CHAPTER 3

1211 Words
Acutus' POV Napagpasyahan kong dumito na muna kami ni Nitidus ngayong gabi. Bukod kasi sa wala pa kaming alam na impormasyong maaaring makapagturo sa amin sa kwintas ay isa pa si Nitidus sa inaalala ko. Kung sabagay ay tama siya, paano nga kung taliwas sa mga naiisip ko ang mangyari? Paano nga kung hindi pa man namin natatagpuan ang aming tunay na pagkatao ay mamatay na kami? Ngunit sa kabilang banda ay naroon pa rin ang pag-aasam kong makita ang mga magulang namin. Posible kasing buhay pa sila, at posibleng kapag nahanap na namin sila ay magkaroon na kami ng magandang buhay. Isang buhay na ni minsan ay hindi tinamasa ni Nitidus. Siya lang naman ang dahilan kung bakit gusto kong magpatuloy, lalo na at isa siyang babae. Ayokong mabuhay siya habang buhay sa ganitong klaseng mundo.   "Acutus..." Napalingon ako sa pinto nang pumasok si Nitidus.   "Nitidus, hatinggabi na. Hindi ka pa ba inaantok?" tanong ko sa kaniya.   "Acutus, napag-isipan ko na ang tungkol sa plano mo at hindi talaga ko pumapayag," tuwirang pahayag niya.   Tumayo ako upang hilahin siya paupo sa kama.   "Nitidus…" Hinawi ko ang buhok niya bago muling nagsalita. "Gusto kong makilala ang magulang natin. Gusto ko maging maayos ang buhay mo balang araw. Gusto kong makitang sumaya ka sa piling ng pamilya mo."   "Acutus, hindi ko sila kailangan kung mawawala ka naman sa akin," sabi niya na may halong pag-aalala.   "Hindi ako mawawala. Kaya wag kang masyadong abnormal mag-isip. Malay mo magkapatid pala tayo, e di magiging kuya mo na ako hindi ba? Hindi ba masaya 'yon? Tapos mayaman pala ang mga magulang natin. E di hindi na natin kailangang mangaso o kaya isugal ang buhay natin sa lugar na 'to para lang magkapera," paliwanag ko pa sa kaniya.   "Maipapangako mo ba na hindi mo ‘ko iiwan?" Nangungusap ang kaniyang mga mata.   "Oo naman. Pangako," sabi ko bago siya hinalikan sa noo. "Mabuti pa matulog ka na at maaga pa tayong aalis bukas."   Hinatid ko siya sa silid na itinalaga ni Pecunia para sa amin at hinintay siya na makatulog bago ko ipinikit ang aking mga mata at nagpalamon sa antok.   Kinabukasan ay nakasalubong namin si Pecunia na mukhang nagmamadali nang kinuha niya ang kanyang baril. Inabutan niya pa nga si Nitidus ng isang baril na halos kapareho ng akin. Kulay pink ang hawakan nito at mukhang pambabae talaga. Kaagad ko itong kinuha kay Nitidus dahil ayoko talagang makikitang humahawak siya nito.   "Ano bang nangyayari?" nag-aalalang tanong ko.   "May mga kalaban sa labas," sagot nito.   Kalaban? Ganito ba talaga sa lugar na ito?   Kaagad akong lumabas upang silipin ang mga nangyayari at tumambad sa akin ang mga patay na katawan. Natulog lang kami kagabi tapos ngayon ganito na ang nangyari?   Biglang may nagpaputok naman sa gawi namin kaya kaagad kong hinatak si Nitidus papasok sa loob ng kwarto.   "Nitidus, dito ka lang at 'wag kang aalis kahit na anong mangyari," bilin ko sa kaniya.   "Pero, Acutus, natatakot akong mag-isa," sabi niya dahilan para mapalingon akong muli sa kanya.   "Babalikan kita," at walang lingong likod ko siyang iniwan doong nag-iisa.   Lumabas ako ng kwarto at tumulong sa pakikipaglaban. Nang mapansin ko ang isang nakamaskarang lalake na babarilin si Pecunia ay kaagad ko itong inunahan at pinaputukan deretso sa dibdib dahilan para bumulagta ito sa sahig. Napalingon naman si Pecunia sa bumagsak na lalake bago lumingon sa akin at nagpasalamat. Sabay kaming dumeretso sa labas ng bahay upang tulungan ang mga natitira naming kasamahan. Halos dalawang oras din tumagal ang nakabibinging putukan bago ko binalikan si Nitidus at nagulat ako nang wala siya roon sa loob ng kwarto. Isang liham ang nakapatong sa kama na mukhang iniwan ng kung sino mang dumukot sa kaniya.   Bilang halili sa misyon ni Gaza. Hanapin mo ang kwintas at ibalik sa amin sa loob ng tatlumpung araw. Walang labis at walang kulang. Kung ayaw mong hindi mo na makita ang babaeng iyong sinisinta. Sugatzu Clan   Naguguluhan ako. Akala ko ba ay wala na ang Sugatzu Clan? Pero paanong nakagawa sila ng ganito? Ibig bang sabihin nito ay iba ang ibinigay na impormasyon sa amin ni Pecunia? Kung ganoon nga ay kailangan ko siyang makausap. Hindi ako makakapayag na may mangyaring masama kay Nitidus.   Sakto naman din ang pagpasok ni Pecunia sa kwarto. Kaagad ko siyang kinwelyuhan at tinutukan ng baril sa leeg.   "Hay*p ka, Pecunia! Sabihin mo sa akin ang totoo!" puno ng galit na untag ko.   "Okay okay. Huminahon ka. Hindi mo kailangang gawin yan," sabi niya sabay dahan-dahang ibinababa ang baril na nakatutok sa leeg niya.   "Huminahon? Dinukot nila si Nitidus!" inis na pahayag ko.   "Hindi nila dinukot si Nitidus," sabi niya kaya napakunot naman ang noo ko. "Si Nitidus ay ang nawawalang tagapagmana ng Sugatzu Clan. Ang kapatid kong si Gaza, bilang tapat na alagad ng Sugatzu Clan ay naatasang itakas at ilayo siya sa paglusob ng Uchida at ikaw, ang iyong pinagmulan ang nagnakaw sa nawawalang kwintas. Isa ka sa angkan ng Uchida." Totoo ba ang lahat ng naririnig ko? Hindi. Alam kong kasinungalingan lang ang lahat ng ito. Hindi maaaring magkalabang angkan ang pinagmulan namin ni Nitidus. Ibig din bang sabihin nito ay nagsinungaling sa amin si Gaza? Kaya ba niya pinapahanap sa akin ang kwintas ay para maprotektahan si Nitidus? Pero paanong nangyaring kalaban sila ni Pecunia? Ang daming tanong ngayon sa isip ko na kailangan ng kasagutan.   "Sabihin mo sa akin ang totoo!" Muli ay mas lalong nag-init ang mga daliri kong iputok ang baril sa leeg ni Pecunia. Isa itong malaking kalokohan.   "Totoo ang sinasabi ko. Dinukot ka ni Gaza upang maging kapalit ng kwintas. Sa ganoong paraan para mabawi ang kwintas, isang mula sa maharlikang angkan ng Uchida ang kailangang maging kapalit at alam ni Gaza na ikaw lang ang maaari niyang kunin para mabawi ang kwintas. Malamang ay alam na rin ng mga Sugatzu ang tungkol doon," nangingiti pang sabi ni Pecunia.   Isipin ko pa lang ang sinasabi niya ay nanggigigil na ako. Dagdag pa ang alalahanin na paano kapag nalaman ni Nitidus 'to? Ano kayang magiging reaksyon niya? Pero sa ngayon ang dapat kong isipin ay kung paano ko mababawi si Nitidus. Hindi dapat ako mag-aksaya ng panahon. Kailangan kong tuntunin ang kinaroroonan nila.   Paalis na sana ako para hanapin ang kuta ng Sugatzu Clan nang bigla akong pigilan ni Pecunia. Ano na naman kaya ito?   "Bitiwan mo ko! Kailangan kong hanapin si Nitidus!" giit ko habang pilit pumipiglas sa pagkakahawak niya.   "At ano? Magpapakamatay ka? Hindi ko akalain na ikaw ang naging halili kay Gaza. Hindi ka nag-iisip!" bulyaw niya.   "Nasasayang ang oras ko! Kaya bitiwan mo ko!" Ang gusto ko lang naman sa ngayon ay mabawi si Nitidus. Bagay na hindi ko magagawa kung tatanga lang ako rito sa lugar na ito.   Nagulat na lang ako nang bigla niya akong suntukin sa sikmura dahilan para mamilipit ako sa sakit.   "Hay*p ka, Pecunia!" sabi ko habang nakaluhod at sapo ang tiyan ko.   "Dalhin siya sa kanyang silid. Siguraduhin niyong hindi siya makalalabas," utos niya sa kaniyang mga tauhan. Wala na nga akong nagawa nang kaladkarin ako ng mga tauhan niyang hindi napinsala sa pagsalakay ng Sugatzu, papasok sa loob ng silid. Ang silid kung saan kami ni Nitidus natulog, ang silid kung saan ko siya iniwan, at ang silid kung saan siya tuluyang nawala.   Sa galit ko ay wala sa sarili kong pinagsusuntok ang pader. Ang sakit isiping matutulog ako at mananatili ritong hindi kasama si Nitidus. Ang babaeng simula pa lang noon ay kasa-kasama ko na. Ang babaeng lihim kong sinisinta.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD