CHAPTER 6

1728 Words
Acutus' POV “Acutus, mabuti naman at gising ka na,” sabi ni Pecunia nang mabungaran ko siya na nakaupo sa bakanteng upuan sa may sala.   “Ang laban ko? Anong nangyari?” tanong ko habang hinihimas ko ang aking kaliwang sintido.   “Nanalo ka, Acutus.” Napalingon ako nang inilapag nito ang bungkos ng salapi sa lamesa. “Ito ang parte mo.” Naupo naman ako sa isa pang bakanteng upuan sa kaniyang kanan. Itinulak niya ng kaniyang kamay ang salapi palapit sa akin. “Alam mo bang tatlong araw ka ring walang malay?”   Napatayo ako dahil sa sinabi niya. Tatlong araw? Ibig sabihin ay tatlong araw ang nasayang sa akin para iligtas si Nitidus. Paano ko mababawi si Nitidus kung tatanga lang ako rito?   Kaagad akong nagtungo sa aking silid at kinuha ang mga gamit ko. Hindi ako makatatagal dito sa pag-iisip habang ang buhay ni Nitidus ay nanganganib. Sa paglabas ko ay nabungaran ko kaagad si Pecunia na nakatayo malapit sa pintuan.   “At saan ka naman pupunta?” tanong nito.   “Saan pa ba sa tingin mo? Kailangan ako ni Nitidus. Ililigtas ko siya,” tugon ko at saka nagtungo sa may pintuan ngunit kaagad niya naman akong hinarangan.   “Sa tingin mo talaga ay ganoon lang kita kadaling hahayaang umalis?” Sa sinabi niyang iyon ay dalawa sa tauhan niya ang kaagad na sumulpot mula sa kaniyang likuran.   “Anong ibig sabihin nito, Pecunia?”   “Nagpunta ka rito sa Ludo, at tinanggap kita. Ngunit hindi nangangahulugang tapos na ako sa’yo.” Sumenyas ito sa kaniyang dalawang tauhan, at kaagad namang lumapit ang mga ito sa akin at hinawakan ako sa magakabilang braso. “Tingin mo talaga ay napakalakas mo na dahil lang nagawa mong manalo sa ilang laban mo? Marami ka pang kakaining bigas!” Pagkasabi noon ay isang matulis na bagay ang kaagad na aking naramdaman sa aking batok dahilan para unti-unti akong manghina at mawalan nang malay.    *** Nang magmulat ako nang mga mata ay nasa loob na ulit ako ng aking silid. Kaibahan nga lang ay hindi na bilang isang panauhin kung hindi tila isang presong nakagapos ang aking mga kamay sa likuran ng upuang aking kinauupuan. Nilingon ko ang paligid, at naroon pa rin naman ang mga gamit ko maliban na lang sa baril na ibinigay sa akin ni Gaza.   Napalingon ako sa may gawi ng pintuan nang lumitaw mula roon ang isang lalakeng hindi kalakihan ang pangangatawan subalit makikita ang hubog ng mga kalamnang mukhang batak na batak sa labanan. Lumapit ito sa akin, at kaagad akong kinalagan.   Kaagad na naglaro sa aking isipan ang isang plano. Hindi maaaring manatili ako rito habang alam kong ano mang oras ay maaaring nanganganib na ang buhay ni Nitidus. Pagkakataon ko na itong makatakas. Ayokong mag-aksaya pa ng ilang segundo sa lugar na ito. Napasulyap ako sa baril na nakasukbit sa bewang ng kaniyang pantalon. Wala na akong pagpipilian pa. Akmang gagawa na sana ako ng hakbang nang bigla na lang itong magsalita dahilan para maudlot ang plano ko.   “Huwag mo nang tangkaing gawin ang binabalak mo. Nababasa ko ang nasa isip mo, bata. Kung ako sa iyo ay mananatili muna ako rito nang mga ilan pang araw. Kung nais mo talagang maging malakas, kailangan mo munang hasain ang sarili mo sa pakikipaglaban.”   Tiningnan ko ito nang makahulugan na para bang totoong nababasa nito ang nasa isip ko.   “Kailangan ko nang umalis!”   “Kapag ba umalis ka ay nakasisiguro kang maililigtas mo ang babaeng ‘yon?” Bigla akong napaisip sa tanong niyang iyon lalo na nang magpatuloy siya sa pagsasalita. “Paano kung mamatay ka sa daan pa lang patungo sa kuta ng Sugatzu? Tingin mo ba ay magagawa mo pa siyang iligtas. Hindi sapat na marunong ka lang humawak ng baril dahil hindi ka nakasisiguro sa kahaharapin mo.”   Bigla akong natigilan dahil doon. Tama siya. Paano nga kung mamatay ako nang hindi man lang umaabot sa lugar ng mga dumukot kay Nitidus? Ako lang ang maaaring magligtas sa kaniya dahil ako na lang ang natitira sa kaniya. Kung mamamatay ako, sino na lang ang magtatanggol sa kaniya?   “Tara na, may laban ka pa. Kailangan mong paulit-ulit na manalo. Kailangan mong gamitin ang utak mo, huwag puro bugso ng damdamin dahil iyan ang maaaring ikamatay mo.”   Tumayo ako nang walang pagdadalawang isip. Tama siya. Kailangan ko munang maging malakas sa pisikal na aspeto maging ang emosyonal. Hindi ako dapat magsawalang bahala sa mga maaaring mangyari sa hinaharap. Kailangan kong maging matatag, at malakas para kay Nitidus. Para sa babaeng sinisinta ko nang lubos.    *** “Boss, nandito na siya,” sabi ng tauhan ni Pecunia na kasama ko.   Kaagad namang lumapit si Pecunia sa akin at inakbayan ako.   “Galingan mo, Acutus. Sa pagkakataong ito ay hindi na magiging madali ang lahat ng laban mo.” Matapos sabihin iyon ay kaagad niya akong itinulak sa loob ng hawlang mistulang entablado para sa lahat ng naroon. Ngayon ang simula ng hindi basta-bastang laban ko. Napansin ko na tila dumami ang manunuod kumpara sa mga nagdaan kong laban. Mayroon ding mga animo’y televisionem kung saan napapanood ng mga bigating tao ang labang iyon. Ito ang laban na kailangan kong ipusta nang todo ang buhay ko. Upang mailigtas si Nitidus ay kailangan kong lakasan ang loob ko. Kailangan kong pumatay upang manalo at kahit na labag sa loob ko ay wala na akong pagpipilian pa. Matira ang matibay sa labanang ito.   “Narito na ang ating nananatiling kampyon, ang matulis, at matalim, Acutus!” Hudyat ng pagpapakilala sa akin. Sa unang pagkakataon ay ngayon lang ako naipakilala sa lahat. Nakailang laban na ba ako? Dalawa, tatlo, apat? Ngunit isa lang ang tiyak ko, kailangan kong manalo kahit na buhay pa ng katunggali ko ang kapalit nito.   Sa kabilang bahagi ng hawla ay pumasok ang isang lalakeng may kalakihan ang katawan, halos katulad lang din ng mga naunang nakalaban ko maliban sa baluting suot ng isang ito ngayon. Ang katawan nito ay nababalutan ng animoy matigas na metal na tiyak magiging matibay nitong pananggalang sa mga kaaway. Tiyak ko ring hindi bast-basta tatablan ng bala ang baluti nito dahil sa kapal no’n. Ngunit sa kabilang banda, tiyak kong mas madali ang magiging laban ko ngayon. Malamang, sa laki ng katawan nito, at bigat ng baluting suot ay tiyak kong babagal ang bawat pagkilos nito. Doon ako makalalamang sa aking katunggali.   Sa pagtunog ng campana ay kaagad na nilamon ng kadiliman ang aking buong paligid nang maramdaman ko ang mabilisang pagtama ng kamao nito sa aking mukha. Napakabilis ng mga pangyayari. Hindi ko man lang namalayan ang mabilis na paglapit nito sa akin. Ganoon lang din kabilis na bumagsak ang aking katawan sa sahig habang ako ay nananatili lang sa kawalan. Tanging katahimikan na lang ng paligid ang namayani sa akin. Wala na akong nararamdamang kahit ano. Namamanhid na rin ang aking buong katawan.   “Acutus…”   Nakita ko sa aking isip ang ganda ng ngiti niya. Tiyak kong hinihintay ako ni Nitidus. Hindi ako pupwedeng matalo. Hindi ako magpapatalo.   Mabigat man ang aking katawan ay pinilit kong tumayo nang dahan-dahan. Wala akong nakikitang kahit na ano maliban sa kadiliman. Napinsalaan yata ang aking paningin dahil sa lakas ng suntok nito. Ano ang gagawin ko sa pagkakataong ito? Paano ako mananalo?   Naramdaman ko ang mabilis na pag-ihip ng hangin sa aking kaliwa dahilan para mapalingon ako rito. Sinubukan kong igalaw ang aking kamay, at kapain ito hindi na nga ako nagkamali. Naroon ang kalaban ko nang maramdaman ng palad ko ang matigas na baluting bumabalot rito.   “Hindi man kita nakikita ngunit sisiguraduhin ko sa’yong mananalo ako.” Ngumiti ako kahit na walang kasiguraduhan kung ano ang reaksyon nito pabalik sa akin.   “Napakalaki ng kumpyansa mo sa iyong sarili, bata. Hindi ka mananalo sa akin kahit na anong gawin mo!”   Napaatras ako nang makaramdam ng mabibilis na paggalaw sa aking harapan. Kaliwa, kanan, kaliwa, at bigla itong nawala sa aking pandama. Pinakiramdaman kong maigi ang ihip ng hangin, kung gaano kabilis naglaho ang mga galaw ay ganoon din kabilis naglaho ang ihip ng hangin. Ilang segundo pa nang biglang isang tila malakas na hangin ang nag-uumapaw sa aking ulunan dahilan para mapatalon ako palayo rito at isang malakas na pagyanig sa sahig ang aking naramdaman. Wala akong ideya sa mga nangyayari ngunit hindi ako mananalo nang panay pag-iwas. Kailangan kong salubungin ang kaniyang mga susunod na pag-atake. Sa isang iglap ay isang malakas na suntok ang tumama sa aking kamao. Sa unang pagkakataon ay nasalubong ko ang kaniyang kamao ng aking kamao. Kailangan ko lang itong ipagpatuloy hanggang sa unti-unting nagkaroon ng kaunting liwanag sa aking paligid. Malabo man ay nagagawa ko na siyang maaninagan kahit na kaunti. Humakbang ako pakanan nang maramdaman ang mabilis na paglapit nito sa akin, at kasunod noon ay isang malakas na suntok ang aking pinakawalan na tumama naman sa kaniyang tagiliran. Doon ko lang rin napagtanto na walang baluti iyon dahil naramdaman ko ang lambot ng balat nito na tinamaan ng aking kamao. Kaagad itong napaatras, at dumistansya sa akin.   “Ako naman ang susugod. Humanda ka!” Pagkasabi noon ay kaagad akong tumakbo palapit sa naaaninagan kong pigura ng malaking tao at mabilis na pinaulanan ito ng suntok sa sikmura, at dibdib. Ramdam ko ang tigas ng metal na baluti nito ngunit mas matibay pa rin ang loob kong manalo sa labang ito. Nararamdaman ko na ang unti-unting pagdaloy ng dugo sa aking kamao, at namamanhid na rin ito. Iyon ang aking naging lakas upang walang maramdamang sakit at patuloy na suntukin ang kalaban hanggang sa tuluyan na itong napaluhod. Ngayon ko lang nakita nang mas malinaw ang lahat, yupi-yupi na pala ang metal na bumabalot sa kaniyang katawan. Mababanaag na rin sa kaniyang itsura ang panghihina. Doon lang ako tumigil sa pagsuntok dito.   “Mamamatay ka na!”   Tatama na sana ang huling suntok ko sa mukha nito nang biglang tumunog ang campana. Wala na palang malay ang kataban ko. Napahinto na lang ang kamao ko sa kaniyang noo, at itinulak na lang iyon. Tuluyan itong bumagsak sa sahig.   “Ang nanalo, at mananatiling kampyon, Acutus!”   Kasabay ng sigawan ng mga tao ay ang pagnanais kong lumaban. Buhay man o kamatayan para sa babaeng aking sinisinta.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD