HUMAKBANG na ako palayo sa dance floor. Muli akong bumalik sa table ko. Naramdaman ko ang ispirito ng alak pero nagpatuloy pa rin ako sa pag-inom hanggang sa bumaliktad na ang sikmura ko.
Sa pamamagitan ng pasuray-suray na lakad ay nagawa kong makarating sa rest room ngunit maraming tao na nakapila. Idagdad pa ang mga nandoon na nagre-retouch ng make up.
“Miss, pumila ka ng maayos!” sita sa akin ng babae na nang mauuna sana ako nang may lumabas sa isang cubicle.
“Nasusuka ako, sandali lang talaga ito,” pakiusap ko.
“Hindi pwede dahil kanina pa kami nakapila dito.”
Hindi na ako nakipag-argumento pa. Umalis na lang ako sa rest room. Kinuha ko lang ang naiwan na clutch bag ko sa table at nagtuloy-tuloy ng lumabas sa bar.
Hindi na ako nakaabot sa parking lot at dito pa lang sa gutter ng bar ay nailabas ko na ang laman tiyan ko. Binalewala ko lang nandidiring tingin nang mga customer na dumadaan. Ang importante sa akin ay guminhawa ang pakiramdam ko.
Pinahid ko ang bibig ko gamit ang isa kong kamay matapos akong sumuka. Pagkatapos ay pumunta na ako kung saan naka-park ang kotse ko.
Sasakay na lang sana ako nang may marinig akong ingay. Tila nagtatalo. Boses ng lalake at babae. Ginala ko ang paningin ko at ilang dipa ang layo mula sa akin ay magkapareha na nag-aaway.
Nakasuot ng simple ngunit eleganteng bisteda ang babae. Walang suot na palamuti sa katawan maliban sa hikaw at gold na bracelet. Larawan siya ng babaeng hindi makapabasag pinggan habang ang lalaki naman – oh well, nakatalikod sa akin pero I can say na matipuno siya. Broad shoulder. Matangkad. Nakasuot ng amerikana.
Hindi ko alam kung ano’ng nanyari na sa halip na umalis na ay napako ako sa kinatutuyuan dahil sa curiosity kung ano ang pinag-aawayan nila.
“Believe me, wala kaming relasyon ng babaeng nakita mo!” narinig kong sabi ng lalake.
“Liar! Gagawin mo pa akong tanga?!”
Sa tingin ko nakainom na ang babae batay na rin sa boses niya.
“Sweetheart, wala ka bang tiwala sa akin? Lasing ka lang kaya hindi nakakapag-isip ng tama.”
“Oo! Kailangan kong lunurin ang sarili ko sa alak para makalimutan kung gaano kasakit ang ginawa mo sa akin.
Sus! Ang drama!
“Okay, makinig ka. Ipapaliwanag ko ang lahat –“
Hindi na pinatapos ng babae ang sasabihin ng lalake at sa halip ay nag-walk out. Nabigyan ako nang pagkakataon na makita ang mukha ng lalake nang humabol siya at gayun na lang ang pagsinghap ko – the guy is undeniably gorgeous.
Sa klase ng trabaho ko ay marami na akong nakilala gwapo, pero hindi nila napayanig ang sistema ko.
O baka lasing lang ako kaya namamalikmata?
“Bitiwan mo ako, Wyatt! Ilang beses mo na akong niloloko!” Nagpumiglas ang babae. Halos nasa harapan ko na silang dalawa.
“Ara –“
“No! Shut up!” sigaw ng babae. Napalingon siya sa akin nang mabangga ang likod niya sa pinto ng kotse ko. “You!” sigaw niya. Nanlilisik ang mata.
Tinuro ko ang aking sarili. “Me?”
“Ikaw ang nakita kong babae na kasama ni Wyatt kanina!”
Huh?
“Sanay ka bang sumira ng relasyon, ha?!”
“Excuse me?” Paninigurado ko.
Apologetic na tumingin sa akin ang lalaki. “Pasensya na, lasing lang ang girlfriend ko, Miss.”
“It’s okay, I understand,” ani ko.
“B*tch! You should avoid my boyfriend or else I will give you a prize that you will never forget! Dapat maturuan ng leksyon ang mga tulad mong kabit.”
Nagpanting ang tenga ko sa huling tinuran niya. “Hoy, Miss! Huwag niyo akong idamay sa away niyo ng boyfriend mo!”
“Maang-maangan ka pa! Kabit! Ilan na ba ang nasira mong relasyon?!”
Malalim ako na bumuntong-hinga. Pilit kong kinakalma ang sarili ko ngunit nagpatuloy pa rin ang babae sa pag-insulto sa akin kahit ano’ng awat ng boyfriend niya kaya nagpakawala na ako ng isang matamis na ngiti.
B*tch mode on.
Tingnan ko lang kung hindi siya mangisay sa inis. Lumapit ako sa lalaki. Um-abrisiete sa lalaki.
“Honey, napaka-eskandalosa pala ng girlfriend mo. Tama lang pala na pagtaksilan mo siya,” sabi ko na tinitigan ang babae mula ulo hanggang paa.
Napamaang ang babae. Nanlalaki ang mga mata na pagpalipat-lipat ng tingin sa akin at sa boyfriend niya.
“How dare you! Walang hiya ka, Wyatt! Ano ba ang nakita mo sa kanya.”
Gusto ko pa sana siyang inisin ngunit tinanggal na ng lalaki ang kamay ko sa kanyang braso. Binigyan niya ako nang nagbabalang tingin kung kaya tinikom ko lang ang bibig ko at dumistansya sa kanya.
“This is enough, Ara. I’m so done with you. Kailan ka ba nagkaroon ng tiwala sa akin? Nakakasakal na rin ang wala sa lugar na pagkaselosa mo. Our relationship is not working anymore so we might stop everything here,” sabi ng lalake sa malumanay ngunit madiin na tono.
“Wyatt. . .” Tila nahimasmasan naman ang babae. “I’m so sorry! Alam ko mo naman ako na kapag nalalasing nawawala sa sarili.”
“Yes and I cannot tolerate that behavior anymore. Look, nandamay ka pa ng ibang tao.” Sinulyapan ako ng lalake.
“Okay, magso-sorry ako sa kanya.”
“Kahit mag-sorry ka pa ay buo na sa loob ko na hiwalayan ka!”
“Wyatt!”
Binalingan ako ng lalake. “I’m sorry for this mess, Miss.”
“O-okay lang.”
Tumango siya sa akin pagkatapos ay naglakad na palayo. Iniwan ang babae.
“Kasalanan mo ang lahat ng ito!”
Nagulat ako sa singhal sa akin ng babae. Mukha itong santa ngunit may nakatago pala na sungay.
“Miss, baka gusto mo ikaw ang bigyan ko ng premyo na hindi mo makakalimutan?”
Nagsukatan kami ng tingin pero siya din kaagad unang nagbabae ng tingin. Umirap muna siya bago niya ako tinalikuran.
“Wyatt! Wyatt!” sigaw niya habang humahabol sa lalaki.
Naiwan akong napapailing. Pambihirang gabi ito! Pero at least nakatulong sila sa akin para bumalik sa wisyo. And since, pakiramdam ko ay kulang pa nainom ko ay inilabas ko ang cellphone ko sa aking clutch bag. Pinindot ko ang numero ng best friend kong si Noah.
Narinig ko ang inaantok na boses ni Noah nang mag-hello. Nagising ko pa yata.
“Noah, puntahan mo ako dito sa The Cheers Bar. Emergency!” sabi ko na pinataranta ang boses.
Nakarinig ako ng malakas na kalabog. Sa palagay ko ay mahulog si Noah sa kama.
“Bakit? Ano’ng nangyari?!” tanong niya sa kabilang linya. Nag-aalala ang boses. “Just wait me there, nagbibihis na ako!”
“Okay, basta bilisan mo, ha.”
“I’ll be there in twenty minutes.”
Nakangisi na pinindot ko ang end button. Hindi talaga ako matitiis ng kaibigan ko. Tiyak pagdating niya ay mapapagalitan niya ako sa pagsisinungaling ko pero hindi rin siya makakatanggi kung yayain ko na uminom pa.
Pumasok ako sa loob ng kotse. Dito ko hinintay si Noah. Lumipas ang nga ang mahigit bente minutos ay nakita kong dumating siya. Hangos siyang pumasok sa The Cheers bar at ilang sandali pa ay nag-ring ang cellphone ko. Tumatawag siya.
“Where are you?” tanong ni Noah.
Nakita ko siya na lumabas na sa The Cheers Bar.
“I’m here at the parking lot.”