay tinabihan. "Alam ko na ang lahat… Alam ko na… na isa ka lamang kathang isip… tama ba?" tanong ko sa kaniya, saka ko siya nilingunan. Siya ay ngumiti. "Tama. Gawa-gawa mo lang ako sa iyong isipan." Sa kaniyang pag-amin, ang mga alaalang kami ay magkasama, ang lahat na iyon ay bumalik sa akin. Ang mga araw at oras na kami ay magkasama, ang mga pag-uusap namin, ang lahat na iyon ay gawa-gawa lamang ng aking malikot na imahinasyon. Ako ay pinaglaruan lamang ng malikot kong imahinasyon at pinagmukhang totoo ang lahat na iyon, subalit hindi ako nakaramdam ng galit nang akin ito nadiskubre. Alam ko naman ang rason kung bakit ito ginawa ng aking isipan, ginawa niya ito upang mapagaan, kahit papa'no, ang aking damdamin. Sa tutuusin, tunay ko ito pinasasalamatan. Sa tagal ko rin nabilanggo sa aking lungkot, nakaranas din ako ng kasiyahan at gumaan din ang aking damdamin. May madadala rin pala akong masayang alaala sa aking paglisan kahit ang mga alaala na iyon ay pawang mga peke at gawa-gawa lang ng aking isipan. "Kaya pala… familiar sa akin ang pangalan mo. Isa ko rin kasi iyang nickname…" panimula ko. "Ngayon, alam ko na… na sa tuwing bumibigat nang sobra ang aking damdamin… saka ka lang nagpapakita. At sa oras… na nagawa mo na ang pakay mo—ang pasiyahin ako—saka ka lang umaalis na walang paalam." Ako ay napangiti. "Salamat. Kahit isa ka lang character na nabuo sa aking isip, nagawa mo akong pasayahin muli. Salamat… Maraming salamat, Dan." Kasabay nito ang aking pag-iyak. Isang iyak na kanina pa gustong kumawala, sunod-sunod na rin ang pagsabog nito. "Dan… Ayoko na… Pagod na ako… Gusto ko na… magpahinga." Sa aking pag-iyak, nakita ko ang pag-abot ng kaniyang kamay. Ako'y kaniyang ningitian at kahit hindi siya nagsasalita, naramdaman ko na sa oras abutin ko ang kamay niya, ang pahinga na matagal ko na inaasam ay masasakatuparan ko na rin. Sinuklian ko siya ng ngiti—huling ngiti—kasabay ng pag-abot sa kaniyang kamay. Sabay kaming tumingin sa ilog at sabay din kaming naglakad papunta roon. Sa aming paglakad, ang paglalim namin sa tubig hanggang sa tuluyan na kaming lumubog. Sa mga oras na ito, ang tanging naramdaman ko ay ang kalamigan ng tubig at katahimikan sa aking paligid. Naging payapa ang aking puso't isipan na kahit unti-unti na ako nauubusan ng hininga, wala akong naramdamang kaba, takot, o pagsisisi sa aking ginawa, bagkus ay kasiyahan. Ako ay masaya nang nakamit ko na ang kapayapaan at kalayaan na matagal ko na ring hinihiling. Ang nakakalungkot lang, nakamit ko lang ito sa ganitong klaseng paraan—sa masakit na wakas. ~Wakas~ •••• Hi! This is your author, FranxxG., speaking. First, I would like to thank all of you for reading one of my short stories. In fact, this is my favourite story I have written so far since I started writing. Gusto ko kasi ang ganitong klaseng genre, since it talks about an issue na hindi masyado sineseryoso ng nakararami. I hope this story understands not just the consequences of how we treat people, but how they think and behave, which is why some of them end up killing their own lives. And for those who are suffering, I want you to know how proud we are that you haven't given up until now. I know you're not fine with what you're going through right now, but we believe you'll be okay someday. It takes time to heal, but I hope na gumaling ka na at hindi ka tuluyang lamunin ng iyong nararamdaman. At sa paggaling mo, ang tunay na kasiyahan and peace of mind na matagal mo na inaasam ay makamit mo na ten times fold pa. We are cheering you on for your healing! Good luck!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD