CHAPTER 5

1623 Words
Acutus' POV Isang linggo na rin ang lumipas mula nang kuhanin ng Sugatzu si Nitidus. Isang linggo na rin akong walang balita sa kaniya. Sa panahong iyon ay halos mamatay ako rito sa Ludo. Ayaw akong paalisin ni Pecunia. Mas makakabuti raw na hasain ko ang aking kakayahan sa pakikipaglaban upang sa ganoon ay hindi ako mamatay sa oras na lumusob na ako sa Stamen, ang kuta ng Sugatzu, ang lugar kung nasaan si Nitidus. Ngayon ay narito ako sa aking silid at tahimik lang na pinaplano ang magiging susunod na laban ko. Oo, dahil ang Ludo ay lugar kung saan kailangan mong pumusta kapalit ng buhay mo, wala akong pagpipilian kung hindi itaya ang buhay ko kapalit ng malaking salapi at kakayahang natututunan ko bawat araw na lumilipas. Kasalukuyan kong pinupunasan ng pampakintab ang baril na ibinigay pa sa akin ni Gaza. Eto na lang ang alaalang naiwan niya sa akin kaya ganoon na lang ang pag-iingat ko rito.   Maya-maya lang ay pumasok si Pecunia sa aking silid. Sinenyasan niya ako na lumabas na sapagkat susunod na ang aking laban. Labang hindi magiging madali at kailangan kong manalo.   Pumasok na ako sa isang hawla na yari sa mga rehas na bakal. Mas malaki ito kumpara sa mga naunang pinaglabanan ko at hugis octagon. May mga talim ito sa bawat kanto na kapag tumama ako ay siguradong mahihiwa ako.   Kasabay naman ng pagpasok ko ang pagpasok rin ng isang lalakeng malaki ang pangangatawan. Ang mga bisig nito ay tila mga batong matigas. Ang kamao nito na naninigas na kapag tumama sa akin ay siguradong lilipad ako. Nagbanat ito ng buto bago pumorma ng pagsugod. Pagtunog ng campana ay mabilis pa sa alas kwatro ang pagsugod na ginawa nito dahilan para hindi na ako makailag kung kaya't nahatak nito ang aking braso at mabilis na inihagis ako papunta sa isang matalim na kanto. Nagbunga ito ng hapdi at kirot sa aking likurang ngayon ay dumudugo gawa ng talim sa kanto ng hawla. Napunit din ang damit ko na kanina'y maayos pa na tila bagong bili. Halos hindi ko na maigalaw at maikilos ang buong katawan ko sa unang pag-atake pa lang ng kalaban. Iniinda ko rin ang pagkirot nito dahilan para hindi ko na naman mamalayan ang paparating na pagsugod ng aking katunggali at kaagad na binuhat ako na parang bata, hawak ang likurang bahagi ng aking katawan na parang nakahiga ako sa ere ay pinaikut-ikot niya ako at inihagis nang sobrang lakas sa sahig. Kaya naman lubos ang lalong pamimilipit ng aking katawan. Dahan-dahan akong tumatayo nang bigla niya akong sipain patihaya at sinikmuraan ako gamit ang kaniyang kanang paa na nagbunga ng pagbulwak ng dugo mula sa aking bibig. Narinig ko ang malalakas na hiyawan ng mga tao. Mukhang hanggang dito na lang ako. Eto na yata ang katapusan ko. Hindi ko na yata muling masisilayan ang babaeng pinakamamahal ko at muling bumalik ang mga alaalang kasama ko siya.   "Nitidus!" buong sigaw ko habang hinahanap ang magaling na babaeng 'yon.   "Acutus, nandyan ka na pala," sabi niya naman at mukhang gulat na gulat pa siya.   "Saan ka galing?" tanong ko.   "Diyan lang." Napansin ko naman na parang may itinatago siya sa kaniyang likuran.   "Ano yan?" tanong ko ulit.   "Ah wala 'to," sabi niya habang nangingiti-ngiti pa.   "Patingin." Pagkasabi ko nun ay kaagad ko siyang hinila patalikod at sinasabi ko na nga ba.   "Saan mo nakuha 'to?" inis na tanong ko sa kaniya habang hawak ang baril na pilit niyang itinatago kanina lang.   "N-nakuha ko sa kwarto ni Gaza," sabi niya habang nakayuko.   "Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na huwag kang hahawak nito. Paano kung magkamali ka ng hawak at hindi sinasadyang ikaw ang matamaan?" panenermon ko. Hindi naman niya ako masisisi kung bakit ayokong humahawak siya ng baril. Halos sabay na kaming lumaki sa pangangalaga ni Gaza at ayokong isang araw ay may mangyari sa kaniyang masama nang dahil lang sa baril na 'to.   "Patawad, Acutus. Hindi na mauulit," sabi niya sabay yakap sa akin. Alam na alam niya talaga kung paano ako mapapaamo.   "Basta ipangako mo na hinding-hindi ka na ulit hahawak nito," bilin ko.   "Oo, Acutus. Pangako." Nang sabihin niya ‘yon ay nakahinga ako nang maluwag. Kilala ko si Nitidus, ni minsan ay wala siyang pangakong hindi tinupad kaya naman ganoon na lang ang paghanga ko sa kaniya.   Lumaking magandang babae si Nitidus, at si Gaza na rin ang nagbigay sa amin ng pangalan na iyon nang matagpuan niya kaming nag-aagaw buhay noong mga sanggol pa lang kami sa tabi ng basurahan. Hindi ko alam kung bakit ito ang ipinangalan niya sa amin pero masaya ako sa pangalan ko. Kasi tugmang-tugma iyon sa pagkatao namin. Ako bilang isang lalake ay siyang katulong ni Gaza sa pagtataguyod sa aming tatlo. Matanda na rin si Gaza kaya ang mga bagay na dapat siya ang gumagawa ay ako na ang umako. Tulad na lang ng pangangaso sa kalapit gubat. Tinuruan na kasi ako ni Gaza kung paano gumamit ng pana at baril pati na rin ng mga patalim para magamit kung sakaling kinakailangan. Ang hindi ko lang naman inako na trabaho niya ay ang pagpatay ng kapwa ko tao. Binabayaran siya ng malaking halaga para lang pumatay ng taong kalaban ng kaniyang mga nagiging amo. Gaya nga ng sabi ko tumutugma ang pangalan namin sa aming pagkatao, tulad ng kay Nitidus. Bilang isang babae ay nararapat lang siyang ingatan, at pahalagahan na parang isang mamahaling diyamante. Matalino si Nitidus, maganda, ang mga mata niyang tila nangungusap, matangos na ilong at mapupulang labi, at parang isang anghel na nagkatawang lupa, kaya naman marami ang tiga-bayan ang nahuhumaling sa kaniya. Magaling siya pagdating sa larangan ng teknolohiya. Siya ang gumagawa ng mga kasangkapan noon para sa trabaho ni Gaza at siya rin ang tumitingin ng mga tamang paraan ng pagtakas ni Gaza. Kaya lahat ng trabaho noon ni Gaza ay malinis. Kapag natatagpuan ang mga bangkay ng kaniyang mga biktima ay laging wala itong pagkakakilanlan. Sa ganoong paraan kumikita si Gaza na siyang ginagamit niya para buhayin kami. Sa madaling paraan, nabuhay kami sa maruming paraan na siyang hanggang ngayon ay hindi ko matanggap. Dito kasi sa lugar namin halos lahat ng makasalamuha ko ay puro kriminal gaya ni Gaza pero wala akong magawa. Wala kaming matatakbuhan at utang namin ang buhay namin ni Nitidus kay Gaza kaya naman itinuring na namin siya na parang aming ama. Kung ano ang kaugnayan namin ni Nitidus ay hindi ako sigurado pero para kaming magkapatid batay sa kwento ni Gaza na natagpuan niya kaming magkasama. Gayunman ay masaya naman ako kahit ano pa ang kaugnayan namin sa isa't isa ni Nitidus dahil hanggang kasama ko siya, magiging maayos rin ang lahat.   Kung mamamatay ako ngayon ay gusto kong makita siya kahit sa huling sandali ngunit alam kong malabo na. Alam kong impossible.   "Acutus, napakaganda ng iyong kapatid. Maaari ba namin siyang mahiram kahit sandali?" sabi ng isang tambay na lasing nang minsang magtungo kami sa bayan.   "Acutus..." Kaagad namang nagtago si Nitidus sa aking likuran.   "Hindi laruan si Nitidus para hiramin ninyo, at oras na magkamali kayong hawakan siya ay buhay ninyo ang magiging kabayaran." Pananakot ko naman sa kanila.   "Aba matapang ka na ha… huwag kang madamot!" at kaagad niyang sinubukang hawakan si Nitidus ngunit bigo siya nang ako ang humawak sa braso niya, at pinilipit ito paikot sa kaniyang likuran dahilan para mapasigaw ito sa sakit. "Ahh! Tama na, Acutus. Hindi na mauulit!"   Kaagad rin naman itong kumaripas nang takbo paalis.   "Acutus, ang galing mo na talaga. Ikaw ang pinakamagaling sa lahat," masiglang sabi ni Nitidus bago ako niyakap nang sobrang higpit. "Salamat, Acutus. Kahit wala akong yaman basta kasama kita palagi ay masaya na ako. Ikaw ang pinakatatangi ko sa lahat."   Nawawalan na ako ng pag-asa. Papikit na sana ako nang marinig ko ang boses ni Pecunia na siyang gumising sa diwa ko.   "Acutus! Hindi mo mababawi si Nitidus kung tatanga ka lang diyan! Lumaban ka!"   Tama siya. Paano ko mababawi si Nitidus kung tatanga ako rito at hindi lalaban? Paano ko maisasakatuparan ang mga plano ko kung matatapos lang ang lahat ng ito rito? Kailangan kong mabuhay. Kailangan kong bumangon at tapusin ang aking kalaban para kay Nitidus. Para makabalik na kami sa normal naming pamumuhay.   Tumayo ako na para bang ang lahat ng lakas ko ay nanumbalik. Mabilis akong lumapit sa aking kalaban, at pilit na pinilipit ang kaniyang braso paikot sa kaniyang likuran ngunit wala siyang reaksyon kaya naman tumuntong ako sa kaniyang balakang at isang malakas na pagsiko ang ginawa ko sa kaniyang bunbunan na siyang naging dahilan para siya ay makaramdam ng pagkahilo, at napansin ko naman na parang nahihirapan siyang tumayo nang ayos kaya sinamantala ko iyon, at umikot ako paupo habang ang isang paa ko ay nakaunat lang kaya naman sapul ang mga paa niya habang siya ay nakatayo. Bumagsak siya sa sahig, at nawalan ng balanse. Sinuntok ko nang sobrang lakas ang tapat ng kaniyang puso upang patigilin pansamantala ang pagtibok nito at saka ko siya pinagsusuntok sa mukha. Isang malakas na pagsipa pa ang ibinigay ko sa kaniyang tagiliran dahilan para mamilipit siya sa sakit. Bumangon siya nang dahan-dahan, at mabilis ko naman siyang sinipa sa kaniyang tiyan, at sakto ang pag-atras na kaniyang ginawa sa kanto ng hawla. Pinagsusuntok ko siya sa kaniyang sikmura dahilan para tuluyang bumaon ang kaniyang likuran sa mga talim, at isang malakas na pagtunog ng campana ang tumapos sa laban. Ang aking katunggali ay bumagsak sa sahig na duguan, at walang buhay. Sa laban na ito, ako ang nagwagi. Sana lang sa laban ko sa Sugatzu pareho rin ang maging resulta.   "Nitidus... Hintayin mo... ko..." Bago ako bumagsak, at tuluyang nawalan ng malay. *** Campana - Bell  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD