CHAPTER 4

1419 Words
Nitidus’ POV   "Bitiwan niyo ‘ko!" Pilit akong nagpupumiglas habang hatak-hatak nila akong nakapiring ang aking mga mata.   Mga bwiset 'tong mga lalakeng 'to. Ang lakas ng mga loob tangayin ako sa kung saang lupalop ng daigdig. Malalagot talaga sila kay Acutus.   "Nitidus..." Nagulat naman ako at pilit hinahanap ng pandinig ko ang pinagmulan ng boses. Matapos akong bitiwan ng dalawa ay kaagad kong tinanggal ang piring sa aking mga mata. Isang matandang lalake na nakaupo ang ngayon ay nasa aking harapan.   Sa hinaba-haba ng pagkaladkad ng mga lalakeng iyon sa akin ay hindi ko man lang namalayan na narito na pala kami sa loob ng isang silid. Kasalukuyang nakaupo ang matanda sa isang upuang ginawa yata para sa kaniya lang. Paano ko nasabi? Nakapwesto kasi ito sa may bandang dulo sa gawing gitna at sa totoo lang kung namamalikmata ba ako o totoo ang nakikita ko, yari kasi ang upuang iyon sa marmol na napapalamutian ng mga diyamante. Gaano ba kayaman ang angkan nila?   "Makakaalis na kayo," sabi ng matanda. Magandang pagkakataon ito para tumakas. Iyon kaagad ang pumasok sa aking isipan kung kaya naman pagkaalis ng dalawang lalakeng kumakaladkad sa akin ay mabilis pa sa alas kwatrong tumakbo ako patungo sa isang pintong natanaw ko ngunit napahinto rin ako kaagad pagkabukas ko ng pinto. Isang hindi inaasahang tanawin lang naman ang aking nasilayan. Isang malawak na banging napupuno ng tubig ang tumambad sa akin at kapansin-pansin ang mga tubig na umaagos sa paligid nito. Sinubukan kong tumakbo sa isa pang pintong natanaw ko at binuksan ito ngunit gaya ng una ay iyon lang rin ang nakita ko.   "Buksan ang mga bintana." Narinig kong utos ng matanda at sa isang iglap ay bumukas ang mga bintanang nakapalibot paikot sa buong silid at namangha ako sa nasilayan ng aking mga mata. Doon ko napagtantong wala akong takas. Ang buong palasyong ito na hugis oktagono ay napapalibutan ng talon at ang silid na ito ay nakalutang sa mismong gitna ng malaking talon at rumaragasang tubig.   "Sino ka ba? Anong kailangan ninyo sa akin?" Hindi ko na napigilan ang sarili kong magtanong, "at bakit niyo ako kilala?"   "Alam mo bang si Gaza ang pinakatapat kong alagad? Talaga ngang lumaki kang isang magandang dalaga. Kumusta naman ang peklat sa iyong balikat? Kumikirot pa ba?" sunud-sunod na tanong niya. Naguguluhan ako. Sino ba siya? At anong kinalaman niya sa peklat ko? Paano niya nakilala si Gaza?   "Sagutin mo ang tanong ko!" inis na sigaw ko at bigla ko namang naalala ang baril na ibinigay sa akin ni Pecunia na ipinuslit ko kay Acutus matapos niya itong kunin sa akin, kaya kinapa ko ito sa aking kanang hita at tama nga ang hinala ko narito pa ito. Kaagad ko itong binunot at itinutok sa matanda. "Sagutin mo ang tanong ko!!!" Mas lalo ko pang nilakasan ang pagkakasigaw ko sa kaniya na animo'y nagbabanta.   "Sige gawin mo, Nitidus. Kung kaya mong patayin ang sarili mong lolo." Sa sinabi niyang iyon ay biglang nakaramdam ng panginginig ang buong sistema ko. Hindi ko halos maigalaw ang katawan ko. Naibagsak ko pa ang kamay kong may hawak na baril sa labis na pagkabigla. Anong sabi niya? Lolo? Ibig bang sabihin nito ay lolo ko siya? Ibig sabihin nito ay dito ako sa angkang ito nagmula?   Tumayo ito at lumapit sa akin.   "Apo, matagal kitang hinanap at hindi ko akalaing sa kuta ng walang hiya at taksil na si Pecunia kita matatagpuan," sabi nito habang nakahawak sa aking magkabilang balikat.   "H-hindi ko maintindihan," nauutal na sabi ko.   "Bilang tapat na tagasunod ng Uchida ay ninakaw ni Pecunia ang kwintas mula sa ating angkan, kasama ang mga tauhan ng Uchida ay isa-isa nilang pinagpapatay ang aking mga anak, kabilang na roon ang iyong mga magulang. Ang iyong mga magulang ay pinaslang ng mga Uchida. Ganoon kaganid sa kayamanan at kapangyarihan ang Uchida kaya inutusan nila si Pecunia na patayin si Gaza at nakawin ang kwintas na nagkakahalaga ng isangdaang bilyong dolyar. Habang abala si Gaza sa pagtupad sa kaniyang tungkulin bilang isang mabuting tagasunod ng ating angkan ay nakaisip si Pecunia ng plano at doon pinagtangkaan niyang patayin ang sarili niyang kapatid na si Gaza. Sa kasamaang palad ay nabigo siya. Habang lumulusob ang mga tauhan ng Uchida sa ating Lugar, ay inatasan ko si Gaza na itakas ka ngunit sa pagtakas niya ay hindi ko alam na kasama niyang tinangay ang isang sanggol na lalakeng nagmula sa Uchida. Hinanap siya ng mga tauhan ng Uchida ngunit bigo sila. Hanggang sa nagtungo si Gaza rito sa ating lugar at ipinagbigay alam ang kaniyang plano. Kapalit ng kwintas ay ang kanilang nag-iisang anak na lalake, at ‘yon ay walang iba kung hindi si Acutus. Ang mga magulang ni Acutus ang pumaslang sa iyong magulang Nitidus. Hahayaan mo na lang ba na sa susunod ay ikaw naman ang paslangin nila sa pamamagitan ni Acutus?" Hindi ako makapaniwala habang pinakikinggan ang kwento ng matandang ngayon ay nagsasabing lolo ko. Hindi ko rin alam kung dapat ba akong maniwala sa lahat ng sinasabi niya. Una sa lahat ay hindi pa nga niya napapatunayan na talagang siya ay aking kadugo.   "Hindi ako naniniwala sa'yo! Lumayo ka sa akin!" At tinulak ko siya dahilan para mapaatras siya ng kaunti sa akin.   Pumalakpak siya at isang tauhan ang lumapit sa kaniya. Hindi ko naman alam kung paano nila ako nadala sa lugar na ito. Iniabot nito ang larawan ng isang sanggol na may peklat sa may balikat. Hinawakan ko ang balikat ko at doon ko lang napagtantong tama ang sinasabi niya. Ako nga ang batang iyon. Kinuha ko mula sa kaniya ang larawan at hindi makapaniwalang nakikita ko ngayon ang larawan ng aking ina at ama na masayang-masaya sa larawan habang buhat-buhat ako. Pumatak ang mumunting luha sa aking mga mata at hindi ko akalain na ganito pala kasakit ang mararamdaman ko kapag nalaman ko na ang totoo. Alam na kaya ni Acutus ang lahat ng ito?   "S-si Acutus? Alam niya po ba ang tungkol dito?" tanong ko sa basag na boses dulot ng pag-iyak.   "Oo. Alam niya ang tungkol dito. Bilang kahalili ni Gaza ay tungkulin niya na protektahan ka subalit..." Hindi naman itinuloy ng matanda ang kaniyang sasabihin kaya lalo akong nagtaka at nabahala.   "Subalit ano? Gusto ko pong malaman ang katotohanan. Sabihin ninyo sa akin ang lahat." Pakiusap ko sa kaniya.   Bumuntong hininga ito bago muling nagsalita.   "Nang malaman ni Acutus ang tungkol dito ay nanaig pa rin sa kaniya ang lukso ng dugo. Matapos niyang malaman na niloko siya ni Gaza, at dinukot lang pala upang maging kapalit ng kwintas ay napuno siya ng galit kaya naisip niyang paslangin ka. Iyon ang totoo kaya ka niya dinala sa Ludo. Kahit ibinilin ni Gaza na huwag pupunta roon ay iyon pa rin ang kaniyang ginawa dahil iyon lang ang paraan na naiisip niya para palabasing kunwari ay natalo siya sa laban kaya ka namatay pero ang totoo ay iyon talaga ang pinlano niya sa umpisa pa lang," buong salaysay ng aking lolo.   "P-paano ninyo po nalaman ang lahat ng ito? Paano po kayo nakaligtas?" muling pag-uusisa ko.   Yumakap siya sa akin bago muling nagsalita.   "Salamat kay Gaza, at nagawa niya akong itago sa isang sikretong silid na tanging siya lang ang nakakaalam, at nalaman namin ang lahat ng ito dahil na rin sa pag-amin ng isang tauhan ni Pecunia na aming nahuli," sabi niya.   "Gusto ko siyang makita," saad ko. Kahit kinakabahan ay gusto ko pa ring makatiyak. Gusto kong malaman na totoo lahat ng sinasabi niya.   Biglang ipinasok ng isang maskuladong lalake ang isa pang lalake na puno ng dugo, pasa, at sugat sa mukha.   "Magsalita ka!" sigaw ng tauhan sa kaniya.   "T-totoo po ang sinasabi ni Master Adamas,” sabi nito. “Iyon po ang kabuuan ng plano.”   Sa narinig kong iyon ay hindi ko na napigilan ang mga luha kong tuluyang umagos. Hindi ko akalain na lahat ng pagmamalasakit ni Acutus sa akin ay pawang pagbabalat-kayo lang pala. Lahat ng ibinibigay niyang pag-aalaga ay buhay ko pala ang nakataya. Gaya rin siya ng kaniyang mga magulang. Mga walang awa at tanging yaman at kapangyarihan lang ang nais makamtan. Lalo lang napuno ng galit at pagkapoot ang puso ko sa mga nalaman ko. Gaganti ako. Bago niya pa ako mapatay ay sisiguraduhin kong mauuna siya. Kung kaya't nabuo sa isip ko ang isang plano. Planong hinding-hindi niya matatakasan hanggang kamatayan.   *** Acutus - Sharp Nitidus - Shiny Pecunia - Money Gaza - Treasure Ludo - Gamble/Game Adamas - Diamond
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD