CHAPTER 2

1319 Words
Nitidus' POV Takot na takot ako habang nakabitin dito at sa ilalim ay isang tigreng mukhang gutom na gutom. Dagdag pa sa alalahanin ko ay si Acutus na ngayon ay nasa loob ng isang hawla kung saan nakikipaglaban sa isang malaking lalakeng may maskuladong pangangatawan. Pagkabalibag niya kay Acutus ay ganoon na lamang ang biglang pagbilis ng pintig ng puso ko nang biglang bumaba ang taling nakagapos sa mga kamay ko. Makita ko pa lang ang tigre sa aking ibaba ay naiiyak na ako. Nakita ko pang tumingin sa gawi ko si Acutus bago sumugod ngunit balewala ang tangka niyang pag-atake. Masyadong malaki ang kanyang kalaban. Marahil ay nag-aalinlangan rin siya sa dapat niyang gawin dahil alam ko naman na isa siyang mabuting tao at hindi buhay ang dapat na kabayaran sa isa pang buhay. Pagbagsak ng taling nakagapos sa akin sa isa pang pagkakataon ay hindi ko na namalayan ang pagtulo ng aking luha. Marahil ay katapusan ko na ito. Natuto akong magdasal nang wala sa oras dahil sa nerbiyos at kaba kaya napapikit na lamang ako subalit napadilat rin ako nang isang malakas na putok ng baril ang lumamon sa ingay ng mga taong naririto ngayon at nang tingnan ko si Acutus ay papalabas na ito sa hawlang naroon at ang lalake ay patay nang naroon sa loob. Buong lakas lalo ang hiyawan ng mga tao pero ano ba talaga ang nangyari?   Kaagad kong naramdaman ang pag-angat ng tali sa aking kamay at ang paglapit ng lalakeng kanina ay may hawak na isang palakol. Kinalagan niya ako at saka dinala sa kinaroroonan ni Acutus.   "Nitidus!" sigaw niya sabay yakap sa akin nang mahigpit.   "Acutus, akala ko katapusan ko na. Napadasal tuloy ako nang wala sa oras," humihikbi na sabi ko habang nakasubsob sa dibdib niya.   “Tagapagligtas talaga si Gaza sa buhay natin. Naalala ko lang ang baril na ibinigay niya sa akin noon,” sabi niya. “Iyon ang ginamit ko upang mailigtas ka.”   "Magaling! Binabati ko kayo!" sabi ni Pecunia habang pumapalakpak pa. "Ano pala ang sadya ng inyong pagparito?" tanong niya.   "Alam mo bang halos patayin mo na kaming dalawa!" Tila isang batang nagmamaktol na sigaw ko rito.   "Buhay naman kayo hindi ba?" At nakuha pa nitong tumawa.   "Nagbabakasakali kami na may matatagpuan kaming kakilala ni Gaza rito. Alam kasi naming dito siya ipinanganak at lumaki," diretsong paliwanag ni Acutus.   "Kilala niyo pala si Gaza kung ganoon. Nasaan na siya?" tanong ni Pecunia. Mukhang kilala nga si Gaza rito sa lugar.   "Patay na siya. Pinatay siya," tuwirang sagot ni Acutus.   "Pinatay? Sino ang gumawa noon sa kapatid ko?" Galit ang biglang rumehistro sa mukha ni Pecunia. Samakatuwid ay magkapatid sila ni Gaza.   "Hindi namin alam. Basta ang alam ko lang ay mabuting tao si Gaza dahil itinaguyod niya kami." Pagsingit ko naman sa usapan habang malungkot na inaalala ang pag-aaruga sa amin ni Gaza.   "Pero may nabanggit si Gaza bago siya nawala, $100 Billion Diamond Necklace at Sugatzu Clan," pahayag ni Acutus.   "Sinasabi ko na nga ba at may kinalaman ang pagkamatay niya sa kwintas na 'yon." Lalong napuno nang galit ang itsura niya.   "Ano ba ang tungkol doon? At bakit ipinapahanap sa amin ni Gaza iyon?" nagtatakang tanong ni Acutus.   "Doon tayo sa loob ng aking bahay at ipaliliwanag ko sa inyo," saad niya at iginiya kami papasok sa kanyang tahanan.   Pagpasok namin sa loob ay kapansin-pansin na ang mga baril na nakasabit sa dingding. May isa ring samurai na naka-display sa isang tokador at mga patalim na iba't iba ang haba, hugis at laki.   Napatingin naman ako kay Acutus na mukhang namamangha sa kanyang nakikita.   "Maupo kayo," sabi ni Pecunia at naupo kami sa isang silyang gawa sa isang matibay na uri ng kahoy sa kanyang mumunting sala.   Napatingin naman ako sa itsura ni Acutus na puno ng pasa at galos sa mukha. Nakalimutan niya na atang may sugat siya.   "Kuya Pecunia..." Napalingon naman ito nang marinig ang kanyang pangalan.   "Nakakatuwa ka namang babae ka. Alam mo bang ikaw ang unang taong tumawag sa akin ng kuya," sabi nito sabay ngiti. "O bakit? Ano ang nais mong sabihin magandang binibini?"   "Gusto ko sanang humingi ng gamot sa sugat at bulak," walang paliguy-ligoy na sabi ko.   Nagtataka man ang itsura nilang dalawa ni Acutus ay ipinatawag pa rin nito ang kanyang katiwala at ipinag-utos na kumuha ng gamot sa sugat at bulak. Pagbalik ng katiwala ay bitbit na nito ang mga kailangan ko at kaagad ko itong kinuha.   Kaagad kong idiniin ang bulak na may gamot sa kilay ni Acutus na pumutok. Mukhang nagulat naman siya at napangiwi sa sakit.   "Dahan-dahan naman, Nitidus. Grabe ka naman. Hindi ka man lang nagpasabi para nakapaghanda ako," reklamo niya.   "E kasi naman parang nakalimutan mo na yatang may mga sugat ka," sabi ko naman. “Tuwid-tuwid ka pang naglalakad na parang walang nangyari.”   "Maliit na galos lang yan, Nitidus. Hindi ikamamatay ng kapatid mo iyan." Napatingin naman kaming dalawa ni Acutus kay Pecunia. Mukha nga talaga kaming magkapatid. Kung sabagay ay hindi rin nga namin alam kung ano ang relasyon namin sa isa't isa. Marahil ay magkapatid nga kami kung kaya't magkasama kaming natagpuan ni Gaza sa basurahan.   "Pecunia, ang kwintas na iyon? Anong kinalaman noon sa amin? Bakit kailangan namin iyong hanapin?" baling ni Acutus kay Pecunia. “Anong kinalaman ni Gaza sa kwintas na nagdala sa kaniya sa kaniyang kamatayan?”   Nakinig na lang ako habang nag-uusap sila at sa totoo lang ay wala akong maintindihan. Puro kasi kwintas at Sugatzu Clan ang pinag-uusapan nila. Ano naman ang kinalaman namin doon? Bakit kailangan pa naming hanapin ang bagay na 'yon?   "Ang kwintas na iyon ang magdadala sa inyo patungo sa inyong tunay na pagkatao, sa inyong nakaraan at inyong pinagmulang angkan," huling pahayag nito. Kung ganoon, ibig bang sabihin nito ay hindi kami totoong napulot lang sa tabi ng basurahan? Ibig bang sabihin ay maaaring buhay pa ang mga magulang namin?   "Kung ganoon, saan namin maaaring matagpuan ang kwintas?" tanong ni Acutus.   "Kahit ako ay hindi ko alam. Ang nabanggit lang sa akin ni Gaza noon nang araw na nagpunta siya rito at akay-akay kayo ay ninakaw daw ang kwintas ng Sugatzu Clan na nagkakahalagang $100 Billion." Napanganga kami sa aming narinig. Kasi naman, totoo bang may kwintas na ganoon kamahal? Maisip ko pa lang ang presyo ay kinikilabutan na ako. Kung ninakaw pala iyon, ibig sabihin kailangan namin iyong makuha sa mga nagnakaw upang malaman ang aming pinagmulan. Malaking problema pala ang kahaharapin namin. Dahil kung ganoon nga ang nangyari, buhay pala ang kailangan naming itaya sa pagbawi no’n. Ngunit may isang bumabagabag sa loob ko. Kakayanin kaya naming mabawi ang kwintas na iyon?   "Paano kung magpunta na lang kami sa Sugatzu Clan at ipakilala ang sarili namin sa kanila. Pwede naman 'yon 'di ba? At least hindi na namin kailangang magpakahirap hanapin ang isang kwintas na nawawala," tanong ko. Naguguluhan pa rin kasi ako.   "Gaya ng sabi ko 'iyon ang magtuturo sa inyong pinagmulan. Kung wala iyon ay wala kayong mararating. Ang Sugatzu Clan ay matagal nang wala. Inubos sila at walang awang pinagpapatay matapos nakawin ang kwintas. Kaya tanging ang kwintas na lang ang magiging daan niyo patungong katotohanan," buong saad nito.   "Acutus, umalis na tayo. Hindi na baleng hindi ko na malaman ang nakaraan ko. Ayokong ibuwis ang buhay ko," sabi ko sabay tayo at akmang aalis na sana nang hawakan niya ang kamay ko.   "Nitidus, kailangan nating gawin 'to. Gusto mo bang habang buhay na lang tayong walang nalalaman tungkol sa pagkatao natin? Isipin mo na lang itong isang huling habilin sa atin ni Gaza. Ang nais niya lang naman ay ang makilala natin ang ating tunay na pamilya. Malay mo isang mayamang angkan pala ang iyong pinagmulan." Nakuha pa talaga niyang isipin iyon habang ako ay nangangamba sa buhay ko, sa buhay niya.   "At kapag nalaman na natin ay ano? Anong mangyayari? Anong gagawin natin? At paano kung hindi pa natin nahahanap ay bigla na tayong mamatay? Sabihin mo nga Acutus! Minsan mag-isip ka naman!" naiinis na sabi ko. Maisip ko pa lang ang mga negatibong bagay ay pinanghihinaan na ako ng loob. Ayoko lang namang sumugal sa bagay na alam kong delikado.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD